Tahimik. Wala pa rin ni isa ang nais na magsalita. Nakatitig lamang ako kay Gasdor. Napansin ko na rin ang mga butil ng pawis na tumutulo mula sa kanyang noo. "Hindi ko na tanda ang lahat. Inalis ang aming mga alaala."
"Iyon ba ang totoo? Bakit ka kinakabahan?" Pagtatanong ko ulit habang nakatitig sa kanya. Umiling lang siya at tumingin na rin sa akin.
"Oo alam ko na ang mga salamangkero ay pinagbawalan. Sigurado din ako na inalis ang aming mga alaala kung ano man ang dahilan nila. Dahil sa isang linggong naging tahimik ang aking nayon. Nang magmulat kami ng mga mata ay binalot kami ng takot at agad na lumisan." Mahabang lintanya ni Gasdor.
Bakit ko nga ba naitanong—
"Bakit ka naman naging interesadong Binibining Reesia?" Seryosong pagtatanong niya. Umiwas ako ng tingin at humiga muli. Dapat ko bang sabihin na lumabas na lang ito sa aking bibig? Hindi ko rin naman gusto na itanong 'yon sa kanya.
"Marahil ay hindi na maganda ang nakagisnan ninyo sa mga salamangkero." Mapait na saad ni Gasdor. Napakunot ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin?
"Pagkatapos ng pagtraydor ng isang salamangkero sa aming pamilya, doon na nagsimula ang pagkakawasak ng samahan ng mga draak sa mga salamangkero. Umabot din ito sa iba pang klase ng mga immortal at tanging mga duwende lamang ang naniwala sa amin. Kaya naging payapa ang aming pamumuhay sa mga duwende."
"Paanong umabot sa iba pang klase ng mga immortal ang isang kasalanan na tanging namagitan lamang sa mga draak at salamangkero?"
"Hindi namin alam. Pero kung nandito ka upang mag-espiya sa mga pagala-galang salamangkero—" Napabangon naman ako bigla at nanlalaki ang mga matang napatitig sa kanya.
"—aking hihilingin na sana ay hindi umabot ito sa hari. Nais lamang namin na payapang makapaglakbay ngayon. Pangako na walang sinuman ang makakaalam sa nangyari sa'yo basta mananatiling sikreto ang lahat ng ito.
"Gasdor hindi ako sang-ayon sa lahat. Maraming katanungan. Pero marahil na hanggang dito na muna ang ating pag-uusap. Magandang gabi. Nais ko na lamang magpahinga."
Nahiga ako at tumalikod sa kanya. Napahinga ako nang malalim habang iniisip ang bawat pangyayari. Unti-unti ay bumagsak ang talukap ng aking mga mata at hinayaan ang sarili na makatulog sa malalim na gabi.
Kinabukasan ay pinakain ako ni Gasdor na buong puso ko naman tinanggap. Mabuti ang salamangkero na ito. Hindi mo lubos na iisipin na sila ay mga traydor. Ngunit bakit ganoon na lamang ang takot sa kanya ng ibahagi sa akin ang nangyari?
Naglakad kami ni Gasdor patungo sa lawa. Maganda ang panahon ngayon kaya panigurado na payapa akong makakauwi.
"Hanggang dito mo na lamang ako Gasdor." Saad ko saka siya hinarap. Yumuko naman siya ng ilang segundo bago muling tumayo nang tuwid.
"Ikinagagalak ko na mapaglingkuran ka binibini. Mauna na ako sa'yo. Tiyak ko na ligtas ang iyong pag-uwi ngayon. Kaya mabuti pa na bumalik ka na." Wika niya at ngumiti.
Ngumiti na lamang ako saka tumango sa kanya. Kumaway ako at nagsimulang maglakad palayo habang sinusundan ang ibon na ibinigay sa akin ni Gasdor. Regalo daw niya ito sa akin para kung sakali man na may trahedya ay ang ibon na ito ang magpoprotekta sa akin. Simple lamang siya na ibon. Hindi aakalain na makapangyarihan. Pakiramdam ko ay kakaiba siya sa mga ibon na akin na nakita.
Malakas na sigaw ng dragon na alam ko kung sino ito. "Esia!" Malakas na sigaw ko rin. Sa isang iglap ay nasa harap ko na si Esia saka ko siya niyakap nang mahigpit.
"Ano ba nangyari sa iyo? Bakit ang tagal mong nawala?" Pagkausap sa akin ni Esia. Umiling na lang ako sa kanya. Hindi pa ko handa ikwento ang lahat. Pakiramdam ko hindi pa ngayon. Sumakay na lamang ako sa likod niya at nanatiling tahimik.
Hawak ko pa rin ang ibon at inilagay sa maliit na kulungan na palagi kong inilalagay sa likod ni Esia. Hindi na muli nagtanong si Esia at lumipad na paalis. Ang bigat ng pakiramdam ko nang makaalis ako. Bakit ganon? Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
"Reesia!" Bungad na tawag sa akin ni ina ng makababa ako mula kay Esia. Halata ang pag-aalala sa kanyang mukha at niyakap ako nang mahigpit.
"Nasaan ka ba nagpunta? Alalang-alala kami ng iyong ama pagkatapos na hindi ka na makita." Pagtatanong niya. Umiling lang ako at ngumiti. Napatingin naman siya sa maliit na kulungan na dala ko kung saan ay may ibon na andito.
"Saan galing ang ibon na 'yan?" Pag-uusisa niya. Umiling lang ako at hinawakan ang kamay niya.
"Ayos lang po ako. Gusto ko na lamang magpahinga ngayon. Iparating niyo na lamang kay ama ito. Mauna na po ako."
"Hindi mo man lang ba nais na ipapaalam kay Mendro? Halos hindi na siya bumalik sa palasyo sa paghihintay at paghahanap sa'yo."
Oo nga pala. Kailangan niyang malaman. Kailangan namin mag-usap.
Umiling na lang din ako at nagpatuloy sa loob. Niyakap ko ito nang mahigpit ang kulungan at nagtungo sa kwarto. Isinarado ko ang pinto at kumuha ng mga papel at panulat. Inilapag ko sa aking higaan ang ibon at pinalabas sa kulungan. Naupo agad ako at nagsimulang magsulat.
Hindi ko alam kung tama ba na uumpisahan ko ito. Ngunit gagawin ko 'to para sa katotohanan. Ayoko na magtago pa sa kasinungalingan. Marapat lamang na malaman na ang totoo.
Nag-angat ako ng tingin sa ibon na nasa higaan ko lamang. "Bakit nga ba ikaw ay ibinigay sa akin?" Nanghihinang tanong ko. Napapikit ako ng ilang beses. Gasdor.
Napatayo ako saka itinabi ang mga isinulat. Inilagay ko ang ibon sa maliit na lamesa na katabi ng aking kama. Napalingon ako sa biglaang pagbukas ng aking pinto at iniluwa noon ang aking ama.
"Paanong nawala ka Reesia?!" Galit na bungad niya. Binalot ako ng takot sa tono ng kanyang pananalita.
"At saan ka nagpunta?! Hindi mo ba alam kung ano ang ikinatwiran ko sa prinsipe at hari nang malaman nila na nawala ka?! At halos kumalat ito sa buong kaharian! Huwag mo kong bibigyan ng problema na alam mong ikakasira ng pangalan ko!"
"Ama!" Nilapitan ko siya saka hinawakan sa kamay. "Ayos na ako! Andito—"
Napatigil ako sa pagsasalita at gulat na napalingon sa kanya na namumula ang pisngi. Paanong nagawa na naman niya ang pagbuhatan muli ako ng kamay pagkatapos ng ilang taon?!
"Simula ngayon hindi ka na makakalabas ng kaharian! At mula sa araw na 'to, hindi mo na makikita si Esia!" Galit na sigaw niya.
"Anong ginawa mo kay Esia?! Ama, sa akin mo na lamang ilabas ang galit mo! Huwag mo lang idamay ang dragon ko!"
"Pinilit mo ko na umabot sa ganitong punto kaya magdusa ka ngayon!" Galit na tinalikuran niya at nanghihinang napaluhod na lamang ako. Lumabas ang aking ina at niyakap ako.
"Gagawin natin ng paraan. Kakausapin ko ang iyong ama." Bulong niya at hinalikan ako sa aking noo. Sunod-sunod na pumatak ang mga luha sa aking mga mata.
Paanong bumalik na naman siya sa dati? Bakit ganito? Nawala lang ako at halos mamatay pero ganito ang ibubungad niya sa akin? At nadamay si Esia na walang ideya sa nangyayari!
"Ina, handa ako sa mga parusa niya sa akin! Huwag lang niya idamay si Esia!"
"Gagawan natin ito ng paraan. Tumahan ka na anak."
Mas lalo akong napahagulgol. Hindi ko na mapigilan. Hindi ko na maintindihan ang lahat. Bakit nagsisimula na naman ang mga problema na magkasunod-sunod? Ano na naman ba ang naging kasalanan ko kay bathala?
Tahimik lamang ako na nakahiga sa aking higaan nang maramdaman ko na may tumabi sa akin saka ako niyakap nang mahigpit. Marahan niyang hinalikan ang aking balikat at saka hinaplos.
"Mahal ko." Mahinang tawag ni Mendro. Hindi ako sumagot. Nanghihina pa rin ako. Ramdam ko pa rin ang patuloy na pagpatak ng aking mga mata.
"Patawad. Kung hindi ko lamang sana..."
"Huwag mo sisihin ang sarili mo Mendro. Alam ko na nag-aalala ka lang." Hinarap ko siya saka hinawakan ang kanyang magkabilang pisngi.
Hinawakan din niya ang aking magkabilang pisngi at pinahid ang mga luhang kumakawala sa aking mga mata. "Sinigurado ko na nasa maayos si Esia pagkatapos na malaman ang nangyari. Kakausapin ko ang iyong ama para magkabati kayo. Huwag ka na mag-alala. Wala na sinuman sa draak ang nakaalam sa nangyari sa iyo."
Tanging tango at pilit na ngiti na lamang ang sinagot ko. "Ano ba ang nangyari? Hindi na kita nakita sa gubat pagkatapos na sundan ka. Sinubukan ko ngunit wala akong nakita."
Sinundan niya ako? Hindi kaya may nakasalubong din siya na matanda?
"M-May nakita ka bang matanda na sumalubong sa iyo?" Humihikbing tanong ko. Umiling lang siya at saka tumabi sa akin para yakapin ako sa aking baywang.
"Walang kahit sino na draak ang nasa gubat na 'yon. Bakit naitanong mo?" Pagtatanong din niya.
"Wala n-naman." Pagsisinungaling ko. Hindi pwede. Hindi pa niya pwede malaman ang totoo. Kahit ako ay naguguluhan kung totoo ba ang nangyari o hindi.
"Nasaan ka sa buong araw na nawala ka? Sino ang nagbalik sa'yo? Ligtas ka ba? Maayos ka ba?"
Parang lumulutang ang isip ko. Napupuno ako ng mga tanong. Heto na ba ang sinasabi ng aking mga panaginip? Ano na ba ang mga pangyayari? Bakit—
Napalingon ako kay Mendro nang pisilin niya ang kamay ko. "Mahal ko may bumabagabag ba sa iyo? Sabihin mo sa akin. Makikinig ako."
"Wala...pagod lang ako. Nais kong magpahinga."
Mahabang katahimikan ang namuo sa amin bago ako muling nahiga at pinikit ang mga mata. Niyakap naman niya ako saka ko lamang naramdaman na tila kumalma ang aking buong pagkatao.
"Magpahinga ka na muna. Andito lamang ako at magbabantay sa'yo. Huwag ka mag-alala. Ligtas ka mahal ko."
Huling narinig ko bago ako kinain ng dilim.
"Reesia."
"Ikaw..."
"Ikaw ang..."
"Ikaw ang magbabalik..."
"Ikaw ang magbabalik sa..."
"Ikaw ang magbabalik sa naudlot..."
"Ikaw ang magbabalik sa naudlot na digmaan."