NAGISING si Azurine na mahapdi pa ang mga mata sa antok. Bumangon siya sa kama katabi niya si Octavio na hanggang ngayon ay natutulog pa. Inusisa niya ang buong paligid.
"A-Ano'ng lugar 'to?" pabulong niya.
Nasa loob sila ng bahay na gawa sa bato. Agaw pansin ang mga librong nakahelera sa book shelve na gawa sa kahoy. May matapang na amoy sa paligid na parang amoy gamot. May malaki at itim na lutuan tulad sa ginagamit ng mga witch. Isang malaking cauldron. Maliit lang ang bahay na ito. Katabi ng kamang hinihigaan nila ang kusina at naroon din ang hapagkainan.
"Ang cute! Parang bahay ng duwende!" Katagang pumasok sa isip ni Azurine.
"Magandang umaga!" bati ng binatang nagngangalang Seiffer. "Nakalimutan mo na ba ang nangyari kagabi? Nagpumilit kayo na sumama sa akin at dito matulog sa munti kong tahanan." Naupo si Seiffer sa maliit na upuan sa harap ng mesa.
Nakahanda na ang almusal na tinapay at sopas. May nakahanda ring mainit na tsaa na dahan-dahang hinihigop ng nagpakilalang wizard.
"Ikaw ba ang naghanda ng lahat ng pagkain?" paunang tanong ni Azurine. "Mag-isa ka lang bang naninirahan dito sa bahay na gawa sa bato?" kasunod niyang tanong.
"Ang totoo n'yan…" Nahinto si Seiffer nang biglang pumasok sa loob ang isang kuwago galing sa bukas na bintana.
"Seiffer!!! Ihanda mo ang sarili mo, parating na ang sundo mo galing sa palasyo!"
Nagulat si Azurine, nanlaki ang mga mata niya nang marinig na nagsalita ang kulay puting kuwago.
"N-Nagsasalita siya?!"
"Huh? Gising na pala ang mga bisita mo." Ibinaling ng kuwago ang pansin sa babaeng bagong gising.
Mayamaya'y nagising na rin si Octavio. "Ang ingay n'yo naman! Antok pa ako!"
"Octavio! Tingnan mo, isang nagsasalitang kuwago!"
Malabo-labo pa ang paningin ni Octavio dahil hindi pa gising ang buong diwa niya. Nang kuskusin niya ang kanyang mga mata nagulat din ang binata nang makita ang mataba, puti at nakatingin sa kanyang kuwago.
"Ang pangalan ko'y Knowledge. Isa akong familiar ng Wisdom Family. Sabihin na nating, ako ang tumatayong guro, gabay at tagapangalaga ng lalaking nasa harap n'yo ngayon." Tinukoy ni Knowledge ang humihigop ng tsaa na si Seiffer.
Ang buong angkan ni Knowledge ay nakalaan lamang para sa pamilya ng Wisdom. At si Knowledge ang kahuli-hulihang familiar na kuwago sa kanyang lahi. Iyon ang pagkakaalam ni Knowledge. Habang si Seiffer naman…
"May isang tao kasing tumakas na naman sa palasyo at nagbigay ng sakit ng ulo sa ibang tao!" pagdidiin ni Knowldege patama kay Seiffer.
"Tumakas? Parang ako rin pala 'tong lalaking 'to!" wika sa isip ni Azurine.
Nakisalo ang dalawang bisita sa hapagkainan. Habang kumakain ang dalawa hindi maiwasang halungkatin ni Seiffer ang pangyayari kagabi na nagdala sa dalawa sa kanyang tahanan.
"Siya nga pala, ano nga ulit ang pangalan n'yo?" Waring inaalala ni Seiffer ang pangalan ng dalawa kahit alam niyang hindi pa nila ito sinasabi sa kanya.
"Ako nga pala si Azurine at siya si Octavio, galing kami sa…"
"Sa malayong lugar!" sabat ni Octavio sa pag-iisip ni Azurine ng sasabihin kung taga-saan sila.
"Hmmm… bakit parang naalala ko tinawag mo siyang prinsesa?" Tinitigang mabuti ni Seiffer ang dalawa ng may malokong tingin.
"Ah-eh…" Napapaisip si Octavio, hindi siya makasagot nang tuwid.
May kakaibang naamoy si Seiffer sa dalawa. "Amo'y… amoy dagat kayo? Mga isda ba kayo?"
"Waahhh!!! Octavio!!!" nawindang na napapasigaw at natatanranta si Azurine sa pagtatanong ni Seiffer sa kanila.
Ayaw niyang mabuking ang sekreto nila ng matalik niyang kaibigan. Hindi pwede! Parang kitikiti sa sobrang likot ni Azurine, kulang na lang humanap siya ng masusuotang lungga at doon magtago.
"Relax ka nga lang, Prin—"
Biglang dumami ang butil ng pawis ni Octavio sa mukha. Muntik na siyang madulas. "Huminahon ka, Azurine!!!" sabay sigaw ni Octavio.
"Maniwala ka, mga pulubi lamang kami at… at ang gusto lang namin ay…" Sandaling nahinto at nag-isip si Azurine ng palusot. "Gusto lang namin magtrabaho sa palasyo! Tama! Ganoon nga!"
"Wow bright idea!" sambit sa isip ng serenang naging tao.
Isa lang naman talaga ang pakay niya sa kalupaan, ito ay ang makitang muli ang minamahal niyang prinsipe ng Alemeth. Gagawin niya ang lahat para magkita silang muli at tuparin ang pangako nila sa isa't isa noong mga bata pa sila. Determinado ang bida nating serena na makasama ang kanyang prinsipe. Kahit medyo, clumsy, clueless at may pagka engot ang kanyang personality. Maganda, mabait at busilak naman ang kanyang puso.
"Talaga?" may pagtataka at hindi kumbinsido si Seiffer sa sagot ng dalawa.
Ngumisi ang binatang wizard at mukhang may naisip na naman itong kapilyuhan. Kitang-kita sa mga mata niya ang biglaang pagkislap ng mga nito. Ganitong-ganito siya kapag may naiisip na sa tingin niya, eh, magpapasaya na naman sa kanya.
Mayamaya biglang may kumatok sa kahoy na pinto ng bahay na bato ni Seiffer. Tumunog ang trumpeta saka nila narinig ang tinig mula sa labas.
"Kamahalan! Kamahalan! Kami ay iyong pagbuksan—"
"Hay! Nakakahiya! Itigil n'yo na nga 'yan!" Biglang binuksan ni Seiffer ang pinto hindi pa man natatapos ang nagsasalita ng tao sa labas.
"Mahal na prinsipe, narito kami para sunduin kayo." Nagbigay galang ang sundalo, nayuko ito sa harap ni Seiffer.
"Prinsipe?!" si Octavio.
"Ehh!!! Isa kang prinsipe?!" sigaw rin ni Azurine.
Over reaction ng dalawang mukhang pulubi ng marinig nila ang sinabi ng kawal sa palasyo. Hindi kasi sila makapaniwala sa narinig. Ang pakilala kasi sa kanila nitong binata, eh, isa siyang wizard tapos tinawag siyang prinsipe?
"Ah!!! Sila ang pulubing nagpumilit pumasok sa loob ng palasyo!" Nang makita ng kawal ang dalawa kaagad niya itong namukhaan.
Lagot. Nanginginig ang dalawa sa sitwasyon nila. Paniguradong pag-iisipan na naman sila nito ng masama at worst pa ay baka ipatapon sila sa kung saan. Pabalik ng dagat? Hindi naman, hindi naman kasi nila alam.
"Sandali, sandali! Ibig sabihin kayong dalawa ang nanggulo sa pagtitipon kagabi sa palasyo?" usig ni Seiffer sa dalawa.
"Ah… eh…"
Biglang bumulalas ang malakas na tawa ni Seiffer. "Astig! Gusto kong makita ang hitsura ni Eldrich, sayang wala ako kagabi."
"Teka, paano mo naman nalaman? Eh, ikaw nga itong pagala-gala sa palengke kagabi! Hinahabol ka panga no'ng tindero ng mansanas," nakangusong sagot ni Octavio na handang makipag-argumento kay Seiffer.
"Tsk!" isnab ni Seiffer.
Iniiwasan niyang halungkatin iyong kapilyuhang ginawa niya kagabi.
Niloko lang naman kasi niya iyong tindero ng mansanas, imbis kasi na dalawa lang ang bibilhin niya ang kinuha niya ay apat. Hayun, hinabol tuloy siya kasi hindi siya nakilala. Hindi siya nakasuot ng magarang damit noon, isang ordinaryong robe na ang tela ay kupas, ang pantalon niya ay yari sa sako ng palay at ang damit niya ay ordinaryo puti lamang.
Kung titingnan ang hitsura ni Seiffer at ng dalawa, halos hindi rin naman sila nalalayo sa isa't isa. Kaunti na lang magmumukhang pulubi na rin si Seiffer.
"Grabe, ang lakas ng loob niyang gumawa ng kalokohan… isa pala siyang prinsipe," bulong-bulungan ni Octavio.
"Shhhh!!! Tandan mo, pinatuloy ko kayo sa bahay ko," bulong sa kanya pabalik ni Seiffer.
"Ahem! Ahem! Kamahalan, sumakay na po kayo sa karwahe at babalik na po tayo sa palasyo," atubiling litanya ng kawal.
Gumuhit ang nakakalong ngisi ni Seiffer. Kanina pa niya ito iniisip. Sigurado siyang may mangyayaring kapanapanabik.
"Teka, isasama ko ang dalawang ito. Ako ang bahala sa kanila, sagot ko sila!"
"Pero kamahalan!"
"Wala nang pero-pero! Sinabi kong ako ang bahala sa kanila!"
Nang marinig iyon ni Azurine, kuminang ang asul niyang mga mata sa tuwa. Ito na nga ang pinakahihintay niyang sandali. Ang makitang muli ang kanyang prinsipe. Bigla siyang napaisip.
"Teka, dalawa silang prinsipe ng Alemeth? Kung gano'ng sino sa kanila ang batang iniligtas ko noon?" tanong ni Azurine sa kanyang isipan.
***
NANG makarating sa malaki, malawak na palasyo kaagad sumunod sina Azurine kay Seiffer sa sariling silid nito. Namangha ang dalawa sa sobrang laki nito. Parang isang malaking bahay na ang katumbas ng silid ni Seiffer.
Iginala ni Azurine ang paningin niya sa paligid. Ngayon pa lang siya nakarating sa ganito kagandang silid. Ibang iba ito kumpara sa tinutulugan niyang kabibe sa ilalim ng karagatan.
Maraming palamuti sa paligid, mga naglalakihang paintings at makikintab na plorera. May malaking bintana ang kuwarto at kitang-kita rito ang malawak na hardin. Ganoon din ang malaking kabundukan ng Alemeth at ang pinakanakaakit sa paningin ni Azurine ang kulay asul na karagatan ng Azura.
"Bigla kong na-miss si Ama."
"Azurine…" Dama ni Octavio ang pangungulila ng kanyang prinsesa sa ama nitong hari.
Napagkasunduan na nila na huwag nang tatawaging prinsesa si Azurine, baka kasi ikapahamak pa nila ito.
Pumasok si Seiffer na may bitbit na mga damit.
"Magbihis na kayong dalawa, mamaya ihaharap ko kayo sa kamahalang hari." Ipinatong ni Seiffer ang dala niyang damit sa ibabaw ng kama.
Nasa loob sila ng kuwarto ni Seiffer, habang ang binata naman ay nagbibihis sa kabilang silid kung nasaan ang kanyang silid tanggapan.
Ang silid tanggapan ay may pinto mismo sa kuwarto. Maraming pinto rito na magkakarugtong.
Matapos nilang magbihis kumatok sila sa silid tanggapan ni Seiffer. Pinatuloy sila ng binata. Pagpasok nila sa loob, Makalaglag-panga ang dalawa sa nakita nila. Sobrang kisig ni Seiffer. Prinsipeng-prinsipe ang dating niya. Kumikinang ang mamahalin niyang kasuotan. Litaw na litaw ang kaguwapuhan niya. Hindi nila akalain na siya ang malokong lalaking nakilala nila.
"Ang gara ng suot mo! A-Ang cute mo pala?" namamanghang puri ni Azurine.
"Cute? Ano 'ko aso?" Binuksan ni Seiffe ang bintana saka pumasok sa loob si Knowledge.
"Wew! Ang akala ko hindi na ako makakapasok dito sa loob!" Tumuntong sa magarang silya ang kuwago. Pinagmasdan nito ang dalawang bisita nila kanina. "Hmmm… bakit ganyan ang suot nilang dalawa?" tanong nito.
"Bagay na bagay nga sa kanila, lalo na sa 'yo, Azurine." May tumutulong dugo sa ilong ni Seiffer. Nose bleed. Halatang may kapilyuhan itong iniisip. Nakatuon ang dalawang kumikislap na mga mata niya sa mabilog at malaking dibdib ni Azurine.
Kitang-kita ang magandang hubog ng katawan ng dalaga. Hapit na hapit ang suot niyang maid outfit. Black and white apron, may maumbok na manggas at hanggang binti na haba ng palda. Litaw na litaw ang kinis ng kanyang kutis, ang sexy tingnan ng white stockings niya at itim na sapatos. Lumalaylay sa baywang ni Azurine ang makintab na asul niyang buhok ternong-terno sa asul niyang mga mata.
"Hoy! Hoy! Ayusin mo! Hindi ko hahayaang salingin mo ni dulo ng daliri ng prinsesa ko!" Humarang si Octavio, seryoso siya sa pagprotekta sa kanyang prinsesa.
"O-Octavio, 'di ba sinabi ko nang—"
"Huwag kayong mag-alala, anuman ang sekreto n'yong dalawa… wala akong alam at wala akong balak alamin. Huwag lang kayong madudulas sa harap ng kamahalang hari." Naging seryoso si Seiffer. "Nasa pangangalaga ko kayo, hindi ko hahayaang may mangyari sa inyong masama."
Pakiramdam ni Azurine may kuryenteng dumaloy sa buong ugat ng katawan niya nang marinig ang seryosong tinig ni Seiffer. Hindi niya maintindihan bigla na lang siyang naging panatag at pinili niyang pagkatiwalaan ang lalaking nagpanggap na wizard kanina na isa palang prinsipe.
"Ang gusto ko lang naman ay ang makausap ang prinsipe!" Biglang inilabas ni Azurine ang isang medalyon. "Ibinigay niya ito sa akin no'ng iligtas ko siya, ito ang simbolo ng aming pagkakaibigan. Ito ang mag-uugnay sa muli naming pagkikita!"
"A-Ang crest ng maharlikang pamilya?"
Isang medalyon na may nakaukit na simbolo. Simbolo ng agila na may dalawang espadang nakatusok sa magkabilang gilid. May mga dahon sa palibot nito at araw sa pinakagitna.
Sumisimbolo ito sa royal family ng Alemeth. Sa likod ay may nakaukit na salitang kakaiba. Hindi iyon mabasa ni Azurine. Nang ipakita niya kay Seiffer, nanlaki ang mga mata ng binata.
"Kay Eldrich ang medalyong 'to!"
"Talaga? Kung gano'n siya nga?!!!" tuwang sigaw sa galak ni Azurine.
Natagpuaan na nga kaya niya ang kanyang prinsipe? Si prinsipe Eldrich na nga kaya iyon? Ano ang mangyayari sa pagharap nila sa kamahalang hari?
"Teka, ang sabi mo… isa kang wizard? Tapos isa ka palang prinsipe? Ano ba talaga kuya?" biglang tanong ni Octavio.
Sabik na nag-abang ng sagot si Azurine.
"Sek-re-to!" malokong sagot lamang ni Seiffer.
Ang unang bahagi ng kuwento ay iikot sa maganda nating serenang bida.
Huwag n'yo pong kalimutang mag-comment at magbigay ng ratings. Malaking tulong po iyon para sa manunulat.
Salamat po!
I love you guys!