webnovel

The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World)

Anorwa, the another world. Mundo ng mga diwata na akala nati'y sa isang kuwentong pantasya lamang. Doo'y muling magtatagpo ang landas ni Nate at Chelsa. Ngunit sa kasamaang palad, sila'y nasa magkalabang pangkat. Ang pangkat ng kabutihan at pangkat ng kasamaan. A Fight For Love And Forever

xiunoxki · Fantaisie
Pas assez d’évaluations
22 Chs

CHAPTER 7: Pagyakap Sa Misyon

"ANO'NG NANGYARI PAGKATAPOS no'n?" tanong ko kay Bangis. Matapos kasing sumigaw ng malakas si Nael, wala na akong nakita, kadiliman na lang.

Napayuko si Bangis. At mabagal siyang naglakad palabas ng kuweba.

"Ano'ng ibig mong sabihin na mas naging mapanganib para sa lahat?" tanong ko ulit at hinabol ko si Bangis palabas ng kuweba.

BAGO KO IPAGPATULOY…

Nilingon ako ni Bangis.

PUWEDE BANG KUMAIN MUNA AKO?

"Ha?" nabiglang tanong ko. 'Di sumagot si Bangis. Lumipad siya papunta sa kakahuyan sa gilid ng kuweba.

Kumain muna si Bangis. Tulad ko, hindi pa rin siya kumakain mula pagkagising. Medyo mataas na ang araw. Kaya kahit ako, medyo nakaramdam na rin ng gutom. Niyaya ako ni Bangis, kumain kami ng prutas – mga kakaibang prutas na sa una'y nag-alangan akong kainin. Kahit paano, nagkalaman ang tiyan ko. At habang kumakain, ipinagdarasal ko na sana 'di sumakit ang tiyan ko sa prutas na kinakain ko. Parang duhat 'yong prutas pero mas malaki at pabilog, at mas dark ang kulay. Mapakla sa una, pero tumatamis habang nginunguya at medyo kumukunat – masarap siya, in fairness. Gamot pa raw 'yon sa sipon sabi ni Bangis. At si Bangis, 'di lang 'yong prutas na 'yon ang kinain, kumain siya ng mga dahon-dahon at damo. At pagkatapos, uminom kami ng tubig sa ilog. Malinis ang ilog at may mga isdang kakaiba akong nakita at mga halamang tubig. May ilang ibon at hayop din na naroon at tulad namin, nando'n sila para magpapawi ng uhaw. No'ng una, ayaw ko sanang uminom. Nang makita ko pa lang ang mga isda nag-alangan na ako, eh. Eh, nilublub pa ni Bangis ang ulo niya sa ilog sabay inom. Tapos 'yong mga hayop na parang usa na may pagka-zebra ang balahibo, gano'n din ang ginawa. 'Yong mga kakaibang ibon na palipad-lipad habang uminom, may ilang umipot pa. Napakamot na lang ako.

GUSTONG-GUSTO NI NAEL ANG TUBIG SA ILOG NA ITO. NAKAKAMANGHANG SA PAGLIPAS NG MAHABANG PANAHON, NANATILING DALISAY ANG LUGAR NA ITO.

Narinig kong sabi ni Bangis. Kaya ayun, uminom na lang ako – at lasang malinis naman ang tubig.

Humugot ako ng malalim na hininga pagkainom ko ng tubig – nakaramdam ako ng kapayapaan dahil sa mga nakikita ko – isang malaparaisong lugar. Maraming kakaibang hayop at puno na hindi kakaiba sa lugar na ito – dahil ako ang naiiba. Isang musika ang pagaspas ng mga sanga at dahon ng mga puno at huni ng mga ibon, na sinabayan pa ng ingay ng ilang hayop at agos ng ilog. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti. Pakiramdam ko, kabahagi nila ako.

~~~

SI NAEL ANG NAGLAGAY NG MGA ALAALANG NAKITA MO SA TUBIG SA BATO.

Pagsisimula ni Bangis nang makabalik na kami sa loob ng kuweba.

SADYANG HINDI NA ISINAMA NI NAEL SA MGA ALAALANG IYON ANG MGA NANGYARI SA KANYA SA MGA HULING SANDALI NG KANYANG BUHAY… AYAW NIYANG MAALALA PA ANG MGA BAGAY IYON.

NANGAKO SIYANG BABALIK SIYA BAGO SIYA TULUYANG MALAGUTAN NG HININGA. AT ANG MGA ALAALANG IYON ANG MAGPAPAALALA NG DATI NIYANG NAGING BUHAY SA BAGONG BUHAY NIYA. IKAW SIYA, NATE. IKAW ANG BAGONG BUHAY NA IYON.

NANG MAMATAY SIYA, IKINULONG KO ANG SARILI KO SA KUWEBANG ITO, NABALOT AKO NG MGA MAHIWAGANG HALAMANG BAGING NA NAGPANATILI SA KATAWAN KO – NATULOG AKO NANG MAHABANG PANAHON. HUMINGI AKO NG TULONG SA ISANG UGPOK NA MAGAWA ANG DASAL NA IYON. AT MAGIGISING AKO, SA MULING PAGKABUHAY NG KAIBIGAN KONG SI NAEL. NAGISING AKO LABINGPITONG TAON NA ANG NAKAKARAAN.

"Edad ko," nasabi ko.

DAHIL IKAW SIYA. NANG IPANGANAK KA, SIYA NAMANG PAGKAGISING KO. HINANAP KITA SA KUNG SAAN-SAAN SA MUNDONG ITO, PERO HINDI KITA NATAGPUAN. SINUYOD KO ANG LAHAT NG KAHARIAN, PERO WALA KA. AKALA KO, TINALIKURAN MO NA AKO AT HINDI KA TUMUPAD SA PANGAKO MO. AT KAYA NAGISING NA LANG AKO, PARA TAPUSIN NA ANG PAGHIHINTAY KO.

PERO IYON PALA AY SA IBANG MUNDO KA MULING ISINILANG, BILANG TAO.

"Pero pa'no mo na sisigurong ako siya? Hindi lang naman siguro ako ang seventeen, o labingpitong taon? Sa mundo namin, marami akong kaedad. Maging dito siguro?"

SI NAEL LAMANG ANG MAKAKAKITA NG MGA ALAALANG NAKITA MO SA TUBIG, AT NAGAWA MO IYON. AT TANGING SI NAEL LANG ANG NAKAKARINIG SA AKIN, NATE – IKAW LAMANG. GUMAMIT KA NG MARHAY PARA MARINIG MO AKO. MAY ILANG MAHIKA KA PANG GINAWA PARA ROON. DAHIL MINSAN, INIISIP MONG PARA KANG TANGA NA NASISIRAAN NA DAHIL SA PAGKAUSAP MO SA AKIN AT HINDI NAMAN AKO SUMASAGOT. NAINIS KA PA NGA SA AKIN NOONG KINALAUNAN DAHIL ANG DALDAL KO PALA. NIREREKLAMO MO NA AKO SA PAGKAUSAP KO SA IYO SA ISIP MO.

Hindi ko alam kung sapat nang dahilan ang mga narinig ko para paniwalaan si Bangis na may dati akong buhay – na isang diwatang bayani at makapangyarihan. Pero wala akong maramdamang pagtanggi? Hindi ko maintindihan? Niyayakap ko na bang ako siya – ako si Nael?

"Pa'no siya… pa'no siya namatay?" tanong ko. Hinarap ako ni Bangis.

HINDI NIYA GUSTO PANG MAALALA PA IYON.

"Pero… ako siya, 'di ba? Gusto kong malaman. Gusto kong malaman kung pa'no siya namatay. At kung sino ang pumatay sa kanya?"

SIYA MISMO. PINASLANG NI NAEL ANG KANYANG SARILI.

"Nagpakamatay siya?"

NAGING MAPANGANIB SIYA. NATAOB SIYA NG GALIT NIYA – NAGPADALA SIYA SA KASAMAANG LUMALASON SA UTAK NIYA. NANGWASAK SIYA NG BAYAN AT KAGUBATAN. HINDI NIYA NAKONTROL ANG KANGYANG SARILI. TULUYAN SIYANG NAGING HALIMAW NA MAY NAG-AAPOY NA PAKPAK. MAY MGA NASAWI SA PAG-ATAKE NIYA, KARAMIHAN AY MGA SUNDALONG PINIPIGILAN SIYA. MAGING AKO AY WALANG NAGAWA AT INATAKE NIYA – HINDI NIYA AKO MAKILALA.

PARA WAKASAN ANG PANGANIB NA DALA NIYA, TINAPOS NIYA ANG SARILI NIYANG BUHAY. SADYANG MABUTI SIYA, NAGAWA NIYANG MALABANAN ANG KASAMAAN. LUMIPAD SIYA NANG NAPAKATAAS. KASABAY NG MALAKAS NIYANG SIGAW, GAMIT ANG MATULIS NIYANG MGA KUKO SA KANANG KAMAY, ITINUROK NIYA IYON SA KANYANG DIBDIB.

NASALO KO SIYA NANG BUMULUSOK NA SIYA PABABA, AT DINALA KO SIYA RITO. NAGAWA NIYA PANG MAKAPAGSALITA AT NANGAKO SIYANG BABALIK SIYA. BABALIK SIYA SA MULING PAGTATANGKA NG KASAMAAN NA PAGHARIAN ANG MUNDO NG ANORWA. AT BUMALIK NGA SIYA. BUMALIK KA, NAEL. AGAD KONG NARAMDAMAN ANG PAGDATING KO. MABILIS AKONG LUMIPAD PARA PUNTAHAN KA AT SIGURADUHING TAMA ANG PAKIRAMDAM KO.

KAHIT SA IBANG MUNDO KA MULING NABUHAY, GUMAWA PA RIN ANG TADHANA NG PARAAN PARA MULI KANG BUMALIK SA ANORWA. DAHIL PARA KA TALAGA SA MUNDONG ITO.

ALAM KONG NAGUGULUHAN KA AT MARAMING KATANUNGAN. NASA PANGANIB NGAYON ANG ANORWA, NASAKSIHAN KO ANG ILAN SA MGA PAGLUSOB AT PAG-ATAKENG GINAWA NG MGA ITIM NA DIWATA – MULING NAGBALIK ANG MGA HABO. KAILANGAN KA NG MUNDONG ITO, NAEL. HINDI MO KAILANGANG MAALALA ANG DATI MONG BUHAY. IPINAKITA KO LAMANG IYON SA IYO DAHIL IYON ANG BILIN MO NOON BAGO KA MAWALA. PARA MALAMAN MONG ISA KANG BAYANI, AT MANANATILING BAYANI. HUMILING KA NG IKALAWANG PAGKAKATAON, NA HINDI KA NA MAGIGING DUWAG AT MAGPAPATALO SA KASAMAAN, NA BABAWI KA SA MGA KASAMAHAN MONG SUNDALONG IYONG NAPASLANG. ITO NA ANG PAGKAKATAONG IYON, NAEL.

"Pero?" napaatras ako.

ALAM KONG SA PUSO MO, TINATANGGAP MO ANG KAPALARANG ITO. YAKAPIN MO ANG MISYONG ITO, NATE. DAHIL DAANG TAON NA ANG NAKARARAAN, SA IYO TALAGA ITO NAKATALAGA. IKAW MISMO BILANG SI NAEL, ANG UMAKO NITO.

Hindi ako nakaimik. Tama si Bangis. Naguguluhan ako at hindi ko alam ang iisipin ko sa mga nangyayaring ito. Pero ang puso ko, tinatanggap ang kapalarang haharapin ko.

Naglakad si Bangis patungo sa dulo ng kuweba kung saan naroon ang mga mahiwagang halamang baging tinutukoy niya kanina, tuyo na ang mga halaman. At sa pagbabalik niya, nasa bibig at kagat niya ang pamilyar na bagay – ang sandatang armas na nakita kong gamit ni Nael, ang tungkod na may metal na silver sa magkabilang dulo. Inabot niya ito sa 'kin. Hindi siya nagsalita. Pero alam ko kung ano ang ibig niyang ipahiwatig.

Dahan-dahan kong inangat ang kanang kamay ko – medyo nanginginig-nginig pa. Inabot ko ang tungkod – tinatanggap ko ang kapalaran kong iligtas ang Anorwa – niyayakap ko ang misyon ko. Nakaramdam ako ng kakaibang puwersa na nagmula sa tungkod, tila ba binabati ako nito, na tulad ni Bangis, samaya siya sa pagbabalik ko.

"Sasamahan mo ba ako sa labang 'to?" tanong ko kay Bangis. Nasa labas na kami ng kuweba at nakasakay na ako sa likod niya, at hawak ko nang mahigpit ang tungkod. Nasa harapan namin ang kalawakan ng kaharian ng Ezharta at nakahanda na kaming bumalik sa palasyo.

NOON PA MAN, KASAMA MO NA AKO. MARIRINIG KITA KAHIT NASA MALAYO AKO. AT GANO'N KA RIN. SA NGAYON, GUSTO KO MUNANG LAYUAN ANG KAHAB NA IYON PARA MAKALIMUTAN NA NIYA ANG INIISIP NIYANG PAG-AARI NIYA AKO.

Lumipad na si Bangis sakay ako.

"Pa'no nga palang nangyaring arikon ka niya, ni Pinunong Kahab?"

HABANG HINAHANAP KITA, LIMANG TAON NA ANG NAKARARAAN, NAKITA NIYA AKO. KASALUKUYANG NAGPAPATROLYA SILA SA KAGUBATAN SA ISA SA MGA BAYAN DITO SA EZHARTA. HINDI NIYA AKO TINIGILAN NA HINDI MAHULI AT NAGPATULONG PA SIYA SA MGA KASAMAHAN NIYANG MGA SUNDALO. NAIIBANG URI AKO NG ARIKON AT IILAN NA LAMANG ANG TULAD NAMING NABUBUHAY RITO SA ANORWA – NA SIYANG IKINALUNGKOT KO. KAYA SIGURO GANOON KABAGSIK ANG DIWATANG IYON NA MAHULI AKO. PERO NAGING MABANGIS AKO SA KANYA NANG SUBUKAN NIYA AKONG AMUIN AT ANGKININ. IKAW LANG KASI ANG GUSTO KONG MAG MAY-ARI SA AKIN, NAEL.

"Kaya Bangis ang ipinangalan niya sa 'yo."

AT IYON LANG ANG IKINATUWA KO SA DIWATANG IYON. DAHIL TALAGANG PANGALAN KO ANG IBINIGAY NIYA SA AKIN… PANGALANG IBINIGAY SA AKIN NI NAEL. MARAHIL KILALA NIYA SI NAEL AT ANG ARIKON NITO NA AKO. AT TALAGA KASING NAGING NAPAKABANGIS KO SA KANYA.

"Kilala nga nila si Nael. At siguro, kilala ka rin nila. May malaking rebulto si Nael sa loob ng palasyo," nasabi ko.

NAKITA KO NGA IYON. AT TALAGANG IKINATUWA KONG KINILALANG MAGITING NA BAYANI ANG AKING KAIBIGAN. INAKALA KONG MANGINGIBABAW ANG NAGAWANG HINDI MAGANDA NI NAEL SA PUSO NG MGA EZHARTAN.

"Pero talagang isang tunay na kabayanihan ang ginawa niyang pagpaslang sa sarili niya para sa ikaliligtas ng karamihan. At bago pa 'yon, dati na siyang bayani. Siya ang nanguna sa pagpapaatras sa mga itim na diwata noon, hindi ba?" sumang-ayon sa sinabi ko si Bangis.

ANO ANG INIISIP MO?

Natanong ni Bangis. Bigla kasi akong natahimik.

"Magagawa ko kaya 'yon? Ang mga nagawang kabayanihan ni Nael?"

WALANG DUDA, DAHIL IKAW SIYA.

Naiisip ko, na kapalaran naming magtagpo ni Chelsa dahil parehas kaming hindi pangkaraniwan. Tadhanang magkakilala kami. At naniniwala akong muling magkukrus ang aming landas. Nararamdaman ko siya – alam kong buhay siya.

Nang ibaba ako ni Bangis nang marating na namin ang palasyo, sinubukan kong kausapin siya sa isip ko.

BANGIS? MAY PABOR AKO.

SABIHIN MO.

PUWEDE BANG, NATE NA LANG ANG ITAWAG MO SA 'KIN? GUSTO KO KASI ANG PANGALAN KO. 'YON ANG BIGAY NG MAGULANG KO. MAARING AKO NGA SIYA. PERO MAY MGA NAGBAGO NA. KILALA NA AKO NGAYON BILANG SI NATE. AT SA MUNDONG PINAGMULAN KO, AKO SI NATE.

IYON BA ANG TUNAY MONG PANGALAN?

Natigilan ako sa tanong ni Bangis. At parang natatawa siya.

SI NAEL KASI, AYAW NIYA SA TUNAY NIYANG PANGALAN NA BIGAY NG INA NIYA. NAELANDO, IYON ANG TUNAY NIYANG PANGALAN. NABABANTUTAN SIYA SA TUNOG NOON, KAYA NAEL ANG PAKILALA NIYA SA LAHAT.

Napangiti ako. Dahil gano'n din ako. Ang bantot naman kasi talaga ng tunay kong pangalan na bigay ni mommy.

DONATO ANG TUNAY KONG PANGALAN, AT AYAW KO RIN NO'N. KAYA NATE ANG PAKILALA KO.

Nagtawanan kami ni Bangis. At ang tsoge ng tawa niya. Tapos hiningahan niya ako sa ulo at nagulo ang buhok ko.

"Ano bang ginagawa mo?" natanong ko habang inaayos ang buhok ko.

AYAW RIN NI NAEL NA GINUGULO KO ANG BUHOK NIYA. NASISIRA RAW ANG GANDANG LALAKI NIYA. KAYA NGA PAGLAPAG NIYA GALING SA PAGLIPAD, AGAD NIYANG INAAYOS ANG BUHOK NIYA.

Muli kaming nagtawanan ni Bangis. Isa 'yon sa pinakaayaw ko, ang magulo ang buhok ko. Parang hindi na dapat ako magduda pa kung iisa nga kami, na siya ang dati kong buhay – ako ang reincarnation niya. Bago tuluyang umalis si Bangis, sinabi niyang dadalaw-dalaw siya at ipapasyal niya ako sa kabuuan ng Ezharta at sa lugar na pinagsasanayan ni Nael kung bakit siya naging magaling sa pakikipaglaban. At sinabi niyang isekreto na lang namin ang lahat.

"Si Bangis ba iyon?"

Nagulat ako nang may magsalita sa likuran ko, si Rama.

"Ha? A, oo," sagot ko.

"Kayo nga talaga ang nakita kanina ni Shem-shem. At kanina, kaya pala wala ka rito nang balikan kita. Nakakapagtaka talagang parang ang lapit ninyo sa isa't isa?"

Awkward na ngumiti na lang ako sa sinabi ni Rama.

"Ano iyang hawak mo?"

"Ito?" itinaas ko ang tungkod. "Armas ko. Sandatang gagamitin ko sa pakikipaglaban," buong loob na sagot ko.