HULING KABANATA
MAKALIPAS ANG APAT AT KALAHATING TAON
IKA-ISA NG NOBYEMBRE. Huminto ang minamaneho kong kotse sa Hangganan. Pagbaba ko, nakangiting sinalubong ako ni Jane. Lalo siyang gumaganda, halatang in love.
Hinatak niya ako sabay angkla sa braso ko. "Ang aga mo ngayon, ha?" tanong niya. Alas-otso pa lang ng umaga narito na ako sa baryo Madulom galing Maynila. Pero bago ako pumunta rito, dumaan na muna ako sa sementeryo kung saan nakalibing sina Cecilia at Mang Pedro.
"Mamayang gabi kasi, sabay-sabay kaming buong pamilya na dadalaw kina mama at papa. Dapat bukas, gaya ng nakagawiin, kaso may kanya-kanyang lakad ang pamilya ng mga tita ko," sagot ko. Kapwa ako niyaya ng dalawang tita ko na sa bakasyon ng pamilya nila sumama, pero tumanggi ako at mas pinili kong samahan na lang si lolo sa bahay.
Sa nakalipas na mga taon, naging maganda na ang relasyon ko sa pamilya ni papa. Matapos ang misyon ko rito sa baryo Madulom, tumira na ako sa bahay ni lolo. Humingi ng tawad sa 'kin si lolo, at pinatawad ko naman agad siya. Sa katunayan, nang ikuwento ni Mang Pedro ang tungkol kay lolo, na hindi naman talaga ito tumigil sa pagiging ama kay papa, na nakasubaybay si lolo sa pamilya namin, napatawad ko na siya. Isang mahigpit na yakap ang naging tugon ko kay lolo sa paghingi niya ng tawad sa 'kin. At sa wakas, nasabi ko na rin ang bilin sa 'kin ni papa bago sila pumunta sa kabilang buhay ni mama. Sinabi ko kay lolo na humihingi ng tawad si papa at sinabi kong naging masaya si papa – naging masaya kami. Umiyak si lolo nang marinig niya ang sinabi ko. Hinalikan niya ako sa noo at muling niyakap. At sinabi niyang, 'Alam ko, apo. Alam kong naging maligaya ang anak ko. Alam kong naging masaya ang pamilya ninyo'. Luha at mahigpit na yakap din ang naging tugon ko kay lolo nang sabihin niya 'yon.
Nag-sorry rin sa 'kin ang mga kapatid ni papa at mga pinsan ko. Ayaw lang daw nilang sumama ang loob ni lolo, kaya hindi rin nila ako pinansin nang unang tumuloy ako sa bahay ni lolo. Ang pagkakaalam kasi nila, malaki ang galit ni lolo sa pamilya namin. Pero pride lang pala 'yon ni lolo na 'di niya mababa.
"Wala ka sa party mamaya?" tanong ni Jane.
"Gano'n na nga," sagot ko. "Pakisabi na lang sa kanila.
Tumango si Jane. "Ba't 'di mo kasama si Lolo Jose?" tanong niya.
"Kailangan ng pahinga ni lolo. 'Di muna siya puwedeng magbiyahe ng malayo," sagot ko at kinuha ko ang bouquet ng bulaklak at isang piraso ng pulang rosas, at kandila sa kotse. "Ito para sa mga patay," sabi ko na ang tinutukoy ay ang bouquet na may iba't ibang uri ng bulaklak. "At ito, para sa 'yo." Inabot ko ang pulang rosas kay Jane.
Napangiti si Jane nang kunin niya ang bulaklak at mahina niya itong hinampas sa braso ko. "Hindi ko alam kung matutuwa ako kapag binibigyan mo ako ng bulaklak sa tuwing nandito ka. Lalo na sa ganitong araw," sabi niya.
"Bakit? 'Di ba, paborito mo ang pulang rosas," natatawang sabi ko.
"Ewan ko sa 'yo!" sigaw niya. "Hindi ka pa nagdala ng bulaklak na para sa 'kin lang talaga. Laging kasama ang para sa mga patay. Pero, salamat," sabi niya, at inaamoy ang rosas. "Bakit nga pala ang tagal mong 'di dumalaw?" tanong niya na may pagtampo.
"Busy lang sa school," sagot ko.
"Na-miss kita," sabi niya sabay yakap sa 'kin.
"Na-miss din kita, Jane," sagot ko at yumakap din ako sa kanya. "Kumusta nga pala?" tanong ko nang nakayakap na siya muli sa braso ko.
"Ito, okay naman," sagot niya.
"'Yong tanim ko ang tinutukoy ko," natatawang sabi ko.
"Grabe ka sa 'kin." Hinampas niya ako. "Inuna mo pa talagang kumustahin ang tanim mo, kesa sa 'kin?"
"Oh, ikaw, kumusta ka?" tanong ko.
"Tse!" sagot niya. "Maayos sila." May pinakita siya sa 'kin sa cell phone niya, selfie picture niya na background ang mga bulaklak ng sunflower. "Sira ka talaga, Lukas! Nag-send kaya ako sa FB ng mga pictures. Sabi ko pa nga, ang ganda ng mga flowers." Sinamaan niya ako ng tingin.
"Sorry, naman. Busy nga kasi ako."
"Oo na. Kaya pala 'di pa 'seen'. Siya nga pala, dapat siguro sahuran mo na ako sa pagbantay ko sa mga tanim mo."
"Hayaan mo, kapag nakatapos ako."
"Kapag nakatapos ka sabi mo dito ka na titira? 'Di ikaw na ang magbabantay, 'di mo na ako sasahuran."
"Kaya nga," sabi ko. Sinamaan niya ako ng tingin.
Pinag-aral ako ni lolo. Pinagpatuloy ko ang kurso kong Bachelor of Secondary Education, at ngayon, graduating na ako. At kung suwertehen akong maging ganap nang guro, dito ko sa baryo Madulom balak magturo o kaya sa malapit sa lugar na ito. Pinayagan na ako ni lolo sa plano ko at ibinigay na niya sa 'kin ang bahay ng mga Sinag.
"Kumusta nga pala kayo ng boyfriend mo?" tanong ko.
Bumitiw sa 'kin si Jane. "Going strong," sagot niya. At tiningnan niya ako ng tingin niya na para bang napakalungkot kong nilalang. Tingin niya kapag kukumustahin niya ang love life ko. "Eh, ikaw? Kumusta ka? Kumusta ang puso mo?" bingo!
Ngumiti lang ako – gaya ng dati. "Ayos. Ayos ako," sagot ko lang.
"Mahahanap mo rin ang destiny mo, Lukas," sabi niya.
Natahimik ako at malungkot na ngumiti. "Nahanap ko na siya... umalis lang. Pero babalik 'yon," sabi ko.
"Sige, hintay ka pa. Pero kapag fifty ka na, na hindi mo pa siya nakita, sumuko ka na, ha?"
Natawa ako. "Pag-iisipan ko," sagot ko.
"Magtu-twenty five ka na. Worst-case scenario, mamatay kang virgin."
"Sisiguraduhin kong hindi," sabi ko.
Natawa si Jane. "Siguraduhin mo," may pagbabantang sabi niya at dinuro sa 'kin ang hawak niyang rosas. "Sayang ang lahi."
Ngumiti na lang ako. Hindi ko kasi talaga makita ang sarili ko na may mahal na iba. Hanggang ngayon, si Sunshine pa rin talaga.
"Mauna na ako. May lakad kami ng BF ko," paalam ni Jane.
"Nang ganito kaaga?" tanong ko.
"Oo. Magtatakutan kami," sagot niya. "Bye, Lukas. Happy Halloween!"
"Happy Halloween, Jane," sagot ko. At naglakad na palayo si Jane.
Ayaw ko sanang sumama no'n kay lolo pagkalabas ko ng ospital. Gusto ko sa bahay ng mga Sinag pa rin ako tumuloy. Nagbabakasakali kasi akong babalik si Sunshine. Kaso nagmakaawa si lolo – doon siya humingi ng tawad at doon ko na nasabi ang bilin ni papa. Sumama ako kay lolo sa bahay niya sa Maynila, pero makalipas ang dalawang araw, bumalik ako sa baryo Madulom para maghintay. Pumayag si lolo na manatili ako sa bahay ng mga Sinag. Pero sabi niya, sa loob ng dalawang linggo lang – kapag hindi bumalik si Sunshine sa loob ng dalawang linggo, bumalik na ako ng Maynila. Umabot ako ng tatlong linggo, pero walang Sunshine na nagpakita. Bumalik ako ng Maynila, pero nagpabalik-balik pa rin ako sa bahay ng mga Sinag – nanatiling umasa ako. Sa pagpunta-punta ko sa baryo Madulom, naging malapit kami ni Jane – naging matalik na magkaibigan. Nasasabihan ko siya tungkol sa kalungkutan ko, sa paghahanap ko, sa lahat. Alam niya ang paghahanap ko kay Sunshine, pero wala siyang alam sa kuwento sa likod no'n. Hindi siya nagtatanong – hinahayaan niya lang akong magkuwento, naghihintay lang siya sa sasabihin ko. Naging tagapayo ko siya nang gusto ko nang sumuko. Sabi niya, walang masamang maghintay. Pero ngayon, pinapasuko na niya ako. Pero hindi ako susuko. Nararamdaman kong makikita ko rin ulit si Sunshine. Inamin ni Jane na gusto niya ako. Pero sabi niya, hindi niya ako hihintayin nang matagal. Kaya ngayon, may nobyo na siya.
Nabuhay ako sa loob ng apat at kalahating taon na naghihintay – at patuloy na maghihintay. Marami na akong ginawang paraan; nag-search sa facebook, twitter, instagram at sa kung saan pa. Pero 'di ko mahanap si Sunshine, maging si Migs. Nagpatulong na rin ako sa bawat multong makita ko, sinasabi ko sa kanila ang hitsura ni Sunshine – isang desperadong bagay na naisip ko. May multong pinagtawanan ako, may walang paki, may naghanap pero ibang babae ang nahanap. At sa bawat tingnan o puntahan kong lugar, alerto ako na baka makita ko siya. Naisip ko tuloy kung bakit 'di man lang kami nagpa-picture ni Sunshine noong magkasama pa kami – sana naisip kong magpa-picture kami kapag hawak ko siya, baka makatulong sa paghahanap ko.
Sa paghahanap ko kay Sunshine, wala akong pakialam kahit 'di niya ako maalala kung sakaling magkita kami. Magpapakilala ako sa kanya at ipapaalala ko kung sino ako sa buhay niya – kung gaano namin kamahal ang isa't isa.
Sa tuwing namamasyal ako o nasa mall, naiisip kong kasama ko siya. Kapag kumain ako sa restaurant o kumain ng masarap, iniisip kong kasama ko siya. Kapag nanonood ako ng sine, iniisip kong kasama ko siya. Mga bagay 'yon na plano naming gawin. Basta sa lahat nang galaw ko, iniisip kong kasama ko siya.
Napangiti ako nang makita ko ang daan papunta sa bahay ng mga Sinag. Ibang-iba na ang hitsura ng lugar. Malinis na ang gilid nito at 'di na masukal. Hindi na kinatatakutan ang parteng ito ng baryo Madulom. Sa katunayan, may mga dating naninirahan sa lugar na ito na gusto nang bumalik. Naglakad ako na punong-puno ng alaala – naalala ko ang panaginip ko, nang maglakad kami ni Sunshine na magkahawak-kamay. At talagang hindi ko maiwasang maalala ang lahat-lahat na parang kahapon lang, sa tuwing narito ako – hindi uso sa 'kin ang salitang 'move on'. Pero pumasok na rin sa isip ko na nakakagago na, na baka niloloko ko na lang ang sarili ko, na isipin ko na lang na magandang panaginip ang lahat. Susuko na sana ako. Humantong sa puntong nagalit ako sa mundo, na kung bakit nakilala ko pa siya. Ilang buwan din akong nagpakalasing, wala sa sarili at ayaw makipag-usap kahit kanino. Pero hindi, eh. Mahal ko talaga si Sunshine – siya lang ang mamahalin ko. Kaya narito ako, bumabalik-balik pa rin sa lugar na 'to. Pero 'di lang naman dahil kay Sunshine, para na rin magbigay respeto at ipagdasal ang mga nasawi sa lugar na 'to.
Nilapag ko ang bulaklak sa tapat ng pader kung saan nakasulat ang mga pangalan ng mga namatay sa sunog. Pinagawa ito ilang buwan matapos mawala ang sumpa sa sa lugar na 'to. Nag-ambagan ang lahat ng pamilya ng mga namatayan para gawin ito at ipalinis ang paligid. Sa lugar na ito inilibig ang bangkay ng mga nasawi. Halos lahat ng bangkay ay hindi na makilala, kaya pinagsama-sama na lang sila. Nagsindi ako ng kandila at nagdasal. Ngayong taong ito, hindi ko makakasama ang mga kamag-anak ng mga namatayan. Sa tuwing araw ng mga patay, nagkakaron ng salo-salo rito, iyon ang tinutukoy na party ni Jane. Nakilala ko ang magulang ng batang lalaking pumasok sa bahay kasama nina Elizabeth, at ang mga kapatid niya. Richard ang pangalan ng bata, at pangalawa sa tatlong magkakapatid. Nakilala ko rin ang asawa ng babaeng buntis. Sobra niyang mahal ang asawa niya at ang magiging anak sana nila – hindi na siya nag-asawa pa. Isang lumang litrato ng asawa niya ang natitirang alaala nito at ang labis nilang pagmamahalan. Ang babaeng ginahasa sa lugar na ito, na isa rin sa pumasok sa bahay at gustong kunin ang katawan ni Sunshine, matatahimik na nang tuluyan. Ilang araw lang matapos mawala ang sumpa, sumuko ang suspek na traysikel drayber. Ang ina ni Elizabeth, pumupunta rin sa lugar na ito, ipinagdarasal niya ang kaluluwa ng kanyang anak.
Matapos kong magdasal, pinuntahan ko na ang bahay. Bago na ang gate ng bahay, at sa labas ng gate pa lang, makikita na ang magandang mga tanim ko na sakop na ang buong bakuran, mga sunflower. Ang mga tanim ko na pinababantayan ko kay Jane. Ang nag-iisang natirang bulaklak na hindi natuyo ang pinagmulan ng tanim ko. Normal na natuyo ang bulaklak gaya ng normal na sunflower. At ang buto no'n ang itinanim ko, hanggang sa dumami nang dumami. Naging tila ginto ang paligid dahil sa mga namumukadkad na bulaklak. Nakaharap sila kung nasaan ang direksiyon ng araw, at pagpasok ko ng gate, parang bumabati sila sa 'kin.
Tanaw ko ang terrace sa kinatatayuan ko – bumalik sa alaala ko ang mga sandaling nakaupo kami ni Sunshine sa hagdan at nakatanaw lang sa kung saan.
Pumapasok sa imahenasyon ko na nakatayo siya ngayon sa terrace, nakangiti siyang nakatingin sa 'kin at masayang bumaba ng hagdan at naglakad sa gitna ng mga bulaklak ng sunflower papunta sa 'kin – hinawakan niya ang kamay ko, kinumusta ako, at niyakap.
Huminga ako ng malalim at lumanghap ng sariwang hangin. Napangiti ako. Iba ang pakiramdam ko ngayon, 'yong tipong napakalapit niya lang. Dahil siguro sa mga naiisip ko. "Magpakita ka na. Mababaliw na ako," nasabi ko. Ayaw kong mamatay na virgin. Natawa ako sa naisip ko.
***
WALA PANG ALAS-ONSE, nakaramdam na ako ng gutom kaya tumigil ako sa isang convenience store. Sa totoo lang, maraming restaurant at food chain na akong nadaanan na puwedeng kainan, kaso bigla kong naisip si Sunshine. Kaya parang natakam ako sa instant cup noodles. Ang paborito naming spicy seafood ang binili ko na sinamahan ko na rin ng siopao at soft drinks. Naisip ko, kung kasama ko ngayon si Sunshine, malamang inagawan na ako ng pagkain.
May mall sa kabilang kalsada ng convenience store na kinakainan ko. Nakaharap ako ro'n, at inaliw ko ang sarili ko sa panunood sa mga taong dumaraan sa harap ko at pumapasok sa mall.
Patapos na akong kumain nang naagaw ang pansin ko ng babaeng dumaan sa tapat ko at tumawid sa kabilang kalsada, bestidang dilaw ang suot niya na halos kaparehas ng suot no'n ni Sunshine, pumasok ang babae sa mall. Mayamaya, may dumaan namang babaeng may dalang bouquet ng bulaklak na may tatlong sunflower, pumasok din sa mall ang babae. Hindi tuloy maalis ang tingin ko sa entrance ng mall. Pambihira! May kung ano na namang pumapasok sa isip ko.
Papasok na ako ng kotse ko para makauwi na, dahil halos dalawang oras pa ang biyahe 'di pa kasama trapik, hindi pa rin maalis ang mata ko sa mall. Pumasok ako ng kotse. Pero 'di pa man umiinit ang upuan ko, lumabas ulit ako para pumunta sa mall – medyo naiihi kasi ako.
Pagkapasok ko ng mall, may magkaibigang dalawang babaeng estudyanteng dumaan sa harapan ko, tinawag no'ng isa ang kaibigan niya na 'Sunshine'. "Pambihira," mahinang nasabi ko. 'Di ko alam kung 'sign' ba ang mga 'yon o iniisip ko lang. Pero dahil sa mga 'yon, iba ang tibok ng puso ko. Bumilis at may sigla, na parang nasa malapit lang siya.
Hinanap ko agad ang restroom. Nang mahanap ko, agad na pumasok na ako at umihi. Nang matapos, lalabas na sana agad ako. Pero bumalik ako para maghugas ng kamay. Siningitan ako ng mamang mataba nang itatapat ko na sana ang mga kamay ko sa automatic na poso. At ang tagal niya maghugas. Napangisi na lang ako. Nang matapos ang lalaki, sumunod na agad akong naghugas ng kamay. At nang makapaghugas na ako, lumabas na ako ng banyo. Pagkalabas ko ng pinto...
"Sunshine?" napangangang sabi ko sa babaeng kalalabas lang din sa restroom ng babae. Nasa harapan ko na siya. Tila tumigil ang oras. Naging malabo ang lahat, at siya lang ang malinaw sa paningin ko. Nakakasilaw. Walang dudang siya si Sunshine. Iba ang porma niya sa nakasanayan kong ayos niya; nakaitim na damit, hapit na maong na pantalon na may butas sa tuhod, dilaw na rubber shoes, at may kulay ang buhok niya.
Hinawakan ko ang kamay niya. Bumilis ang tibok ng puso ko. Nagtama ang mga mata namin. Hindi ko akalaing magiging romantikong lugar ang labas ng CR.
"Sunshine, nakita rin kita." Halos maluha ako sa saya. Patulo na nga luha ko talaga, kaso binawi niya ang kamay niya.
"Excuse me po, ano?" sabi niya. "Marinelle ang pangalan ko, hindi Sunshine."
Nakumpirma kong siya nga dahil sa sinabi niyang tunay niyang pangalan. Pero hinawakan ko pa rin ang kaliwang kamay niya para tingnan ang peklat niya. "Ikaw nga," sabi ko nang makita ko ang peklat.
"Mister, adik ka ba?" inis na sabi niya at hinila niyang muli ang kamay niya.
"Adik sa 'yo," sabi ko.
"Baliw pala 'to, eh!" sigaw niya.
"Oo. Baliw sa 'yo," sabi ko.
Sinamaan niya ako ng tingin. Ngumiti ako. Na-miss ko ang tingin niyang 'yon. Mabilis siyang naglakad palayo. Pero pinigilan ko siya at dinala sa gilid para hindi naman kami gaanong makaeskandalo sa mga dumaraan.
"Hindi mo ba talaga ako nakikilala? Ako 'to, si Lukas. Boyfriend mo," sabi ko.
"Hoy! Wala akong boyfriend."
"Meron. Ako."
"Tigilan mo nga ako!" napalakas ang boses niya. "Kahit – " tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, balik sa mukha. "Kahit pogi ka pa, hindi kita papatulan! Ano'ng tingin mo sa 'kin, easy to get? Kung nakakabiktima ka ng mga babae sa mga modus mong 'yan, ibahin mo ako! Hindi mo ako maloloko!" naglakad siya pero hinila ko ulit siya pabalik sa 'kin.
"Mag-usap tayo," pagmamakaawa ko. "Hindi kita niloloko. Hindi kita lolokohin gaya nang ginawa ni Migs."
Pinandilatan niya ako. "Kilala mo ang ex ko?" Tumango ako. "Stalker ba kita?" gulat na tanong niya at napaatras siya.
"Hindi." Lumapit ako. "Nagmamahalan tayo, Sunshine."
"Sisigaw ako ng rape," banta niya.
"Nire-rape ba kita?" napalingat-lingat ako baka totohanin niya ang banta at hulihin pa ako ng mga guwardiya. "Ipapaliwanag ko, kahit apat na minuto lang. Pakinggan mo ako, please."
"Hindi nga kita kilala. Hindi Sunshine ang pangalan ko. Marinelle."
"Ipapaliwanag ko. Makinig ka lang. Pakinggan mo ako. Please naman. Hindi ako masamang tao."
Pinagmasdan niya ako. "Ikaw 'yong nasa bahay," sabi niya.
"Naalala mo na?" natuwang tanong ko.
"Hindi kita kilala!" sigaw niya at mabilis siyang tumakbo palayo.
"Sunshine!" sigaw ko.
Hinabol ko siya, pero nawala siya sa paningin ko. Maraming tao kaya madali siyang nakapagtago. Naisip ko 'yong sinabi niya. Siguro ang naaalala niya ay nang magising siya nang mawala na ang sumpa at nakita niya ako – takot na takot siya sa 'kin no'n, kaya siguro mas lalo siyang natakot ngayon.
"Hay, pambihira!" sigaw ko.
Hinanap ko siya. Nilibot ko ang mall, pinasok ko lahat maging sinehan at mga kainan. Maging parking lot tinungo ko, tapos balik ulit sa loob ng mall. Tinatawag ko siya, sinisigaw ko ang pangalan niya, Marinelle at Sunshine ang isinisigaw ko. Pinagtitinginan na ako ng mga tao pero wala akong pakialam. Hanggang sa mapaupo na lamang ako sa pagod sa halos dalawang oras na paghahanap ko. Hangos na hangos ako at pinagpapawisan. Dumaloy ang luha mula sa mga mata ko. Nanginginig ang mga kamay ko. Nagagalit ako! Ano na naman ba 'to?! Pinaglalaruan ba talaga ako ng tadhana?!
Tumayo ako at naglakad. Pero hindi ko alam kung saan ba ako pupunta? Lalabas na ba ako at uuwi o maghahanap pa? Baka naman nakalabas na siya kanina pa at naghahanap ako sa wala? Humahakbang ako na wala namang pupuntahan.
"Aray!" daing ko at napahinto ako. May bumato sa likod ko. Sakit no'n! Pagharap ko, nakita ko ang sapatos na dilaw sa may paanan ko. At pagtaas ko ng tingin, nasa harapan ko si Sunshine, kulang siya ng isang sapatos. Lumuluha siya.
"Sorry," sabi niya. "Tinatawag kasi kita, hindi mo ata ako naririnig." Nakatingin lang ako sa kanya. "Mr. Guwapo?" tawag niya sa 'kin. "Dala mo ba 'yong panyong binigay ko sa 'yo sa bus? Bigla na lang kasi akong naluha nang may mga maalala ako. May mga alaalang bigla na lang nagdatingan sa utak ko. Akala ko panaginip lang ang mga 'yon? Ang bahay, ang mga multo, ang sunflower... at ikaw... at ikaw, Lukas," naguguluhang sabi niya.
Tahimik lang akong pinagmasdan siya. Dinampot ko ang sapatos at lumapit ako sa kanya. Kinuha ko ang panyong puti sa bulsa ko, na talagang laging dala ko. Inabot ko sa kanya ang panyo. Nakita niya ang disenyong sunflower dito at ang letrang 'M'. Napaiyak siya at nagpunas ng kanyang luha.
Tahimik akong lumuhod at isinuot sa kanang paa niya ang sapatos.
MAY MGA ALAALANG dapat na lang kalimutan at talikuran. May mga alaala namang masarap balik-balikan at pag-usapan. At may mga alaalang hindi dapat isuko, tulad ng alaalang meron kami ni Sunshine – alaala ng pag-ibig namin na dadalhin namin habambuhay.
Pinapahirapan tayo ng tadhana para tumibay, para maging matatag, para matutong 'wag agad susuko. At may mga signs siyang ibibigay tungkol sa dapat mong gawin at magiging kinabukasan mo. Kaya dapat alerto ka, dahil minsan nasa harap mo na, 'di mo pa makita. Pambihira. Talagang pambihira.