webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urbain
Pas assez d’évaluations
107 Chs

Chapter 78 - The Home

Napabuga ng hangin ang binata at matamang nag-isip.

Nalilito na siya kung sino ang susundin.

Gusto ng isip niyang sunugin ang bahay ngunit ayaw ng puso niya.

Puno ng ala-ala ang bahay na ito.

Ang bahay niya ang naging saksi ng kanyang tagumpay at kabiguan.

Ngunit ang saksi na ito ay maglalaho na kung susunugin niya.

Subalit kung hindi niya susundin si Vince ay buhay niya ang manganganib.

Kapalit ng kanyang bahay ay ang kanyang buhay.

Nagtapos ang usapan nila ng kaibigan na hindi siya nagbigay ng desisyon.

Papunta na raw ito at hihintayin na lang nila.

Tahimik silang nagliligpit ni Isabel ng mga dokumento.

"Ga, tama naman si Vince. Sunugin mo na lang ito, hayaan mo na lang na mabura ang ala-ala ninyo ni Ellah dito."

Napailing siya.

Kanina puro tutol si Isabel ngayong nalaman nitong sangkot si Ellah ay sumasang-ayon na.

Gusto niya sanang sabihin 'yon mabuti at napigilan niya ang sarili.

"Sayang ang ala-ala namin ni Ellah-"

"Ellah! Ellah!"

Nagtaka siya nang biglang inihampas ni Isabel ang papeles sa mesa.

"Puro ka na lang Ellah! May Ellah syndrome ka na!"

Nagtiim ang kanyang bagang sa narinig.

"Ngayon alam mo na kung gaano ko siya kamahal tigilan mo na ang inggit Isabel wala ka ng magagawa."

Umawang ang bibig nito sa narinig na tila hindi makapaniwalang nilingon siya.

"Hindi ako nagseselos lang Gian!

Nag-aalala akong mapahamak ka!

Ganyan pala tingin mo sa akin?

Nagseselos lang kaya umaayaw na?

My God!

Ang babaw mo naman!

Samantalang inaalala ko ang kaligtasan mo!"

"Ayokong sabihin 'to Isabel pero lahat ng ginagawa mo ay may halong lihim na intensyon.

Lahat!

Kahit hindi ako abogado pero hindi ako gano' n kabobo para hindi ka mahalata!"

"Ano?" lumarawan ang galit at hinanakit sa anyo ng babae.

"Lihim na intensyon? Gano'n pala tingin mo sa akin! Pwes ayoko na!"

Nagmartsa ito palabas.

Gusto niyang batukan ang sarili dahil kapag sangkot si Ellah lahat nakakalimutan niya.

"Isabel!"

Ngunit hindi nakinig ang babae kaya sinundan niya.

"Isabel bumalik ka rito!"

"Ayoko na Gian! Bahala ka sa buhay mo!"

"At saan ka naman pupunta ngayong gabi attorney?"

Natigilan ito maging siya.

Nasa harapan nila si Vince at tila may kung anong dalang galon.

Nakauniporme pa ito ng pang PDEA.

"Vince pare?"

"Ang buong akala ko abo na lang ang aabutan ko, hindi pa pala.

Anim hanggang pitong oras lang ang byahe ng kalaban.

At nasa Ipil na sila pero kayo heto at nagtatalo pa?"

May tracking device silang inilagay sa bawat sasakyan ng mga Delavega kaya alin man sa mga ito ang gagamitin malalaman nila kung saan nagpupunta.

Maliban na lang kung bibili ng bago ang mga kalaban.

" Tama si Vince Gian!"

"Kampi ka na yata sa akin attorney?"

Binuksan ni Vince ang dalang galon at ibunuhos ang laman.

Nanlaki ang mga mata ni Gian sa nakita.

" Vince anong ginagawa mo!"

"Hindi ba halata? Binubuhusan ko ng gasolina itong bahay mo at kasunod nito sisindihan ko ng posporo, abo na maya-maya."

"HUWAG!"

"Huwag ka ng mag drama Gian.

Paparating na ang kalaban! Tulungan mo na lang ako at nang bumilis tayo," ani Vince at patuloy sa pagbuhos sa buong paligid.

Umaalingasaw na ang amoy ng likido.

At kumalabog na ng husto ang dibdib ng binata.

Apoy na lang ang kulang ubis ang kanyang tahanan.

"Hindi pwede ngayon dahil alam nating naghahanap sila ng ebidensiya at alam nilang alam natin 'yon.

Kapag hindi sila nagtagumpay magkakaroon ng katibayan ang hinala nila!"

"Kung' yan ang inaalala mo tingin ko humina ka na sa diskarte," patuloy si Vince sa pagbuhos binalingan nito ang abogada.

"Marami pang galon sa kotse attorney padala naman dito ng iba pa."

"Sige," sagot nito at umalis.

Ngayon silang dalawa na lang ang naiwan.

"At anong diskarte ang pinagsasabi mo? Isang maling galaw pa natin papalpak na tayo!" singhal na niya.

Tumalim ang tingin ni Vince sa kanya.

"At anong plano mo? Sige nga Gian ilatag mo sa harap ko ang plano mo baka sakaling mapaniwala mo ako! " panghahamon na ni Vince.

"Bukas ko na planong sunugin ang bahay palipasin lang ang isang araw para lang hindi nila maisip na hadlang at mapaniwala ko pa ang kalaban."

"Bukas?

Ngayon na sila kumikilos at nasa Imelda na sila. Anong gagawin mo ngayon kung bukas ka pa magdedesisyon? Ano? Hahayaan mong makakuha sila ng ebidensiya gano'n ba?

Kung gano'n ano pala ang ipinunta mo rito ngayon?"

Napailing siya.

"Masyado ka ng nilamon ng kung anu-anong ala-ala Gian tigilan mo 'yan at mag-isip ka ng matino.

Magdesisyon ka ngayon.

Kung hahayaan mo ang kalaban ngayon matutuklasan nila kung sino ka pero kung susunugin natin ngayon wala silang makukuha."

"Mas magiging matibay ang hinala nila!"

"Puta pare hinala lang' yon! Mas matibay ang ebidensiya! Parang hindi ka dumaan sa pagkapulis!"

"Heto na Vince."

Sabay silang napalingon kay Isabel na may dalang dalawang galon.

"Tulungan mo ako at nag dadrama pa ang isa rito," ani Vince at kinuha ang isa at binuksan saka ibinuhos sa parteng kusina natapos na nito ang sala.

Hindi na siya nakapagpigil pa at sumigaw na sa galit.

"BAHAY KO 'TO RESPETO NAMAN PARE!"

"Lintek!"

Sa galit ni Vince ay ibinato nito ang galon sa sahig bumuhos ang laman at natalsikan sila.

Natigilan si Gian sa nakikitang galit sa anyo ng kaibigan.

"Ala-ala, respeto! Putang ina ano bang klaseng mga dahilan 'yan at hindi mo na naiisip ang buhay mo!"

Sinulyapan nito ang aparatong hawak.

"NASA BUUG NA SILA PUTANG INA! KUNG AYAW MONG SUNUGIN ITO AKO NA LANG ANG PAPATAY SA' YO! " Mula sa likuran ay hinugot ni Vince ang isang bagay na nakapanlamig sa kanya.

"OH MY GOD!" Gimbal sa takot na napatakbo palabas si Isabel.

"MAMILI KA BUHAY MO O BAHAY MO!"

Nakatutok sa kanyang noo ang kwarenta 'y singko ng kaibigan.

Tumiim ang kanyang bagang.

Hindi rin nakaligtas sa kanya ang pamumula ng mga mata ng mga ni Vince hudyat na naluluha ito.

"Higit sa ano pa mang bagay buhay mo ang pinakamahalaga rito.

Buhay mo!" sigaw nito.

Tila naglaho ang lahat ng kanyang alalahanin sa nakikita.

Ngunit hindi siya natatakot sa baril.

Humakbang siya palapit sa kaibigan habang nanatiling nakatutok sa kanyang noo ang baril nito.

Nang isang hakbang na lang ang pagitan ay huminto siya sa harapan nito.

Tuluyan ng nalaglag ang luhang pinipigilan ni Vince.

Nanginig ang kamay nitong may hawak na baril.

Umiling siya at biglang hinablot ang galong natumba at malakas na ibinuhos ang laman sa buong kusina.

Umawang ang bibig ni Vince at ibinaba ang baril.

"Gian pare?"

Walang imik na nagpatuloy si Gian sa pagbuhos.

"Pare pasensiya na, pasensiya na," hindi malaman ni Vince ang gagawin at nakatitig na lang sa ginagawa ng kaibigan.

Patuloy si Gian hanggang sa maubos ito.

Kinuha niya ang isa pang dala ni Isabel at muling ibinuhos sa parte naman ng silid niya.

Wala siyang itinirang parte na hindi naabot ng gasolina.

"Gian pare, galit ka ba?"

Hindi siya kumikibo.

"Sorry pare!"

Nagulat si Gian nang biglang yapusin ng kaibigan.

"Anong ginagawa mo!" gulat niyang sita at itinulak ito.

"Pasensiya na," nakayukong turan ng kaibigan.

"Huwag kang magdrama Vince tinutulungan na nga kita para mas mapabilis tayo."

"Pare salamat! Salamat sa paniniwala sa akin!" Muli na naman siyang dinaluhong ng yakap ng kaibigan.

Sa pagkakataong ito ay hinayaan na niya.

Masakit mang maglaho ang bahay niyang puno ng ala-alang pinagdaanan noon ay tinatanggap na niyang maglalaho na ito ngayon.

Maglalaho na rin ang sakit at pait na naranasan niya noon.

Naiintindihan niyang buhay niya ang pinahahalagahan ng kaibigan at wala ng mas hihigit pa roon.

"Tama ka, saka na ako mag-iisip ng paraan, sa ngayon bilisan na natin at parating na ang kalaban."

Kumalas si Vince at nakikita na niya ang ngiti nito ngunit halatang saglit niyang napaiyak.

"Iyakin ka talaga bakla ka yata eh?" nangingiting wika niya.

"Ano? Gago! Masyado ka lang mahalaga sa aking tarantado ka," sinapak siya nito na mabilis naman niyang nasangga.

Tumawa siya.

Natawa rin saglit ang kaibigan pagkuwan ay sumeryoso.

"Naiintindihan kita pare, hindi rin madaling tanggapin na mawawala na lang sa isang iglap ang lahat nang dahil sa kaaway.

Pero kasi buhay mo ang kapalit nitong bahay mo kapag nagkataon."

"Naiintindihan ko pare, bilisan na natin."

"Sige."

Sa pagkakataong ito magkasama nang pinagtulungan ng magkaibigan ang ginagawa.

Si Isabel na nasa labas at nanginginig sa takot ay biglang natigilan nang makitang sabay na lumabas ang magkaibigan patungo sa kotse ni Vince.

Walang imik naman si Isabel na pumasok sa loob at naghanap ng mga mahalagang papeles.

"Gian pare, nasa Tigbao na sila! "

Kumabog ang dibdib ni Gian sa narinig.

Mahigit dalawampung kilometro na lang ang kalaban.

Ilang sandali pa nandito na.

"Bilisan natin!" utos na niya.

Pang huling binuhusan nila ang buong paligid sa labas ng bahay.

Wala ng ibang naiisip si Gian kundi ang matapos ang ginagawa at nang walang maabutan ang kalaban.

Buhos dito buhos doon.

Ni hindi sumagi sa kanyang isipan na gagawin ito sa sariling tahanan.

'Bahala na!'

Natapos sila sa ginagawa.

Nasa labas silang tatlo at nakaharap sa bahay na amoy gasolina.

Mabuti na lang at malayo ang distansiya nito sa mga kapit bahay nila na talaga namang sinadya niyang dito tumira dahil malayo sa kabahayan.

"O?"

Bumaba ang tingin niya sa hawak ni Vince na lighter na inilalahad sa kanya.

"Kung hindi mo kaya ako ang gagawa."

Kinuha niya ang lighter at sinindi.

Lumabas ang apoy at saglit niyang tinitigan ang bahay.

'Paalam sa lahat at salamat sa ala-ala mo.'

"Pare nasa Pagadian na sila, " ani Vince.

Ipinikit niya ang mga mata at buong lakas na hinagis ang lighter na may apoy na taglay.

Saglit lang nilamon na nang naglalagablab na apoy ang maliit at masinop na bahay ng binata.

Tumatak sa mga mata niya ang apoy na tumutupok sa kanyang tahanan.

Ang kanyang naging kanlungan sa panahong nag-iisa, sa lungkot at saya, sa kabiguan at tagumpay.

Papalakas ang pagliyab nito at nararamdaman na nila ang matinding init.

"Tara na?" si Isabel.

Walang imik na sumunod sila rito at pumasok sa kotse.

Isang sulyap pa ang kanyang ginawa bago tuluyang tumalikod at nilisan nila ang naturang lugar.

---

"Warren saan na kayo?"

Naiinip na si senior Roman kaya't nagpasya siyang tawagan ang mga tauhang patungo sa bahay ng kalaban.

"Senior, masamang balita."

Kinabahan ang senior.

"Anong ibig mong sabihin?

" Wala na kaming inabutang bahay ni Villareal sinunog ito bago lang."

"ANO?" Tila umakyat sa ulo ng senior ang dugo sa narinig.

"Umaapoy pa nga ang ibang parte senior. Ngayon lang 'to sinunog."

"PUNYETA!" Sa galit niya ay naibato ang hawak na cellphone sa carpeted na sahig.

Nasa loob siya nang kanyang library habang naghihintay ng balita.

At ito ang maririnig niya?

"XANDER! XANDER!" dumagundong ang boses ni  senior Roman sa buong kabahayan.

Nagtago ang mga may limang katulong sa mansyon sa takot.

Alam nila na walang sinasanto ang senior kapag galit.

"Dad?" lakad-takbo ang anak niya papasok ng silid.

"Si Villareal nga ang hayop na Acuesta na 'yon!"

Kumunot ang noo ni Xander sa narinig.

"Paano niyo nalaman?"

"Sinunog ang bahay sa Pagadian, nag-aapoy pa raw!"

Hinihingal sa galit na wika ng ama.

Nanlaki ang mga mata ni Xander sa narinig.

Binuksan niya ang telebisyon sa harapan.

Bumungad ang isang lalaking nagbabalita at nasa back ground nito ang isang bahay na nag-aapoy pa.

Pinalilibutan ito ng mga bumbero at mga pulis.

"Magandang gabi. Kasalukuyang nasusunog ang isang bahay sa lugar ng Pagadian City sa hindi pa malamang kadahilanan.

Napag-alamang pagmamay-ari ito nang dating pulis na si Gian Villareal.

Matatandaang naging wanted si Villareal sa kasong pagpatay at pinaghahanap ng batas na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natatagpuan sa ngayon ay-"

"Confirm dad," matigas nitong tugon.

Tumalim ang tingin ni Xander sa ama.

"Ano pang hinihintay natin? Kumilos na tayo. Huwag nating hayaang maunahan tayo ng demonyong 'yon. Sinasabi ko na nga ba!"

"Ipapatawag ko ang mga tauhan natin at pagplanuhan ang pag-atake sa kalaban nang hindi nila nalalaman."

"Iyon ang dapat unahin. Saka natin isusunod ang matandang Jaime Lopez na 'yon."

Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay tumunog ang cellphone ni senior Roman.

Dinampot ito ni Xander at tiningnan kung sino ang tumatawag.

Nagtiim ang bagang nito.

"Speaking of the devil. The devil is calling."

Hinablot ng senior ang aparato at sinagot ang tawag ini loudspeak nito upang marinig ng anak.

"Anong kailangan mo Acuesta?" matigas niyabg tanong.

Huwag itong magkakamali ngayon.

"Roman ano 'tong nabalitaan kong nasusunog o sinunog ang bahay ni Villareal?

Kayo ba ang may gawa!" singhal ng nasa kabilang linya.

"Ano?" Nagtaka ang senior sa narinig.

"Huwag ka ng magsinungaling Roman, alam kong kayo ang may gawa!

Ngayon ko lang nalaman na may bahay si Villareal sa Pagadian. Bakit hindi ninyo sinabi?"

"Imposibleng hindi mo alam ang tungkol diyan Acuesta kamag-anak mo si Villareal!" singhal ni Xander.

"Hindi kami malapit sa isa-t isa ng pamilya ko kaya paano ko malalaman 'yon!

Bakit ninyo pinakialaman ang bahay ng hayop na' yon na hindi nagpapaalam sa akin!"

Nailayo nang bahagya ni senior Roman ang cellphone sa tainga.

"Paano kung may makukuha pa sanang ebidensiya roon? Bakit hindi kayo nag-iisip?"

"Hindi kami ang nasunog!" singhal na rin niya.

"Ano? At sino naman ang gagawa no'n?"

"Hindi ba ikaw Acuesta?" deretsong tugon niya.

"A-ano? Sandali lang bakit ibinabalik ninyo sa akin tanong ko?

Pinaghihinalaan niyo ba ako? Akala ko ba kakampi tayo rito?" bakas ang galit at hinanakit sa boses ng nasa kabilang linya.

"Huwag ka nang magmaang-maangan Acuesta!

Huwag mo na kaming paikutin demonyo ka!" sigaw ni Xander sa galit.

"Aba Roman! Anong problema ng anak mong gago?"

Akmang hahablutin ni Xander ang cellphone sa kamay niya mabuti at nahawakan niya nang mahigpit.

"Lumabas ka muna Xander."

"What! Dad nagpapaniwala ka sa hayop na 'yan? Inuuto na lang tayo niyan!" dinuro nito ang cellphone.

"Xander pwede bang umalis ka muna?"

"DAD!"

"LABAS!" singhal na niya sa anak.

"Fuck!"

Inis na sinipa nito ang upuan bago lumabas.

Ngayong wala na ang anak ay kinausap na niya ang nasa kabilang linya.

"Roman mukhang walang tiwala sa akin ang anak mo? Bakit may problema ba?"

"Hindi mo pala alam na may bahay si Villareal sa Pagadian?"

"Hindi, kung alam ko lang ako mismo ang susunog doon matapos makuhanan ng mga ebidensiya laban sa kanya.

Talaga bang hindi kayo ang may gawa?"

"Hindi kami."

"Kung gano'n posible kayang si Jaime?"

Nagtiim ang kanyang bagang sa narinig.

"Hindi niya 'yon gagawin sa itinuturing niyang apo."

"Apo? Bakit?"

"Nakalimutan mo yatang may relasyon ang apo niya sa pinsan mo."

"Ah oo tama, pasensiya na apo kasi ang binanggit mo.

Hindi bale pa iimbestigahan ko ang nangyari."

"Magkita tayo."

"Sige kailan?"

"Bukas."

Saglit itong hindi umiimik.

Siya naman ay nag-iisip ng sasabihin.

"Sige, kumusta na nga pala ang raid? Wala bang problema?"

Naalala niya ang ginawa nitong pagtimbre sa kanila.

"Wala ng problema. Ayun sa tauhan ko hindi naman nagtagal dahil walang nahita.

Mabuti na lang na itimbre mo agad."

"Mabuti na lang maaasahan ang tao ko sa loob."

"Sino ba 'yan? Baka pwedeng makilala?"

"Roman, akin na lang 'yon, iyon naman kasi ang hiling niya."

"Naiintindihan ko."

"So paano? Teka nga pala bumalik ka na ba sa rest house mo?"

"Hindi pa, baka bukas na."

"Tama 'yan bukas. Saan ba tayo magkikita?"

"Diyan lang sa hotel niyo? May kainan diyan hindi ba?"

"Oo meron, sige kung' yan ang gusto mo walang problema.

Pag-uusapan na rin siguro natin ang investment ko pwede na ba?"

"Tungkol diyan saka na muna may iba tayong pag-uusapan."

"Ah okay ikaw bahala."

"Sige."

"Sige, 'yang anak mo nga pala anong problema niyan sa akin?"

"Wala huwag mong intindihin 'yon."

"Gano' n ba? O sige Roman akala ko kasi kayo ang gumawa."

"Hindi kami at kung sino man 'yon malalaman din agad natin 'yan."

"Tutulong ako, aalamin natin 'yan."

Natapos ang usapan na hindi malaman ni senior Roman kung maniniwala o hindi.

Lumabas siya ng library at pinuntahan ang anak.

Inabutan niya ito sa beranda.

"Xander, bukas makikipagkita tayo kay Acuesta."

"Dad! Talaga bang nauto na kayo ng hayop na 'yon?"

"Hindi tayo titigil hanggat hindi natin napatunayan-"

"Ano bang hindi malinaw doon? Halata ng niloloko tayo eh!"

"Gawan mo ng paraan para makakuha ng ebidensiya sa presinto. Naroon ang kailangan natin kay Villareal."

"Dad!"

"Sundin mo na lang ako Xander.

Kumuha ka ng ebidensiya sa presinto at ako ang bahala sa kalaban."

"Uutusan ko si Warren, mapagkakatiwalaan 'yon."

"Siguraduhin mong makakuha kayo."

"Huli na 'to dad, ipangako mong huli na' to."

"Oo huli na, kailangang makakuha tayo ng ebidensiya."

"Ako ng bahala."

"At dapat sa pagkakataong ito magtatagumpay na tayo."

"Kapag hindi pa maniniwala na ba kayo sa akin?"

"Naniniwala ako sa'yo anak, kaya lang iba pa rin ang may katibayan sa hinala lang."

---

"Ayos ba akting natin?"

Si Vince 'yon na kasama niya sa kotse.

Sumabay siya rito upang makausap ang kaibigan.

Kasunod nila si Isabel gamit ang kotse niya.

Pauwi na sila kanina nang sinabi ni Vince na tawagan si Delavega.

"Mukhang epektibo."

Pakana ni Vince ang nangyaring pakikipag-usap niya sa kalaban.

Mukha namang napaniwala nila ang ama ngunit hindi ang anak.

"Pare anong plano mo? Makikipagkita ka ba bukas?"

Sa halip na sumagot ay nakakakita siya ng kainan.

"Ihinto mo muna diyan pare, kape muna tayo, inaantok na ako."

"Sige."

Sumunod si Vince.

Ang totoo wala siyang kagana-gana ngayon dahil sa nangyaring pagsunog niya sa sariling tahanan.

Parang nawalan siya ng lakas at ang gusto niya sana ay magtutulog lang kaso hindi niya maiwan si Vince.

Ihahatid pa nila ito sa bahay nito bago ihatid si Isabel sa apartment kasama ng ama ng babae at siya ay mag-iisang mag ho-hotel.

Nasa loob na silang tatlo sa maliit na kapehan nang magsalita si Isabel.

"Ayos ka lang ba Gian?"

Tumango lang siya at umorder ng kape gano'n na rin ang dalawa.

"Sir, ma'am di ara inyong kape," anang tindera doon.

"Salamat," si Vince ang sumagot.

Nang mapagsilbihan na sila ay hinarap niya ang tasang may kape ngunit hindi ito ginalaw.

"Pare, kalimutan mo na ang nangyari kanina, ang isipin mo ang bukas."

Humigop ng kape si Vince.

"Oo nga Gian, makikipagkita ka ba bukas?" humigop din si Isabel.

Tila ba wala lang sa dalawa ang nangyari kanina dahil hindi iyon kanila.

Huminga siya ng malalim ngunit hindi tumugon.

Nakayuko lang siya at nilaro-laro ng kamay ang tasa.

"Pare? Ibang hakbang na naman bukas, pag-isipan mong mabuti."

"Dapat hindi ka makikipagkita Gian paano kung kuhanan ka nila ng ebidensiya?"

"Kapag hindi makikipagkita si Gian ibig sabihin guilty siya," si Vince ang sumagot.

"Iisipin ng kalaban na hindi nila kakampi si Gian. Pagkatapos ay ano?

Manganganib ang kaibigan ko."

"Mas manganganib siya kung makuhanan ng ebidensiya."

"Magagawaan pa ng paraan 'yan ang mahalaga makikipagkita siya."

"Mas delikado nga kasi!" giit ni Isabel.

"Mas delikado ang iniisip mo!" bira din ni Vince.

Nanatili siyang tahimik habang ang dalawa ay nagtatalo na.

"Hindi ka makikipagkita Gian," mariing wika ni Isabel habang matalim na nakatingin kay Vince.

"Gawin mo pare, isa 'yan sa hakbang para makuha mo na ng buo ang tiwala ng kalaban."

"Hindi nga pwede!"

"Pwede! At bakit mo ba hinahadlangan ang plano ha?

Kung si Ellah ang kasama namin siguradong sasang-ayun siya sa akin!"

Napaigtad siya nang malakas na ilapag ni Isabel ang tasa sa platito.

"Iba ang babaeng 'yon iba ako!

Kung siya pala ang gusto niyong kasama nasaan siya?

Ako ang nandito!

O baka naman gusto niyong ako pa ang magsasabi sa kanya ng totoo?"

Natahimik si Vince.

"Vince pare, tama na 'yan," sita na niya.

"Ako ang kasama ninyo sa panganib o ngayon nasaan ang Ellah ninyo? Hindi ba' t ligtas at tatanga-tanga?"

Humagkis ang tingin niya sa abogada.

"Stop it Isabel."

Binalingan siya nito.

"Mag-isip ka ng mabuti Gian, sa oras na makikipagkita sa kalaban nabibilang ang oras mo at kalkulado lahat ng kilos mo.

Hindi mo alam baka bigla ka na lang nilang atakehin."

"Pare makikipagkita ka dahil huling pagkakataon mo na 'yan para makuha ang loob ng kalaban.

Alam mong naghihinala na sila sa' yo kaya dapat may paniniwalaan naman sila."

"Gian, ikaw ang magpasya, makikipagkita ka ba o hindi?"

Humugot siya ng malalim na paghinga bago nagsalita.

"Makikipagkita ako."

MERRY CHRISTMAS EVERY ONE!

Phinexxxcreators' thoughts