Napangisi si Kira habang patuloy na pinagtataga ang mga halimaw, "Lihim na paraan ng limang daang diyos ng kalawakan! Khīgrè Zhęphiros!" Lumiwanag ang katawan ng dilag habang umaagos ang dugo sa kaniyang sugat, mas lalong kumikirot ang kaniyang katawan na para bang sinusunog ang kaniyang kaluluwa. Lumabas sa kaniyang likod ang isang pares ng pakpak, ang kaniyang braso ay tinitintahan ng mga sinaunang simbolo at sa kaniyang noo ay isang asul na diyadema na may pamilyar na letrang F. Humaba rin ang kaniyang hawak na espada, bagamat mukha itong hindi pa masiyadong malakas.
Ang paraan na ito ay lubhang mapanganib alam ito ng dilag dahil ang bawat paggamit nito ay ang pagkuha ng maliit na bahagi ng kaniyang kaluluwa at sinusugat nito ang katawan ng gumagamit, sinisira ang loob-looban hanggang sa kaniyang buto.
Napatingin lang ang heneral sa dilag at hindi niya maiwasang mainggit. Binuhos niya ang kaniyang buong buhay sa pag-aaral ng mahika at alkemiya ngunit hindi man lang siya umabot ng sagradong limang baitang ng alkemiya kaya't niyakap niya ang maitim na mahika ngunit ang dilag na si Kira ay walang kahirap-hirap na umabot lagpas sa ikalimang baitang ngunit nakakasayang lamang ng kakayahan na hindi nito magawang makontrol at magamit ang lahat ng kakayahan nito.
Tumawa ang heneral sa hinihingal at halos madapa na sa lupa na dilag. Pumalakpak ito at itinuro ang dalaga. "Dapat ko palang pasalamatan na hindi ka namatay, kailangan ko ang kapangyarihan mo at kukunin ko ito pagkatapos kitang matalo."
Tumawa rin nang mahina si Kira at tiningnan ang kaniyang palad. "Bakit ba ako mayroon ng ganito? Hindi ko naman nagustuhan ito." Pinahid niya ang kaniyang palad sa tumulong dugo sa mata.
"Ngunit... Kung ibinigay man ito sa akin, kailangan ko itong tanggapin at gamitin ito sa tama. Ang tama ay ang tapusin ang mga salot tulad niyo at kahit na ikamatay ko man ito siguro ay hindi ko pagsisihan dahil ginawa ko ang tama hindi lamang para sa aking sarili ngunit para rin sa iba," pagpapatuloy niya habang inaalala ang unang beses na binasa niya ang sinaunang libro at ang sinabi nito sa kaniya...
"Tanggapin ang kapalaran."
Kung ito man ang kaniyang kapalaran siguro ay tatanggapin na lamang niya dahil kung mamatay man siya ngayon dahil sa paggamit ng kapangyarihang hindi niya kabisado ay dadalhin niya kasama niya sa kamatayan ang heneral at sisiguraduhing ligtas si Xerxes at ito na lamang siguro ang magpapatuloy sa kaniyang sinimulan.
Ipinikit niya ang mata at nagliwanag ang kaniyang paanan, lumabas ang tala ni dabid mula rito. Pinagaspas niya ang kaniyang pakpak at lumipad papunta sa direksyong muli ng heneral at pumatak mula sa pakpak ang kaniyang dugo, naramdaman niya ang pagtunog ng kaniyang mga nababaling buto ngunit tiniis niya ito at winasiwas ang espada na nagsimbolong tala ni dabid sa isang iglap ay nawala ang mga halimaw ng heneral.
Buong lakas na inatake ni Kira gamit ang kaniyang espada ang heneral. Sinalubungan ng talim ng espada ni Kira ang kamay ng heneral na nababalutan ng itim na anino.
Sumigaw nang sumigaw si Kira habang patuloy na inaatake ang heneral ngunit nagagawa nitong salagan ang kaniyang mga atake. Nararamdaman na ni Kira na malapit nang lumabo ang kaniyang paningin at mauubusan na siya ng dugo.
"Sumuko ka na!" tawa ng heneral at nakahanap ng tiyempo na sugatan si Kira gamit ang kaniyang paa na may matalim na bagay na gawa sa anino.