Napatingin ang kawal sa katawan at sa espasyo sa kanyang tapat. Sigurado siyang may nabanggaan siya kanina at rinig na rinig niya ang sigaw ng isang babae.
"Teka, ba't may narinig akong boses babae?" Tanong ng kawal at hinanap kung may ibang tao pa ba bukod sa kanya.
"May nabanggaan akong matigas na bagay kanina pero wala naman akong nakitang ibang tao bukod sa akin." Nagtataka niyang inilibot ang paningin sa paligid.
"Anong tinatanga-tanga mo diyan?" Tanong ng bagong dating na kasama makitang nakatulala ang unang dumating na kawal.
Napangiwi si Casmin na napasandal ngayon sa pader.
"Nabanggaan niya ako. Yung sakit parang totoo. Nalaglag na naman yata ako sa kama ko. Sa susunod talaga maglalagay na ako ng malambot na bagay sa ibaba ng kama o ba kaya sa sahig na ako matutulog para di na ako masasaktan ng ganito." Sambit niya at napapangiwi sa sakit ng tumayo.
"Buksan niyo ang pinto." Utos ng pinuno ng mga kawal at sinira nila ang pintuan kung saan nakakulong ang batang lalake.
"Casmin!"
"Uhmm? May tumatawag yata sa akin."
"Huy, gumising ka diyan." Rinig niyang boses ni Belle na kanina pa siya ginigising.
Naidilat niya ang mga mata at nakita ang mukha ng kanyang kaibigan.
"Casmin!"
"Ah?" Tulalang sambit niya makita si Belle.
Inilibot niya ang paningin sa paligid. Nakita niya ang nakabukas na batong pintuan at ang umuusok na hot spring. Mayroong maliit na mesang gawa sa bato sa gilid ng hot spring. Malinis na malinis pa rin ito kahit halatang may kalumaan na.
"Bakit tayo nandito?" Nagtataka niyang tanong.
"Aba malay ko sa'yo?" Nakangusong sambit ni Belle sabay hikab.
"Sinundan kita kanina kasi parang wala ka sa sarili na naglalakad. Pumasok ka sa banyo at may tinulak kang pader na isa palang pintuan tapos naglakad ng ilang hakbang hanggang sa napadpad tayo dito. Medyo di ko na alam kung ano pa ang nangyari basta ang alam ko lang napadpad na tayo dito. Kasi pipikit-pikit pa ako kanina e kaya medyo lutang pa rin ako." Sagot ni Belle ngunit naagaw ng pansin niya ang umuusok na tubig sa isang pool na tila ba paliguan.
"Hot spring ba iyan?"
May mga naglalakihang bato sa paligid at mula sa pagitan ng mga bato may mga lumalabas na umusok na tubig. May hagdan din pababa sa pool at katulad sa silid ni Casmin, may bath tub din sa gilid ng pool na ito.
"Ito kaya 'yong hot spring na sinasabi ni Mama?" Sambit ni Casmin.
Sampung beses ang laki ng pool na nandito kumpara sa hot spring sa itaas. Mas malalim rin ang tubig dito at mas magandang languyan dahil malawak. May iilang naglalakihang mga bato nga lang ang nakalitaw ang dulo mula sa malalim na tubig. Kaya hindi rin gaanong ligtas maligo sa hot spring na ito.
Naglakad siya palapit sa gilid ng hot spring at bahagyang lumuhod. Ibinaba ang kamay sa tubig para malaman ang init ng tubig ngunit bigla siyang hinila ni Belle palayo.
"Wag kang lumapit sa pool baka kung ano pa ang meron diyan." Sabi ni Belle habang nakatago sa likuran ng kaibigan at isinisilip ang mukha sa tubig.
"Tingnan mo. Napakalinis at linaw ng tubig." Sabi ni Casmin habang tinitingnan ang tubig.
"Nakakapagtataka sa lugar na ito. Di ba madilim dahil gabi? At wala namang ilaw sa paligid pero bakit parang kasing liwanag ng umaga ang lugar na ito?" Tanong ni Belle na yumuko na rin para tingnan ang malinaw na tubig.
"Parang sa kwarto ko lang." Sagot ni Casmin.
"Lumabas na tayo rito. Baka kung ano pa ang meron dito e." Hinila na palabas si Casmin.
"Paano natin maisasara 'to? Isara mo. Nabuksan mo ito kanina kaya maisasara mo rin siguro?" Patanong na sabi ni Belle sabay turo sa pintuang bato.
Naguguluhan namang napatingin si Casmin sa pintuang bato. Hindi lubos maisip kung paano niya ito naitulak kanina.
"Kahit sa panaginip ko, wala naman akong binuksan na pintuan. Tumagos pa nga ako e." Sambit niya.
Sa isang lugar naman...
"Di kaya may multo? Narinig ko talagang may sumigaw kanina matapos kong bumangga sa isang bagay." Giit ng kawal na nakabangga kay Casmin kanina.
"Di kaya totoong may lahing Emerian ang prinsipe?" Bulong ng kasamang kawal.
Emerian ay ang mga taong may mga mahika o kapangyarihan sa mundong ito. Bihira lamang ang mga nagtataglay ng mahika sa lugar na ito.
"Sabi nila, mula daw sa Emeria ang reyna kaya nga pinagkakamalan siyang espiya. Baka totoong isa siyang Emerian." Bulong naman ng isa pang kawal.
"Narinig niyo ba'ng sabi ng mga assassin na lumitaw sa hangin ang mga bagay sa loob ng silid ng Reyna? Di kaya tinulungan sila ng multo?"
Napalunok sila ng mga laway at magmula noon wala ng gaanong tumatambay sa tahanan ng reyna at sa anak nitong prinsipe.
Yakap naman ngayon ng reyna ang kanyang anak habang lumuluha.
"Anak, salamat at ligtas ka." Tumingala ito sa langit. "Kung sino ka mang tumulong sa amin at kung saan ka man galing, maraming salamat sa tulong mo. Sana naman patuloy mong gagabayan ang anak ko. Pakiusap." Sambit nito na halos maluha na sa tuwa malamang ligtas ang kanyang anak.
"Kung sino ka mang tumulong sa amin at kung saan ka man galing, maraming salamat sa tulong mo. Sana naman patuloy mong gagabayan ang anak ko. Pakiusap."
"Maraming maraming salamat."
Napatigil naman sa pag-akyat sa hagdan si Casmin na tila ba nakarinig ng pasasalamat. Paakyat na sila ngayon papuntang attic.
"O bakit?" Tanong ni Belle na nakasunod sa kanya.
"May naririnig na naman akong boses e." Sambit niya at muling pinakinggan ang paligid ngunit bukod sa mga yabag nila, wala na siyang ibang naririnig pa.
"Wag mo nga akong tinatakot. Nanayo na ang mga balahibo ko dahil sayo." Napahalukipkip si Belle sabay dikit sa mga braso kay Casmin.
Napatingin naman sa langit ang batang lalake. Naaalala nito ang mga kamay na tumapik sa ulo niya. Naisip niyang bukod sa kanyang ina, wala ng iba pang gumawa nito sa kanya. At kung hindi dahil sa nilalang na iyon posibleng hindi siya matatagpuan ng mga kawal at ilang araw na namang makukulong sa silid na iyon.
Hindi niya kayang buksan ang mabigat na pinto at di rin niya maaabot ang doorknob. Isa pa, naka-lock ito mula sa labas.
"Ina, siguro tinulungan tayo ng anghel sa langit. Nagdasal kasi ako sa Bathala kanina na sana magpadala siya ng Gibeon at tulungan akong mabuksan ang pintuan. Mukhang narinig niya ang aking dasal ina." Masiglang sambit niya.
Ngumiti naman ang ina at niyakap muli ang anak.
May paniniwala ang mga tao sa mundong ito na kapag taos puso silang hihingi ng tulong mula sa Bathala, darating ang ipapadalang tagapagligtas ng Bathala at ito ay ang tinatawag nilang Gibeon. Ang mga Gibeon ay maituturing nilang mga guardian angel at lilitaw lamang kapag may nanghihingi ng tulong na may mabuting kalooban.
Ngunit ilang dekada na ang nakalipas, wala ng naniniwalang may Gibeon sa mundong ito. Maliban sa munting batang ito.
Hindi naniniwala sa Gibeon ang reyna ngunit nagtataka siya kung bakit lumipad sa ere ang mga baso at plorera sa silid niya. Hindi lang 'yon, tinulungan siya ng di nakikitang nilalang. Iniisip niyang isa itong Emerian na may kakayahang maglaho ang tumulong sa kanya at hindi isang Gibeon na sa legend at myth lang niya naririnig at nababasa.
Nagpapasalamat siya sa kung sino man iyon, dahil nakaligtas siya at ang kanyang anak sa panganib.
"Ina, pumunta tayo sa templo at magpasalamat sa Bathala sa pagpapadala niya sa atin ng Gibeon." Masiglang sabi ng batang prinsipe na sinang-ayunan naman ng ina.
***