webnovel

Kabanata 5

k a b a n a t a  5

"Manang Guada, alis na 'ko. Kayo na'ng bahala dito."

Napatingin ako kay Sir Zeus na kasalukuyang bumababa ng hagdan. Nakasuot siya ng itim na long sleeves na bahagyang humahapit sa kanyang katawan. Kapansin-pansin tuloy ang bahagyang maskulado niyang katawan. Ang pang-ibaba naman niya ay maong na shorts lang na parang lumot ang kulay. Sandals naman ang sapin niya sa paa.

Kung titignan ay napakasimple lang ng kanyang porma, ngunit sa mga mata ko'y para siyang isang modelo. Halata namang basa pa rin ang kanyang buhok dahil makintab pa ito.

"Sige ho, Sir. Mag-iingat ho kayo," sagot ni Manang Guada sa kanya.

Nang mapadaan siya sa harapan ko'y napayuko ako. Hindi ko naman napigilan ang mapangiti nang malanghap ko ang mahalimuyak niyang pabango. Ano na ba itong nararamdaman ko? Humahanga na ba ako kay Sir Zeus?

"Oh, ba't para kang ewan kung makangiti d'yan?"

Para naman akong napahiya sa tanong ni Manang Guada. Nag-iwas ako ng tingin at yumuko.  Parang gusto kong pagalitan ang sarili ko. Hindi na tama itong nararamdaman. Hindi ako dapat humanga sa isang katulad ni Sir Zeus. Siguradong mabibigo ko si Itay. Isa pa'y wala naman akong pag-asa sa kanya.

Aalis na sana ako sa harapan ni Manang Guada nang marinig namin ang sigaw ni Zeus.

"What are you doing here?"

Parehas kaming napatingin sa pintuan ng mansyon na 'di kalayuan sa kinatatayuan namin. Agad naman akong napasimangot nang makita ko na naman ang babaeng iyon.

"W-Why?" Parang nasasaktang sabi niya. Buti nga sa kanya. Pero maya-maya rin ay ngumiti siya. "Nasurprise ba kita?"

"You didn't," malamig na sabi ni Sir Zeus sa kanya. Ipinagtaka ko naman iyon. Akala ko'y si Marquita ang dahilan kung bakit maganda ang gising ngayon ni Sir Zeus. Ngunit bakit pati dito ay ganito nalang niya pakitunguhan?

"Oh, I'm sorry, Zeus. I-I just thought. . ." Parang nawala sa sarili si Marquita. Biglang naglaho ang kanyang katarayan at parang hindi alam kung ano'ng sasabihin.

Nang makita ko ang ekspresyon ni Zeus ay tila ba parang lumambot ang puso niya't nakaramdam ng awa kay Marquita.

"I'm sorry, Mars. I just didn't like the fact na ikaw na babae, ikaw pa sumusundo sa'kin," sabi ni Zeus sa kanya.

"Zeus! Ang tagal na no'ng huli mo 'kong tinawag n'yan ah. God, I really missed you!" Sa pagkakataong 'yon ay yumakap pa si Marquita sa kanya. Nakita ko pa ang mariin na pagpikit ni Sir Zeus bago yakapin pabalik si Marquita.

"Ay, naku, bagay na bagay talaga sila," komento ni Manang Guada na kitang-kita ang giliw sa mga ngiti.

Napayuko lang ako. Sa mga sandaling 'yon ay naintindihan ko na ang lahat. Para namang may kumurot sa aking puso. Nasisiguro kong may espesyal na puwang ang babaeng 'yon sa puso niya.

Kung sabagay. Mas nababagay naman silang dalawa sa isa't isa. Pareho ang mundong ginagalawan nila. Napabuntong-hininga ako. Hangga't maaaga pa ay dapat na itigil ko na kung ano man 'tong nararamdaman ko.

Umalis na lamang ako doon at dumiretso sa kusina. Kailangan kong makapag-isip ng maayos. Ano ba namang kalokohan ang pumasok sa isip ko at nabighani ako doon kay Sir Zeus? Hindi ba't nagtrabaho nga ako dito para makapag-ipon at hindi para makakilala ng isang mayamang lalaki?

Buong araw ko yatang pinagagalitan ang sarili ko nang dahil doon. Kailangang iisantabi ko ang pakiramdam na 'yon. Kailangan, dahil pakiramdam ko'y masasaktan lamang ako.

"Ang lalim naman ng iniisip mo, Maureen."

Napatingin ako kay Danica. Sa ilang segundo'y wala akong maisagot sa kanya. Ngunit napailing nalang ako at muling nagpunas ng baso. Kakatapos lang kasi naming maghugas ng mga kasangkapan.

"Baka mamaya makabasag ka. Naku, malalagot ka kay Sir Zeus. Sinasabi ko sa'yo," sabi pa niya sa akin.

Bahagya naman akong natigilan nang mabanggit niya ang pangalang iyon. Bakit naman kasi kailangang iyon pa ang mabanggit niya? Pwede namang si Sir Apollo nalang.

Napansin naman niya ang pananahimik ko.

"Maureen? Ano ba'ng iniisip mo?" tanong pa niya.

"Ano ka ba? Wala naman," sagot ko sa kanya.

"Namimiss mo siguro si Tito Jose ano?" tanong pa niya.

"Ah, o-oo. Tama ka," sagot ko sa kanya. Talaga namang namimiss ko si Itay. Ngunit bakit sa mga sandaling iyon ay tila niloloko ko siya at ang sarili ko na rin? Dahil alam ko sa sarili kong si Sir Zeus ang nasa isip ko noon.

Gabi na at nakauwi na si Sir Apollo at si Ma'am Helen ay wala pa rin siya. Nag-aalala na nga si Ma'am Helen sa kanya, kaya't pinatawagan na siya. Napag-alaman namang nagkakasiyahan lang daw sila ng mga kaibigan. Hinayaan nalang ni Ma'am Helen. Naiintindihan naman daw niyang namiss ni Sir Zeus ang mga kababata. Pero pakiramdam ko ay may lungkot pa rin kay Ma'am Helen. Parang mas namiss pa ni Sir Zeus ang mga 'yon kaysa sa kanya.

Ayoko man ay pinilit ko na rin ang sarili kong matulog nang gabing 'yon. Kahit pa wala pa si Sir Zeus. Pero ano naman kung wala pa siya? Dapat ko pa ba namang isipin 'yon? Mas matanda siya ng isang taon sa akin. Malaki na siya. Kaya na niya ang sarili niyang buhay. Tapos na ako sa paninilbihan ko dahil oras na ng tulog.

Hindi ko na siya dapat isipin pa kahit kailan. Kailangang itatak ko sa utak ko na amo ko lamang siya. Iyon lang ang dapat na turing ko sa kanya. Kailangang iwaksi ko na itong paghanga sa aking puso sa lalong madaling panahon. Bago pa lumalim ito.

* * *

Kinabukasan, sina Sir Apollo at si Ma'am Helen lang ulit ang magkasalo sa almusal. Wala na naman si Sir Zeus.

"Ma'am, hindi po ba namin gigisingin si Sir Zeus?" tanong ni Ate Regine kay Ma'am Helen.

"Hindi, 'wag na muna," mabilis na sagot ni Ma'am Helen. "Halos madaling araw na rin umuwi 'yon kagabi."

Napaawang ang mga labi ko sa narinig kong sinabi ni Ma'am Helen. Grabe naman pala. Masyado sigurong nagsaya si Sir Zeus kasama ang mga kaibigan niya? Lalo na 'yong babaeng 'yon.

"Hmm? Hindi ko na napansin," sambit naman ni Sir Apollo.

"Mabuti nga at hinatid nila Blake," saad pa ni Ma'am Helen. Narinig ko na rin ang pangalan na 'yon sa kwento nila Ate Regine.

"Akala ko pinauwi mo kami dito para magtino si Zeus," sabi ni Sir Apollo pagkatapos ay sumubo ng pagkain. "E, parang lumipat lang siya ng lugar, e."

Magtino? Loko-loko ba talaga si Sir Zeus? Kung sabagay. . . Halata naman sa hitsura at sa kilos niya. Pero hindi ko alam kung bakit gusto kong isipin na mabait pa rin siya. Dahil ba ito sa humahanga na nga ako sa kanya?

"Hayaan mo na't mas mababantayan ko naman siya rito," daing naman ni Ma'am Helen. Pakiramdam ko, mas gusto niya ang anak niyang si Zeus dahil mas lagi niyang pinapaboran ito.

"Oh, well, namiss lang niya siguro nang sobra sila Marquita," sabi naman ni Sir Apollo at saka ngumiti sa kanyang ina.

Maya-maya'y natapos na rin naman silang kumain. Sabay silang umalis ngayon dahil ipagda-drive daw ni Sir Apollo si Ma'am Helen. Sa tanda ko'y iisang bangko lang ang pinapasukan nila, pero magkaibang branch. Si Ma'am Helen ay 'yong branch dito sa Doña Blanca, si Sir Apollo ay sa katabi namang bayan.

Katanghalian at kakatapos ko lang na magwalis-walis sa labas ng bahay ng mga Lorenzino ay dire-diretso akong pumasok sa kusina. Naglinis ako ng kamay sa may lababo. Maya-maya ay dumarating si Manang Guada.

"Maureen, pakigising na nga si Sir Zeus mo at hindi pa kumakain 'yon," sambit niya sa akin. Bahagya akong natigilan sa pagpupunas ng kamay ko.

Bakit naman ganoon? Kung kailan iniiwasan ko 'yong tao, e, saka ako palalapitin sa kanya? Nakakainis naman.

"Maureen! Ano ba't 'di ka pa kumikilos d'yan?"

Natauhan ako nang bahagyang lakasan ni Manang Guada ang boses niya. Ibinalik ko na sa dati ang basahan na pinamunas ko ng kamay ko.

"P-Pasensya na po," sabi ko at yumuko kay Manang Guada. Para na rin namin siyang amo, e.

"Sige na. Dalian mo na," sabi naman niya sa akin. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at tumango-tango, saka ako nagtungo paakyat sa kwarto ni Sir Zeus.

Kumatok ako ng tatlong beses sa puting pintuan ng kwarto niya. Gising na kaya siya? Siguro naman, e, sapat na ang naging tulog niya.

"Si Zeus! Bumangon na daw po kayo sabi ni Manang Guada," sigaw ko pa.

Tumayo nalang ako sa harap ng pintuan niya at naghintay. Maya-maya pa'y umikot ang door knob ng pinto at kasunod noon ay ang paglabas ni Sir Zeus. Ibang-ibang Sir Zeus.

Nakasuot siya ng puting t-shirt na kagaya ng suot niyang long sleeves kahapon ay bahayang humahapit sa maskulado niyang katawan. Ang shorts naman niya na hanggang hita lang niya ay kulay itim. Pero ang nakakapanibago roon ay ang ngiti niya sa labi at ang maliwalas niyang mukha. Akala mo ba'y hindi napuyat kagabi. Para ba itong isang himala, kaya napaawang nalang ang mga labi ko habang nakatingin sa kanya.

Hindi na niya ako hinintay pa. Kusa na siyang bumaba at sa tingin ko'y dederetso siya sa hapag-kainan. Ako naman ay naiwan doon na litong-lito at gulat na gulat pa rin.

"S-Si Sir Zeus ba talaga 'yon?" natanong ko na lamang sa sarili ko at wala sa sariling bumaba ng hagdan.

Pagbaba ko ay dinig ko ang tawanan nila ni Manang Guada. Nabato nalang ako sa kinatatayuan ko at pinagmasdan siya sa bawat halakhak niya. Hindi ko alam kung ano ang nakapagpatulala sa akin. Dahil ba sa naninibago ako sa ikinikilos niya o dahil sa ang sarap lang talaga niyang pagmasdan?

"Oh, Maureen."

Kamuntikan pa akong mapaatras nang mapansin ako ni Manang Guada. Nakita ba niya ang pagtulala ko?! Naku! 'Wag naman sana!

"Ano bang ginagawa mo r'yan?" tanong niya at nakapamaywang pa. Nataranta ako at kaagad na nag-isip ng palusot. Tumingin ako nang pasimple sa paligid. Malinis naman na ang sala dahil nalinis na ito kanina pa.

"E, halika at ikaw na ang maghugas nitong kinainan ni Sir," sabi niya sa akin. Nahihiya akong lumapit sa kanya. Mabuti nalang at nang mga oras na 'yon, e, may hinahanap sa ref si Sir Zeus.

"Hayan at nagluluto ako ng tanghalian dito," sabi ni Manang sa akin habang kinukuha ko ang kinainan ni Sir Zeus. "Magsaing ka rin d'yan sa rice cooker."

"Opo," sagot ko lang kay Manang.

"Manang, wala ba tayong hipon" dinig kong tanong ni Sir Zeus.

"Naku, wala ata, e," sagot naman ni Manang.

"I was planning to cook for dinner. Garlic buttered shrimp," saad naman ni Sir Zeus.

Lalo akong namangha doon. Bukod sa magandang gising ni Sir Zeus, e, mukhang napakaganda pa ng mood niya ngayon! Magluluto pa talaga siya para sa hapunan, samantalang trabaho na nga namin 'yon.

"Aba, mukhang napasaya ka nang husto nila Marquita?" magiliw na komento ni Manang Guada,  na nagpasimangot na naman sa akin. Hay. Narinig ko na naman ang ngalan ng babaeng 'yon. At nakakainis lang isipin na dahil sa kanya kaya nagkakaganito si Sir Zeus.

Natawa naman si Sir Zeus. Damang-dama ko ang kagalakan doon.

"Yeah," sagot niya. Natapos naman na ako sa pag-uurong. Kinuha ko ang rice cooker para magsaing.

"May mabibili ka pa siguro sa palengke," sabi pa ni Manang Guada. "Tanghali palang naman."

"Sana nga," sagot ni Sir Zeus.

"Maureen, dalian mo d'yan at ipamalengke mo si Sir Zeus," dinig kong utos ni Manang sa akin habang nagsasalin ako ng bigas sa rice cooker. Pag-angat ko ng tingin kay Manang na noo'y naghahalo ng ulam ay tumango-tango ako.

"Opo."

"No, Manang. I want to be the one to pick the shrimps," tutol naman ni Sir Zeus. Nakakabigla talaga ang mga kilos at salita niya ngayon.

"Ahm, p-pero trabaho po namin 'yon," sabi ko naman sa kanya. Halos hindi ako makatingin sa kanya. At lalo pa nang malipat ang tingin niya sa akin. Ano ba ito? Bakit bumibilis ang tibok ng traydor kong puso?!

At ang lintik, ngumiti pa sa akin!

"Mapili kasi ako when it comes to the food I cook. Gusto ko 'yong talagang maganda," paliwanag naman niya.

"Sir Zeus, baka naman ho magalit si Ma'am Helen kung hahayaan ka naming mamalengke mag-isa," sabi naman ni Manang Guada sa kanya, kaya nabawi ang tingin niya sa akin.

"Kung gusto niyo, samahan niyo nalang ako, Manang," sabi naman ni Sir Zeus. Hindi pa rin mawala ang ngiti sa kanyang mga labi. "Just like before! Namiss na rin kita, Manang."

"Naku, bata ka! Gusto ko rin sanang magbonding-bonding tayo uli, kaya lang, e, medyo mahina na ang katawan ko. Hindi ko na kayang mag lakad-lakad," malungkot na sabi ni Manang Guada. Ako naman, habang nag-uunab ng sinaing, e, napapaisip kung ano'ng pinag-uusapan nila.

"Maureen, ito kasing si Zeus, dati, e, kasa-kasama kong mamalengke." Si Manang Guada na mismo ang nagsabi sa akin.

"G-Ganoon po ba?" sambit ko nalang. Isinaksak ko naman na ang cooker at pinindot iyon.

"Oo," sagot ni Manang. "Ay, teka! Maureen, hayan at ikaw nalang ang sumama kay Sir!"

"A-Ako po?" gulat kong tanong. Hindi naman mapakali ang puso ko sa ideyang makakasama ko si Sir Zeus.

"Oo. E, nar'yan ka na rin naman na," sagot ni Manang Guada. "Dalian niyo na't baka wala na kayong mabili!"

"S-Sige po," sabi ko na lamang at napayuko.

"Tawagin mo na si Junard. I'll just go upstairs," utos naman sa akin ni Sir Zeus. Tanging tango lang ang naisagot ko dahil sa kaba ko sa kanya.

Mataps kong tawagin si Junard ay pinili kong maghintay na lamang sa sala nila habang si Sir Zeus ay nasa kwarto niya. Ilang minuto pa ay lumabas na rin siya na may suot na itim na sombrero. Nakatanaw lang ako sa kanya habang pababa siya ng hagdan. Hindi ko talaga akalaing makakasama ko siya ngayon!

"Let's go," sabi niya lang at mabilis akong nilampasan.

Sumunod nalang ako sa kanya. Dumiretso siya sa garahe nila kung saan naroon ang puting kotse nila. Nakatayo na sa gilid noon si Junard. Paglapit niya ay pinagbuksan siya nito.

Nanatili naman akong nakatayo sa labas. Tatabi ba ako sa kanya o kay Junard? Ano ba? Saan ba ako uupo?

"Maureen?" tanong ni Junard sa akin na dumungaw sa bintanang binukasan niya. "Sumakay ka na."

"Ah, o-oo!" sabi ko at dahil sa taranta ay kaagad na binuksan ko ang pintuan ng kotse sa likod. Nakatabi ko tuloy si Sir Zeus. Mabuti at mukhang ayos lang naman sa kanya.

"What time do they usually go home?" tanong ni Sir Zeus. Paglingon ko sa kanya ay nakatingin siya sa akin.

"A-Ano po 'yon?" tanong ko sa kanya.

Napabuntong-hininga naman siya at parang nag-iba ang timpla. "Ano'ng oras umuuwi sila Mom?"

"K-Kadalasan po ay alas-sais ng gabi o higit pa," sagot ko naman. Napatango-tango siya at muling ibinalik ang paningin sa daan. Ako naman ay napayukong muli. Pasimple ko pang nagusot ang laylayan ng bestidang uniform ko dahil sa pagpipigil ng kilig.

Ano ba naman 'yan! Akala ko ba'y kalilimutan ko na ang umuusbong na damdamin ko para sa kanya? E, ano ito at parang mas lumalala pa? Nakakainis naman!

Sir Zeus. . . Bakit naman kasi ang guwapo mo?

Itutuloy. . .

Bab berikutnya