webnovel

CHAPTER 5: NOW, THERE YOU GO LOVEN

INIHATID sila Misha at Harris ng isang luxury car na kulay silver-grey, 2017 Cadillac CT6 3.0L Twin Turbo Platinum AWD sa dadaluhang malaking pagdiriwang. Isa sa mga sasakyang kabilang sa Top 10 Most Luxurious Cars in the world. In fact, ang sasakyang ito ang kasalukuyang nasa Top 9, na nagkakahalaga 'lang naman' ng $87,465 o umaabot sa halagang 4,373,250 in Philippine Peso. 

Isa lamang sa dahilan na hindi basta-basta ang okasyong dadaluhan nila. Sa halaga pa lamang ng mga sasakyang makikita sa parking area ng venue ay mapapanganga na ang kahit na sinong multo, at matatakot maging ang parking lot na papasan sa million-dollar-worth na mga nakaparada mismo sa sahig nito. 

Ngunit, sa kabilang banda, ay walang kamalay-malay si Misha sa mga ganap na ito. Wala siyang kaalam-alam sa mga sasakyan. Basta nasasakyan, nakakaupo siya nang maayos, at umaandar ay pantay-pantay ang tingin niya sa mga ito. Natural na sasakyang karaniwang makikita sa kalsada. 

Katunayan ay mas namangha pa siya sa harapan ng venue ng party nang huminto ang kinalululanan nila sa tapat ng isang mala-Parthenon Acropolis of Athens, Greece inspired building. Naglalaro ang mga ilaw na kulay blue, red, at gold sa kabuuan ng building. Mga liwanag na tila mahikang bumabalot sa buong paligid na naghahatid ng napakagarang pagdaraos. Binabalot pa ng kulay gintong mga ilaw ang bawat haliging naglalakihan, na siyang center of attraction ng buong gusali. 

"Just... wow!" bulalas niya. Napansin niyang nauna nang bumaba sa kanya si Harris kaya nagmamadali rin niyang binuksan ang pinto sa gawi niya.

Akma na sanang aalalayan ni Harris si Misha pababa ng sasakyan, ngunit bago pa man ito tuluyang makalapit sa kanya'y mabilis na siyang nakababa. Namamangha pa rin kasi siya sa paligid na parang isang batang paslit. Excited na excited na siyang makita ang buong paligid na walang nakaharang na salamin ng sasakyan.

"Wow, grabe! Ang ganda-ganda dito!" Iniikot pa niya ang paningin sa paligid. Manghang-mangha.

Habang sa kabilang banda nama'y iiling-iling si Harris sa kahihiyan. Pakiramdam nito'y nagbi-baby sitting ito ng isang paslit. Nahihiya na ito sa ginagawa niya kaya inilang hakbang lang ni Harris ang pagitan nila't itinaas ang kanyang baba gamit ang likod ng kamay nito.

"Papasukan na ng langaw 'yang bibig mo sa laki nang pagkakanganga!" pagkuwa'y sarkastikong saad ng binata.

"Aysht... Ano ba 'yan!" Inis na inirapan ni Misha ang binata. Sinira nito ang pagmo-moment niya't napasimangot na lang.

"Will you please control yourself, Misha? Malalaki't hindi basta-bastang tao ang makakasalamuha natin dito. So, please... act according to your age, okay?" pagalit nito. Ngunit sa mababang tono. Ingat na ingat itong wala silang makukuhang atensyon ng ibang bisita.

"Aba! Porke namangha lang ako sa venue ng party, isip bata na agad?!" Hinarap niya si Harris nang nakapamaywang. At pinaningkitan pa ito ng mga mata.

"Wala akong sinabi."

"Meron! You said, I should act according to my age. Hindi ba metaphorically speaking na sinasabi mo na ring isip bata ako?!" Medyo tinaasan niya ng kaunti ang kanyang boses para ipakitang hindi niya nagustuhan ang sinabi nito sa kanya. Wala siyang pakialam kung pagtinginan man sila ng ibang tao. Hindi na siya natutuwa na palagi na lang ini-insulto nito.

"Sinabi ng hindi!" May iritasyon na sa boses ni Harris. Maya't maya rin ang pagsipat nito sa paligid para makita kung nakakaagaw na sila ng atensyon ng ibang tao.

"Yes! That's what you mean!" 

"Then, think it that way!" galit na singhal nito sa kanya. Halatang sagad na ang pasensya nito. "Now, can you just... shut up?!"

"Bakit ba ang init ng dugo mo sa'kin? Ano bang nagawa ko sa 'yo?"

"Tandaan mo, Misha. We're on our mission. At hindi tayo puweding pumalpak! Hindi KA puweding pumalpak! Milyon ang halaga ng kotseng ginamit natin sa pagpunta rito para makakuha lang ng magandang lead sa investigation. At kalahating taon mo ng sahod ang halaga ng suot mong iyan ngayon. 'Wag mong sayangin ang mga ito dahil sa pagbabaliw-baliwan mo! One more... huwag na huwag mong sisirain ang assignment KO. Or else, you're dead!" patuloy pa nito.

"O-okay..." Bigla siyang natulala matapos marinig ang mga sinabi nito. Ilang ulit pa siyang napakurap bago nabawi ang pagkabigla. Pagkabigla, hindi dahil sa mga pagbabanta nito kundi sa halagang sinabi nito tungkol sa suot niya't sa kanilang sasakyan. 

"Let's go!" anito't iminuwestra na ang braso upang alalayan siya sa pag-akyat sa halos sampung baitang ng hagdanang tumutumbok sa entrance ng luxury party.

Agad namang nangunyapit si Misha sa braso ni Harris habang ngingiti-ngiti. "May tanong ako..." 

"Hmmm?"

"Ang suot ko bang ito... ay sa akin na?" Malapad ang kanyang pagkakangiti at inaasahang 'oo' ang magiging sagot ng lalaki. 

Matamis na ngiti ang isinagot ni Harris sa tanong niya. Kaya nanlaki ang kanyang mga mata't lalo pang lumapad ang pagkakangiti. Ngunit, mayamaya pa'y bigla na lang nilipad ng hangin ang mga ngiti sa kanyang labi nang makitang sunod-sunod ang ginawang pag-iling nito, na tila nakakaloko. 

"No?" mangiyak-ngiyak na tanong niya't sandaling huminto sa paglalakad. Gusto niyang makasiguro. 

"No." Mapang-uyam ang mga ngiti nito. "You have to surrender it back to Vipers Institute. All. Of. That! Without any mess and damage. So, you'll have to be very, very careful, Darling... Now, can we proceed already, Ms. Villafuerte?" Ikinumpas pa nito ang isang kamay para ituro ang daan.

Gumagamit sila ng pekeng pangalan at pekeng katauhan upang malaya silang makapag-iimbestiga. 

"Whatever, Mr. Granali!" Naitirik na lang niya ang mga mata't pinili ng itikom ang bibig.

Naaalibadbaran siya sa mga mapang-asar na ngiti nito. Huwag na lang idamay ang guwapo nitong pagmumukha. Pero sobra niyang kina-iinisan ang ugali nito na katulad nang pagka-asar niya tuwing makakaamoy ng utot.

ISANG MALUMANAY na tugtugin ang sumalubong sa kanila sa loob ng napakalawak na party hall. Puno na rin ng mga panauhin ang loob nito—magmula sa dance floor, hanggang sa hallway ng ikalawang palapag. Karamihan sa mga lalaking naroroon ay may mga date na babae sa kani-kanilang tabi habang nakikipag-usap sa mga kakilala. Iba-ibang grupo na halatang ang ilan sa mga ito'y magkakasosyo sa negosyo. 

Halos malula si Misha sa dami ng tao, pagkain, at mga alak sa paligid. Hindi na bago ang mga ganitong klase ng okasyon para sa kanya, dahil ilang ulit na rin siyang dumalo noon sa mga ganito kagarbong party kasama ang dating asawa na si Loven. 

Na-curious tuloy siya kung narito na ba ang kanyang ex-husband. Kaya naman iginala niya ang paningin sa bawat sulok ng lugar. Bawat pasada niya ng tingin sa mga lalaking naroroon ay hindi maitago ang kaba sa kanyang dibdib. Ilang taon na nga ba ang lumipas nang huli niya itong makita? At ito pa lamang ang magiging una nilang pagkikita matapos ang kanilang paghihiwalay. 

Kumusta na kaya ang mokong na 'yon? Guwapo pa rin kaya siya katulad ng dati? O mukha ng addict na tambay sa kanto?

Napa-ismid na lamang siya sa mga isiping iyon. Sa kabila ng lahat nang ginawa nito sa kanya'y nagagawa pa rin niyang isipin ang kalagayan nito. Samantalang siya siguro'y limot na nito.

"Misha, come here!" Biglang hila sa kanya ni Harris papunta sa isang cocktail table. Kumuha ito ng isang baso ng Champagne sa naglilibot na waiter at inilagay iyon sa harapan niya. "Here's your drink."

"Oh, ang thoughful mo naman..." matamis niya itong nginitian at pilit na nagpa-cute.

"Haist! Puwede ba!" Halatang asar na naman ito. "Dumito ka muna, ha? May dapat lang akong puntahan. Kapag may kailangan ka, i-on mo lang ang reciever na nakalagay sa earings mo. I'll do the same kapag may kailangan akong ipagawa sa 'yo. Okay?"

"Astig! Magsisimula na ba ang paga-undercover natin? Hulaan ko... aalis ka saglit para kumuha ng baril natin? Tama ba? Ang galing ko 'di ba? Ang exciting naman nito!" bulalas niya. Ngunit sa mababang tono.

"Watch your mouth!" Inis na saway nito sa kanya. Maya't maya ang ginagawa nitong pagsipat sa paligid. "May kailangan lang akong asikasuhin. Tandaan mo, walang dapat na makaalam sa ginagawa natin dito, kaya 'wag kang maingay! Maliwanag ba?"

"Okie... I'll zip my mouth shut na po." At ini-aksyon pa niya ang sinabi.

"Basta, tandaan mo ang mga sinabi ko sa 'yo. Wala kang ibang gagawin kundi ang magmatyag lang at maki-party. 'Wag kang masyadong uminom ng alak, at 'wag na 'wag kang sasama sa ibang lalaki. Bawal ka ring makipagkuwentuhan sa kahit na sino."

"Ang OA mo! Hindi na ako bata kaya alam ko na ang gagawin ko, nuh! Just go... Everything is under control."

Hindi nakaimik si Harris. Ngunit ang mga titig nito na may pagbabanta ay hindi pa rin maalis sa kanya.

"Oh, ha! Pak! Iyon ang madalas na linya ng undercover agents and spies sa mga movies, 'di ba? Hindi ko akalaing magagamit ko rin pala in real life ang mga linyang iyon. Ang astig talaga!"

Ngunit, sa halip na patulan pa ni Harris ang kanyang mga sinabi'y iiling-iling na lang itong umalis.

Napapangiti na lang siya habang sinusundan ng tingin ang direksyong tinutungo nito. At nang mawala na ito sa kanyang paningin ay saka pa lamang siya humarap sa kanilang table upang atupagin naman ang kanyang inumin.

"Ang galing mo talagang mang-asar, girl! Bilib na ako sa 'yo..." ngingiti-ngiting bulong niya sa sarili.

Paniwalang-paniwala ang lahat na hindi pa siya lubusang magaling. Kung alam lang ng mga ito na pagpapanggap lamang ang lahat ng ipinapakita niya'y hindi siya luluwagan ng ganito. Syempre, iyon ang ayaw niyang mangyari—ang kainin siya ng sistema ng Vipers Institute.

Kahit pa sabihing malaking tulong ang ahensya para makapaghiganti siya sa dating asawa'y hindi pa rin siya dapat na magtiwala sa mga ito. Kailangan niyang planuhin ang kanyang future. Hindi puweding iiwan na lang siya ng mga itong nganga sa bangketa pagkatapos makuha ang kanilang gusto. Ang lagay ba ay palagi na lang siya ang magiging biktima?

"No way!" aniya.

Mayamaya pa'y muli niyang iginala ang paningin sa paligid. Pilit pa ring hinahanap sa crowd ang kanyang ex-husband.

"Bakit ba ang hirap makita ng tsonggong 'yon dito? 'Di pa ba siya dumating?"

Naiinip na siya sa kinauupuan. Ang ginagawang pagpapaikot-ikot ng kanyang upuan ay hindi na nakakatuwa habang tumatagal. Ngunit, ang kanyang pagkainip ay bigla na lang naglaho nang matanaw sa 'di kalayuan ang isang pamilyar na mukha.

Si Loven. Ang dati niyang sira-ulong asawa.

Pinakatitigan niya ito nang mabuti hanggang sa makahanap ito ng puwesto sa tabi ng dance floor. Malaking table ang nakalaan para sa mga ito, kasama ang ilang matatandang dati na rin niyang nakakadaupang-palad. Ang ilan pa nga'y naroon sa reception ng kanilang kasal noon.

Matikas pa rin ang tindig nito. At na-miss niya ang bawat lakad nito na tila ba nagsasabi sa mga kababaihan na, 'Hey, Girls! Maglaway lang kayo!'

Tingin din niya'y mas gumuwapo pa ang lalaki sa paglipas ng mga taon. Nagpatubo na rin ito ng kaunting bigote't balbas na lalong nakadagdag sa karisma nito. At matipuno pa rin ang pangangatawan nito—malayo sa una niyang inisip kanina. Napakalakas pa rin talaga ng dating nito kahit sa malayo tingnan.

"Ikaw na ikaw pa rin nga si Loven Lewis..." mapait siyang napangiti. "Walang pagbabago... maliban sa mas lalo ka pang naging guwapo."

...to be continued

Bab berikutnya