webnovel

Kabanata 6

k a b a n a t a   6

Marami-rami pa rin ang tao noon sa palengke. Sabagay, katanghalian palang naman. Kung tutuusin ay maliit lang naman ang palengke ng Doña Blanca, pero narito naman na ang halos lahat ng kailangan mo. Lalo na sa mga pagluluto ng ulam.

"Maiwan ka na dito, Junard. Bantayan mo ang kotse," bilin ni Sir Zeus pagkababa niya. Bumaba na rin naman ako na dala-dala ang bayong na palaging pinadadala sa amin ni Manang Guada sa t'wing mamamalengke kami.

Tahimik lang akong nakasunod kay Sir Zeus. May ilang mga bumabati sa akin kapag nakikilala nila ako. Dati, no'ng naglalako pa kami ng banana cue ni Danica, e, may mga suki rin naman kami dito.

"Sa'n ang seafoods section dito?"

Nagulat pa ako nang kausapin ako ni Sir Zeus. Mabuti nalang at kaagad din akong natauhan at rumehistro na sa utak ko ang tanong niya.

"D-Dito po, Sir. S-Sumunod nalang po kayo sa'kin," sabi ko at mas nauna na sa paglalakad.

Hindi pa man din ako katulong, e, laman na ako ng palengke. Dahil nga namamasada ang tatay ko ay ako ang nagluluto sa amin. Kaya naman kabisado ko na ang pasikot-sikot dito. Alam ko na rin kung sino ang dapat puntahan.

Pagdating namin sa pwesto ni Aling Choleng ay abalang-abala pa siya sa pakikipag-usap sa mga mamimili niya. Bukod sa hipon, e, may tinda rin siyang mga alimasag, tahong at iba pa.

"Aling Choleng!" pagtawag ko sa kanya. Napatingin naman siya sa akin ngunit agad ding binawi. Maya-maya'y gulat ding napatingin ulit sa'kin.

"Maureen! Naku, bata ka, oo! Ikaw pala 'yan!" tuwang sabi niya sa akin. "Hindi na kita nakikita, a."

"E, abala na po kasi sa trabaho sa mansyon," sagot ko naman sa kanya.

"Sabi nga sa'kin ni Danica no'ng minsang mamalengke dito," sabi pa niya sa akin.

"Ah, bibili ho sana ako ng hipon," sabi ko pa sa kanya.

"Ayan oh. Dalawa nalang 'yan," sabi ni Aling Choleng sa akin at inilapit pa ang dalawang maliit na parang liyanerang platito na may hipon.

Lumapit naman si Sir Zeus para tignan 'yon. Maya-maya'y napangiti siya. "Maganda 'to. Malalaki."

"Ay, Maureen, sino 'yan? Boypren mo?" halos pabulong na tanong sa akin ni Aling Choleng. Kaya lang sa layo niya ay narinig pa rin 'yon ni Zeus. Umakyat tuloy ang lahat ng dugo sa mukha ko. Nakakahiya!

"Ay naku! Hindi po!" kaagad kong sabi. "Amo ko po siya, Aling Choleng. Bale, anak po no'ng amo ko."

"Ay! E, gan'on ba?" Natawa naman si Aling Choleng at tumingin kay Zeus. "Pasensya ka na, hijo."

"Magkano po ba 'yang hipon?" pag-iiba ni Sir Zeus ng usapan. Pakiramdam ko tuloy ay nagalit siya.

"Sige, isang daan nalang po," sagot ni Aling Choleng sa kanya. Kinuha na rin nito ang hipon at inilagay sa supot.  Kumuha naman si Zeus ng isang libo mula sa kanyang wallet. Kaagad naman siyang nasuklian ni Aling Choleng. Ako naman ang kumuha ng supot at isinilid sa bayong na dala ko.

"Sige po, Aling Choleng, alis na po kami," paalam ko kay Aling Choleng. Tango lang naman ang isinagot niya sa akin.

Habang naglalakad ay naisipan kong tanungin si Sir Zeus.

"Ah, eh, Sir. . ."

Tinignan niya lang ako saglit.

"Wala na po ba tayong bibilhin?" tanong ko sa kanya.

"Hmm. Do we have some butter? Garlic?" tanong naman niya sa akin.

"M-Meron naman po," sagot ko.

"Then. I guess it's okay," sagot niya at muli nang tumalikod sa akin. Nagpatuloy naman kami sa paglakad hanggang sa makabalik sa kotse at dumiretso na pauwi sa mansyon.

* * *

Alas-kwatro y medya palang ay naghahanda na si Sir Zeus para sa iluluto niyang putahe. Dinaluhan naman siya ni Danica.

"Sir, baka po kailangan niyo ng tulong d'yan," sambit ni Danica sa kanya na abala sa paghihiwa ng bawang. Umiling-iling naman siya.

"Just let me," tugon ni Sir.

"Ay, Danica, sige, hayaan mo na 'yan," pagsingit ni Manang Guada. Dahil doon ay naglakad na palayo si Danica patungo sa amin.

"No'ng nasa Maynila naman 'yan, e, wala silang katulong. Siya lang ang nasa kondo niya," dagdag pa ni Manang Guada. Napatango-tango naman kami.

"Oh, siya, bakit hindi niyo nalang isilong ang mga sampay?" tanong pa ni Manang Guada sa amin. Kaagad naman kaming naalarma at nagmadaling tumungo sa labas.

Naglaba kasi kanina sila Monet at Danica ng mga damit nila Ma'am Helen. Kanina nga'y sinampay din namin 'yon. Muntik pa naming makaligtaang isilong kung hindi lang sinabi ni Manang.

"Hindi niyo ba napapansin? Parang may iba kay Sir Zeus," saad ni Danica.

"Naku, Danica. Kaunti nalang, e, iisipin kong may gusto ka d'yan kay Sir," sambit naman ni Monet. Napayuko tuloy ako.

"Eh, kasi naman. Hindi naman siya dating ganyan na siya pa talaga ang magluluto," sabi pa niya habang patuloy na kumukuha ng damit mula sa sampayan.

"No'ng masungit si Sir, reklamo ka nang reklamo. Ngayon naman. . ." sabi naman ni Monet at napailing. Napatingin naman siya sa akin habang nakangisi. "'Tong si Danica, puro si Sir ang inaatupag."

Napaiwas ako ng tingin at saka tumango-tango. Tinamaan kasi ako do'n sa sinabi niya. Mabuti nalang at hindi nila alam na nagsisimula na akong magkagusto kay Sir Zeus.

"'To naman! Masama bang makichismis?"

Mabuti nalang at nagsalitang muli si Danica kaya naagaw ang atensyon ni Monet.

"Sigurado ako, 'yong ibang katulong ganito rin ang ginagawa," katwiran pa ni Danica.

"Hmm. Oh, sige. Kung d'yan ka masaya," tugon na lamang ni Monet na animo'y napapangiwi.

"Tsaka talaga naman. May iba d'yan kay Sir. Siguro sobra talaga n'yang namiss si Marquita ano?" sabi pa ni Danica.

"Oh, e, ano naman kung nagbago nga siya dahil kay Ma'am Marquita?" usisa ni Monet sa kanya. "Bakit? Nawawasak ba ang puso mo?"

Para bang gusto kong ako ang sumagot sa tanong na 'yon ni Monet. Ngunit mabuti at napigilan ko ang sarili ko na sabihing naiinggit at naiinis ako sa babaeng 'yon.

"Hindi ko naman gusto si Sir Zeus o kahit pa si Sir Apollo! Naninibago lang talaga 'ko," paliwanag naman ni Danica sa amin.

"Oh, e, 'yon naman pala, e. Maging masaya nalang tayo para kay Sir. At lalong-lalo na kay Ma'am Helen," sabi ni Monet.

Maging masaya? 'Yon nga ba ang dapat gawin? Ang panoorin ang taong nagugustuhan mo na maging masaya dahil sa iba? Siguro nga, oo. Dahil wala naman akong karapatang malungkot. Isa lamang akong hamak na katulong.

"Alam niyo, hindi sa naiinggit ako kay Marquita, pero ang sarap sigurong maging siya, ano? Mayaman. Maganda. Medyo kulang nga lang sa ugali, pero at least. Tapos may fafa pa siya na gaya ni Sir!"

Napailing si Monet. Ako naman ay nawalan ng kibo. Tama nga siya. Ano nga kayang pakiramdam na maging si Marquita? Marangya ang buhay. Hindi nagpapagod para makapag-aral. Tapos kahit gan'on ang ugali, e, mahal pa rin siya ni Zeus. Mabuti pa nga siya.

"Alam mo, Danica, masyado kang nahihibang sa mundo ng mayayaman," sabi ni Monet sa kanya.

Parang pamilyar na sa akin ang tagpong 'to. Ganito rin kasi kami noon ni Danica. No'ng 'di pa kami nagtatrabaho dito. Kaya lang, ngayon ay hindi ko na masabi sa kanya ang mga sinasabi ko sa kanya noon. Dahil ako rin ay parang naging tulad niya na rin.

"Masama bang maghangad ng marangyang buhay? Na makaramdam ng ginhawa?" may tono nang tanong ni Danica. Nangamba ako na baka mag-away pa sila, kaya't sumingit na ako sa diskusyon nila.

"Halika na. Baka hanapin na tayo ni Manang," sabi ko sa kanila at sumunod naman sila sa akin. Dinala namin sa kwarto ang mga damit para tiklopin.

"Oh heto, Danica. Ikaw na ang magdala sa kwarto ni Sir Zeus. Mukha namang type mo, e," nang-aasar na sambit ni Monet at itinuro kay Danica ang mga damit ni Sir Zeus. Halos mga T-shirt at short lang naman 'yon.

"Hindi nga sabi, e," parang may inis namang sabi ni Danica.

"Oh, Maureen, ikaw na magdala n'yang kay Sir Apollo," utos naman niya sa akin.

"Ah, oo," sabi ko at kaagad na kinuha ang damit ni Sir Apollo na halos puro long sleeves na polo na iba-iba ang kulay. Ang mga pants naman niya ay halos puro itim. May mga medyas rin, dahil nga araw-araw siyang pumapasok.

Amoy na amoy ang panlalaking pabango sa kwarto ni Sir Apollo kahit kakapasok mo palang. Namangha rin ako sa sobrang linis ng kwarto niya na para bang walang gumagamit noon. Halos walang kalat at halos walang gamit.

Lumapit ako patungo sa higaan niya't inilapag doon ang mga damit niya. Matapos 'yon ay mabilis na rin naman akong lumabas. Sakto naman nang bumababa na ako sa hagdan ay narinig ko na ang ugong ng kotse ni Sir Apollo. Narito na sila.

Halos kasabayan ko ring bumaba si Monet na nagmadaling bumaba upang mabuksan ang pintuan. Sinundan ko rin naman siya.

"Magandang gabi po, Ma'am Helen," bati niya kay Ma'am. Ngiti at tango lang ang isinagot ni Ma'am.

"Oh! What's that smell?" tanong ni Ma'am Helen nang tuluyang makapasok. Matapos ay binalingan kami ni Monet. "Sino'ng nagluluto?"

"Si Sir Zeus po mismo, Ma'am," sagot ni Monet. Napangiti naman siya ngunit bakas ang pagkagulat sa mga mata. Napalingon siya kay Sir Apollo ba ganoon din ang reaksyon.

"Zeus is cooking?" manghang tanong ni Ma'am Helen kay Sir Apollo. Isang simpleng pagkibit balikat at pagngiti lang naman ang itinugon nito.

"Palit lang ako'ng damit, Mom," sabi ni Apollo at mabilis nang naglakad patungo sa kwarto niya.

"This is really surprising. . ." saad pa ni Ma'am Helen sa sarili niya at kaagad na tinungo ang kusina. Hindi namin mapigilan ang ngiti dahil sa galak na nakita namin sa kanya.

"Mukhang tuwang-tuwa si Ma'am Helen," puna ni Monet.

"Sana lagi nalang gan'yan si Sir Zeus. Masaya. Palangiti," wala sa sariling sambit ko. Kaagad namang napatingin sa akin si Monet, kaya't natauhan ako.

Jusko, ano ba naman 'yong nasabi ko?

"Maureen? Pati ba ikaw?" gulat na tanong niya sa akin.

"H-Hindi, a," pagtanggi ko. "Mali 'yang iniisip mo. Masaya lang ako para kay Ma'am Helen."

Napatango-tango naman siya kaya nakahinga ako nang maluwag.

"Monet! Pakuha nga nitong bag ko," utos ni Ma'am mula sa kusina, kaya't mabilis na umalis si Monet sa tabi ko.

Kinuha niya ang bag ni Ma'am Helen. May sinabi pa ito sa kanya, at siya naman ay tumango-tango. Maya-maya pa'y naglalakad na si Monet patungo s kwarto ni Ma'am Helen.

"Danica," pagtawag ni Ma'am Helen sa akin.

"M-Maureen po," pagtatama ko.

"Oh! Right. Maureen, pakitulungan kami rito," sabi niya. Napatango-tango ako at nagtungo roon.

"Pakihanda na ang mesa," utos niya nang makalapit ako.

"O-Opo, Ma'am," sagot ko at mabilis na kumilos. Si Sir Zeus kasi ay abala pa sa pagliligpit ng pinaglutuan niya.

"So what happened to this cold guy?"

Nakilala ko ang boses na 'yon kahit pa nakatalikod ako at kumukuha ng mga plato. Pagharap ko ay nakumpirma ko ngang si Sir Apollo 'yon.

"Oo nga. What happened to you? Inspired?" dagdag pang tanong ni Ma'am Helen sa kanya. Ginawa ko ang makakaya ko upang tahimik na mailagay ang mga plato sa mga pwesto nito. Pakiramdam ko ay hindi dapat ako narito at nakikinig sa usapan nila. Pero heto at nag-aabang din ako sa sagot ni Sir Zeus!

Baka sakali lang naman kasing hindi tama ang hula namin nila Danica na dahil kay Marquita kaya labis-labis ang saya niya.

Pero nabigo ako nang marinig ko ang sagot niya.

"In love, Mom. I think I'm in love."

Itutuloy. . .

Bab berikutnya