webnovel

Kabanata 23

Kabanata 23

"You wanna know why? Dahil gusto kong pilitin ang sarili kong mahalin si Marquita"

"Pero alam mo? Kahit anong pilit ko, hindi ko magawa! Dahil nandito. . . Nandito mismo ang taong mahal ko!"

"Ito ba? Ito ba ang mahal mo?"

"Pero sino nga kaya 'yung taong mahal niya, ano? Bakit parang nahihirapan siyang piliin 'yon?"

"Pa'no kung ikaw pala 'yon?"

"I can't believe this, Zeus. Ibinasura mo ako para lang isang mukhang basahang kagaya niya?!"

Hanggang ngayon ay nagugulo pa rin ang isip ko sa mga nangyari. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan kung bakit ganoon na lang ang galit sa akin ni Marquita. Nababagabag din ako ng misteryo tungkol sa kung sino nga ba talaga ang mahal ni Sir Zeus. Pakiramdam ko mababaliw ako sa kaiisip nito.

Napatingin naman ako kay Danica nang bahagya siyang umubo. Akala ko ay nagising siya, pero hindi pala. Bumaling lang siya patalikod sa akin. Mukhang tulog na tulog talaga siya.

Napabuntong-hininga naman ako at muling itinuon ang tingin sa itaas ng higaan namin. Wala akong magawa. Gusto ko sanang kausapin si Danica para hingin ang saloobin niya, kaya lang ay walang pagkakataon. Hindi ako makahanap ng tiyempo.

Napatakip ako ng bibig nang mapahikab ako. Malalim na ang gabi. Siguro itutulog ko na lang muna ang mga bagay na 'to. At sana bukas ay magkaroon na ng kasagutan ang lahat ng mga katanungan sa isipan ko.

* * *

"Nga pala, Zeus, nagkita ba kayo ni Marquita kahapon?"

Bahagya akong napatigil sa pagsasalin ng juice nang marinig ang tanong na 'yon ni Ma'am Helen. Ewan ko ba, pero bigla akong kinabahan. Naalala ko kasi 'yung sabi ni Marquita na makakarating kay Ma'am Helen ang pagkikita namin kahapon. Ano ba kasing ibig niyang sabihin do'n?

"B-Bakit po, Ma? Nagkausap ba kayo?" tanong ni Sir Zeus at napansin kong parang kinabahan din siya.

"No, Son. Nabanggit lang kasi sa'kin ni Junard na nakita niya si Marquita sa mall kahapon. . . So, I'm just assuming. . ." paliwanag naman ni Ma'am Helen.

Dahil tapos ko nang salinan ang mga baso nila ay yumuko na ako at lumayo doon sa mesa.

"Gano'n po ba? But I didn't see her," sagot ni Sir Zeus na ikinagulat ko.

Mas ikinagulat ko pa nang mapatingin sa'kin si Sir Zeus. Para bang sinasabing 'wag akong kokontra sa sagot niya. Sa kaba ko ay napayuko na lang ako.

Pero hindi ba nakita namin si Marquita kahapon sa mall? Nag-away pa nga sila, e. Bakit siya nagsinungaling?

Tumango-tango naman si Ma'am Helen na mukhang kumbinsido. "Okay then."

"Wag sana kayong maniniwala sa kung ano-anong sasabihin ng babaeng 'yon, Ma," sabi pa ni Sir Zeus.

Napakunot naman ang noo ni Ma'am Helen. "Why? Is there anything I need to know?"

"At bakit naman ganyan ka na lang magsalita sa kaibigan mo, Zeus?" tanong pa ni Sir Apollo.

Matagal na nagtitigan ang tatlo. Parehong naghihintay si Ma'am Helen at si Sir Apollo sa isasagot ni Sir Zeus. Si Sir Zeus naman ay parang tinatantiya pa ang sasabihin niya. Pero makalipas ang ilang segundo ay nagsalita na rin siya.

"Dating kaibigan, Kuya," pagtatama niya kay Sir Apollo. Pagkatapos ay bumaling naman kay Ma'am Helen. "Ma, 'wag kang mag-alala. Everything's okay."

Napabuntong-hininga si Ma'am Helen at muling ginalaw ang pagkain niya. "You're telling me not to worry. But here you are— acting weird."

"There's nothing to worry about, Ma," sabi pa ni Sir Zeus at ngumiti.

Ano raw? Hindi ko na naman sila masyadong maintindihan.

"Oo nga, Ma," segunda naman ni Sir Apollo. "Ganyan talaga ang mga teenagers. Mahirap basahin."

"Nga pala, mawawala ako ng ilang araw," mayamaya ay sabi ni Ma'am Helen.

"Bakit, Ma?" tanong naman ni Sir Zeus.

"Pupunta ako sa Corazon. Kailangan ko kasing i-orient 'yung magiging supervisor ng branch do'n," paliwanag ni Ma'am Helen.

"Malayo-layo 'yon, a?" puna ni Sir Apollo.

"Oo nga, Ma. Ilang araw kang mawawala?" tanong naman ni Sir Zeus.

"I'm not sure. Siguro mga three to five days?" hindi siguradong sagot ni Ma'am Helen.

"Well, kung gano'n. . . Just take care, Ma," sabi naman ni Sir Zeus at binigyan ng isang matamis na ngiti ang ina.

"I will," sagot naman ni Ma'am Helen at ngumiti rin.

Matapos din mag-umagahan ay umalis na si Ma'am Helen. Si Junard ang maghahatid sa kanya papunta sa bayan ng Corazon. At habang wala siya ay si Manang Guada muna ang mamamahala dito. Marami pa siyang binilin bago tuluyang umalis.

Pero kahit naman umalis si Ma'am ay parang gano'n pa rin naman. Tahimik pa rin ang mansyon at kaunti lang ang mga gawain. Palagi rin naman kasi siyang wala dito kaya wala ring pinag-iba.

"Maureen, pinapatawag ka ni Sir Zeus. Gamutin mo na raw 'yung mga sugat niya," sabi ni Monet sa'kin pagkapasok niya sa kwarto namin. Nabitawan ko tuloy ang mga damit ko na naisipan kong ayusin.

Napatango-tango naman ako. "Sige, susunod na 'ko."

"Bilisan mo," sabi pa ni Monet bago umupo sa katapat na double deck. Pagkaupo ay agad nitong kinuha ang cellphone na de-keypad at nagpipindot.

Itinabi ko muna ang mga damit ko sa isang sulok bago ako tuluyang lumabas ng kwarto namin.

Labis-labis na kaba naman ang nararamdaman ko habang tinatahak ko ang daan patungo sa sala ng mga Lorenzino. Hindi ko talaga mapigilan ang dagundong ng puso ko sa t'wing nakikita ko siya. Lalo pa at maiisip kong magkakalapit kami.

"Oh, you're here," sambit niya at bumangon mula sa pagkakahiga doon sa sofa.

Binigyan ko siya ng isang tipid na ngiti, pagkatapos ay kinuha ko na ang kit sa cabinet malapit doon. Pagkaraan ay naupo na ako sa tabi niya at inilapag ko na ang kit sa mesang nasa harapan namin.

Katulad ng nakagawian namin, nang makakuha ako ng ointment ay kusa na niyang inilapit ang mukha niya sa akin. Nang sandaling 'yon naman ay pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Base sa hitsura ng mga sugat niya ay kita kong natutuyo na ang mga ito.

"Gumagaling na ang mga sugat mo, Sir Zeus," sabi ko sa kanya sabay ngiti. Natutuwa lang kasi ako na isiping balang araw ay mawawala rin ang mga marka nito. Magiging makinis na muli ang mukha niya. Lalo pa siyang gagwapo.

"Pero masakit pa rin 'yung iba, e. Lalo na 'yung dito sa gilid ng labi," reklamo niya at napangiwi pa nga siya.

"Gagaling din po 'yan," sabi ko naman sa kanya. Pagkatapos ay kumuha pa ako ng kaunti pang ointment.

"Ah, siya nga pala, Maureen. . ." dinig kong tawag niya sa'kin kaya naman napalingon akong muli sa kanya.

"Ano po 'yon, Sir Zeus?" tanong ko naman.

"Yung nangyari kahapon sa mall. . ." panimula niya. "May pinagsabihan ka ba no'n?"

Napaisip naman ako sa tanong niyang 'yon at naalala ko ang pagsisinungaling niya kay Ma'am Helen kanina. Naisip ko no'n na baka naman ayaw lang niyang bigyan ng sakit ng ulo si Ma'am, kaya hindi na niya binanggit ang nangyari. Pero ano kaya't pati ako ngayon ay tinatanong niya?

"Maureen?" tawag pa niya sa'kin.

"Wala naman po," sagot ko. "Bakit po?"

"Ayoko na rin kasing maungkat pa 'yon," sagot naman niya sa'kin.

Nang mga sandaling 'yon naman ay bigla namang sumagi sa isip ko ang mga katanungan ko. Hindi ako katulad ni Danica na masyadong ma-usisa. Kaya lang ay may nagtutulak sa akin ngayon na maghanap ng kasagutan sa mga katanungan ko.

"S-Sir Zeus. . ." kinakabahang sambit ko. Paano kung magalit siya? At ano na lang ang sasabihin niya kapag nagtanong ako?

"Hmm?"

"Wag n'yo po sanang mamasamain, a? Gusto ko lang po sanang itanong kung ano po ba talaga ang nangyari?" Sa wakas ay naitanong ko rin 'yon sa kanya.

Bumuntong-hininga naman siya bago sumagot, "Aminado ako, oo, napaasa ko si Marquita. Naipit lang kasi ako sa sitwasyon. Kaya, 'yon, syempre, nagalit siya sa'kin. Pati si Blake."

Kahit ako ay parang mapapabuntong-hininga na rin yata sa sagot niya. Alam ko ang pakiramdam na may kasamang kaibigan. Kahit kailan ay 'di pa kami nagkaroon ng seryosong away nila Jacob at Danica. Pero iniisip ko pa lang na ganoon ay nasasaktan na ako. Pano pa kaya si Sir Zeus na talagang nararanasan na 'yon?

"Nakakalungkot po siguro 'yan, ano?" tanong ko pa sa kanya.

Napangiti siya nang mapait. "Sobrang sakit. Kung sana kaya kong turuan ang puso ko."

Dahil sa sinabi niyang 'yon ay naalala ko naman ang pinakamalaking katanungan sa isip ko—kung sino nga ba talaga ang nagmamay-ari ng puso niya.

"Sir Zeus, s-sino po ba kasi talaga ang mahal n'yo?" tanong ko sa kanya. Natatakot man akong baka magalit siya, pero ayoko nang palagpasin pa ang pagkakataon.

Parang natigilan siya sa tanong ko, kaya't minabuti ko nang magpatuloy. Ang pakielamera at ang usisera siguro ng dating ko ngayon, pero, hay, bahala na.

"No'ng araw na nagpunta po dito si Sir Blake, sabi n'yo po na. . .nandito po 'yung taong mahal n'yo. . . Ano po bang ibig sabihin no'n?" tanong ko sa kanya.

Unti-unti ay nag-iba ang ekspresyon niya. Para bang may sinabi akong mali at umiwas siya ng tingin sa akin. Napayuko naman ako dahil sa pagkapahiya. Bakit naman kasi ang pakielamera ko masyado?

"P-Pasensya na po, Sir Zeus. 'Wag n'yo na lang pong sagutin," sabi ko na lang.

Ngumiti naman siya sa akin, ngunit para bang peke ang ngiti niyang 'yon.

"Mabuti pa nga. Lagyan mo na lang ng ointment ang mga sugat ko," sabi naman niya. Kaya naman tumango-tango na lang ako at itinuloy ang gawain ko.

Habang ginagawa 'yon ay hiyang-hiya pa rin ako kay Sir Zeus. Baka isipin niya, masyado na akong nakampante sa kanya at nagawa kong itanong iyon sa kanya. Kaya hindi na lang ako nagsalitang muli hanggang sa matapos ko ang gawain ko.

* * *

"Ano kaya'ng meron d'yan sa plato at kaytagal mo hugasan?"

Natinag ako sa paghuhugas ng pinggan nang marinig ko si Danica. Sa dami ng iniisip ko ay nawala pala sa loob ko na naghuhugas nga pala kami ng mga pinagkainan.

Tinignan ko lamang siya, pero hindi na ako nagsalita pa. Ibinaba ko na lang ang pinggan na nasabon ko na at kumuha ng iba pang marumi.

"Uy. . . Ayos ka lang ba?" tanong niya pa sa akin.

Napabuntong-hininga naman ako. Sa totoo lang, hindi ko rin alam sa sarili ko kung bakit nawala ang sigla ko buhat no'ng magkausap kami ni Sir Zeus. Ni hindi ko pa nga alam kung sino nga bang mahal niya, heto't nagmukmok na ako dito. Pero naguguluhan lang kasi talaga ako, e.

At sa sobrang gulo ng isip ko, napagpasyahan kong huwag na lang ipaalam kay Danica ang mga bumabagabag sa isipan ko.

"Okay lang ako. Nakakatamad lang," katwiran ko na lang sa kanya.

"Aba! Bago yata 'yan, a?" sabi pa niya.

Gusto ko pa sanang makipag-asaran sa kanya, kaso wala talaga akong gana, kaya ngumiti na lang ako.

"Aba, tinamad ding magsalita," komento pa niya at napailing.

Mukha namang naramdaman niyang ayoko munang makipag-usap, kaya hindi na siya muling nagsalita pa. Tinapos na lang namin ang paglilinis ng kusina, pagkatapos ay dumiretso na kami sa kwarto namin.

"Sige na, Maureen. Ikaw muna ang magpalit. Alam ko namang gusto mo nang magpahinga, e," sabi sa akin ni Danica nang makarating kami doon.

"Sige," sabi ko na lang at lumapit sa bag ko para kumuha ng damit.

"Oo nga pala, Maureen!"

Napalingon ako kay Ate Regine nang marinig kong tinawag niya ako. Napatigil din ako sa paghahalungkat ng bag ko para sa damit.

"Uh. . . Galing kasi dito kanina si Sir Zeus," sagot ni Ate Regine.

"Si Sir Zeus, nagpunta dito?" kaagad na tanong naman ni Danica, kaya naputol ang sinasabi ni Ate Regine.

"Oo. E, hinanap si Maureen, e," sagot naman ni Ate Regine sa kanya.

"Huh?" gulat na sabi ko. "B-Bakit daw po?"

"E, may iuutos yata sa'yo, e. Alam mo naman 'yon. Sa'yo at kay manang lang yata palagay ang loob no'n, e," sabi naman ni Ate Regine.

"Oh ano? Sige ha. Matutulog na ako. Kayo nang bahala," sabi pa ni Ate Regine at dumiretso na sa higaan.

Napatingin naman ako kay Danica. At kaagad ko rin namang pinagsisihan 'yon dahil abot tenga ang ngiti niya ngayon.

"Dalian mo na. Hinihintay ka na ni 'Sir Zeus'," may tonong sabi niya sa akin.

Dahil doon ay napagpasyahan kong huwag na munang magpalit ng damit. Dumiretso na lang ako sa itaas—sa kwarto ni Sir Zeus. Habang patungo doon ay tanong ako nang tanong sa sarili ko. Ano kayang kailangan niya sa'kin at bakit niya ako hinahanap?

Nang makarating ako sa labas ng kwarto niya ay kumatok ako ng tatlong beses. Kabadong-kabado pa ako habang nakayukong naghihintay ako roon. Ano ba naman ito? Bakit ako kinakabahan?!

Ilang sandali pa'y tumunog ang pintuan kaya't napatingin ako doon. Dumoble pa tuloy ang kaba ko nang makita ko si Sir Zeus. At mayamaya nga'y ngumiti pa siya sa akin!

"Halika, pasok ka."

Kung hindi pa niya sinabi 'yon ay hindi ko mapapagtantong ang tagal ko na palang nakatingin sa kanya. Napaiwas tuloy ako ng tingin at sumunod sa kanya sa loob ng kwarto niya.

Bakit parang biglang nag-init ang mga pisngi ko? Malamig naman dito sa kwarto niya ah! Ano ba naman 'to?

Pinanood ko na lang siya hanggang sa makaupo siya sa dulo ng kama niya. Pagkaupo niya doon ay napangiti pa siyang muli sa akin.

"Maupo ka," sabi niya sabay tapik sa espasyo sa tabi niya.

Dahan-dahan akong lumapit at naupo sa tabi niya. Hindi ko rin siya matignan nang diretso dahil sa hiya at kaba.

"Uh, S-Sir Zeus, a-ano po bang iuutos n'yo?" nahihiyang tanong ko sa kanya.

Pagtingin ko sa kanya ay nakangiti na naman siya sa akin. Ano ba ang problema niya at ngiti siya nang ngiti? Hindi ba niya alam na ako dito ay kabadong-kabado na?

"Inuutusan kitang makinig sa sasabihin ko," sagot niya sa akin.

"Huh? A-Ano po?" takang tanong ko. Ano ba ang mahalaga niyang sasabihin at kailangan ngayong gabi pa talaga? Bakit parang may kakaiba sa kanya?

"I said, makinig ka sa'kin," pag-uulit niya.

Hindi na ako nakapagsalita pa. Napatingin na lang ako sa isang sulok ng kwarto niya habang hinihintay ang sasabihin niya.

"Galit ka ba sa'kin?" Iyon ang unang-unang lumabas sa bibig niya matapos ang ilang sandali.

Gulat akong napatingin sa kanya. Bakit naman niya naisip 'yon?

"H-Huh? Hindi po, a!" sagot ko sa kanya.

"E, bakit ayaw mo akong tignan?" tanong pa niya habang nakakunot ang noo.

Naku! Ano ba ang isasagot ko sa kanya? Sasabihin ko bang 'di ako makatingin sa kanya dahil naiilang ako? Dahil pakiramdam ko ay lalong nag-iinit ang mga pisngi ko kapag nakatingin ako sa kanya?

Mabuti at bago pa ako makaisip ng palusot ay nagsalita na siyang muli.

"Well, siguro nagtataka ka kung ano nga bang sasabihin ko 'no?" sabi niya, pero pagkatapos ay bigla naman siyang nagseryoso. "Maureen. . ."

"P-Po?" Kinakabahan akong napatingin sa kanya.

"Yung tanong mo sa'kin kanina kung sino'ng mahal ko. . . Sasagutin ko na."

Itutuloy. . .

Bab berikutnya