Sa kanilang paglilibot sa ikaapat na palapag ng palasyo ay wala pa rin silang nakita. Bawat silid ay mabusisi nilang sinuri na animo'y namamasyal lamnag sila. Sa tuwing may mapapadaan naman na mga katiwala ay nagkukunwaring nagtuturo si Elysia. Habang sinasambit ang mga kunwaring plano niya sa lugar na iyon.
Alam niyang may nakikinig sa kanila ng palihim kaya kailangan niyang gumawa ng kuwento para lang hindi sila matunugan ng kanilang kalaban. NAkita naman niyang napapangiti ang mga katiwala at tila nasasabik rin sa kaniyang mga plano. Wala siyang nakikitang mali sa mga ito at wala rin siyang nararamdamang kakaiba sa mga ito.
Patapos na sila sa pag-iikot nang marinig nila ang pagbukas ng malaking tarangkahan ng palasyo. Mabilis silang dumungaw sa malaking bintana at nakita nilang pumasok ang isang magarang karwahe, kasunod naman nito ang apat na kalalakihang nakasakay sa apat na itim na kabayo. Nagkatinginan sila pareho at agaran na rin silang bumama upang silipin kung sino ang dumating.
Nang marating nila ang haparan ng palasyo ay doon nakita ni Elysia ang isang may matipunong lalaki na bumaba sa karwahe. Nakasuot ito ng itim kapa at pulang kasuotan. Maamo naman ang mukha nito ngunit ramdam ni Elysia ang kilabot sa mga titig nito.
Nang makita ni Elysia ang paglapit ng impostor na Mariella sa lalaki ay nagkaroon siya ng pagdududa sa kaniyang isipan. Nakita rin niya ang paglabas ni Vladimir sa palasyo at sinalubong niya ito.
"Siya si Duke Morvan, ang ama ni Mariella." Bulong ni Vladimir at inakay si Elysia patungo sa lalaki at kay Mariella.
"Maligayang pagdating sa palasyo Duke Morvan," bati ni Vladimir, mabilis silang nagkamay at bahagya namang yumukod si Morvan sa binata bilang paggalang dito.
"Kinagagalak ko ang muli kang makita Vladimir. Nakatutuwang ilang siglo na ang lumipas nang huli tayong magka-usap at narito tayo ulit ngayon, parang kailan lang." Wika ng lalaki at bumaling ang mga mata nito kay Elysia.
"Ito na ba ang napili mong prinsesa, napakaganda. Magandang araw prinsesa." bati ng lalaki sa kaniya at tila napipilan naman si Elysia. Saglit siyang natulala rito at nahimasmasan lamang siya nang maramdaman niya ang pagtapik ni Lira sa kaniyang likod.
"Kinagagalak ko po kayong makilala Duke Morvan, ako po si Elysia." wika niya at napangiti naman ang lalaki. Nawala ang kaninang kilabot na naramdaman niya nang marinig na niyang magsalita ito sa kaniya. Maayos at magalang itong makitungo sa kanila, at wala rin siyang nararamdamang bahid ng kasamaan dito.
Matapos ang maikling kamustahan ay tumungo naman sila sa bulwagan ng trono, tulad ng dati naiwan sa labas ng bulwagan si Mariella, pinabalik na ito ng kaniyang ama sa silid upang doon na lang maghintay sa kaniya.
Sa kanilang pagpasok sa bulwagan ng trono ay nagbago naman ang ekspresyon ng mukha ni Duke Morvan. Nawala ang aliwalas sa mukha nito at napalitan ng pag-aalala.
"Sigurado ka bang hindi iyon ang aking anak Vladimir?" tanong ni Morvan. Nagpakawala ng malalim na hininga si Vladimir bago hinarap ang lalaki.
"Hindi rin ako sigurado Duke Morvan, ngunit malakas ang kutob naming napalitan na siya. Simula nang mapansin ni Elysia ang pagbabago sa ugali ni Mariella. Pinatawag kita upang ikaw mismo ang makakita." sagot ni Vladimir at napailing naman si Morvan.
"Wala akong nararamdamang kakaiba, maging ang amoy niya walang pinagbago." Naguguluhang saad ni Morvan at napatingin kay Elysia.
"Gaano ka kasigurado na hindi siya ang anak ko?" baling na tanong nito sa dalaga. Nag-angat naman ng mukha si Elysia at buong tapang na sinalubong ang mga tingin ni Morvan sa kaniya.
Naiintindihan niya ang pagdududa nito, bilang ama ayaw niyang mapahamak ang kaniyang anak. Ngunit ang pinagtataka nila ay ang hindi nito pagramdam sa presensiya ng impostor. Ang ibig sabihin lamang ay siya lamang ang hindi apektado sa kung anong pambulag na ginagamit nito.
"Ayokong magbitaw ng mga salita ngunit ang basehan ko po ang ang mataas na tingin ni Mariella sa kaniyang sarili. Bilang isang babae, alam kung mahal niya si Vladimir at simula nang dumating siya rito sa palasyo, walang araw na hindi kami nagkakaparinigan o nagbabangayan. Hanggangf sa isang araw, nagbago siya. Hindi na siya umiimik kapag nakakasalubong ako. Sa taas ng ego ng anak niyo, sa tingin niyo po, posible bang mangyari iyon?" Tanong ni Elysia at malalim namang napaisip si Morvan.
"Unang araw pa lamang po ito, subukan niyong kausapin siya ng normal. Magbukas kayo ng topikong tanging kayo lamangt ni Mariella ang nakakaalam. Siguro naman sapat nang katibayan iyon para masabi niyo kung tunay niyo bang anak ang nasa harapan niyo o hindi." Suhestiyon ni Elysia at napatango naman si Morvan.
"Sige, gagawin ko iyan ng hindi niya napapansin. Kapag napatunayan ko na hindi ko anak ang narito, anong gagawin niyo?" Tanong ni Morvan.
"Kailangan namin siyang hulihin, pero kailangan muna naming makuha ang tunay mong anak bago tayo gumalaw., Sa ngayon, pakikitunguhan natin siya ng maayos at normal." Sagot naman ni Elysia.
Matapos ang kanilang masinsinang pag-uusap ay agad namang lumisan si Morvan sa bulwagan. Umupo naman si Elysia sa tabi ni Vladimir habang sapo-sapo ang dibdib.
"Grabe, kinabahan ako roon. Nakakatakot pala ang papa ni Mariella. Maamo ang mukha niya pero nakakatakot ang awra niya." wika ni Elysia at napasandal sa balikat ni Vladimir. Marahang sinapo naman ng binata ang kaniyang noo, tila sinusuri kung mainit ba siya o hindi.
"Mabuti naman at hindi ka na nilalagnat. Siya nga pala, magaling ang pinakita mo kanina. Alam kung natutuwa si Duke Morvan sa'yo, kung hindi lang mahalaga ang pinag-uusapan natin kanina ay siguradong pinuri ka na niya." Masayang wika naman ni Vladimir. Marahang hinawakan ni Vladimir ang magkabila niyang pisngi at mabilis na kinintalan ng halik sa labi ang dalaga na kinagulat naman ng huli.
"Gantimpala ba 'yon dahil nakagawa ako ng maganda?" Tanong ni Elysia para pagtakpan ang hiya niya sa ginawa ng binata. Nang marinig niya ang malulutong nitong tawa at natawa na rin niya. Hinampas niya pa ito sa braso, saka kunwaring nagrereklamo.
"Napakatipid mo naman sa gantimpala mo, hindi ba dapat—" bago pa man niya matapos ang kaniyang sasabihin ay muling lumapat ang mainit na labi ng binata sa kaniyang mga labi. Hindi tulad ng nauna na kintal lamang, ang pangalawang halik na iyon ay mas matagal, mas mainit at mas mapang-akit. Tila hinihigop ng mainit na sensasyon ang buong kamalayan ng dalaga, na kahit ang paghinga ay nakalimutan na niya. Nang maramdaman na man ni Vladimir na nauubusan na ng hangin si Elysia ay mabilis naman nitong tinapos ang halik.
Pulang-pula ang mukha ni Elysia, nakaawang pa ang kaniyang mga labi at habol-habol niya ang kaniyang paghinga.
"Siguro naman hindi na iyon tinipid." nakangising wika ni Vladimir at napalunok naman si Elysia. Dahil lang doon?
"Sasabihin ko dapat, sana nagpakain ka at nagugutom na ako, ganoong gantimpala ba. Iba na naman ang pagkakaintindi mo, hindi mo kasi muna ako pinapatapos." reklamo ni Elysia at natawa na lamang si Vladimir.
"Bakit, hindi mo ba nagustuhan?" mapang-akit na tanong ni Vladimir habang inilalapit ang mukha sa dalaga. Nang maamoy ni Elysia ang mabangong maoy nito ay tila muling idinuduyan ang kaniyang puso at naaakit talaga siya sa binata.
"Vlad, ano ka ba. Baka may makakita sa atin." Saway ni Elysia at napangiti naman ang binata.
"Hindi naman nila ipagsasabi ang nakita nila. Pero kung hindi ka komportable rito, sige, doon na lamang natin gawin ang mga ganitong bagay sa silid natin." Pabulong na wika ni Vladimir na lalong nagpainit ng mukha ni Elysia.
"Puro ka talaga kalokohan, tama na nga 'yan. Mamaya niyan matakot na ako sa'yo. Bakit parang napapansin ko habang papalapit na ang kaarawan ko, lalo kang nagiging malandi sa harap ko?" Tanong ni Elysia at napangisi naman si Vladimir. Muli itong umupo at nangalumbaba habang matamang tinitigan ang kabuuan ni Elysia.
"Siguro ay dahil nasasabik na ako sa araw na iyon at hindi na ako makapaghintay. Alam mo na ang ibig kung sabihin. Hindi ba't sa mundo ng mga tao ay ganoon din kayo, matapos ang araw ng kasal ay gabi naman ng ligaya ng buhay mag-asawa?" Dire-diretsong tanong ni Vladimir at nasapo na lamang ni Elysia ang noo.
Tama, lalaki nga pala si Vlad ta halos lahat ng lalaki ay ganoon. Wala na siyang nagawa kun'di ang ibahin na lamang ang usapan bago pa sila mauwi sa kung saan. Kailangan niyang alisin ang isip ni Vladimir sa usaping iyon upang hindi na ito makapag-isip pa ng kung ano-ano sa kaniya.
Kinagabihan, maagang nagpahinga si Elysia kasama si Vlad, ngunit sa kalagitnaan ng kaniyang pagkakahimbing ay muli siyang nagising. Normal lamang siyang nagising nang mga oras na iyon, hindi tulad noong nagdaang gabi na lagi siyang nagigising sa kaniyang masasamang panaginip.
"Prinsesa, nakita ko ang alalay ni Mariella na umiiyak na nagtatago sa kusina." bulong ni Lira sa kaniya.
"Sigurado ka?" tanong ni Elysia at tumango naman si Lira. Mabilis na bumaba ng higaan si Elysia at lumilipad na sumunod naman sa kaniya si Lira. Maliwanag ang mga pasilyo gawa ng mga sulong nakasabit sa bawat gilid ng pader. Binaybay nila ang mahabang pasilyo patungo sa kusina. Nang malapit na sila ay doon naulinigan ni Elysia ang mahihinang paghikbi ng isang babae.