webnovel

Kiss and Make-up

HINDI NA MABILANG NI CAMILLE KUNG ILAN na ang nahahalikan ni Analyn. Nasa likuran siya ng kissing booth, napapangiwi tuwing may isang kutong-lupang lilitaw sa unahan ng pila, bubuwelo, at bibigyan ng nahihiya—pero ubod naman ng mapagsamantala—na halik si Analyn. Isang halik lang naman yun, pero Eeewwwness! pa rin. Ewan kung anong naglalaro sa isip ni Analyn, pero nakangiti ito—either simpleng manyakis rin pala ito o talagang sobrang galing sa acting. In fairness, box office hit ang kissing booth—isang tingin sa labas ay mahaba pa rin ang pila, yung iba nagtutulakan pa, nagbubungisngisan, lalo na yung mga obvious na NGSB (No Girlfriend Since Birth) na tuwang tuwa dahil sa wakas ay makakahigop na rin sila ng sabaw, este, ng halik mula sa isang actual na babaeng tao.

Noon nakaramdam na rin ng kaba si Camille. Pagkatapos ni Analyn, siya naman. Kaya niya bang magpahalik? Sa tutoo lang, si Brett pa lang ang nakaka-kiss sa kanya, at madalang lang yun. Madalas sa noo lang siya hinahalikan nito. Ang hirap kasi, hindi niya nasabi kay Analyn na dapat sa pisngi lang sila nagpapahalik—ang bruha kasi pagka-announce na umpisa na ng "business" ng booth, game agad, nagpahalik na agad sa unang mokong na naligaw dito. Kung ngayon niya ise-set ang rule na dapat sa pisngi lang sila magpa-kiss, baka mag-walk out rin itong si Analyn. "Eh bakit ngayon mo lang sinabi kung kailan tatlong dosenang lalaki na ang nagpakasasa sa nguso ko?" malamang ay isumbat nito. Uso pa naman ang mga nagwa-walk out ngayon. Bwiset.

Humawi ang kurtina sa likod ng booth at iniluwa nun si Analyn, ngumunguya ng chewing gum. "O ikaw naman," sabi nito. "Break muna ako." Napalunok si Camille—wala nang atrasan ito. Sana guwapo, sana guwapo, naibulong niya. Nang ma-realize na hindi yata realistic ang hiling niya, agad din niyang ibinaba ang standards: Kahit hindi guwapo, basta nag-toothbrush man lang!

"Ikaw naman, Camille," ulit ni Analyn nang mapansing hindi pa rin ito tumitinag sa pagkakatayo.

"Nagmamadali lang? May lakad ka?"

Inirapan siya ni Analyn, pero hindi na ulit nagsalita.

Hinga nang malalim. Hawi ng kurtina. Pasok sa loob ng booth. Saka napanganga si Camille sa naabutang nasa unahan ng pila.

Si Jack, nakangisi, akala mo nakaloko.

"Anong ginagawa mo dito? Bawal ka dito no!"

"Bakit? Nagbayad din ako ah."

"Kunin mo ulit yung ibinayad mo. I-refund mo. Wala aking paki. Basta wag ka dito!"

"Ganun? OK lang na makipaghalikan ka sa mga taong iyan na hindi mo naman kakilala, basta wag lang sa akin? Kahit alam mo namang strikto ako sa aking oral hygiene at certified ako ng Philippine Dental Association?"

Nangangatal na sa inis si Camille. "Pwede ba? Alis na! Alis! Nasisira ang business namin!"

"Wow," sabi ni Jack. Cool lang. Walang indikasyon na may balak itong umalis. "Imbes na magpasalamat ka sa akin dahil iniligtas kita sa oral herpes, ganyan pa igaganti mo?"

"Anong oral herpes pinagsasabi mo?"

"Oral herpes. Eh di yung sakit na nakukuha kapag nakipaghalikan ka sa syokoy! Tulad nitong nasa likod ko."

"Anong sabi mo, brad?" biglang tanong ng lalaking nakatayo sa likod ni Jack.

"Wala," lingon ni Jack, "sabi ko ang gwapo mo. Pakurot nga. Macho!" Balik kay Camille: "Kaya hindi ako aalis dito hangga't hindi ko nagagawa ang gusto ko."

"Hinding hindi ako magpapahalik sa iyo, manyak!" Namumula na ang mukha ni Camille sa inis.

Doon hindi nakapagsalita si Jack. Nakatitig lang kay Camille, tinitimbang ang susunod na sasabihin. Lagi na lang silang nag-aaway, simula pa nung Lunes. Tama na siguro ito. Buntong-hininga. "Sorry na," sabi niya, halos bulong lang.

"Ano?"

"Sabi ko nagpunta ako dito para magsorry, hindi para makipagtalo. Pasensya ka na. Kung tingin mo may kasalanan ako, patawarin mo na ako."

"Antagal mo naman, brad. Hahalik ka ba?" singit ulit ng lalaki sa likod ni Jack.

"Teka lang, pogi," lingon ni Jack, tapos balik kay Camille. "Nami-miss ko na ang friendship natin. Namimiss ko na ang mga kuwentuhan. Namimiss kita kapag nasa canteen ako, o pauwi. Namimiss ko ang mga text mo. Namimiss ko nang malaman kung kumusta naman ang araw mo." Nang lumapit siya at abutin ang kamay ni Camille, hindi lumayo ang dalaga. "At namimiss ko na rin ang katangahan mo. Pwede bang 'reset'? Pwede bang balik na tayo sa dati?"

Nakatitig lang si Camille sa mukha ni Jack. Namumula ang mga pisngi nito, pati na rin ang mga mata—medyo naiiyak na rin kasi siya. Halu-halo ang emosyon niya ngayon—kanina sobrang pikon na niya, pero nang marinig niya ang sorry ni Jack, biglang nawala ang inis, napalitan agad ng kung ano man yung dati pa niyang nararamdaman para sa binata.

"Bati na tayo," pakiusap ni Jack.

Matagal na hindi nakapagsalita si Camille. Tila huminto ang mundo nila. Kahit yung lalaki sa likod ni Jack, hindi na rin nangulit. "OK lang, hintayin ko na lang yung isang nagpapahalik kanina," sabi nito sa mga kasama niya. "Mukhang mas masabaw ang nguso nun kaysa rito."

Gustong matawa ni Camille nang ma-realize na si Analyn pala ang tinutukoy nila. Hindi niya akaling "hit" pala ang bruha.

"Peace?" ulit ni Jack.

Sa wakas ay tumango na si Camille. "OK," mahinang sabi niya.

"Friends?" sabi ni Jack.

"OK," sagot ni Camille.

Saka siya niyakap ni Jack—"friendly" na yakap. Between friends, walang malisya, paalala ni Camille sa sarili, kahit medyo iba na yata ang nararamdaman niya.

"At dahil friends na ulit tayo, may gift ako sa iyo," sabi ni Jack.

"Talaga? Ano yun?"

"Pahiram ng cellphone mo, dali."

Alanganin man ay nanaig pa rin ang curiosity sa dalaga, kaya iniabot niya kay Jack ang phone. Pinindot-pindot yun ni Jack. Ilang sandali pa'y ibinalik nito ang phone.

"Ano'ng ginawa mo?" usisa ni Camille habang binabasa ang screen ng phone.

"Natapos ko na ang EasySpy, yung Android app na kinukwento ko sa iyo dati? Yung pwede mong mahuli kung may kalokohan si Brett? Naka-install na yun dyan."

Tila natulala si Camille. "Ayaw ko nun," maya-maya'y sabi nito. "Tanggalin mo yun dito sa phone ko, Jack. Ayoko ng ganun."

Gulat na gulat si Jack. "Bakit ayaw mo? Ayaw mo bang malamang ang tutoo?"

"May tiwala ako sa boyfriend ko," sabi ni Camille, hindi ngumingiti. "Kaya kung gusto mong manatili tayong friends, tanggalin mo yun dito sa phone ko."

Alanganin man ay napilitang kunin ulit ni Jack ang phone. Ilang sandaling may inayos siya dito, saka tahimik na ibinalik ito kay Camille.

"Wala na?"

Tumango si Jack.

Ngumiti na si Camille. "Sige na, may business pa kami."

"Itutuloy mo pa rin ang duty mo dito sa booth?"

"Oo. Kailangan e."

"OK," sabi ni Jack, palinga-linga sa likod. Nang makatiyempo'y bigla niyang niyakap si Camille—at bago pa maka-angal ang dalaga'y nahalikan na niya ito sa lips—one wet, needy kiss.

"Nagbayad ako ha," hangos na sabi ni Jack, saka biglang tumakbo palabas ng booth na nagtatawa. Naka-score kasi. Naiwan si Camille dun na alanganing matawa, alanganing magalit. At nahihiya man siyang aminin sa sarili, hindi niya mapigilan ang isang conclusion: masarap pala ang kiss ni Jack.

Biglang lumitaw ulit si Analyn sa tabi niya. "Tapos ka na ba? Ako ulit ang du-duty?" tanong nito.

Wow. Adik lang?

"It's all yours," sabi na lang ni Camille, saka bumalik sa likod ng booth. Nasa labi niya pa rin ang kiss ni Jack.