webnovel

The Only Exception.

Being forced to marry for the sake of family, wealth, and position cannot promise love. For Aria, such thing was unavoidable. It's not like she has a say in that matter either. But she was surprised to hear that she's been promised to the heartless Duke of the North. Duke Adler of Winterthrone, second to the emperor in terms of power. And Aria Hansley, a daughter of a mere Count. Whenever she thinks about it, asking her hand for marriage doesn't make sense So what exactly does he wants with her? . . . . . THE ART IS NOT MINE. CTTO.

mimioxyri · Histoire
Pas assez d’évaluations
4 Chs

Kabanata II - Karapat-Dapat Ba?

Malalim na ang gabi. Halos lahat ay nasa kani-kaniyang higaan na, natutulog at nananaginip. Ang pagsipol na lang ng hangin ang maririnig, ngunit gising pa rin ang diwa ni Caspian.

Nasa isipan pa rin niya ang pangyayaring naganap kanina lamang.

Siya'y nakatayo sa harapan ng mataas na bintana sa kaniyang opisina, ang malamlam na liwanag ng buwan ang nagsisilbing katangi-tanging ilaw ng silid. Nakatingin lamang siya sa malayo, tila pinagmamasdan ang mga bagay na wala naman.

Makalipas ang ilang sandali ay narinig niyang bumukas ang pinto.

Hindi niya nilingon ang taong pumasok sa silid at nanatili lamang siyang nakadungaw sa bintana, ngunit ang atensyon niya ay nakatuon sa presensya sa kaniyang likod.

"Kumusta ang mga sugatan, Sir Duncan?" Tanong ni Caspian.

"Kasalukuyang nagpapahinga at nagpapagaling, Your Grace. Mabubuhay sila ayon sa mga manggagamot."

Saglit na napatigil si Caspian. "At iyong mga namatay, naipaalam mo na ba sa kanilang pamilya ang balita?"

"Opo, Your Grace. Naipaalam na rin sa kontador ang tungkol sa kompensasyon na ibibigay sa mga pamilyang naiwan ng mga namatay."

Natahimik nang saglit si Caspian, at kaniyang pinagnilayan ang naging desisyon.

Alam niya na hindi sapat ang kompensasyon para sa katahimikan ng puso ng mga pamilya. Kahit kailanman ay hindi matutumbasan ng pera ang buhay ng isang tao, ngunit sa ngayon ito lamang ang kaya niyang ibigay sa kanila.

Upang makakuha ng hustisya para sa mga taong kaniyang nasasakupan, kailangan niya munang pagplanuhan nang mabuti ang bawat hakbang na gagawin. Hindi basta-basta ang kalaban.

"Mabuti kung ganoon. Kung wala ka nang ibabalita pa, maaari ka nang makaalis." Wika ni Caspian.

May nais pa sanang itanong si Sir Duncan ukol sa usap-usapan na kaniyang nabalitaan nitong umaga. Ngunit sapagka't alam niyang kautusan at hindi kahilingan ang sinabi ng Duke, wala siyang nagawa kundi sumunod.

Nang marinig ni Caspian na sumara ang pinto, doon lamang niya tinalikuran ang bintana.

Siya'y bumuntong-hininga at umupo sa harap ng kaniyang lamesa, tila ngayon lamang nararamdaman ang pagod dulot ng mga pangyayari nitong araw.

Natitiyak niyang hindi dito nagtatapos ang mga pag-atake. Darami nang darami ang mga taong mawawalan ng bahay at mahal sa buhay.

Sumakit ang ulo ni Caspian sa realisasyong ito. Sa huli, napagdesisyunan niyang ipagpabukas na lang ang pagpaplano.

Tatayo na sana si Caspian upang magtungo sa kaniyang kwarto at magpahinga na rin nang muling magbukas ang pinto.

Agad na nandilim ang kaniyang mukha nang makita ang pinsan niyang si Lance.

"Balita ko'y ikakasal ka na raw!" Tila natutuwang hiyaw ni Lance, ngunit alam ni Caspian na nakatago ang totoo niyang nararamdaman sa loob ng maskara.

"Anong ginagawa mo dito?"

Isinawalang-bahala lamang ni Lance ang tanong ni Caspian.

"Sa lahat ng pwede mong pakasalan, ipinagtataka ko lang kung bakit taga-kapitolyo pa ang napili mo gayong alam mo kung anong ginagawa ng Emperor sa atin. Baka isang espiya pa ang mapakasalan mo." Wika ni Lance, tila hindi makapaniwala sa naging desisyon ni Caspian.

Napahawak na lang si Caspian sa kaniyang sentido. Inasahan na niya ang ganitong reaksyon kay Lance sa oras na malaman nito ang tungkol sa nalalapit na pagpapakasal.

Hindi lamang niya inasahan na agad na malalaman ng pinsan ang tungkol dito.

"Dagdag pa rito, isa lang siyang anak ng Count! Anong alam niya sa pagpapatakbo ng Duchy? Karapat-dapat ba siya?" Giit ni Lance.

"At sino ka para kwestyunin ang naging desisyon ko?" Walang emosyong tanong ni Caspian.

Napatigil nang saglit si Lance. "Alam mo namang lubos ko lang na pinapahalagahan ang Winterthrone."

Umiling si Caspian. "Kung ang gagawin mo lang ay pangaralan ako at sabihin sa akin kung anong dapat kong gawin, iiwan na kita dito dahil nais ko nang magpahinga."

Nang walang pakialam sa kung ano man ang itutugon ni Lance, tumayo na si Caspian sa kinauupuan niya upang lisanin ang silid.

Ngunit bago pa man makalabas, tumigil siya sa paglalakad at nagsalitang muli. "Maging maingat ka sa pagsasalita, Lance, lalo na sa harap ng nobya ko. Ayon ay kung nais mo pang manatili dito."

Nanatili na nakatayo si Lance sa gitna ng madilim na silid hanggang sa hindi na niya marinig ang mga yapak ni Caspian.

Alam niyang may isang salita si Caspian, at mayroong katotohanan sa bantang narinig niya kanina.

Nanginginig si Lance sa galit.

"Hindi mo dapat tinatalikuran ang kalaban mo, Caspian." Wika niya bago niya rin nilisan ang silid.

Hindi titigil si Lance hangga't hindi napapasakaniya ang Winterthrone.

• • • • •

Lumipas ang panahon nang hindi ko namamalayan. Masyado akong naging abala sa pangangasiwa ng irigasyong ipinapagawa sa hasyenda.

Matapos ang ilang araw ng pakikipag-usap at pangungumbinsi ay nakuha ko rin ang pagsang-ayon ni Papa. Kaso lang, huli na nang mapansin kong isang linggo na lamang ang natitira bago ang Spring Ball.

"Ipaalala mo nga sa akin, Krista, kung bakit ko pa kailangang gawin 'to?" Tanong ko pagkahakbang ko sa plataporma sa harap ng isang malaking salamin, suot-suot ang ika-siyam na damit na aking susukatin ngayong araw na ito.

"Sapagka't wala na sa uso ang mga damit niyo at upang hindi kayo magmukhang losyang sa tabi ng Duke." Wika ni Krista nang hindi man lang inaalis ang atensyon sa dyaryong kaniyang binabasa.

Napangiwi naman ako nang marinig ang sagot niya. "Alam mo minsan, masyado kang tapat. Pero salamat pa rin."

"Walang anuman, Miss Aria."

Umiling na lamang ako, ang ngiti ay nakapinta sa labi. Natutuwa akong mas nagiging komportable na si Krista sa aking presensya na nagagawa na niyang makipagbiruan sa akin, malayong-malayo sa tila pilit niyang pakikisama sa akin noon.

Nagpatuloy sa pagbabasa si Krista, at akin namang hinarap ang napalaking salamin upang pagmasdan ang damit na aking suot-suot.

Walang manggas at strap ang ballgown, naaayon sa kung anong uso sa mga babaeng maharlika ngayon. Napakaganda rin ng pagkakaburda ng mga disenyo at maliliit na hiyas, tila kumikinang ang buong kasuotan kapag natatamaan ito ng liwanag.

Kung ikukumpara sa mga huli kong sinukat, di hamak na mas maganda ang suot ko ngayon. Ang problema nga lang ay medyo mabigat ito dahil na rin sa dami ng telang pinagpatong-patong upang bigyan ng bolyum ang saya ng ballgown.

Dagdag pa rito, masikip rin ang baywang. Baka kailanganin kong mag-ayuno upang magkasya nang perpekto sa akin ang damit.

Ang mga kahirapan nga namang kailangang pagdaan upang maging maganda.

Asul ang kulay ng Winterthrone, kaya naman asul din ang kulay ng mga pinipili kong damit. Ipinagpalagay ko na asul din ang magiging kulay ng kasuotan ni Duke Adler sa Spring Ball, nang sa gayon ay maging parehas kami.

Sana lang tama ang hula ko.

"Ano sa tingin mo, Krista?" Tanong ko matapos ang ilang minuto ng pagsisiyasat at muli siyang hinarap.

Binitawan ni Krista ang dyaryo at lumingon sa akin. "Mas nababagay ang ballgown na iyan sayo kumpara sa mga nauna kanina."

"Tama ka. Kung ganoon, ito na lang ang pipiliin ko."

At baka mabaliw na ako kung kakailanganin kong magsukat pang ulit.

Inalalayan ako ng dispatsadora na bumaba sa platapormang aking kinatatayuan at kami'y nagtungo muli sa silid-pambihisan upang tanggalin ang damit mula sa akin.

Makalipas ang ilang paghihirap at sakit sa aking likod, handa na akong lisanin ang lugar na ito.

"Agad din naming ipapadala sa inyong pananahanan ang ballgown, Miss Aria. Asahan niyo po ito bukas o sa isang araw." Wika ng dispatsadora nang makarating kami sa labasan.

Ako'y ngumiti sa kaniyang direksyon. Hindi ko lubos maisip na ginagawa niya ang ganitong trabaho araw-araw. Nakuha niya ang respeto ko. "Salamat."

"Wala pong anuman. Bumalik po kayo!"

Hindi ko na siya sinagot at nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa ako'y makalabas. Sa tabi ng karwahe ay naroon naman si Krista na naghihintay sa akin.

Agad kaming pinagbuksan ng pinto ng kutsero, at pinagsarhan din nang makasakay na kami.

Malakas akong bumuntong-hininga nang magsimulang umandar ang karwahe.

"Hindi na ako babalik doon. Bakit ba kasi ngayon lang ako pumunta?" Bulong ko sa sarili.

Sakali mang mas maaga ang naging preperasyon ko'y nakapagpagawa pa sana ako ng sarili kong damit.

"Dahil kuripot kayo at ayaw n'yong gastusin ang perang mayroon kayo," sagot ni Krista.

Muli namang sumagi sa aking isipan ang sinabi ni Kuya kahapon.

"Asus, huwag mong alalahanin ang pera, Aria. Bilhin mo kung anong kailangan at gusto mong bilhin, meron tayong higit pa sa sapat. Saka, ako dapat ang namomoblema d'yan at hindi ikaw."

"At kung magaganap ang inyong kasal nang maaga, talagang hindi na kayo makakabalik." Dagdag pa ni Krista.

Agad namang nangasim ang mukha ko. "Alam mo, bakit hindi na lang tayo kumain sa labas imbes na umuwi agad? Ngayon lang ulit ako gumastos, itodo na natin."

Dito rin ako sa kapitolyo nanirahan nang labingsiyam na taon, kaya naman nakakalungkot na isiping malapit ko nang lisanin ang lugar na it .

Gaya nga ng ipinahiwatig ni Krista, nalalabi na ang mga araw ko dito sa kapitolyo. Kaya naman, nais kong sulitin ang mga araw na ito.

"Kung iyon ang inyong nais, bakit hindi." Wika ni Krista na may kasamang bahagyang pagkibit-balikat.

Tila nabuhayan naman akong muli, at ang tatlong oras ng pagsusukat ng damit ay agad kong nakalimutan.

Siguradong abot-tainga na ang ngiti ko ngayon.

"Balita ko mayroong bagong bukas na restawran malapit sa sentro. Masarap daw ang mga keyk doon."

"Kayo ang masusunod."

Matapos na kumbinsihin ang kutsero na hindi magagalit si Papa kung hindi kami uuwi nang maaga, dinala niya rin kami ni Krista sa restawran na tinukoy ko.

Kakaunti lamang ang mga tao na naroon, na siya namang ikinatuwa ko. Nang makahanap ng kumportableng pwesto, lahat ng panghimagas na mayroon ay aking ipinahanda.

Sigurado kong masusuya kami agad bago pa man maubos ang lahat.

"Ano palang binabasa mo kanina sa dyaryo, Krista?" Tanong matapos makain ang ika-sampung galyetas ko.

Ibinaba ni Krista ang tasang hawak niya. "Hindi ako marunong bumasa, Miss Aria. Nakatingin lang ako sa mga larawan."

Gusto kong hampasin ang sarili ko matapos na marinig ang sinabi niya.

Bakit ba hindi ko naalala?

"Oh. Kung gusto mo, pwede kitang turuang magbasa." Alok ko sa kaniya.

Agad naman siyang umiling. "Hindi na kailangan, Miss Aria. Hindi naman mahalaga ang pagbasa para sa akin."

"Kung magbago man ang isip mo, sabihin mo lang sa akin."

Tumango na lamang si Krista bilang tugon.

Kuntento naman na ako doon. Alam ko na nahihiya lang siya sa akin kaya siya tumanggi, kahit hindi halata. Kaya naman, hihintayin ko na lamang hanggang sa mawala ang hiya niya.

Magaling naman akong maghintay.

Muli akong umabot ng makakain, ngayon naman ay isang presa na keyk. Sa totoo, ito lang talaga ang ipinunta ko sa restawran na ito.

Aking hinawakan ang tinidor at susubo na sana nang may narinig akong biglang nagsalita.

"Oh? Ikaw pala 'yan, Aria. Akala ko nabubulok ka na sa mansyon niyo."

Napatigil ako nang makilala ang nakakairitang boses na iyon. Dahan-dahan kong ibinaba ang tinidor at hinarap ang pesteng panira ng araw.

"Kasama mo rin pala 'yang katulong mo. Napakabait mo naman, hinahayaan mong kumain siya kasama mo." Panunudyo niya na may bahid nang pang-iinsulto.

Gusto ko lang burahin ang ngisi sa mukha niya ngayon.

Baka sapak ang epektibong solusyon.

Ibinaba rin ni Krista ang tinidor na hawak niya, at parang nagbabalak na tumayo. Binigyan ko siya ng tingin na nagsasabing huwag siyang aalis bago muling ibinalik ang tingin sa bruha.

Mukha namang nakuha ni Krista ang nais kong ipahayag.

"Kumusta, Missy?" Tanong ko, tila napapagod na agad kahit hindi pa nagsisimula ang usapan.

Si Missy Ambers. Anak ni Marquis Ambers.

Isa siya sa mga tinaguriang binibini na may katangi-tanging ganda dito sa imperyo. At tama nga naman sila, kaso anong silbi ng ganda kung bulok naman ang pagkatao mo.

Isa rin siya sa mga taong gusto kong maglaho na lang.

Ngunit syempre, iba nga ang imahinasyon sa reyalidad.

"Ah, labis akong natutuwa ngayon. Alam mo bang ikakasal na ako?" Tila nagmamalaki niyang tanong sa akin.

Gusto ko namang mapairap. Malamang alam ko na ang tungkol sa nalalapit nilang pag-iisang dibdib ni Marquis Sebastian.

Dagdag pa rito, sino ba naman sa kapitolyo ang hindi makakaalam nito sapagka't iyon ang unang-unang makikita sa seksyon ng tsismis sa dyaryo.

"Oo. Binabati kita."

Bahagya naman siyang napatawa sa aking sinabi. "Hindi mo na ako kailangang batiin, inasahan ko na 'to. Total, sino ba namang hindi mahuhumaling sa napakagandang bulaklak na gaya ko."

Heto na naman tayo.

"Kung ako sayo, Aria, mangangamba na ako. Nasa karampatang-gulang ka na ngunit wala pang humihingi sa kamay mo." Tila nag-aalala niyang wika, ngunit alam ko lang ang totoong iniisip niya tungkol sa akin.

"Wala pa naman sa plano ko ang pagpapakasal, Missy. Mahal ko ang kalayaan ko." Nagkikibit-balikat kong wika.

Wala akong balak na sabihin sa kaniya ang totoo. Hindi ko naman tungkuling ipaalam sa mga tao ang tungkol sa nalalapit ko ring kasal.

Dagdag pa rito, may nagsasabi sa aking lubos kong ikatutuwa ang gulat sa kaniyang mukha kapag nalaman niya ang tungkol dito.

"Plano? Huwag kang magpatawa, Aria. Alam mo namang wala sa'yo ang desisyon." Wika niya na para bang walang kabuluhan ang aking saloobin.

Humigop na lamang ako ng tsaa, isinasawalang-bahala ang sinabi niya.

"Ngunit naiintindihan ko rin ang sitwasyon mo. Sino ba naman ang magnanais ng lantang bulaklak, hindi ba, Aria?" Dagdag ni Missy.

Aba.

Aking binaba ang tasang hawak ko at muling sinalubong ang mga mata niya. "Lanta man o hindi, pare-parehas lang namang palamuti ang mga bulaklak. Pare-parehas ding itatapon kapag wala na ang kagandahan nito. Hindi ba, Missy?"

Nangasim ang mukha ni Missy, nakukuha ang nais kong ipahiwatig. Napangiti na lang ako sa aking kaloob-looban.

Akala niya siguro'y makakakuha siya ng masamang reaksyon mula sa akin.

Doon siya nagkakamali.

"Kung ako sa'yo, mag-iingat ako sa sinasabi ko. Lalo na ngayon, balita ko pa naman ay naghihirap na kayo."

Natigilan ako sa sinabi niya, ngunit agad din akong bumalik sa wisyo.

"Saan mo-"

"Mag-uusap pa tayo, Aria." Hindi na hinintay ni Missy ang sagot ko at dagli niya akong tinalikuran. Mabilis naglakad papalayo sa amin hanggang sa makalabas siya sa restawran.

Napasandal ako sa aking kinauupuan, ngunit hindi pa rin ako nakahinga nang maluwag.

Hindi na bago sa akin ang pagiging simuno ng mga tsismisan dito sa imperyo. Kesyo masyado raw akong mapagmataas kaya hindi ako nakikihalubilo, o ikinasusuklam ko ang buhay ng pagiging maharlika.

Tanggap ko ang mga usap-usapan tungkol sa akin, ngunit syempre ibang usapan na kapag damay na ang aking pamilya.

Medyo nakakabahala sapagka't alam kong ngayon ay maaapektuhan naman ang pangalan at reputasyon ng pamilya ko.

Kahit ngayon ay sumasakit na agad ang ulo ko maisip pa lang ang mga titig na aking matatanggap sa oras na ipakita ko ang sarili sa darating na salo-salo.

Nagpakawala ako nang malalim na hininga. "Hindi na rin ata ako babalik dito, Krista."

Pansin ko naman ang pagtango niya.

"Sang-ayon ako d'yan, Miss Aria."

Napahawak na lamang ako sa aking pisngi, nagnanais nang umuwi.

votes and comments would be very much appreciated!

mimioxyricreators' thoughts