webnovel

Kabanata 25

Kabanata 25

"Pero sa akin, Maureen. . . Dito sa puso ko. . . Ikaw lang ang nababagay sa akin."

Napangiti na naman ako nang maalala ko 'yon. Gusto ko sanang pigilan ang ngiti ko, pero hindi ko magawa. Paano ba naman kasi, nakakakilig pa rin kahit pa ulit-ulitin ko!

"Maureen? Ba't ngumingiti ka mag-isa d'yan?" takang tanong sa'kin ni Danica. Napatigil pa siya sa pagwawalis niya para tanungin ako.

"Ha? Ano 'yon?" tanong ko sa kanya. 'Yun ang lumabas sa bibig ko kahit pa ang totoo ay narinig ko naman talaga ang sinabi niya.

"Ay buang! Alam mo, kanina ka pa ganyan. Para kang ewan," sabi niya naman sa akin.

"T-Talaga?" gulat kong tanong.

"Ewan ko sa'yo!" inis na sabi niya at nagpatuloy sa pagwawalis.

Ako rin naman ay nagpatuloy na lang sa pagtatanggal ng alikabok sa sofa. Pero mayamaya pa ay nagsalita siyang muli.

"Bakit ka nga pala pinatawag ni Sir Zeus kagabi?" tanong niya sa'kin, pero patuloy siya sa pagwawalis.

"Ahm. . . Ano. . . M-May inutos lang sa'kin," pagsisinungaling ko.

Alam kong kaibigan ko siya at ang magkaibigan ay nagsasabihan ng sikreto. Pero nagdadalawang-isip pa rin ako kung sasabihin ko sa kanya. Alam ko na maiintindihan niya ako, pero 'di pa rin palagay ang loob ko. Mas mabuti na rin sigurong huwag muna.

"Ano namang inutos niya sa'yo?" tanong pa niya.

Patay! Ano na ang sasabihin ko?

"Si Maureen?"

Napalingon kaming dalawa nang marinig namin 'yon. Mabuti na lang at dumating si Sir Zeus! Wala pa naman akong maisip na palusot kay Danica. Pero teka, ano raw? Hinahanap niya ako?

"Sir, eto po," sagot ni Danica at tinuro ako.

"Bakit po? G-Gagamutin ko po ba ang sugat n'yo?" tanong ko sa kanya.

"No. I think magaling naman na siya," sagot niya sa akin. "Mag-prepare ka na lang ng meryenda para sa'kin. Do'n ako sa pool."

Pagkasabi niya no'n ay umalis na rin siya at dumiretso papunta sa pool. Doon ko lang din napansin ang tuwalyang nakasabit sa balikat niya.

"Nakakahalata na 'ko ah!"

Kaagad akong napalingon kay Danica. "Ha? Pa'nong nakakahalata?"

"Bakit palagi na lang ikaw ang hinahanap ni Sir Zeus? Hmm. . ." makahulugang sabi niya.

"W-Wala lang naman 'yon, Danica," kinakabahang sagot ko sa kanya.

"Charing lang!" Tumawa siya nang malakas. "Ba't ganyan ang hitsura mo?"

Ibig sabihin nagbibiro lang pala siya na nakakahalata na siya? Akala ko naman. . .

"Bahala ka nga d'yan," sabi ko na lang at iniwan siya doon.

Dumiretso naman ako sa kusina para sundin ang utos ni Sir Zeus na igawa siya ng meryenda. Dahil hindi ako sigurado sa kung ano ang gusto niyang kainin, humiwa na lang ako mula sa cake na nakita ko sa ref nila. Pagkatapos ay kumuha na rin ako ng pineapple juice na nandoon.

Naalala ko tuloy noon. Parang ganitong-ganito rin no'ng naghatid ako ng juice na para sa kanila ni Marquita. At doon ko nga nasaksihan ang—teka, so ibig sabihin ay napilitan lang si Sir Zeus sa halik na 'yon? O may ibig sabihin talaga 'yon?

Pero naalala ko, muntik na akong matanggal sa trabaho noon kung hindi lang niya ako ipinagtanggol. Kaya ba niya ako ipinagtanggol noon kay Marquita at pati na rin kay Manang Guada?

Napapikit na lang ako at nagpakawala ng malalim na hininga. Hay. . . Kung ano-ano na naman ang iniisip ko. Kailangang ayusin ko ang sarili ko. Baka mamaya mabasag ko na naman ang basong 'to.

Inilagay ko na ang mga 'yon sa tray at maingat na binuhat. Dumiretso na rin ako sa pool. Mabuti nga at iniwang bukas ni Sir Zeus ang pintuan papunta doon.

Saktong paglapit ko sa mesa at upuang nandoon ay narinig ko ang paggalaw ng tubig, kaya napatingin ako doon sa pool. Nagulat tuloy ako dahil nakita ko si Sir Zeus na walang pang-itaas! Lantad na lantad tuloy sa mga mata ko ang maputi at matipuno niyang katawan!

Sa gulat at hiya ko ay napaiwas ako ng tingin at isinaayos na lang ang pagkain niya. Mayamaya pa ay nakita ko sa gilid ng mga mata ko na lumapit siya sa akin. Hindi naman ako makaimik. Ni ayaw ko ngang gumawa ng kahit na anong ingay. Nakakailang pa rin pala ang presensya niya. . .

"Ikaw ang inutusan ko kasi gusto rin kitang kausapin," sabi niya sa akin, dahilan para mapatingin ako sa kanya.

Ano kaya ang pag-uusapan namin?

"G-Ganon po ba?" sambit ko na lang.

"Kapag tayo lang ang magkasama, 'wag ka nang mag-po sa'kin. Para namang hindi tayo. . .espesyal sa isa't isa," sabi naman niya sa akin.

Napaikom ako dahil sa sinabi niya, pagkatapos ay tumango-tango.

"S-Sige po—ay!"

Natawa naman siya sa akin.

"Maupo ka," sabi niya at maging siya rin ay naupo. Hindi naman niya pinansin ang inihain kong pagkain sa kanya.

"Tungkol sa nangyari kagabi. . . Sinabi mo na ba 'yon sa kaibigan mo? Kay—ano 'yun? Danica?" tanong niya sa akin.

"Danica nga," sagot ko. "Parang. . . Parang natatakot akong sabihin sa kanya, e. Tsaka hanggang ngayon nga rin, hindi pa rin ako makapaniwala? Parang panaginip pa rin ang lahat."

"Mabuti hindi mo pa nasasabi sa kanya," sabi niya.

"B-Bakit?" tanong ko naman.

"Ayoko na sanang may makaalam nito. Please, don't get me wrong—I mean, 'wag mo sanang masamain? Nag-iingat lang naman kasi ako," paliwanag niya sa akin.

Napatango-tango naman ako. Naiintindihan ko naman siya, e.

"Ako rin naman natatakot," pag-amin ko. "Paano kapag. . . Kapag nandito na ulit si Ma'am Helen?"

"Wag kang mag-alala. Basta walang makakaalam, ayos lang ang lahat. Okay?" pagsisigurado niya.

Tumango-tango naman ako at napangiti, pero kaagad ding naglaho iyon. Gusto kong itanong sa kanya kung ano ba talaga kami. Kung magkasintahan ba kami o ano? Pero natatakot ako. Hindi ko alam kung bakit. Siguro, ayos na rin ang ganito. Kung magiging kami rin naman ay patago lang iyon. Ganoon pa rin.

Ang mahalaga, parehas ang nararamdaman namin.

"Okay ka lang?" tanong niya sa akin.

Napangiti na lang akong muli at tumango-tango. "Siguro, ito ang regalo sa akin ng Diyos."

Napangiti naman siya sa sinabi kong 'yon.

"Sakto kasi birthday ko na sa Linggo," sabi ko pa sa kanya.

"Talaga? Kung gano'n sixteen ka na sa Linggo?" tanong niya sa akin.

Tumango ako. "Pero katulad ng dati, wala pa rin akong handa."

"Bakit? Wala pa ba kayong sweldo? Bibigyan na lang kita ng pera," kaagad niyang sabi sa akin.

"Naku, hindi na!" pagtanggi ko. "Yung sweldo namin, makukuha namin pag-uwi ng Mama mo. Tsaka, gagamitin ko 'yon para sa pag-aaral ko sa susunod na taon."

"G-Gano'n ba? Pero birthday mo 'yun, e!" giit pa niya.

"Okay lang 'yun. Sanay naman na ako, e. At saka, kamatayan din 'yon ni Inay, e. . ." may bahid ng lungkot na sabi ko.

"Sorry," sabi naman niya.

"Wala 'yun," sabi ko naman sa kanya. "Okay na 'ko kasi hindi ko inaakalang mangyayari 'to. Sino ba naman kasi ang mag-aakala?"

Napangiti siya sa akin, pagkatapos ay umiwas ng tingin at bumulong.

"Ano 'yon?" tanong ko sa kanya, dahil 'di ko narinig ang bulong niya.

"Wala. Wala 'yun," sabi niya at ngumiti.

"Kainin mo na 'tong cake oh," sabi ko na lang, para maiba ang usapan.

Kinuha naman niya ang plato at inilapit sa kanya. "Hati tayo."

"Ano?"

Natawa naman siya sa akin. "Sabi ko, hati tayo. Masarap 'to. Kunwari na lang handa mo 'to dahil magbe-birthday ka na."

Akala ko, pinakamasayang araw na ng buhay ko 'yung kagabi. Pero hindi ko akalaing mas magiging masaya pa pala ako ngayon. Para pa rin pala talagang panaginip ang lahat. Ganito pala ang pakiramdam na may nagmamahal sa'yo—at 'yung taong gusto mo pa talaga!

Alam kong hindi matutuwa si Itay kapag nalaman niya 'to, pero hindi ko na mapipigilan ang puso ko. Nahulog na ako kay Sir Zeus. . . At ngayon ko pa ba ititigil kung kailan nagtapat na rin siya ng damdamin niya para sa'kin?

* * *

"Itay! Nandito na 'ko!" masayang sabi ko pagkauwi ko ng bahay.

Matapos 'yon ay napako ang tingin ko sa mesa. Base sa mga nakita kong nakapatong doon ay mukhang magluluto ng sopas si Itay. Tuwing birthday ko, nakakapagluto naman siya kahit papaano. 'Yun nga lang, kung hindi sopas ay lugaw o 'di naman kaya ay sotanghon.

"Oh nand'yan ka na pala," sabi ni Itay nang makita ako.

"Tay, magso-sopas po kayo?" tanong ko sa kanya.

"Oo. E, 'di ba birthday mo bukas? E, wala ka naman dito, kaya ngayon na lang ako magluluto," sagot niya sa akin.

"Wow! Thank you, Tay!" masayang sabi ko sa kanya. Lumapit pa ako para mayakap ko siya.

"Syempre, gusto ko palagi kang masaya," sagot niya sa akin at marahan pang hinaplos ang buhok ko.

"Dalawin po muna natin si Inay mamaya, Tay," sabi ko nang humiwalay ako sa kanya.

"Ang nanay mo? Ah—oo! Oh siya, sige, kumain muna tayo."

Mabilis na ring kumilos si Itay para maghain ng pagkain naming dalawa. Kanin at pritong talong at okra ang ulam namin ngayong umaga. Mamayang hapon pa siguro lulutuin ni Itay ang sopas.

Matapos naman naming kumain, dumiretso na kami sa sementeryo sa bayan namin. Nakagawian ko na rin na tuwing birthday ko ay nagtutulos ako ng kandila sa puntod ni Inay. Dahil nga kamatayan niya rin ito.

"Itay, wala pa 'yung sweldo namin, e. Umalis kasi 'yung amo namin. Pagbalik na lang daw po niya," sabi ko kay Itay habang naglalakad kami papunta sa puntod ni Inay.

"Itabi mo na lang 'yon," sagot naman niya sa akin.

"Yun nga rin po ang balak ko," sabi ko naman.

Mayamaya pa'y narating na namin ang puntod ni Inay. Nag-iisa lang 'yon sa gitna ng napakaraming mosuleyong nandoon. 'Yung ibanh kahanay ni Inay, parang bahay pa ang pagkakagawa ng mosuleyo. Mga may kaya ang may ari noon. Ang kay Inay, isang malaking puntod lang talaga.

"Tay, hindi pa po ba natin ipapaayos ang lapida ni Inay?" tanong ko kay Itay nang makita ko ang lapida ni Inay. Tanging pangalan niyang Cynthia M. Calderon lang ang nakalagay doon.

"Tsaka na lang siguro, Anak," sagot ni Itay at saka bumuntong-hininga. "Hayaan muna nating ganyan."

"Sige po," sagot ko na lang kahit na gusto ko sanang maayos kahit papaano ang lapida ni Inay. Tsaka, kailangan na rin ng pintura ng puntod niya. Pero, siguro nga sa susunod na lang. Kapag nakaluwag-luwag na kami.

"Oh, itulos mo na 'to," sabi ni Itay sabay abot sa akin ng tatlong mapapayat na puting kandila.

Kinuha ko naman 'yon pati ang lighter na inabot din ni Itay. Isa-isa ko 'yong sinindihan at maayos na itinulos sa itaas ng puntod ni Inay. Matapos iyon ay kinausap ko na naman siya. Siguro mukha akong siraulo na kumakausap ako ng patay. Lalo pa't hindi ko pa siya nakakapiling kahit kailan. Pero ito na lang din ang paraan ko para maramdaman na may nanay na ako.

"Inay, sixteen na ako ngayon. Labing-anim na taon na rin na wala ka. Nay, kahit ni minsan hindi kita nakasama, mahal na mahal pa rin po kita. Syempre, ikaw po ang nagsilang sa'kin, e. Sana maayos ka lang po d'yan, kung nasaan ka man. Sana palagi mo po kaming binabantayan," sabi ko habang nakatingin sa puntod niya.

Simula no'ng bata pa ako, palagi kong iniisip kung ano kaya ang pakiramdam na may Nanay na umaakap sa'yo? Siguro napakasarap sa pakiramdam. Oo nga't nand'yan si Itay para iparamdam sa akin kung ga'no ako kahalaga, iba pa rin talaga kapag may nanay kang kinalakihan. 'Yun nga lang, hindi ako pinalad na makasama ang nanay ko habang buhay pa siya.

Nay. . . Nay, sorry kasi ang kulit ng puso ko. Sorry, kasi sinuway ko si Itay. Sana maintindihan n'yo po ako. . .

"Halika na. Mamamalengke pa tayo," pagyaya ni Itay sa akin. "Anong gusto mong ulam?"

Palaging ganito si Itay. Parang hindi niya gusto ang magtagal sa puntod ni Inay. Ayoko rin namang magtanong kung bakit. Siguro hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin siya sa sinapit ng nanay ko.

"Pwede po bang adobong pusit? Paborito ko po 'yun, e," paglalambing ko naman sa kanya.

"Oo naman. Syempre lahat ng gusto mo, ibibigay ko sa'yo ngayon. Basta kaya ng budget ah?" Natawa pa si Itay pagkatapos.

"Halika na nga po," sabi ko na lang.

Dumiretso na kami sa palengke ni Itay pagkatapos noon. Sobrang saya ko ngayon dahil mukhang buong-araw ko pang makakasama si Itay. At hindi rin maalis sa isipan ko si Sir Zeus. . . Kahit sa totoo lang ay may pangamba na ako, hindi ko na lang muna masyadong iniisip 'yon. Ang mahalaga, masaya ako sa birthday ko. Kahit ang totoo ay bukas pa 'yon.

Gusto ko sana na ako ang magluto ng adobong pusit, pero sabi ni Itay, prinsesa daw ako ngayon. Kaya wala akong gagawin kung hindi kumain. Bumili rin siya ng puso ng saging para isahog doon.

"Siya nga pala, Anak, may binili akong regalo para sa'yo," sabi ni Itay sa akin matapos naming kumain. Kakatapos lang din niyang maghugas ng mga plato't kutsara noon.

"Hindi ka na sana nag-abala, Itay," sabi ko naman. "Sobra-sobra na nga po ito, e."

"E, nahihiya nga ako sa'yo dahil ito lang ang mabibigay ko sa'yo, e. Hindi man lang kita maibili ng cake, o kaya spaghetti. Ni minsan, hindi tayo nakapaghanda ng salad. Pasensya ka na, Anak, ha?" malungkot na sabi niya sa'kin.

"Ano ka ba, 'Tay? Oks na oks na po sa'kin 'to, 'no! Ang mahalaga, magkasama po tayo." Ngumiti ako nang napakalawak para naman gumaan ang pakiramdam niya.

"Salamat, Anak," sabi pa niya at ngumiti rin sa akin. "Heto, ibinili kita ng kwintas. Mumurahin lang 'yan. Nabili ko sa palengke sa San Marcos."

Tinanggap ko ang kwintas na 'yon nang iabot niya sa akin. Marami ngang ganitong tinda sa palengke. Hindi pa lalagpas sa isang daang piso ang presyo nito.

Kulay ginto ang kwintas na ibinigay sa akin ni Itay. Walang kahit na anong espesyal dito kung hindi ang pendant nitong letrang M.

"Thank you, 'Tay! Ang ganda po!" tuwang sabi ko sa kanya.

"Ang simple nga lang, e. Wala man lang kahit pekeng bato," sabi ni Itay at tumawa. "Halika, ikakabit ko sa'yo."

Kaagad akong tumalikod sa kanya at hinawi ang buhok ko para maikabit niya sa'kin iyon. Mayamaya pa'y naramdaman ko na ang paglapat ng malamig na metal sa balat ko.

"Oh, ayan, ayos na."

Nang sabihin ni Itay 'yon ay humarap na akong muli sa kanya.

"Bagay po ba sa'kin?" tanong ko sa kanya sabay ngiti pa.

"Oo naman, Anak," sagot naman niya.

"Alam mo, Tay, kahit ga'no pa kamura o kasimple 'to, pahahalagahan ko pa rin po 'to. Kasi kayo po ang nagbigay sa akin," madamdaming sabi ko sa kanya.

"Oh sige, maliligo na muna ako at aasikasuhin ko pa 'yang sopas."

"Tay, tulungan po kita?"

"Naku, 'wag na. Relax ka lang d'yan, ha?"

Natawa naman ako. "Sige na nga po. Sabi n'yo po, e."

* * *

Nang mailuto na ni Itay ang sopas ay tinawag ko na sina Tita Olive at sina Tita Maricar para makikain sa amin. Kaagad naman nila akong dinaluhan. Si Tita Olive nga lang ay may labada raw. Kaya, dinalhan ko na lang siya ng sopas. Nagsipuntahan naman dito ang iba niyang mga anak.

"Itong sinopas ni Tito, ini-spaghetti na lang sana niya!" komento ni Danica habang kumakain ng sopas.

"Kung ayaw mo, edi hindi ka na lang sana kumain," sabi ko naman sa kanya.

"Ay, hindi! Sabi ko nga, okay lang! Ang sarap kaya," sabi naman niya at umakto pang ninanamnam ang kinakain niya.

Napailing na lang ako. "Ikaw talaga. . ."

"Nga pala, bukas na lang 'yung regalo mo, a? Bukas pa naman talaga birthday mo, e," sabi pa niya sa akin.

"Kahit nga wala na, e," sabi ko naman sa kanya.

"Naku ano ka ba? Syempre, may itinabi na akong pera para d'yan 'no!" sagot niya. "Tsaka, ita-timing ko na nando'n si Sir Zeus, para batiin ka niya."

"Hindi na kailangan 'no. Alam naman niya," sagot ko sa kanya.

"Alam ni Sir Zeus na birthday mo bukas?" gulat na tanong niya sa akin. "Wow ha! Gano'n na kayo ka-close? Nagkakasabihan na ng birthday?"

Napaikom tuloy ako ng bibig. Ano ba naman! Nadulas pa talaga ako kay Danica. Hindi nga pala niya pwedeng malaman!

"Ah, eh, ano, n-nabanggit ko lang," palusot ko na lang. Talaga namang nabanggit ko lang, 'di ba?

"Ah. . ." Napatango-tango siya. "Akala ko naman may something na kayo tapos 'di mo sinasabi sa'kin."

Hindi mo lang akala 'yon, Danica. Tama ka, pero pasensya na. Hindi ko pwedeng sabihin sa'yo.

Itutuloy. . .

Bab berikutnya