Natapos na rin ang season 1 ng you're my miracle. At nag-release na ng ilang chapter ang author sa third season habang ini-edit pa ang ilang mga chapter sa season 2. Sa bawat chapter hindi mawala-wala ang komento ng the great reader, follower at commentor na si Caramel. Syempre half-basher na rin.
Pinuno na naman niya ng mga comments ang huling nabasa niyang chapter.
Caramel: Hindi miracle ang kwentong ito. Tragic ito. Tragic. Walang miracle dito. Bakit you're my miracle ang title nito? Dapat you're my death o ba kaya You are the death of Me. Pwede ring The Lady with a death flag.
Isa ito sa mga komento niya na umani ng libo-libong reply at milyong react. Isa din siya sa naging dahilan kung bakit mas sumikat ang you're my miracle.
Dahil natapos na ang kwento, binalikan niya ang season 1 at binasang muli. Muli na namang bumalik ang kanyang lungkot nang mabasa ang pagkamatay ng prinsipeng extra sa nasabing kwento. Inaakala kasi niya na magiging isa ito sa mga love interest ng heroine na magtatagal sa kwento ngunit bago pa man makapagtapat, namatay na ito.
"Nakakainis ka talaga author. Bakit pinapatay mo ang baby ko na di man lang binigyan ng pangalan? Gano'n ka ba katamad gumawa ng pangalan ha?" Naiiyak niyang sambit. Ang nakalagay na pangalan ng extra ay inabandonang prinsipe at Heneral ng Hilaga. Mukhang tinamad ang author na maghanap ng magandang pangalan dahil extra lang ito.
Kahit ilang ulit ng nabasa ni Casmin ang bahaging ito, hindi pa rin niya mapigilang mapaluha hanggang sa tuluyan siyang makatulog na hawak pa rin ang kanyang cellphone.
Napakunot ang kanyang noo makitang napunta siya sa ibang lugar.
"Teka, anong ginagawa ko dito?" Sambit niya at tiningnan ang buong paligid. Isang lumang pader ang nakita niya na nababalot ng mga naglalakihang bagin na may mga tinik.
"Parang nakita ko na ang lugar na ito a." Hinawakan niya ang lumang pader nang bigla na lamang lumiwanag ang buong paligid. Saka narinig niya ang pagtunog ng ringtone ng kanyang cellphone.
Naidilat niya ang mga mata at muli ring naipikit dahil sa liwanag mula sa kanyang cellphone. Dahan-dahan niyang idinilat muli ang mga mata para mabasa ang mensaheng ipinasa sa kanya.
Seior sent you a private message. Seior ay ang username ng Author ng you're my miracle. Seior ang lalabas na sender kapag nagpa-private message ang author.
"Sino bang nangdidisturbo ng tulog ko–Seior!" Bigla siyang napaupo at nanlaki ang mga mata makita ang pangalan ng sender.
Seior: Kapag bibigyan kita ng pagkakataon na baguhin ang takbo ng aking nobela, papayag ka ba?
Halos mapatayo siya sa nabasa.
"Ano raw? Bibigyan ng pagkakataon na baguhin ang kwento niya? Sinusubukan ba niya ako dahil palage kong kinokontra ang takbo ng kwento niya? O isa itong panghahamon sa akin kasi reklamo ako ng reklamo?"
May kasamang larawan sa message nito.
Seior: Iisang paraan lang para mabago ang takbo ng kwento. Kung maaari, pwede ba tayong magkita?
"Magkita? Kasama ang idol as well as hate kong author?" Halos pasigaw na niyang sambit matapos mabasa ang mensahe ng author.
Idol niya ang author na ito dahil magaling itong magsulat at tila ba napupunta talaga ang mga readers sa mundong ginawa nito. Ngunit naiinis rin siya dito dahil halos mga may tragic ending ang mga kwentong isinusulat ni Seior. Tapos palage pang bitin ang update. Naisip tuloy niyang may pinagdadaanan ang author dahil kundi namamatay ang bida sa kwento, wala din namang happy ending.
"Magkikita? Magkita daw kami? Kyaaah." Sumisipa-sipa pa siya sa tuwa na ikinahulog ng kumot niya sa sahig.
"Inimbita ako ng Author. Mamamatay na yata ako. Hinga Casmin. Hinga." Ilang ulit na huminga ng malalim at pinakalma ang sarili.
Halos hindi siya makatulog sa kakaisip na magkikita sila sa author. Nakalimutan tuloy niyang mag-reply hanggang sa makatulog na rin.
After awhile...
"Hindi worth it ang mga taong ito para isakripisyo ni Sayuri ang buhay niya. Sarili lang nila ang iniisip nila." Ibinagsak pa niya ang palad sa mesa.
"Ito namang Emperador na ito, isinakripisyo ang anak niya para sa kaligtasan ng kanyang Emperyo. Wala bang karapatan ang mga naisakripisyo na mabuhay para lang sa ikakabuti ng marami?"
Ang bunsong prinsesa ang unang sakripisyo at si Sayuri ang huling ginawang alay para sa kapayapaan ng buong Emperyo. Ang babaeng inosente at may mabuting puso ang magbabayad sa mga kasamaan ng mga taong walang ibang ginawa kundi ang guluhin ang mundo. At kung may mga sakuna na mangyayari at ipaparamdam sa kanila ang galit ng Diyos, ang mga mabubuti ang magsasakripisyo alang-alang sa kaligtasan ng lahat pati ng mga hindi karapat-dapat iligtas.
"Kapag pinapili ka. Ang kaligtasan ba ng 99 percent kung saan nabibilang ang mga mabubuti, inosente at masasama o ng 1 percent kung saan nabibilang ang mga mahal mo sa buhay?" Tanong ng Author na may malabong mukha.
"Kung ikaw ang Emperador, ano ang pipiliin mo? Ang ikabubuti ng nakararami o ang ikabubuti ng mga taong mahahalaga sa'yo?" Muli nitong tanong.
"Kapag Emperador ako, kailangan kong protektahan ang nasasakupan ko ngunit kailangan ko rin namang protektahan ang pamilya ko. Paano ko masasabing kaya kong protektahan ang aking nasasakupan kung pamilya ko palang ay di ko na kayang protektahan?" Confident na sagot ni Casmin.
"Mahalaga ang Emperyo ngunit mas mahalaga ng pamilya ko. Anong saysay ng trono at kapangyarihang hawak ko kung hindi ko naman kayang protektahan ang mga taong minahal ko?" Galit na galit siya sa Emperador na nagtakwil kay Sayuri at ipinadala sa malayong lugar para maging alay.
"Saka Author, kahit ayaw mo sa Heneral ng Hilaga, di mo na dapat siya pinapapatay. Total kwento lang naman yan e. Pwede mo naman siyang buhayin di ba?" Sabay turo sa linya na nagdi-describe sa duguang katawan ng dakilang mandirigma at isa sa mga supporting characters ng kwento.
"Kung bibigyan kita ng pagkakataon na baguhin ang eksenang ito, ano ang gagawin mo?" Tanong bigla ng Author.
"Gagawin kong bida ang lahat ng mga paborito kong mga tauhan sa kwento. Tapos makakatagpo rin sila ng kanilang mga happy ever after partner. Hindi na rin kailangang mamatay ni Sayuri. Lahat sila may mga side story kung saan may mga happy ending."
Isang ngiti ang sumilay sa labi ng author.
"Kung ganoon, aasahan kita." Sabi nito na tila tinatangay ng hangin ang boses.
"Leave it to me-aray, aray."
Napabalikwas siya at napahawak sa tainga na hinila ng mataray niyang Ate.
"Anong levit to me levet to me ka diyan ha? Tanghali na huy." Sigaw ng Ate niya.
"Ang lakas ng boses nito. Parang naka-megaphone." Reklamo niya at bumangon na.
"Wala namang pasok, bakit mo ba ako ginising?"
"Wala lang. Maaga kasi akong ginising ni Mama para magluto ng agahan kaya naman ginising din kita para fair."
Umasim naman ang mukha ni Casmin dahil doon. Akala pa naman niya dahil may pupuntahan sila. Nanghihinayang tuloy siya sa kanyang panaginip.
Sa sobrang excited niya kagabi, napanaginipan pa niyang nakausap na niya ang author at sinabi rito ang mga bagay na hindi niya nagustuhan sa kwento. Inaakala pa naman niya na totoo na ngunit panaginip lang pala. Kaya naman pala malabo ang mukha ng author dahil panaginip lamang niya ang lahat.
"Sayang, kala ko totoo na." Dismayado niyang sambit.
Iniligpit na niya ang kanyang higaan bago bumaba.
***