"Taho! Taho! Taho!"
"Teka, sandali, manong! Pabili!"
Dali-dali akong tumakbo, hindi magkanda-ugagang hinabol si manong na nagbebenta ng taho.
"Hoy, Zetty, 'yong tsinelas mo!"
Hindi ko pinakinggan ang sigaw nila at mas lalong hindi ko pinansin na naka-paa lang ako ngayon habang hinahabol si manong magtataho. Daig ko pa nakipaghabulan kay kamatayan nito. Sementado naman ang daan na tinatakbuhan ko at sanay na sanay na rin naman ako.
"Teka, manong, pabili. Ang bilis n'yo naman pong maglakad." Hingal na hingal ako nang sa wakas ay naabutan ko si manong sa may gate ng mini plaza ng barangay.
"Akala ko kasi hindi ka bibili. Bumisita ka pala sa Lolo mo?" Natawa si manong dahil sa hingal na hingal kong estado pero inilapag din naman niya ang dala niyang taho at agad inilagay sa isang plastic cup na tig-sampung piso ang iba't-ibang ingredients ng taho. Katulad ng tofu, arnibal, at sago, na may kasama pang kondensada.
Huminga muna akong malalim saka ko sinagot ang tanong ni manong.
"Opo. Buong bakasyon ako mananatili kay Lolo. Kaya 'wag n'yo pong kaliligtaan na dumaan sa bahay ni Lolo araw-araw, manong ha?"
"Sige, sige. Anong dadamihan dito?"
"Sago po, manong," pumapalakpak na sagot ko habang nakatingin lang kay manong sa ginagawa niya.
"Hi, Zet!"
Lumingon ako sa bumati sa akin. Malawak akong ngumiti sa kaniya. "Oy, Ad. Gusto mo?" pag-aalok ko pa ng taho.
"Hindi na. Salamat. Busog pa ako, e. Pasok lang kami sa loob."
"Sige."
Malawak akong ngumiti kay Ada pero unti-unti rin akong nagtaka habang sinusundan siya ng tingin. May kasama kasi siyang isang lalaki na hindi man lang ako pinansin. Pero oks lang, hindi ko naman 'yon kilala kaya may rason naman na hindi niya ako pansinin. Pinsan ba ni Ada 'yon? Ba't ngayon ko lang nakita?
"Oh, heto, inday." Inabot ni manong ang tahong inaasam ko. Kumuha ako ng pera sa bulsa ng board shorts ko at nang makitang isang papel na bente ang nakuha ko, malawak akong ngumiti kay manong at inabot iyon.
"Heto po, manong. Keep the change!"
"Ay, maraming salamat talaga, inday."
"Sige po. Maraming salamat din po."
Tumalikod ako at muling naglakad papasok ng covered court ng mini plaza. Hinahalo-halo ko ang taho bago ito in-enjoy.
Ang sarap talaga ng taho! Walang kupas, kahit kailan, taho lang talaga pinakamasarap!
"Grabe, hindi man lang ako binilhan."
Umismid ako sa sinabi ni Fiona nang makabalik ako sa kaninang puwesto namin. Sinuot ko na 'yong tsinelas na sinipa pa ni Clee papunta sa akin. Walang hiya talaga.
"Hindi ka naman nagsabing magpapabili ka pala," sagot ko sa sinabi ni Fiona.
"Hingi."
Lumapit si Clee sa akin, umakbay at kinuha ang straw ng taho ko. Nagulat ako sa ginawa niya pero dahil alam kong gusto niyang humingi sa taho na kinakain ko at kung akala niya gugunaw ang mundo ko nang kunin niya ang straw, do'n siya nagkakamali.
Diniretsong tungga ko ang taho hanggang sa maubos ito. Agad kong nilunok at nang-aasar kong tiningnan si Clee at binelatan siya.
"Damot talaga nitong si Zetty."
Mas lalo ko pang inasar si Clee dahil sa naging reaksiyon niya. No hard feelings, mabait naman silang magpi-pinsan.
Aged thirteen, first summer after I entered high school. Nagbakasyon ako sa bahay ng Lolo at Lola ko sa mother's side. It's always been like this every summer. Two months akong mananatili rito. Sanay na ako. Napalagayan ko na nga ng loob ang mga kapitbahay nina Lolo at ang iilang batang ka-edad ko. Kilala na rin ako ng nasasakupan ng barangay ni Lolo dahil bukod sa siya 'yong barangay captain dito, pala-kaibigan naman talaga ako.
Kaninang tanghali, matapos ang pananghalian, biglang sumulpot ang magpi-pinsang Osmeña sa labas ng gate ng Lolo ko. Bigla kaming hinanap ng pinsan ko na si Nicho. Nag-ayang makipaglaro ng basketball sa covered court ng barangay namin na nasa likuran lang naman ng bahay namin.
Kaibigan ko ang mga Osmeña dahil kaklase namin ni Nicho sa grade seven si Yosef at Ada. At hindi naman mahirap makipaglagayan ng loob sa iba pa nilang pinsan since palagi silang magkakasama. Kaya ayon, naging kaibigan ko na rin ang iba kahit na ibang grade level pa sila at sa susunod na pasukan pa sila magha-high school.
They're around the area lang kasi malapit lang sa bahay namin ang game farm ni Mr. Jov Osmeña, Tito nila, kaya naisipan nilang dumaan sa bahay at magpalipas ng oras. Kanina pa kami rito, magha-hapon na nga.
Kanina pa kaming naglalaro kaya naisipan naming magpahinga muna. Itinapon ko sa malapit na basurahan ang plastic cup na ginamit ko at doon ko nakita si Ada, Yosef, at 'yong lalaking kasama ni Ada kanina na mukhang nag-uusap sa kabilang side ng court.
Agad akong bumalik sa circle namin at tinanong ang mga pinsan no'ng dalawa.
"Sino 'yong kasama ni Ada kanina? Pinsan n'yo o pinsan niya?"
"Hindi. Mas lalong hindi niya pinsan sa Posadas side. That's Decart, her bestfriend." Mabilis na nakasagot si Tonette, kapatid ni Yosef, sa naging tanong ko.
"Decart?" naguguluhan kong tanong.
"Oo, Decart Lizares," pag-kompirma ni Fiona.
Decart Lizares?
Sinubukan ko pang isipin baka nga kilala ko talaga. Isa-isa kong tiningnan ang nasa circle namin ngayon at nang maalala, itinuro ko si Fiona bilang siya naman ang huling nagsalita kanina.
"Ah! Ah! Aaaah! Oo. Lizares."
Muli kong nilingon ang puwesto no'ng tatlo kanina. Saktong nakatingin si Yosef sa akin at kinawayan ako. "Zet! Laro na tayo. Sasali raw si Decart." Itinuro niya pa 'yong lalaking nagngangalang Decart. Papalapit silang tatlo sa amin.
"Kasali siya?" itinuro pa ako no'ng Decart, halatang hindi naniniwala.
"Oo. Pero 'wag kang palilinlang sa mukha n'yan. Babae nga 'yan pero hindi 'yan sumasanto ng lalaki kapag naglalaro ng basketball," natatawang sagot ni Yosef sa kaniya.
Umiling na lang ako at lumingon sa likuran ko at tiningnan si Pax. "Pax, pakipusod ng buhok ko."
Kapitbahay nina Lolo ang pamilya ni Pax, malapit na pamilya na rin dahil kapatid ng mommy niya ang daddy ng mga pinsan kong si Madonna at Nicho. Magpinsan kami ni Nicho dahil kapatid ni Mama ang Mama nila. Ah, basta, ang gulo! Basta ang alam ko, si Pax ang pinakabata sa circle namin ngayon.
Umupo ako sa sementadong bleachers at hinayaan si Pax na ipusod ang mahaba at straight kong buhok. Sa totoo lang, naiirita ako sa buhok kong ito. Masiyadong mainit at sagabal sa mga ginagawa ko. Simula kasi no'ng bata ako, hindi na pinutulan ito, maliban na lang sa monthly trimming na ginagawa para hindi tuluyang lumampas sa height ko ang haba. Ayaw kasi ni Lola na ipaputol ang buhok ko. Hindi ko naman magawang ipaputol habang on going ang klase kasi every week akong bumibisita sa kanila. Ang sabi niya, kakalbuhin daw nila ako kapag ipinaputol ko ang buhok ko. Gusto ko ng short hair pero ayaw ko namang makalbo 'no.
"Pax, hindi nagsuklay kanina 'yan after n'yang maligo."
Sinamaan ko ng tingin si Nicho nang magsalita siya at warning-an si Pax. Natawa silang lahat, mukhang natuwa sa sinabi ni Nicho. Binalewala ko na lang at naging stiff habang pinupusod ni Pax ang buhok ko.
Matapos ang pagpupusod sa buhok ko, agad akong tumayo at nilapitan ang ibang boys sa basketball court. Three on three ang labanan. Kasama ko si Hugo at Nicho. Sa kabilang team naman ay si Yosef, Clee, at 'yong Decart. Umupo muna sa sementadong bleachers, kasama ang ibang girls, si Pato, Kuya ni Pax at kasamahan namin kanina sa paglalaro. Si Pato na rin siguro ang magsisilbing referee ng laro.
Nag-warm up ulit ako kahit na nakapag-warm up na naman ako kanina. Hinubad ko na rin ang tsinelas ko para maging smooth ang galawan ko mamaya pero habang ginagawa 'yon, napansin kong nilapitan ni Decart si Yosef, mukhang may ibinulong. Lumapit din ako kay Hugo na abalang mag-dribble ng bola.
Hinampas ko ang tiyan ni Hugo gamit ang likod ng aking kamay para maagaw ang atensiyon niya.
"Walang bilib sa akin 'yan, 'no? Mukhang nagdududa?"
Ngumisi si Hugo sa akin pero hindi agad nakasagot. Sh-in-oot ang bola pero palya, nag bounce lang sa ring. Kinuha ni Clee ang bola dahil siya 'yong nasa ilalim ng ring. Hindi pa nga pala nagsisimula ang laro-laro namin.
"Wala naman kasing kabilib-bilib sa 'yo," sagot ni Hugo.
"Gago. 'Wag kang hihingi ng tulong sa akin mamaya ha."
Tumawa lang si Hugo at nilapitan na si Clee para kunin ang bola para muling paglaruan.
"Clee, out ka muna. Ada, sali ka raw."
Namilog ang mata ko dahil sa narinig mula kay Yosef. Nilingon ko siya, tapos si Ada na tumayo na at game na lumapit sa court. Una niya akong madadaanan kaya nakipag-apir ako sa kaniya. "Nice!" sabi ko pa.
"Now that's fair." Narinig kong sinabi ni Decart. Lumapit si Ada sa kaniya at nakipag-high five din.
Pinisil ko ang ilong ko at tumingin na lang kay Nicho, nagkibit-balikat. Ganoon pa rin naman ang team up. Pinalitan lang talaga si Clee mula sa team nila. Kaming tatlo ni Nicho at Hugo, intact pa rin naman.
Nagsimula ang laro. Isang ring lang ang ginamit namin since three vs. three lang naman itong labanan namin. Maganda ang laban. Hindi kami pinagbibigyan ni Ada. Although kanina nag-expect ako na magiging easy 'yong si Decart sa kaniya kasi akala ko hindi niya alam kung paanong maglaro si Ada. E, katulad ko 'tong mabagsik din sa court. Daig pa lalaki kung maglaro. Pero hindi pala. Halos hindi nga pasahan si Ada no'ng Decart, mas lalo na si Yosef.
No'ng una, sinubukan pa akong bantayan ni Decart pero dahil sa bilis ng aking galaw o dahil hesistant siya na bantayan talaga ako dahil siguro babae ako, madali akong nakalulusot para ma-i-shoot ng libre ang bola. Pero pagdating naman kay Yosef, hindi talaga ako pinagbibigyan no'n, e. Lalaki talaga ang tingin niya sa akin sa tuwing naglalaro kami.
Five minutes lang ang oras namin. Madali lang kasi pampalipas-oras lang naman talaga namin 'to. Pero parang naging tensiyonado ang lahat dahil dikit ang laban. Sinabayan pa ng maiingay na babaeng kasamahan namin, mas lalong naging maganda ang laro. Walang may nagpapatalo, walang gustong sumuko. Laban kung laban. But in the end, nanalo ang team namin. Magpaulan ba naman ako ng tres?
"Nagpapa-ulan ng tres si Zetty!" biro ni Hugo matapos ang laro.
"You're good, huh," puri sa akin ni Decart matapos ang laro. Nakipag-apir ako sa team nila at tumango na lang sa kaniya.
Hingal na hingal ako, hindi ako makapagsalita. Naliligo na ako sa pawis kaya naisipan kong tanggalin na lang ang hairband na ginamit ni Pax kanina sa pagpusod ng buhok ko. Ginulo ko ang buhok ko, walang pakialam kung maging bruha man ako sa paningin nila. Isa-isa rin kaming inabutan ng tubig.
Matapos naming maglaro, agad na may pumalit sa amin. Mga tiga-rito lang sa barangay na nakasanayan nang maglaro ng basketball tuwing hapon. After all, public domain ang covered court na ito, hindi lang sa amin ito.
Mag-aaya na sana akong pumunta na kami sa bahay ni Lolo para makapag-merienda pero nakita ko ang mga pinsan kong si Justine at Madonna, at ang kasambahay nina Lolo na papunta sa puwesto namin, may mga dalang pagkain at inumin.
Sinalubong sila ni Nicho kaya napatayo na rin ako.
"Bakit po inihatid 'to dito, manang? Pupunta na sana kami sa bahay." Tinanggap ko 'yong lagayan ng baso at ibinigay kina Tonette.
Isinenyas muna ni manang ang tuwalyang nakasabit sa balikat niya since may dala siyang tray na hinihintay pang kunin ni Nicho. Kinuha ko na lang 'yong towel na iyon at ipinangpunas ko sa pawis ko. Ibinigay ko na rin 'yong isa kay Nicho since dalawa ang dinala ni manang.
"Nand'yan kasi Mama mo, mukhang nag-uusap sila ng Lolo at Lola mo."
"Ah, sige po. Salamat, manang."
Ngumiti lang siya sa akin at in-entertain na lang ang mga kaibigan ko at hindi rin nagtagal ay umalis, bumalik sa bahay. Maraming merienda, mukhang sobra pa nga sa amin 'yon. Umupo na lang ulit ako sa bleachers at uminom ng tubig. Inaya nila akong kumain pero busog pa ako sa kinain kong taho kanina kaya tubig na lang muna.
Nagtaka lang ako sa sinabi ni manang. Nandito si Mama? At ano kayang pinag-uusapan nila?
Na-distract ang iniisip ko nang marinig kong may binati ang mga kaibigan ko. Tumayo ako at sinilip kung sino 'yon. Ay mali, sino-sino pala.
Apat na lalaki sila at isang tingin lang alam ko na. Walang duda, mga kapatid ni Decart 'to. Magkakahawig sila, e. Maliban na lang do'n sa dalawang lalaking kausap ng pinsan kong si Justine kasi hindi ko masiyadong makita ang hawig nila. Inalok nila ng merienda ang magkakapatid na iyon, tinanggap naman nila. Sobra naman kaya there's more room for everyone.
Sa tingin ko magkakakilala na sila dahil wala man lang pagpapakilala na naganap. Wala namang kaso sa akin 'yon. Okay lang na hindi ipakilala sa akin ang mga taong hindi ko kilala. Makikilala ko rin naman 'yan. Mas mabuti pa nga 'yong hindi ipakilala sa 'yo kasi nakikilala mo pa.
Nagpatuloy ang usapan nila. 'Yong iba nanood sa larong nagaganap sa court ngayon. Mga naglalarong tambay lang naman. Nanatili pa sila dahil sumali pa ang hayuk na hayuk sa basketball na si Yosef. Ang lakas talaga ng apog ng gagong iyon. Ang yaman nga pero walang pili sa mga nagiging kalaro. Umaabot pa nga 'yan ng ibang barangay para lang makapaglaro ng basketball na may maliit na pustahan.
Ipinatong ko ang dalawa kong siko sa ibabaw ng aking binti. Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang kamay at napatingin sa direksiyon ng bahay nina Lolo.
Ano kayang pinag-uusapan nina Mama? At bakit imbes na roon kami magpahinga at mag-merienda ay dinala na lang dito sa court ang mga merienda? Seryoso ba ang pinag-uusapan nila? Ayaw bang iparinig sa amin 'yon? Ano naman kaya 'yon?
"Oks ka lang, Zet?" siniko ako ni Ada kaya napatingin ako sa kaniya.
"Oo."
Pero lumampas ang tingin ko sa likuran niya. Ilang metro mula sa kaniya, nakita ko ang isang lalaki na nakita ko na kanina. Siya 'yong may salamin at may hawak pa na libro. Kumakain siya ngayon sa merienda na inihain pero nagbabasa ng libro.
Napangiwi ako. Na-weird-uhan sa ginagawa niya.
"Mga kapatid ni Decart 'yan? Ngayon ko lang yata nakita rito?"
"Oo. Sa La Salle na kasi sila nag-high school kaya hindi mo nakikita. 'Yang nagbabasa ng libro, si Einny 'yan. 'Yong nasa likuran niya, si Tonton naman 'yan, batchmate din natin. At 'yong dalawa na kausap ni Justine, si Siggy at Sonny naman."
Naririnig ko naman ang mga pinagsasabi ni Ada pero nakatingin ako sa lalaking nasa likuran no'ng nagbabasa ng libro na tinawag ni Ada na Einny. Nakatingin siya sa direksiyon ko pero alam kong hindi sa akin ang tingin niya. Hindi niya siguro nahalata na nakatingin ako sa kaniya kasi hindi man lang natinag, patuloy pa rin siya sa pagtingin… and this time, alam ko na kung kanino.
Ibinalik ko ang tingin kay Ada nang nakangisi. "Bakit si Decart 'yong close mo sa kanila kung batchmate mo naman pala itong si… sino 'yon?"
"Tonton."
"Ah, oo, Tonton."
Pa-simple akong tumingin muli sa puwesto no'ng nagngangalang Tonton. At ang lakas ng apog, nakatingin pa rin sa kaniya, mukhang hindi natinag at walang pakialam kung may makakita sa pagtingin na ginagawa niya.
"Masungit kasi minsan si Tonton at iba ang trip sa buhay kaya mas malapit ako kay Decart."
"Ah… Ad, tingin ka nga sa kaliwa mo."
Lumipat ulit ang tingin ko sa lalaking iyon at nang makita sa peripheral vision ko na lumingon si Ada sa kaliwa niya ay kasabay no'n ang pag-iwas ng tingin no'ng lalaking iyon, sumilay ang ngisi sa aking labi.
Huli ka balbon. Mukhang may gusto ka pa sa bestfriend ng Kuya mo ha? What was your name again? Tonton? Tonton Lizares? Hmm… nakaka-intriga.
~