SA GITNA ng kanilang diskusyunan isang pamilyar na nilalang ang tumawag kay Seiffer. Nagtuloy-tuloy itong pumasok sa loob ng kweba saka dumapo sa balikat ni Seiffer.
"Kumusta? Mabuti at natagpuan din kita, Seiffer!"
"Knowledge!" gulat na bati ni Seiffer. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ng binata.
Nagulat muna si Prinsipe Eldrich sa nagsasalitang kuwago. "Iyan ang alaga mo hindi ba?" tanong niya.
"Oo siya si Knowledge ang aking familiar!"
"Familiar ng pamilya Wisdom sa inyong impormasyon!" pagtatama ni Knowledge sa sinabi ni Seiffer.
Nawiwindang ang isip ni Eldrich sa mga pangyayari. Binigyan muna niya ng panahon na magsalita ang mga ito.
Ibinaling ni Knowledge ang pansin kay Seiffer. "Nakumpirma ko na ang pinasasaliksik mo sa akin." Tumingin ang kuwagong si Knowledge kay Azurine. "Isa ngang sirena ang babaeng 'yan," kumpirma ng kuwago.
"Mister Knowledge, pinapaimbestigahan ba ako sa 'yo ni Ginoong Seiffer?" usisa ni Azurine nang maypagtataka sa mga mata.
Sumagot si Knowledge, "Oo! Upang kumpirmahin kung tama ang hinala niya sa inyong dalawa ng kaibigan mo. Kayo ay nilalang ng dagat at hindi nabibilang dito sa lupa."
Sumabat si Seiffer upang ipagpatuloy ang pagtatapat, "No'ng gabing dalhin ko kayo sa bahay na bato may hinala na akong hindi kayo normal na nilalang. Lalo pang lumakas ang hinala ko nang gamitin mo ang mahiwaga mong awit upang maibalik ang mana ko. Nabasa ko na ang tungkol sa hali n'yong mga sirena. May makapangyarihang tinig kayo na kayang magpagaling ng pisikal na sugat. Kaya n'yo ring ipanumbalik ang lakas ng tao tulad sa ginawa mo sa akin. At kung tama ang nabasa ko, kaya n'yo ring ibalik ang buhay ng taong kamamatay lang?"
"M-May katotohanan ang mga nabasa mo, Ginoong Seiffer. Pero ang kakayahan naming magbalik ng buhay sa taong namatay ay depende. Kung ang tao o nilalang ay bago pa lamang namatay at ang espirtu ay maaari pang maibalik, magagawa naming hilingin sa kalangitan na ibalik ang kanilang buhay sa pamamagitan ng aming awitin."
"Katulad ba ng ginawa mong pagliligtas sa akin noong nalunod ako?" atubiling tanong ni Eldrich nang marinig niya ang paliwanag ni Azurine.
"Oo, tulad nga ng ginawa ko sa 'yo, Prinsipe Eldrich. Nanalangin ako't dininggin ito ng kalangitan. Nakakaubos nga iyon ng aming lakas kaya ipinagbabawal na gamitin namin ang kapangyarihan naming iyon," ani Azurine.
Lumipad si Knowledge sa tabi ni Azurine. "Sa pangangalap ko ng impormasyon may natakulasan akong isang bagay na maaaring kumonekta sa pagkakaroon mo ng pares ng paa." Itinuro ng kuwago ang buntot ni Azurine. "Nakipagkasundo ka sa isang dark witch sa ilalim ng karagatan."
Nagulat si Seiffer sa sinabi ni Knowledge. "Ang ibig mong sabihin, nanggaling ang mga paa niya sa sea witch na si Coralla?!" gulat na wika ni Seiffer.
"Tama!" kumpirma ni Knowledge.
"Paano n'yo nalaman ang tungkol kay Coralla?" pagtatakang tanong ni Azurine. "Ang alam ko walang sinuman ang may kakayahang pumunta sa kailaliman ng karagatan at puntahan ang kweba ng sea witch. Tanging kaming nilalang na may kakayahang tumagal sa ilalim ng tubig ang makakarating doon!" aniyang may pagtataka sa kanyang tinig.
"Hindi ko maaaring sabihin sa 'yo. Sapat na nalaman naming kay Coralla ka nakipagkasundo." Nag-iba ang tono ni Seiffer, tila may matinding lihim itong ayaw banggitin sa kanila. "Ngayon sabihin mo, kung nakipagkasundo ka para magkaroon ng mga paa, ano ang kapalit nito?" Isang matalim na tingin ang tinutok ni Seiffer sa mga mata ni Azurine.
Sandaling hindi nakasagot si Azurine, mayamaya'y. "K-Kapalit nito ang kakayahan kong lumangoy sa karagatan. Sa oras na lumapat ang mga paa ko sa tubig alat ng dagat babalik ang buntot ko pero hindi ako makakalangoy. Sa oras na lamunin ako ng tubig dagat, tuluyan ako nitong hahatakin pailalim hanggang hindi na ako makahinga at tuluyan akong bawian ng buhay. Ito ang nakasaad sa nilagdaan kong kasunduan kapalit ng aking mga paa."
Namayani ang katahimikan nang malaman nila ang ipinagpalit ni Azurine para lamang magkaroon ng mga paa.
Tumiklop ang mga palad ni Eldrich nang marinig iyon mula sa sirena. "Ginawa mo iyon para lang makarating ka sa kalupan upang mapuntahan ako?" malungkot niyang wika.
Tumango si Azurine bilang sagot. "Dahil mahal kita, aking Prinsipe. Ikaw ang kauna-unahang lalaking nagpatibok ng aking puso. Simula nang magkakilala tayo sa dalampasigan kung saan kita iniligtas noong mga bata pa tayo hanggang ngayon… hindi nagbago ang pagtingin ko sa 'yo," aniyang may kasamang paghawak sa kamay ni Prinsipe Eldrich.
"A-Azurine..." mahinang bulong ni Eldrich.
Ngumiti pa si Azurine saka inilagay ang palad ni Eldrich sa kanyang dibdib. "Handa akong isakripisyo ang lahat magkasama lang tayong dalawa. Iyon lang naman ang gusto kong mangyari!" pagtatapat ng sirena. "Isa akong prinsesa ng kaharian ng Osiris, ako ang Ikaanim na prinsesa, Prinsesa Azurine Osiris!" buong pakilala niya
"Kaya prinsesa ang tawag sa 'yo ni Octavio no'ng una tayong magkakilala sa palengke hindi ba?"
"O-Oo!" sagot ng sirena sa pagkumpirma ni Seiffer sa kanyang tanong.
"Si Octavio ay ang matalik niyang kaibigang pugita," sabat naman ni Eldrich.
May lungkot sa pagitan nilang tatlo, malamig ang hangin pumapalibot sa kanila. Sa gitna ng kanilang malungkot na usapan, isang yakap ang ginawa ni Eldrich kay Azurine. Isang mainit na yakap na siyang nagpawala sa nalulumbay na sirena.
"Ginawa mo ang lahat para sa akin, hayaan mo hinding-hindi kita pababayaan!" Nakapikit habang yapos sa kanyang bisig si Azurine.
Tila komportableng kama ang dibdib ng prinsipe na siyang sinasandalan ng sirena. Nag-aalab ang kanilang damdamin nang mga sandaling iyon. Sinisiguro nilang wala nang makakapaghiwalay pa sa kanilang dalawa sa isa't isa. Tunay ngang umiibig ang sirena sa kanyang prinsipe.
"May tiwala ako sa 'yo, Prinsipe Eldrich," malambing na bulong ni Azurine habang dinadama ang init ng pagkakayakap sa kanya ng prinsipe.
"Heh! Mga hangal," bulong ni Seiffer na narinig naman ng dalawa.
"Ano'ng sinabi mo?" Inilayo ni Eldrich ang sarili niya mula sa pagkakayakap kay Azurine saka pumagitna at hinarap si Seiffer.
Sarkastiko namang sumagot muli si Seiffer, "Ang sabi ko, mga hangal kayo!"
Hindi nakapagpigil si Eldrich, sinunggaban niya ang damit ni Seiffer sakay itinaas ito. "Ulitin mo nga ang sinabi mo?"
Tumaas ang tensyon sa pagitan ng magkapatid na Eldrich at Seiffer. Gustuhin mang lapitan at awatin ni Azurine ang dalawa, hindi niya ito magawa.
"Prinsipe Eldrich, Ginoong Seiffer!" tawag ng kinakabahang sirena sa dalawang lalaki na anumang oras ay maaaring may gawin sa isa't isa.
Hindi para kay Seiffer ang labanang pisikal kaya hinawakan niya ang kamay ni Eldrich saka sumenyas na huminahon. Mabilis namang tinanggal ng prinsipe ang kamay niya sa damit ni Seiffer. Itinaas ni Seiffer ang dalawa niyang kamay na parang sumusuko na sa laban.
"Sorry na!" pabiro niyang sambit. "Hindi ko lang kasi ma-take iyong mga romantikong eksena!" biro pa niya ulit.
"Hindi ko talaga maintindihan ang tumatakbo diyan sa utak mo, kapatid ko." Umiling-iling ng ulo si
Eldrich. "Ang dami mong sekretong hindi sinasabi sa amin lalo na kina Ama at Ina," aniya.
Tumayo si Seiffer, lumapit sa kanya si Knowledge at dumapo sa kanyang balikat. "Ito ang tunay na ako! Kahit pagbawalan pa nila akong gumamit ng mahika, kahit ibaon nila sa isipan ko na maging prinsipe tulad mo at talikuran ang tunay kong pagkatao…hindi ko magagawa!" mariing pahayag ni Seiffer. "Ako si Seiffer Wisdom, isa akong black wizard! Hindi ako isang prinsipe!" ani pa nitong ipinagmamalaki ang sarili.
"Itigil mo na 'to, Seiffer!" Parang may kidlat na lumalabas sa titigan nilang dalawa. "Isipin mo na lang kung paano maibabalik ang mga paa ni Azurine tapos bumalik na tayo sa palasyo na parang walang nangyari rito!" mungkahi ni Eldrich kay Seiffer.
Sumingit sa usapan si Azurine. "Huwag ninyo akong alalahanin, sa oras na matuyo ang pagkabasa ng buntot ko mawawala ang tubig alat at babalik na ring muli ang mga paa ko," sabi ng sirena.
"Mabuti naman kung gano'n." Nakahinga nang maluwag si Eldrich sa sinabi ni Azurine. Muling ibinaling ng prinsipe ang pansin kay Seiffer na nagpapakilalang isang black wizard.
"I-Itigil na natin 'to, mamaya lang ay ma—"
"Ayaw mo bang ipagtapat kay Azurine ang kalahati mong pagkatao, Eldrich?" Pinutol ni Seiffer ang pagsasalita ni Eldrich saka ibinaling ang pansin kay Azurine.
Nanlaki ang mga mata ni Prinsipe Eldrich, halatang hindi nito gusto ang lumabas na salita galing sa bibig ni Seiffer. Napaatras ng hakbang si Eldrich, nilapitan si Azurine saka niyakap na parang pinipigilan ito sa pakikinig.
Sarkastikong ngumisi si Seiffer. "Hindi ako tunay na anak ng hari at reyna, hindi ako tunay na prinsipe. Inampon nila ako no'ng sanggol pa lang ako. Hindi pa ipinapanganak si Eldrich noon kaya ako ang naging panganay na prinsipe." Tumalikod si Seiffer sa kanila. "Si Eldrich, ipinanganak siya pero hindi ng reyna. Isang ordinaryong babaeng mananahi ang nagluwal sa kanya. Anak ng hari si Eldrich sa ibang babae—"
"Tama na! Itigil mo na 'to! Seiffer!" singhal ni Prinsipe Eldrich, nakakagat ang labi at halatang pinipigilan ang sariling makapanakit sa itinuring niyang kapatid.
Sa gitna ng pagsisiwalat ng sekreto ng pinagmulan ng dalawa, isang tinig ang nanaig sa tumataas na tensyon ng dalawang lalaki.
"Hindi mahalaga kung saan kayo nagmula! Ang importante—ang pagkakasundo ninyong dalawa! Hindi ka man tunay na anak, hindi man siya purong maharlika… hindi na iyon mahalaga." Inilagay ni Azurine ang dalawa niyang kamay sa kanyang dibdib nang magkalapat na tila dinadama ang sariling tibok ng puso. "Hindi man sa iisang ina kayo nagmula, lumaki naman kayong magkasama. Kinilala ang isa't isa na kapatid, minahal n'yo ang bawat isa na parang tunay na kapatid! Hindi ba? Tama ako 'di ba?" May luhang nag-uunahang pumatak sa kanyang mga mata.
Natahimik ang dalawang binata. Hindi iyon inaasahan ni Seiffer at Eldrich. Pero para kay Seiffer, tapos na ang lahat.
"Patawad sa mga sinabi ko," taus-pusong paghingi niya ng tawad sa mga nasabi niya. "Katulad ng sinabi ko, pagkauwi natin sa palasyo…hinding-hindi na ako lalapit kay Azurine, ilalayo ko na rin ang sarili ko sa maharlikang pamilya."
Tila ang desisyon ni Seiffer ay nabuo na.
Naglaho ang asul na buntot ni Azurine sa ilalim ng kanyang palda. Nanumbalik ang mga paa nito saka niya sinubukang tumayo sa tabi ni Eldrich. May kirot sa puso ng sirena sa mga binitiwang salita ni Seiffer. Masakit man sa loob niya ay wala na siyang masabi pa.
"Bumalik na tayo muna tayo kina Prinsipe Cid, bago umuwi ng palasyo," suhestyon ni Eldrich na sinang-ayunan nilang lahat.
Happy New Year!
I love you guys!
Hope you leave some comment and rate my story.