webnovel

Chapter 10

NASA couch si Zairah habang pinupunasan niya ang damit na nabasa kanina sa loob ng banyo. Natalsikan din ang suot niyang pantalon ngunit kaya namang patuyuin.

"May damit akong pinahanda sa kasambahay ko. You can use that for a while. Kung bakit kasi hindi mo sinuot ang apron na nasa loob lang ng banyo."

Naroon na ang binata sa gawi niya na kakatapos lang magbihis. Muli niya itong tinignan na ngayon ay may hawak itong sobre saka nito inilapag sa center table. Nagtataka siya kung para saan iyon.

"Here's the money as you write in the contract. Kumpleto iyan."

"S-Salamat."

"By the way, are you working?"

Tumango siya. "Iyon pa pala ang dapat kong sabihin sa inyo, Sir. Full-time ako sa work ko at part-time naman sa isang sikat na club sa BGC."

"Just call me Zack. From now on, I am your priority. Huwag ka ng magpart-time sa club at iyong full-time job mo, pag-iisipan ko."

Muli siyang tumango bilang pagsang-ayon. Na-realize niya na sa likod ng pagiging seryoso at mainitin ang ulo ng binata, maayos din itong kausap. Pagkawala nito sa paningin niya, dinampot niya sa center table ang iniwan nitong sobreng medyo makapal ang laman. Binuksan niya ito saka tumambad sa kaniya malulutong na tig-isang libong piso. Hindi na niya ito binilang pa at agad na ipinasok sa kaniyang sling bag. Alam niyang matindi ang kapalit niyon ngunit hindi pa niya inihanda ang sarili o mas mainam na sabihing hindi pa siya handang isuko ang sarili.

IPINAKILALA rin si Zairah sa lahat ng mga kasama ng binata sa bahay nito. Iniisa-isa rin ng binata ang mga dapat niyang gagawin oras na kailangan siya nito. Hindi naman iyon mahirap kaya alam ng niyang kaya niyang gampanan ang lahat ng iyon. Mula sa paghahanda ng pagkain ng binata, paghahanda ng susuotin nito, office works dahil work from home ito, pagpapaligo rito, at iba pa. Hindi nito nabanggit ang tungkol sa intimate service na nakasaad sa kanilang kontrata.

Nasa kusina siya nang mga oras na iyon dahil tinutulungan niya sina Aling Lukring na maghanda ng hapunan para kay Zack. Mula kaninang nagtanghalian ito ay hindi na siya nito tinawag.

"Ilang taon ka na pala, Zairah?" tanong sa kaniya ni Aling Lukring.

"Bente-otso ho, Aling Lukring."

"Magkasing-edad lang pala tayo," wika naman ni Fe na naghihimay ng repolyo.

"Bata ka pa pala, Zairah. Pero maganda ka at tingin ko may pinag-aralan ka naman. Paano ka napadpad dito?" tanong naman ni Ann. Isa sa mga kasambahay ng binata.

Nakaupo silang tatlo habang inaayos ang mga gulay habang si Aling Lukring ay inihalo ang niluluto sa kawali.

"Dahil kay Raven. Nakilala ko siya sa bus kagabi at saktong naghahanap siyan ng part-timer para kay Sir Zack. Matagal na rin ba kayo rito?"

Si Ann ang sumagot. "Matagal na. Si Aling Lukring lang ang pinakamatagal dito. Sana magtagal ka sa sumpungin nating amo. Halos kasi ng mga assistant niya ay nilalayasan siya dahil sa ugali niya. Pero mabait naman iyan si Sir. Lalo na kapag good mode. Namimigay ng pera."

"Lalo na kapag pasko. Hindi lang cash ang binibigay ni Sir Zack sa amin. Excited na nga ulit akong magpasko," sabat ni Fe.

"Maayos at mabait naman talaga iyang si Zack. Kaya lang naman nagkakaganyan dahil sa sitwasyon niya. Hindi na rin siya lumalabas ng bahay mga tatlong taon na rin ang nakararaan. Kaya ikaw Zairah, kung ano man ang i-uutos niya ay sundin mo na lang. Kapag may kasalanan ka ay mag-sorry ka kaagad. Hindi na iyon magagalit kapag inunahan mo na agad ng sorry."

"Kilala niyo na pala talaga ang ugaling mayroon si Sir Zack, Aling Lukring."

"Oo naman," tugon nito sa kaniya. "Ako na ang nag-alaga sa kaniya mula pa noong maliit siya. Magkasama iyan sila ni Raven dito noon na naglalaro at iyang si Raven, makulit na bata."

"Kahit naman ngayon, Aling Lukring. Maluko iyang si Raven kahit hanggang ngayon at hindi pa iyan nagkaka-girlfriend," dugtong ni Ann.

"Single pa siya?" takang-tanong niya.

"Oy! Interesado siya," tukso ni Fe sa kaniya.

"Hindi, ah. Nagtataka lang kasi ako dahil sa hitsura niyang iyon ay wala pa siyang nobya." Hindi kasi niya naitanong iyon sa binata dahil masyado na iyong personal.

"May nobya dati pero naghiwalay din. Pareho lang sila ng sinapit ni Sir Zack. Iniiwan ng nobya," daldal ni Ann.

"Pero kanina nakita ko kayo habang kausap mo siya, ang saya ni Raven. Noon ko lang siya nakitang ganoon. Minsan kasi kapag pumasok iyan dito ay nayayamot na agad lalo na kapag nagbabasag iyang si Sir Zack."

"Oo at sinabi iyan ni Fe sa akin kaya napuna ko rin," dugtong ni Ann.

"Baka natuwa lang siya dahil pumayag na akong maging assistant ni Sir Zack. Masaya naman kasing kausap si Raven kaya lang minsan, may pagkamakulit," paliwanag niya.

"Hindi malayong magkagusto sa'yo iyon. Mestisahin ka pa man din. Akin na iyang hinimay niyong repolyo at ihahalo ko na." Kinuha na ni Aling Lukring ang platong may mga repolyong laman.

Natutuwa naman siya sa samahan ng mga kasambahay ng binata. Bukod sa mababait na at kasundo na agad niya ang mga ito. Inihanda na rin nila ang dining area para makakain na rin ng hapunan si Zack. Pagkatapos naman ay muli siyang umakyat sa taas upang tawagin ito.

PASADO alas-diyes ng gabi, tapos na ang kaniyang gawain. Wala na rin inuutos sa kaniya ang binata kaya naisip niyang maglinis muna ng katawan bago matulog. Doon na rin siya matutulog ayon na rin sa utos ng binata at bukas ay ipapahatid na lang siya sa pinapasukan niya. Hinubad niya ang kaniyang suot na jeans saka niya ipinatong ito sa kama. Sumunod niyang hinubad ang suot niyang blouse at tinanggal ang kaniyang pang-itaas saka hinablot ang white robe na nasa higaan. Ipinatakip niya iyon sa kaniyang kahubdan na tanging natira lang ay ang kaniyang pang-ibaba. Lumapit siya sa vanity table at kinuha ang ipinatong niyang tali roon saka niya pinusod ang mahabang buhok. Habang inaayos niya ang kaniyang buhok ay nasilip niya sa salamin na may tao. Huh?! Mabilis siyang nakalingon sa kaniyang likuran.

Gulat na gulat siyang makita si Zack na nakunot ang noo habang pinagmamasdan siyang nag-aayos ng buhok niya kani-kanina lang. Kanina pa siya diyan? Anak ng⸻wala ba akong privacy? Nakita kaya niya ang⸻

"Wala akong nakita. Will you please lock the door when you change your clothes? From time to time ay pumapasok ako lalo na kapag may kailangan ako. Anyway, nandito lang ako para sabihin sa'yo na kilala ko ang may-ari ng kompanyang pinapasukan mo."

Iyon lang ang sinabi ni Zack sa kaniya saka nito minaniobra ang wheelchair upang lumabas na habang siya ay naiwan na hindi man lang nakapagtanong kung may nakita ito. Kasalanan ko na naman ba? Hindi ba siya marunong kumatok? Hindi ba niya naisip na babae ang nakatira sa connecting room niya? Pambihirang lalaki talaga na iyon! Pagngingitngit niya ngunit wala na siyang nagawa pa.