webnovel

Chapter 16

Napasimangot si Marist nang isukat niya ang black sequined halter gown. "Ayoko nito. Masyadong sexy. Hindi bagay sa akin."

Sinubukan din niya ang fuchsia pink na tube top at sinimangutan ang salamin. "Lalo namang hindi ako lalabas ng kuwarto ng ganito."

Malapit nang mag-alas siyete ng gabi pero hindi pa rin siya nakakapili ng damit na isusuot niya para sa dinner party. Formal daw iyon kaya kailangang maganda ang isuot niyang gown. Tapos na rin siyang ayusan ng make up artist at bahagya nang kinulot ang mahaba niyang buhok. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya sa mood na pumunta sa party.

Hinubad niya ang damit at kinuha na lang ang nag-iisang pajama na nasa closet na siyang pantulog niya. "Hindi na lang ako pupunta sa party. Ano naman ang gagawin ko doon? Makikipagsosyalan at makikibeso-beso sa mga mayayaman? Tapos titingnan at pagtatawanan lang nila ako sa likuran ko. Wala akong planong maging laughing stock nila."

Alam na niya ang gagawin ng mga ito. Ayaw niyang makipag-plastikan. Mas mabuti pang matulog na lang siya kaysa sumama sa mga taong hindi naman niya gustong makahalubilo. Di naman siguro siya kawalan sa party na iyon.

"Bakit ba kasi ako pa ang nanalo dito? Parang pare-pareho lang naman na sayang ang oras namin. Madaming bagay naman akong di ma-appreciate."

Itinatabi niya ang mga damit na naisukat na niya nang may kumatok sa pinto. Pinagbuksan niya si Emrei. "Hi! Bakit hindi ka pa nakabihis? Magsisimula na ang party. Hindi ka pa nakakapag-decide ng gusto mong isuot?"

"Hindi na lang ako sasama."

Nagulat ito. "Ha? Para sa iyo ang party na iyon. Di ka pwedeng mawala."

Iyon daw ang paraan ng riding club na I-welcome siya. Kaya naman halos lahat ng members ay naroon para makita siya. Parang isa siyang heroine sa romance novel. O kaya ay si Cinderella na a-attend sa ball. Ayon iyon sa room attendant na nakausap niya. Wala yata siya sa mood na maging Cinderella. Sleeping beauty na lang siguro na walang Prince Charming. Gusto lang niyang matulog kung kailan niya gusto. At paggising niya ay wala na siya sa Stallion Riding Club.

Sumandal siya sa dingding. "Emrei, masakit ang ulo ko. Pagod na pagod ako. Parang wala ako sa kondisyon na lumabas ng kuwarto ko. Baka mamaya doon pa ako magkalat sa party, nakakahiya naman lalo na sa iyo."

Lumungkot ang anyo nito. "Ganoon ba? Mahiga ka na. Tatawag lang ako sa clinic para matingnan ka ng doctor. You must have caught a flu or something."

Pinigilan niya ang kamay nito nang akmang magda-dial ito sa telepono. "Huwag na lang. Gusto kong magpahinga. Pwede ba?"

Bahagya itong ngumiti at hinaplos ang pisngi niya. "Oo nga pala. Masyado kang napagod sa mga ginawa mo ngayong araw na ito. Just take a rest. Kapag mas mabuti na ang pakiramdam mo sa umaga, magbabad ka sa bathtub. Magpapadala ako ng lavander bubble bath para sa iyo. It will help you relax."

"Paano ang party?" tanong niya.

Iwinasiwas nito ang isang kamay. "Hayaan mo sila. Basta magpahinga ka lang dito. Sa ibang araw na lang silang mag-party kung gusto nila." Hinawi nito ang comforter at kumot. "Mahiga ka na. Sige na."

Parang masunuring bata siyang sumunod at inayos nito ang kumot niya. He was so nice. Samantalang kung ibang tao siguro ito, maiinis na sa kanya at iisiping umaarte lang siya. Pero inisip talaga nito ang kapakanan niya.

Ngumiti siya. "Thank you."

Nagulat ito at mahabang sandali na napatitig sa kanya. Parang napagkit na nga ang tingin nito sa kanya. Daig pa nito ang nahipan ng masamang hangin.

Nailang siya sa titig nito. Malapit lang ang mukha nito sa kanya. Di tuloy niya alam kung saan niya ipapaling ang paningin. "E-Emrei, matutulog na ako."

"Okay. Matulog ka na," malambing nitong sabi. Sa halip na ilayo ang mukha sa kanya ay lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya.

Napalunok siya. Hahalikan ba siya nito? Lalo siyang natuliro. Di niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Pumikit na lang siya at hinintay ang susunod nitong gagawin. Hindi ako marunong humalik? Ano naman ang gagawin ko kundi ang maghintay na lang. Maghintay… maghintay at maghintay…

She could feel his breath against her skin. Naghintay pa rin siya sa pagsayad ng labi nito sa kanya. Ang bawat hati ng Segundo ay parang nakatagal na panahon. Hahalikan ba siya nito o hindi? Naiinip na siya.

Cool ka lang, Marist. Remember, patience is a virtue.

Naramdaman niyang kinintalan nito ng halik ang noo niya. "Goodnight!"

Nang dumilat siya ay nakatalikod na ito sa kanya at palabas na ng pinto. Napabalikwas siya ng bangon. "Emrei!" tawag niya dito.

Lumingon ito sa kanya. "Bakit?"

Iyon lang? Ang tagal-tagal kong di huminga tapos sa noo lang ako hahalikan?

Bahagya siyang kumaway. "G-Goodnight!"

"Okay. Magpahinga ka, ha? I will see you tomorrow."

Bigla siyang tumayo nang lumabas ito sa pinto. "Sayang! Sayang! Noo lang. Hanggang noo lang!" Natigilan siya nang maanalisa ang sarili. "Ano ba ang pinagsasabi ko? Ano ngayon kung sa noo lang niya ako nahalikan?"

Ibinagsak niya ang sarili sa kama at napatitig sa kisame. Mukha pa rin ni Emrei ang nakita niya doon. "Nababaliw ka na, Marist."

Bab berikutnya