Kabanata 24
"Yung tanong mo sa'kin kanina kung sino'ng mahal ko. . . Sasagutin ko na."
Nang mga sandaling 'yon ay nabigla ako, oo. Hindi ko naman kasi inaasahang sasagutin pa niya talaga ang tanong kong 'yon. Pero bukod pa ro'n ay may kakaiba sa pakiramdam ko. Hindi ko rin kasi talaga maintindihan kung bakit parang napakahalaga ng sasabihin niya.
"Ah 'y-yun lang po ba? Kahit bukas na—"
"No," pagputol niya sa sasabihin ko. At gayon na lamang ang gulat ko nang idantay niya ang kamay niya sa espasyo sa tabi ko. Dahil doon ay mas lumapit pa siya sa akin. Para bang na-korner ako—at wala akong ibang magawa kung hindi ang mapatingin nang diretso sa kanya.
"Sabi ko makinig ka, 'di ba?" sabi pa niya sa akin.
May kung ano sa mga tingin niya na naghahatid ng kuryente sa buong sistema ko. Napaikom na lang ang mga labi ko at napatango. Ano ba naman itong nararamdaman ko na 'to?
"P-Pasensya. . ." nasambit ko na lang.
Tumango rin naman siya at lumayo na sa akin. Nakahinga ako nang maluwag doon, pero sa isang banda rin ay hinihiling kong sana ay 'di na lang siya lumayo sa akin. Ang gulo ko naman!
Bahagya niyang ibinuka ang mga hita niya, pagkatapos ay ipinatong ang kamay niya sa mga 'yon. Napatingin din siya sa kung saan—parang nag-iisip. Mayamaya rin naman ay narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga.
"I don't know where to start. . ." bulong niya, pero hindi ko narinig.
"Ano ho?" tanong ko.
"Alam ng lahat na paborito ako ni Mama. Pati 'yung mga kamag-anak ng tatay ko, gustong-gusto rin ako. Pa'no kasi, kamukhang-kamukha ko raw si Dad," pagkukwento niya sa akin.
Pero bakit? Bakit kinukuwento niya sa akin ito ngayon? Ito ba ang importanteng sasabihin niya sa akin? Kahit naguguluhan ako ay nanatili lang akong nakikinig sa kanya.
"No'ng una masaya 'ko do'n, e. Ako 'yung laging pinapaboran. Lahat ng gusto ko, nakukuha ko. Pero habang tumatanda ako, naiinis na rin ako. You know why? E, kasi naman, palaging ako ang nakikita nila. Nakabantay sila sa lahat ng kilos ko. Na-feel ko na. . .hindi ako malaya," pagpapatuloy pa niya.
Ramdam ko ang lungkot niya sa pagkukwento niya, kaya maging ako rin ay 'di maiwasang mapasimangot doon. Kahit pala mayayaman ay may iniindang problema? At base sa kwento niya, mukha ngang ang hirap ng kalagayan niya.
Pero bakit nga niya ikinukuwento sa'kin ito?
"Kaya madalas hindi ko nagagawa 'yung mga bagay na ikasasaya ko talaga. Nakulong ako sa expectations at pagdidikta nila," dagdag niya at muling bumuntong-hininga. "At sobrang hirap. Masyadong mabigat sa damdamin ko."
"Naiintindihan ko po, Sir Zeus," sabi ko. Dahil masyado nang nakakailang ang pakiramdam ko ngayon. Pakiramdam ko, kailangan kong magsalita kahit kaunti.
"P-Pero bakit n'yo po sinasabi sa'kin 'yan ngayon?" tanong ko pa.
Lumingon naman siyang muli sa akin bago sumagot.
"Dahil 'yun ang reason kung bakit napaasa ko si Marquita. Hindi ko naman intensyon pero. . . Magulo lang din ang isip ko, e."
Napaawang naman ang mga labi ko, kahit pa hindi naman ito ang unang beses na marinig ko ang rebelasyon na 'yon. Hanggang ngayon kasi'y 'di pa rin ako lubos na makapaniwalang pilit lang pala ang lahat.
"Malalagpasan mo rin po 'yan," pag-aalo ko naman sa kanya. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko.
"Maureen. . ." pagtawag niya sa akin at para bang nangungusap ang kanyang mga mata. "I'm sorry. I'm very, very sorry."
Napakunot ang noo ko dahil naguluhan ako sa sinabi niya.
"H-Huh? B-Bakit ka po nagso-sorry sa'kin?"
"Dahil hindi ko agad nasabi sa'yo ang gusto kong sabihin noon pa," sagot naman niya, pero lalo lang akong naguluhan.
"A-Ano pong gusto n'yong sabihin?" tanong ko. Sa dami ng sinabi niya sa akin, wala pa pala doon ang gusto niyang sabihin sa akin?
"G-Gusto. . ."
"Gusto?"
"Gusto kong sabihin ay. . ."
Kung kanina ay halos magkuwento na siya sa'kin ng buong buhay niya, ngayon naman ay parang nahihirapan pa siyang ibuka ang mga bibig niya. Ano ba kasi 'yung gusto niyang sabihin at 'di niya masabi-sabi?!
"Ay? Ay ano po?" tanong ko pa.
"I. . . I like you."
Natigilan akong bigla sa sinabi niyang 'yon. Teka, tama ba ang dinig ko? I like you raw? Hindi ba ako nag-iilusyon lang?
"H-Ha?" Sa dami ng gusto kong itanong at sabihin ay 'yon lang ang nagawa kong bigkasin. Hindi ko naman kasi akalain na—na 'yon ang sasabihin niya!
"Alam ko, nakakabigla. Pero, Maureen, 'yung sabi ko na nandito 'yung taong mahal ko. . ." Kinuha niya ang dalawang kamay ko at hinawakan 'yon. "Ikaw 'yon, Maureen. Ikaw ang tinutukoy ko."
"Sir Zeus. . . Ano. . . Totoo po ba? H-Hindi po ba kayo n-nagbibiro lang?" tanong ko sa kanya.
Natawa naman siya nang bahagya. "Hindi! Hindi ako nagloloko, Maureen. Totoo ang sinasabi ko!"
"Pero Sir Zeus. . . Hindi ko kasi. . . Pero. . . K-Kasi. . ."
Para bang nasira ang utak ko. Sa isang iglap ay wala na akong salita na mahagilap. Sa dami ng gusto kong sabihin, hindi ko na alam kung ano ang dapat bigkasin.
Totoo ba talaga ito? Hindi kaya isa itong panaginip lang? O baka isang ilusyon ko lang? Pero kung alin man 'to sa dalawa, sana ay hindi na ito matapos pa.
"Maureen. . ." Pinakawalan na niya ang mga kamay ko at hinagkan naman ang magkabilang pisngi ko. "Alam kong gusto mo rin ako."
"Pero Sir Zeus. . ." Napayuko ako . "Hindi ako nababagay sa'yo, e. Mayaman ka. Para kang bituin, ako, heto lang. Isang dukha."
Hindi ko namalayang may lumabas na palang luha sa mga mata ko. Naramdaman ko na lang ang pagtulo nito sa mga pisngi ko. Hanggang sa nagdi-diretso na ito sa mga palad niya.
"Maureen, tignan mo ako. Maureen!" sabi niya at pilit na inaayos ang ulo ko para mapatingin sa kanya. Pero napailing-iling lang ako at nanatiling nakayuko.
Pero hindi rin ako nakatiis. Parang may sariling isip ang katawan ko at inangat ko rin ang ulo ko para tignan siya. Patuloy pa rin ang pag-iyak ko.
Oo, masaya nga akong nalaman kong gusto niya ako. Pero kasabay din noon ay ang pagbalik sa akin ng lahat. Ang mga sinabi ni Sir Apollo, ang panghahamak sa akin ni Marquita, kung paanong paboran ni Ma'am Helen at nila Manang Guada si Marquita. Lahat 'yon, isa lang ang ipinahihiwatig sa akin—hindi papayag ang mundo na ako ang mahalin ni Sir Zeus.
"Oo, tama ka. Hindi tayo nababagay. Pero sa mga mata nila 'yon! Pero sa akin, Maureen. . . Dito sa puso ko. . . Ikaw lang ang nababagay sa akin."
Nang sandaling sabihin niya 'yon ay lalong bumuhos ang mga luha ko. Pero hindi na 'yon dahil sa pangamba ko. Dahil na 'yon sa sayang nararamdaman ko sa puso ko. Sapagkat hindi ko akalaing sasabihin niya ang mga salitang 'yon sa akin. Hindi ko inakalang mangyayari ang tagpong 'to.
Sa pamamagitan ng mga hinlalaki niya ay pinunasan niya ang luhang tumulo sa ilalim ng mga mata ko.
"Tahan na, okay?" sabi niya.
Napangiti ako at tumango-tango.
"Sir Zeus. . ."
"Hmm?"
Imbis na magsalita ay niyakap ko na lang siya bigla. Sobrang higpit. Isang yakap na para bang ayaw ko na siyang pakawalan pa. Ayoko nang humiwalay pa na para bang sa oras na gawin ko 'yon ay matatapos ang lahat nang ito. At magigising na lang ako na hindi pala totoo ang lahat.
Naramdaman ko rin naman na niyakap niya ako pabalik. Marahan pa niyang tinapik-tapik ang likuran ko na para bang inaalo ako.
"Tahan na. Ano na lang ang sasabihin mo sa kanila?"
Natauhan naman ako sa tanong niyang 'yon, kaya humiwalay na ako sa kanya kahit na ayaw ko pa. Pagkatapos noon ay parang batang pinunasan ko ang luha ko gamit ang braso ko.
"Sasabihin ko na lang na. . . Na ano. . . Pinagalitan mo ako," sabi ko na lang. Wala na akong ibang dahilan na maisip.
Natawa naman siya sa sinabi ko na 'yon, kaya maging ako ay napangiti na rin.
"Sige na. Matulog ka na. Gabi na," sabi niya sa akin.
Tumango-tango naman ako at tumayo na mula sa pagkakaupo sa kama niya. Ang bigat-bigat tuloy sa pakiramdam. Parang ayokong ihakbang ang mga paa ko. Ayokong umalis sa kwarto niya, dahil naiisip ko pa ring panaginip ang lahat nang ito.
"Maureen," tawag niya nang nasa pintuan na ako. Napalingon naman ako sa kanya. At nakita kong nakatayo siya at nakapamulsa ang mga kamay habang nakangiti sa akin. "Goodnight."
"Goodnight din po, Sir Zeus," tugon ko at ngumiti rin sa kanya. Saka ako tuluyang lumabas.
Paglabas ko sa kwarto niya ay napasandal na lang ako sa pintuan noon. Napakapa rin ako sa dibdib ko na para bang mahahawakan ko ang puso ko. At dahil doon ay damang-dama ko ang mabilis at malakas na pagtibok noon. Daig ko pa yata ang nakipagkarera!
"N-Nangyari ba talaga 'yon?" nakangiting tanong ko sa sarili ko.
Pero bago pa ako magtagal doon ay naisipan ko rin namang bumaba na. Kailangan ko pang magpalit ng damit ko at kailangan ko na ring matulog.
Ramdam ko ang pagod at antok ko nang mahiga ako sa higaan namin, pero sa kabila nito ay napapangiti pa rin akong parang ewan. Ito pala 'yon! 'Yung pakiramdam na para kang nasa mga ulap!
"Maureen?"
Nagulat pa ako nang magsalita si Danica. Akala ko kasi, tulog na siya.
"Ang tagal mo ata? Anong nangyari?" tanong pa niya sa akin.
Napangiti ako, pero mukhang 'di naman na niya makikita dahil patay na ang mga ilaw.
"Wala. Matulog na tayo," sagot ko na lang sa kanya.
* * *
"Mahal na prinsesa, gising na po."
Ang boses ni Danica ang gumising sa akin kinabukasan. Napasapo ako ng noo ko pagkatapos ay bumaling para makita siya. Napakurap-kurap pa muna ako bago tuluyang ibukas ang mga mata ko.
Anong nangyari? Panaginip lang kaya 'yung kagabi? Pero totoo 'yun, 'di ba?
"Hoy! Ang ganda ko ba kaya ganyan ka tumulala sa akin?" tanong niya, kaya natauhan ako.
"Ah h-hindi. . ." sagot ko, pagkatapos ay unti-unti na akong bumangon. Pagtingin ko naman sa kanya ay masama ang tingin niya sa'kin.
"Ano? 'Di ako maganda?" tanong niya sa'kin.
"Ha? Bakit? Ano bang sabi ko?" takang tanong ko sa kanya at saka ako tuluyang tumayo.
"Ay naku! Ewan ko sa'yo! Mag-ayos ka na nga lang!" inis na sabi niya sa akin at saka ako tinalikuran.
'Di naman na ako sumagot pa. Hinayaan ko na lang siyang lumabas habang ako naman ay nag-ayos na ng higaan ko at ng mga gamit ko. Kasalanan ko bang masyadong grabe ang nangyari kagabi kaya 'di ako makapag-isip nang maayos ngayon?
Hanggang ngayon kasi 'di ko pa rin maisip na nangyari talaga 'yon. Totoo nga ba? Nagtapat nga ba talaga sa'kin si Sir Zeus? Baka naman mamaya, masyado lang akong nag-iilusyon?
'Yon na lang yata ang tumakbo sa utak ko habang naliligo, nagsisipilyo, nagbibihis at hanggang sa paghahanda namin ng almusal ng mga Lorenzino.
"Maureen! Sobra 'yang platong inilagay mo," sabi nila sa akin.
Gulat naman akong napatingin sa pangatlong platong inilapag ko sa mesa. Oo nga pala. Wala nga pala si Ma'am Helen dahil nasa ibang bayan siya ngayon.
"Sorry. Nakalimutan ko po, e," sabi ko na lang at muling kinuha ang plato para ibalik sa lalagyan noon.
"Mabuti pa, tawagin mo na si Sir Zeus at nandito na si Sir Apollo," sabi sa'kin ni Manang Guada.
"Ako po?" tanong ko pa. Parang bigla yata akong kinabahan.
"Oo! Ikaw nga! Dalian mo na!" sagot naman ni Manang na parang naiinis na sa'kin.
"Ah—o-opo!" sagot ko at kaagad nang umalis.
Bakit ganito? Kinakabahan ako. Parang hindi pa yata ako handang makita ulit si Sir Zeus nang harap-harapan matapos ang nangyari kagabi. Uh, ano ang sasabihin ko sa kanya?
Pero kung tutuusin, wala pa naman kaming relasyon talaga, 'di ba? Umamin lang naman siya at parehas ang nararamdaman namin. Pero 'yun lang, ang masakit, hindi pa kami.
Ang gulo naman nito. . .
Kakatok na sana ako nang biglang bumukas ang pintuan. Naibaba ko kaagad ang kamay ko at inilagay 'yon sa likuran ko.
Heto na. . . Nasa harapan ko na siya. . . Nakakaba! Anong gagawin ko?
"S-Sir Zeus. . ." bigkas ko.
"Kakain na?" tanong niya at tumango-tango naman ako.
"Kung gano'n, halika na," sabi niya at nagulat na lang ako nang bigla niyang hawakan ang kamay ko at hinila ako pababa.
Nagpadala na lang ako sa kanya dahil nabigla ako at 'di na nakapag-reak pa. Masyado siyang mabilis! Hindi ko inaasahan ang mga galaw niya. Paano na lang kung makita kami ng iba? Ano ang iisipin nila?
Pero mabuti na lang at bago pa kami makababa ay binitawan na niya ako. Pagkatapos ay nilingon niya ako at ngumiti, saka mas naunang magpunta sa kusina.
Naiwan tuloy ako sa hagdanan na parang tangang sinusundan siya ng tingin. Napahawak pa ako sa kamay kong hinawakan niya at napangiti. Si Sir Zeus ba talaga 'yon? Hindi ko inaakala!
Grabe. . . Ano ba ang ginawa kong maganda at biniyayaan ako ng himalang ganito?
Itutuloy. . .