webnovel

Addicted (BoyxBoy)

DISCLAIMER: MATURE CONTENT R-18 This story may contain content of an adult nature. Reader discretion is advised. - Meet Ace Ezekiel Montemayor, a man with a painful past. And this is his story.

heyitskristoff · LGBT+
Peringkat tidak cukup
31 Chs

Act 25

ACE

Iminulat ko ang aking mga mata. Nasa isang puting silid ako. Inilibot ko ang aking tingin sa paligid.

May mga aparato sa paligid. May nakakabit na swero sa kaliwang kamay ko. Nasa ospital ba ako?

Yumagayway ang asul na kurtina kasabay ng pagpasok ng malamig na hangin at ng liwanag mula sa papasikat na araw.

Ano ba ang nangyari? Bakit ako nandito?

Bigla ay nakaramdam ako ng kirot sa ulo ko.

"Baby..." narinig ko ang boses ng isang lalaki sa isipan ko.

Sunud-sunod na nag-flash sa isipan ko ang maraming eksena at mukha ng maraming tao. Ang basketball court. Ang mga kakalakihang nagtatawanan sa harapan ko. Ang isang lalaking nakatitig sa akin.

Nginitian niya ako. "I love you," mahinang sabi niya.

Sumunod ay nasa hapagkainan ako. Kasama ang ibang mga tao. Pero nandoon siya ulit. Ang lalaking iyon. Gwapong-gwapo siya sa suot niyang polo. Masuyo niyang hinawakan ang kamay ko at pinisil-pisil iyon.

"Magugustuhan ka nila, baby. Trust me," bulong niya.

Maya-maya ay biglang nakahandusay na siya sa sahig. Duguan ang ulo niya. Ako naman ay nakatindig lang. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak-hawak ang isang upuan.

Sinaktan ko ba siya?

"Ahhh!" malakas na paghiyaw ko sa biglang pagtindi ng sakit ng ulo ko.

Humahangos na pumasok naman ang isang babae. Naka-scrubs siya. Isang nurse.

"Anong problema, sir?" tanong niya. Mabilis niyang tsinek ang mga aparato sa paligid ko.

"Ang sakit... Ang sakit ng ulo ko..." daing ko.

May itinurok siyang kung ano sa swero ko. Maya-maya ay kumakalma ang pakiramdam ko. Hindi na rin sumakit ang ulo ko. Unti-unting lumabo ang paningin ko hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay.

Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Paggising ko ay iba na ang kulay ng paligid. Mapula-pula na. Tanda ng papalubog na ang araw.

Inilibot kong muli ang tingin sa paligid hanggang sa mamataan ko ang isang lalaki sa tabi ng kama ko. Natutulog siya. Ginawang unan ang sariling mga braso.

Gumalaw ako para tingnan ang mukha niya. Pero naalimpungatan siya.

Idinilat niya ang mga mata.

"Ace... mabuti naman gising ka na," masuyong sabi niya. Halata ang pagod sa tono ng boses niya.

Pero sino si Ace? Ako ba?

Tinitigan ko siya. Sinusuri ko ang detalye ng kanyang mukha. Hindi pamilyar sa akin ang mapupungay na mga mata niya. Ang kanyang manipis na labi. Ang kanyang matangos na ilong. Ang kanyang itim na itim na mga mata at mahahabang pilik-mata.

"Sino ka?" hindi ko napigilang itanong.

Natigilan siya. For a second, napansin ko na nasaktan siya pero pinilit niyang i-compose ang sarili niya.

"Benjamin Crawford," diretsang sagot niya. "Pinsan mo."

Inihilig ko ang ulo ko. Titig na titig pa rin ako sa gwapo niyang mukha. "B-Benjamin?" Inilapit ko ang isang kamay sa mukha niya at hinaplos ang pisngi niya.

"O-Oo. Benjamin," sabi niya. Hinawakan niya ang kamay ko. Napansin ko ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata.

"Bakit ka naiyak?"

"S-Sorry," naalarmang sabi niya at pinunasan ang sariling luha.

"Bakit ako nandito?"

"M-Mahabang kwento, Ace. Pero nandito ka kasi kailangan mo magpagaling," sagot niya. "T-Tawagin ko lang ang doktor."

Hindi ako nagsalita. Pinanood ko lamang siyang tumayo at lumabas ng silid. Matiyaga akong naghintay. Inaliw ko ang sarili ko sa tanawin sa labas.

Maya-maya ay bumalik na rin si Benjamin kasama ang dalawang lalaking doktor. Naningkit ang mga mata ko sa isa sa kanila. Parang pamilyar siya sa akin.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" ang tanong ng pamilya na doktor.

Panandaliang nagbago ang paligid. Wala na ako sa loob ng hospital room. Hindi na ako nakahiga sa kama. Wala na ang mga aparato sa paligid.

Nakaupo na ako sa isang malambot na sofa. Kaharap ang doktor na iyon. Hindi siya nakasuot ng puting coat niya. Simpleng polo lamang ang suot niya na hapit na hapit sa kanyang mamasel na pangangatawan. Isang brown na maong pants at itim na leather shoes.

Nakaupo siya sa tapat ko. Hawak ang isang notebook at ballpen.

"Mr. Montemayor?" tanong ng isang doktor. Nanumbalik ako sa ospital.

Anong nangyari? Ano iyong nakita ko?

"He's in a daze," sabi ng pamilyar na doktor.

Sinuri ng isang doktor ang mga mata ko. Ang tenga ko at ang bibig ko.

"Ano po bang nangyari sa akin, doc? At bakit ang pinsan ko..." tanong ko. Tumingin ako kay Benjamin. "Bakit siya ang kasama ko? Nasaan ang mga magulang ko?"

Natahimik sila. Napansin ko ang matinding pinagbago ng expression ni Benjamin. Parang may galit. May sakit.

"Sabihin mo sa akin kung ano ang naaalala mo ng gabing iyon, Mr. Montemayor," ang sabi ng isang doktor.

Gabi? Anong gabi?

Ano bang nangyayari? Bakit wala akong alam? Bakit wala akong maalala? Sino ba ako? Sino itong mga ito? Bakit ako nandito?

Napahiyaw ulit ako sa muling pagsakit ng ulo ko.

"Baby..." narinig kong muli ang boses ng isang lalaki sa isipan ko.

Bumalik sa alaala ko ang kanyang gwapong mukha. Ang matamis niyang mga ngiti.

Sino ka ba? Bakit ka nasa isipan ko? Bakit mo ako tinatawag na baby?

"CLARK JOHNSON SMITH!" sigaw ko.

Nasa ibang lugar na naman ako. Sa isang kwarto. Nakasimangot ako sa lalaking iyon na nakahiga pa sa kama. Hawak-hawak ko ang isang puting polo.

"Opo. Kikilos na," ang sabi niya. Mabilis siyang tumakbo papasok sa isang pinto na sa wari ko ay ang paliguan.

Maya-maya ay nagdilim ang buong paligid. Inilibot ko ang tingin ko pero wala akong makita. Sunod ay nagpatay-sindi ang isang ilaw na tila ba ay spotlight. Sa bawat pagbukas niyon ay may lumalabas na lalaki sa harapan ko. Lahat sila ay may hawak na rosas.

"Anong pakulo ito, Ben? tanong ko sa lalaking nasa harapan ko. Siya rin si Benjamin, ang nagpakilalang pinsan ko.

"I will always be here for you. Alam mo naman iyon, hindi ba?" pabulong na sabi sa akin ni Ben.

Namatay muli ang ilaw.

"I want to grow old with you," ang sabi ng pamilyar na boses.

Bumukas lahat ng ilaw at tumambad sa akin ang lalaking iyon. Nakaluhod siya sa harapan ko. Nakasuot ng itim na tuxedo. May hawak na pulang kahon. At may singsing.

Nagpo-propose siya sa akin?

"I want you to marry me," sabi niya. Titig na titig kami sa isa't isa. Nangungusap ang mga mata. Kitang-kita ko sa mga mata niya at sa mga ngiti niya ang labis na pagmamahal.

"Clark!" sigaw ko.

Nanumbalik ako sa hospital room. Nakahiga ulit ako sa kama ko. Nakataas ang isang kamay ko.

Nanlalabo rin ang paningin ko. Luha? Umiiyak ba ako? Bakit?

Dahil sa lalaking iyon? Dahil sa Clark na iyon?

"A-Ace? You remembered?" excited na tanong ni Benjamin. Napalingon ako sa kanya. Naiiyak na naman siya. Pero hindi dahil sa lungkot. Bakas ang kasiyahan sa mukha niya.

"H-hindi ako sigurado," ang nasabi ko na lang.

Bakit parang totoo lahat ng napanaginipan ko? Sino si Clark? Boyfriend ko ba? Ikakasal na nga ba ako sa kanya?

Pero nasaan siya? Bakit wala siya sa tabi ko ngayon?