webnovel

Chapter 48

Hindi maipaliwanag ni Elysia ang nararamdaman dahil sa narinig kay Vladimir.

Ang propesiya? Kaya ba walang pag-aalinlangan siyang kinuha ni Alaistair noon kahit alam nilang hindi siya ang tunay na alay.

"Paumanhin kung ngayon ko lang pinagtapat sa'yo ang lahat. Naghahanap ako ng tamang panahon, at ngayon nga iyon. Alam kong maiintindihan mo na ang mga ito, dahil alam mo na ang hinaharap na tatahakin mo. Napakabuti mo, at karapatdapat kang maging reyna ng Nordovia." saad ni Vladimir.

"Naiintindihan ko Vlad. Salamat at naging tapat ka, salamat dahil sa tiwala at salamat dahil inihanda mo ako sa mga panganib na maaari kong danasin." ani Elysia. Batid ng dalaga na para sa kabutihan niya ang lahat ng iyon. Hindi man siya maging pinakamagaling, sapat pa rin ito upang maipreserba niya ang buhay niya sa oras ng panganib.

Lumipas ang mga araw at ang tahimik na buhay ni Elysia ay nahaluan ng kaunting kaguluhan sa pagdating ng isang babae. Si Mariella.

Ayon pa kay Loreen, si Mariella ay isa rin bampira, buhat pa sa malalaking pamilya na naging pundasyon ng Nordovia bago pa man naging hari si Vladimir doon. 

"Mag-iingat ka sa kaniya, matagal nang may gusto ang Mariella na 'yan kay haring Vlad. Isa rin siya sa nagpahirap noon kay Prinsesa Theresa. Makapangyarihan ang pamilya ni Mariella dahil ang kaniyang ama ay isa sa naging pundasyon ng Nordovia bago pa man maluklok sa trono si Haring Vlad." Pabulong na wika ni Loreen at napataas naman ng kilay si Elysia.

"Talaga? Mukha ngang palaban ang babaeng 'yan. Pero Loreen, hindi naman ako katulad ni Theresa na tatahimik lang at tatanggap ng pang-aapi. Buong buhay ko, inaapi na ako at tama na 'yon. Mag-usap na lang sila ng dulo ng palaso ko kapag kinanti niya ako o kahit ang mga bata." Matapang na saad ni Elysia at napangiti naman si Loreen.

"Tama 'yan. At isa pa, kahit anong mangyari, sa'yo pa rin naman kakampi ang hari." Wika ni Loreen at masayang napatango si Elysia.

Tanghali na nang mapagpasiyahan ni Elysia na tunguin ang bulwagan ng trono ni Vladimir. Abala ito sa pagbabasa ng mga ulat mula sa mga bayan. Nakapangalumbaba pa ito at halatang seryoso sa binabasa.

"Vlad, magpahinga ka muna. Ito, dinalhan kita ng dugo, galing pa ito sa aming bayan at sariwa ito." 

Akmang magsasalita pa sana si Elysia nang marinig niya ang malamyos na boses ni Mariella, bitbit ang pitsel na naglalaman umano ng sariwang dugo. Napamaang naman si Elysia at napahalukipkip nang mag-angat ng mukha. Nakita niyang nangunot ang noo ni Vladimir nang may maamoy ito sa dala ng dalaga.

"Mabango, hindi ba. Alam kong matagal na panahon ka nang hindi nakakatikim ng dugo ng tao. Kaya naisip namin ni ama na dalhan ka." malambing nitong sabi bago umupo sa tabi ng binata. Mabilis namang iwinaksi ni Vladimir ang kamay sa hangin, dahilan para mapalayo si Mariella dito. Nanlalaki ang mga mata ng dalag na napatingin sa binata. Lumigwak ang laman ng pitsel sa suot na puting damit ng babae at agad na naging pula ito.

"Mariella, binabalaan kita sa pangatlong pagkakataon. Walang sino man ang maaaring maupo sa upuang ito maliban sa magiging reyna ko. At ilayo mo sa akin ang malansang dugo na iyan." galit na bulyaw ni Vladimir at tila napapitlag pa ito nang maramdaman ang presensya ni Elysia na nakatayo sa pintuan ng bulwagan.

"Elysia, kanina ka pa ba riyan? Halika dito." tawag ng binata ay napangiti si Elysia bago dahan-dahang lumapit sa binata. Prente siyang umupo sa tabi nito habang hindi inaaalis ang mata sa nangangalit na babae sa harapan nila.

"Hindi ko alam na kumuha ka ng tagasilbi rito sa loob ng bulwagan. Mukhang maganda siya, pero kinulang yata sa utak." Wika ni Elysia at nakita niyang nanlisik ang mga mata ng babae kaya nginitian niya ito ng matamis. Hindi niya pinansin ang matatalim na titig nito at itinuon na lamang ang pansin sa ginagawa ng binata.

Padabog naman nilisan ni Mariella ang bulwagan at doon lang nakahinga nang maluwag si Elysia. Ano ang dahilan bakit narito ang babaeng 'yon? Sabi sa akin ni Loreen, pinahirapan niya noon si Theresa. Hindi ka ba natatakot na baka pahirapan niya rin ako?" tanong ni Elysia sa binata.

"Hindi." Mabilis na tugon ni Vladimir. Bahagyang nilingon ni Vladimir si Elysia at pinitik ang noo ng dalaga. "Alam kong hindi ka magpapatalo kaya bakit ako mag-aalala. Basta tandaan mo, malaya kang gawin ang nararapat, dahil ikaw ang nag-iisang reyna ng palasyong ito. Wala pa man ang koronasyon, nasa iyo na ang lahat ng karapatan, at alam ito ng mga nakapalibot sa'yo." sagot ni Vladimir.

"At ang babaeng iyon?"

"Sila ang nagdesisyong ipadala rito si Mariella sa pagbabaka-sakaling magbago ang isip ko. Tulad noon klay Theresa, hindi na magbabago ang isip ko at isa pa, hawak mo na ang marka ko." kibit-balikat na sagot ni Vladimir habang masuyong hinaplos ang markang naiwan nito sa palapulsuhan niya. Marka iyon ng kagat ng binata na naiwan pa sa kaniyang balat.

"Kung gano'n hindi mo alam na pupunta siya rito?"

"Hindi, naabisuhan na lamang ako noong parating na sila. Malaking bayan ang pinamumunuan ng pamilya ni Mariella dito sa Nordovia at isa ang ama niya sa naging pundasyon ng kaharian, bilang respeto sa kaniyang ama, hinayaan ko siyang manatili. Ngunit may limitasyon iyon, dahil sa oras na labagin niya ang isa sa aking mga patakaran dito sa palasyo, hindi ako mangingiming ipatapon siya pabalik sa kaniyang ama." Sagot ni Vladimir.

Natuwa naman si Elysia sa sinabi ng binata at walang pagdadalawang-isip niya itong ginawaran ng halik sa pisngi.

"Siya nga pala Vlad, nagpunta ako rito kasi magpipicnic kami ng mga bata doon sa garden. Nais mo bang sumabay? Nagpalagay na ako ng silong doon para hindi kaasyadomg mainitan." Alok ni Elysia at napangiti naman si Vladimir. Mabilis nitong inayos ang mga papel sa ibabaw ng kaniyang mesa at inakay na ang dalaga palabas ng palasyo.

"Hindi talaga nakakatuwa ang babaeng iyon. Pakiramdam ko may masamang balak siya kay Papa Vlad. Aagawin niya si Papa Vlad kay Mama Elysia. Hindi dapat tayo papayag, kasi kapag nangyari 'yon masisira ang pamilya natin." Wika ni Grego.

Ito ang sitwasyong naabutan nila ni Vlad pagdating nila sa hardin na makaharap sa malawak na lawa. Nakakalat pa sa lupa ang mga bulaklak na kanina ay inaayos nila bago siya umalis.

Naningkit naman ang mga mata ni Elysia at napatingin kay Vlad na nakakunot na ang noo.

"Huwag kang mag-alala, hangga't wala siyang sinasaktan ni isa sa mga bata, mapapalampas ko pa ito." Alo niya sa binata habang marahang hinahaplos ang braso nito. Alam na niya kasi ang tumatakbo sa isip ng binata at ayaw niyang magkagulo dahil sa simpleng rason lamang.

"Sigurado ka?"

"Oo naman, maliit na bagay lamang iyan at kaya namang ayusin." Sagot ni Elysia. Lumapit ito sa mga bata at tinulungan ang mga ito na ayusin ang mga bulaklak sa basket.

"Mga bata, hayaan niyo lang siya. Hangga't wala siyang sinasaktan sa inyo, hindi tayo papatol, naiintindihan niyo ba?" Wika ni Elysia at nagkatinginan naman ang mga bata bago tila naguguluhang bumaling sa kaniya.

"Bakit po Mama Elysia?"

Yumukod si Elysia sa harap ni Grego at hinaplos ang buhok nito.b

"Maliit na bagay lamang ang ginawa niya, huwag na nating palakihin. Tulad ng sinabi ko, hangga't wala siyang sinasaktan ni isa sa inyo, hindi tayo papatol. Pero kapag may ginawa siyang masama na nakakasakit na sa inyo, malaya kayong ipagtanggol ang isa't-isa. Nasa likod niyo lang kami ng Papa Vlad niyo. Ayos ba 'yon mga bata?" Nakangiting wika Elysia.

"Opo." Sagot naman ni Grego at bahagyang ginulo ni Elysia ang buhok ng bata.

Dahil kasama na nila si Vlad sa labas ay hindi na sila ginulo pa ni Mariella, naging matiwasay ang kanilang salo-salo sa labas, habang pinapanood naman nilang lumangoy ang mga sirena sa lawa.

Kumakaway si Vivian sa kanila habang nakikipaglaro ito sa mga kapatid nitong sirena. May mga pagkakataong sumasampa ang mga ito sa pangpang upang makipaglaro naman sa mga batang kasama nila. Habang sina Vlad at Elysia naman ay nakaupo sa damuhan at nakamasid lamang sa kanila.

Doon na rin sila kumain ng meryenda at halos hapon na nang manawa ang mga bata sa paglalaro. Walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan habang nakikipaglaro sa sirena. Nang mapabaling naman si Elysia sa kanan ay nakita niya si Kael na tahimik lang din na nakamasid sa kanila.

Naunang pumasok si Vladimir kasama ang mga bata loob ng palasyo. Nagpaiwan naman sa labas si Elysia at nilapitan si Kael.

"Kamusta ang pinapagawa ko sa'yo?" Tanong ni Elysia kay Kael. Sumulpot naman sa balikat nito si Lira na halatang kagigising lamang.

"Nagawa ko ng maayos, salamat dito sa tulong ni Lira. Siya mga pala prinsesa, sino ang bagong babaeng nakikita kong umaaligid dito? Napansin kong matalim ang bawat titig na tinatapon niya sa gawi niyo." Tanong ni Kael.

"Anak siya ng isang pinuno ng isang bayan dito sa Nordovia. Isa rin siyang bampira. Mas makabubuti kung ipagsawalang-bahala mo na ang mga nakikita mo sa kaniya. Hangga't wala siyang sinasaktan, hindi ka gagalaw."

"Pero kapag may kinanti siya, malaya lo bang gawin ang gusto ko?" Tanong ni Kael na tila nanggigigil pa.

"Oo, malaya ka. Kapag may sinaktan siya kahit isa sa mga anak ko. Malaya kang saktan siya sa paraan kung paano niya sinaktan ang mga ito. Huwag kang sosobra. Kami na ang bahala doon." Sagot naman ni Elysia at nakakaunawang napatango si Kael. Mabilis na nitong nilisan ang lugar at naiwan naman si Lira kay Elysia.