webnovel

11 - AKO SI SUPERMAN

NAGPLANO ako. 

Lumapit ako sa sliding window na natatakpan ng manipis na kurtina. Sabi nya 20 minutes. Bibigyan ko sya ng hanggang 30 minutes, kapag hindi sya bumalik dito sa loob ng kwarto sa loob ng 30 minutes ay tatalunin ko talaga 'tong bintana na 'to. Kapag nakalabas ako ay iikot ako papasok ulit ng bahay nila.

Tinantya ko ang labas ng bintana. Napalunok ako sa taas ng babagsakan ko. Walang kabahayan sa banda nito kundi ang mataas na bakod ng bakanteng lote sa kabilang street. Walang makakakita sa akin kung mag-superman ako dito. Mapipilayan lang siguro ako pero hindi ako mamamatay. Damuhan naman ang kasasadlakan ko. 

Idinikit ko ulit ang ulo ko sa pinto ng kwarto. Wala talaga akong marinig kundi ang malakas lang na tawa ni Cindy. 

Hindi ako mapakali. Gusto kong makita 'yung Sir Josh nila na iyon. Hindi na yata ako makakahintay ng 30 minutes, inipit ko ang tsinelas ko sa suot kong maong na shorts. Bahala na ang Diyos kung ano man ang mangyari sa akin. Nag-sign of the Cross ako habang tinitingnan ang lalapagan ko.

Tatalon na nga sana ako nang bumukas ang pinto ng kwarto. 

"Hoy! Bakit ka tatalon?!" gulat na gulat na sabi sa akin ni Ate Issa.

"Umalis na ba ang bisita mo?"

"Oo, umalis na," takang-taka pa rin sya sa itsura ko na nakakunyapit sa bintana, "bumaba ka nga d'yan!"

"Sabi mo kasi 20 minutes eh."

"Kaya nga, 15 minutes pa nga lang! Napapa'no ka?"

"Bakit bumalik si Cindy?"

"Wala, may nakalimutan lang."

"Eh bakit pumunta ang boss nya gayong wala naman si Cindy?"

"Ewan ko."

"Ano'ng ewan mo?"

"Ewan ko nga!" parang naiinis na sya sa kakausisa ko. 

Napabuntong-hininga ako. Hindi nga pala ako dapat matanong dahil wala naman kaming label. Wala rin akong karapatang magalit. Sapat na iyong nagtitiwala ako sa kanya na wala syang gusto sa tao na iyon. Ganoon naman talaga ang dapat kapag nagmamahal, 'di ba? Dapat buo ang tiwala, hindi ka nag-iisip ng kung anu-ano. Nakakalungkot lang na isipin na sa loob ng halos limang bwan na ganito kami ay ni isang beses ay hindi pa namin napag-usapan ang tungkol sa kung ano ang totoong lagay naming dalawa. Nagse-sex nga kami, pakiramdam ko mahal na mahal nya ako lalo na kapag nagpaparaos kami pareho. Pero iyong tinatawag na relasyon, hindi ko pa rin alam. Madalas ko iyon isipin. Kaso hindi ko makuhang magtanong. Wala sigurong maniniwala sa akin kung sakaling makukuwento ko sa iba na nadilaan ko na mula ulo hanggang paa nya pero ni minsan ay hindi ko pa sya talagang nahalikan sa labi. 

Nakakadismaya.

"Uuwi muna ako," paalam ko sa kanya. 

"Bakit? Maaga pa ah."

"Maglalaba pa pala ako." 

"Tinulungan mo 'kong maglaba kanina samantalang hindi ka pa pala nakapaglaba ng sarili mong damit, dalhin mo na dito. Labhan natin," malambing na niyakap nya ako sa bewang. 

"Konti lang 'yon," akma kong hahalikan sya sa labi pero lumingon sya sa likod ko kaya sa gilid ng bibig nya lumanding ang halik ko, "babalik na lang ako mamaya."

Tuloy-tuloy akong lumabas ng kwarto. Nakita ko ang malaking karton na may ribbon pa sa ibabaw na nakatayo malapit sa kusina. Hindi ako nag-usisa, alam kong regalo iyon para sa kanya.

Mahirap nga lang kasi ako, wala akong panama sa pagpapamudmod ng regalo ng boss ni Cindy.

*************************************

"Hello Janjan!" ngiting bati ni Cindy sa akin na nakaupo sa terrace. Nagkukwentuhan sila ni Tiya Dela. 

"Oh, 'kala ko umalis ka na?"

"Hindi, hinihintay kita eh. Sabi ni Mama kanina ka pa umalis do'n, bakit ngayon ka lang umuwi?"

"M-may dinaanan lang muna ako," pagdadahilan ko. 

"Aalis daw kayo sabi ni Cindy," singit ng aking tiyahin. 

"Oh sa'n tayo pupunta?" takang tanong ko. 

"'Di ba magkikita kami dapat ng friends ko kaso hindi natuloy, pasyal na lang tayo. Iti-treat kita!" 

Naalala ko ang mga tingin ni Ate Issa sa akin kapag inaaya akong umalis ni Cindy kaya napaurong ako. 

"Naku, baka magalit ang Mama mo sa atin n'yan."

"H'wag kang mag-alala, hindi natin sasabihin," sabay kindat nito. 

"Naku si Mareng Issa talaga! 'Yung anak hinahayaan lang samantalang ikaw protektadong protektado eh hindi ka naman kaano-ano. Paano ka matututo n'yan sa kalakaran ng Maynila kung hindi ka maglalalabas? Ano ba'ng naiisip nyang gagawin mo kay Cindy?" ani Tiya Dela. 

Kagyat akong tinamaan sa sinabi nyang iyon. Hindi nga naman kami magkaano-ano. Hindi ko nga alam kung may patutunguhan ba kami sa pagtatago namin. 

"Gumayak ka na, sige," dagdag pa ng aking tiyahin, "hindi natin sasabihin kay Mareng Issa. Sikret nating tatlo 'to. Bilisan mong kumilos at gagabihin kayo."

Naligo ako at nagbihis habang hinihintay ako ni Tiya Dela at Cindy sa terrace. 

"Ang pogi talaga ng pamangkin ko, ano?" nakangiting puri ng aking tiyahin sa akin. Ngayon lang nya ako sinabihang 'pogi'. Madalas ay puro panunudyo lang ang naririnig ko sa kanya. 

"Gwapo nga talaga Tita Dela, parang artista," ani Cindy na titig na titig sa mukha ko. 

"Tititigan mo na lang ba ako o aalis na tayo?" biro ko sa kanya. 

"Sabi ko nga eh, tara na!" sinalikop nya ang braso nya sa braso ko. "Alis na po kami Tita."

Tama ba 'yung dinig ko? Tita ang tawag nya sa tiyahin ko?

Botong-boto ang aking tiyahin kay Cindy. Mula noong nagpunta kami sa 21th birthday party nito ay lagi na nya akong inaasar dito. Akala ni Tiya Dela kaya madalas ang punta ko sa bahay nila ay dahil dumidiskarte ako kay Cindy. Sabi pa nya sa akin noong nakaraan kung mayroon man daw syang gustong balae, iyon daw si Ate Issa, Pero mukhang malabong mangyari iyon dahil si Ate Issa mismo ang gusto kong mapangasawa.

Ang lungkot ni Janjan... Palungkutin pa natin kaya sya lalo.

Libre mag-comment, at mag-gift para matuloy ko pa 'to. Haha

Enjoy!

Salamat sa tatlong nag-add sa collection nila. Dalawa lang pala, kasi isa ako doon sa tatlo eh. Pampadagdag.

Apir!

Have a great day!

kapeng_mainitcreators' thoughts
Bab berikutnya