webnovel

Chapter 17

"GUSTO ko nang umuwi, Constancia. Ayoko na dito," anang si Marist na di maitago ang desperasyon sa boses. Nakaupo siya sa kuwarto niya at nakatanaw sa garden. Gamit niya ang telepono sa kuwarto niya para tawagan ito sa cellphone. Sa ngayon, iyon lang ang nae-enjoy niyang gamitin para tawagan ang mga naiwan sa Manila.n

"Iniisip mo ba si Tita Ising? Okay lang kami dito. In fact, ikinuwento niya sa akin ang love story ninyo ng tatay mo. Pang-teleserye. Panalo, friendship!"

Napasimangot siya. "Huwag ka ngang puro kalokohan. Seryoso ako!"

"Ano ba naman ang problema mo? Akala ko ba ibibigay nila ang lahat ng pangangailangan mo. Ano pa bang kulang?"

Sumalampak siya sa carpeted na sahig. "Maganda nga dito. Pero alam mo naman na hindi ko sinanay ang sarili ko sa magagandang bagay. Hindi ako para dito. Hindi ako sanay nang walang ginagawa."

"Ikaw nga si Cinderella. Natural prinsesa ka diyan."

"Ayokong maging Cinderella, no? Saka mabagal ang oras dito. Parang walang pakialam ang mga tao sa paligid nila. Ni wala silang iniintindi. Palibhasa mayayaman kaya gasta lang nang gasta ng pera. Tapos pati kape, ang tagal-tagal dumating."

"Ano ka ba? Hindi instant coffee ang kape diyan. Natural brewed iyan. Kape ng mayayaman. Ano pa ang reklamo mo sa buhay?"

"Hindi ako makatulog nang mabuti sa kama ko. Masyadong malambot. Alam mo naman na sanay akong sa matigas na kama natutulog."

At iniisip din niya si Emrei. Natuloy kaya ang party? Sino kaya ang kasama nito kagabi? May hinalikan ba itong babae? Di ba katulad niya sa noo lang? Kaya pabiling-biling siya sa higaan sa kaiisip dito.

"Paano ka nakatulog?"

"Lumipat ako sa lapag." Pagod na rin siya sa kabibiling doon at pagod na rin siyang mag-isip kay Emrei kaya nakatulog siya. "Iyong mga damit ko, sobrang ganda. Masyadong mamahalin. Di ko maatim isuot."

"Sabi mo sa iyo na ang mga damit na iyon. Napanalunan mo iyon, ah!"

"Ayoko ngang masanay sa magagandang mga bagay. Ayokong masanay na lugar na ito. Saka parang kapag isinuot ko sila, mag-iiba na ako. Parang nagpipilit akong magmukhang mayaman kahit na hindi naman."

"Tigil-tigilan mo nga ang kadramahan na iyan. Di ba, halos makalbo kagagamit ng Stallion Shampoo at Conditioner para lang makasali ka sa promo. Blessing ng Diyos sa iyo ang lahat ng bagay na iyan. Dapat matuwa ka. Siguro may dahilan ang Diyos kaya ikaw ang nanalo diyan."

Pinagdikit niya ang labi. Nasermunan pa tuloy siya. "Sige na. Ingatan mo na lang si Nanay." Natanaw niya na naglalakad sa pathway ng garden si Emrei papasok sa guest house. "Andito na si Emrei, sinusundo ako."

"Si Emrei Rafiq? Sinusundo ka? Anong ginagawa niya diyan."

Bigla niyang nakagat ang dila. Nadulas siya. "S-Siya kasi ang ka-date ko."

"Ano? Si Emrei ang ka-date mo at hindi mo man lang sinasabi sa akin?"

Halos mabingi siya sa lakas ng sigaw nito. Natural na magtampo ito.

"Sorry na, Connie. Nag-aalala kasi ako na baka magalit ka."

Lalo siyang natakot nang magtitili ito. Patay na siya. Itatakwil na siya nito.

"Iyan! Iyan ang tinatawag kong destiny."

Nagulat siya dahil parang excited pa ito. "Ha? Anong destiny?"

"Si Emrei ang destiny mo!"

"Ano ka ba? Wala akong interes sa destiny na sinasabi mo. Nagkataon lang na si Emrei ang nabunot para maka-date ako. Iyon lang."

"Kung hindi iyon destiny, eh di fate na lang. Naalala mo ba ang inyong nakaraan? Kung paanong muntik na niya tayong masagasaan? Tapos kahit na iwas ka nang iwas sa kanya, sumusulpot pa rin siya. And take note, siya lang ang nakaintindi sa kasungitan mo. Ngayon siya pa ang ka-date mo sa Stallion Riding Club. Talagang pinaglalapit kayo ng tadhana."

"Mukha kang tanga. Tigilan mo na iyang destiny na iyan. Hindi ba gusto mo si Emrei? Bakit destiny ka pa nang destiny?"

Tumikhim ito. "Ilusyon ko lang naman iyon dahil guwapo siya. Saka wala na sa akin iyon. Well, hindi lang siya ang lalaki sa mundo. Basta huwag mo akong intindihin. Walang girlfriend iyan. Nakakakilig! Basta ako ang maid of honor at ninang ng mga anak ninyo. At huwag mo akong kalilimutan kapag prinsesa ka na ng disyerto. Naiiyak na talaga ako, friendship!"

"Luka-luka!" Mas kaya niya itong I-handle kung galit ito kaysa nanunukso.

Maya maya pa ay kumatok si Emrei sa kuwarto niya. "Okay ka na?"

Tumango siya. "Nakatulog na ako. Kaya okay na ako."

"Sa Lakeside Café tayo ngayon. May nag-invite nga pala sa iyo kaya hindi mo ako makakasama ngayong umaga."

Nagtaka siya. "Ha? Bakit naman?"

"Gusto kong makilala mo ang ibang babae dito sa riding club."

Bab berikutnya