webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · Général
Pas assez d’évaluations
39 Chs

KABANATA 26

NATULOG AKO SA TABI ni Sunshine. Gusto ko siyang hawakan. Kaso kapag nagkaroon siya ng katawan, mararamdaman niya ang sakit ng sugat niya sa likod.

***

KINABUKASAN, NAGISING AKO sa sikat ng araw na pumasok sa kuwarto mula sa bintana, at sa huni ng mga ibon at mga insekto sa labas. Pagdilat ko, isang napakagandang tanawin ang tumambad sa 'kin, ang matamis na ngiti ni Sunshine. Patagilid kaming nakahiga at nakaharap sa isa't isa. Hinaplos niya ang mukha ko, naramdaman ko ang lamig ng palad niya na unti-unting nagkaroon ng init nang hawakan ko ang kamay niya.

"Maayos ba ang tulog mo?" tanong niya. Pinagmasdan ko lang siya at ninamnam ang mga sandaling 'yon.

***

"SORRY, KUNG HINDI ko napansin na nasugatan ka," nakayukong nasabi k okay Sunshine. Nahihiya ako at nando'n pa rin ang kabang naramdaman ko sa nangyari sa kanya kahapon.

"Wala kang dapat ihingi ng sorry," sagot niya.

"Pero bakit mo ba ginawa 'yon?!" tumaas ng boses ko at tinitigan ko siya. "Ako dapat ang magprotekta sa 'yo, 'di ba?"

"Bakit ka nagagalit?" nakakunot-noong tanong niya at napausog siya ng upo palayo sa 'kin. Nasa hagdan kami ng terrace. Pinili naming mag-usap muna bago makinig sa mga sasabihin ni Mang Pedro. Kanina, nang i-check ko ang sugat niya ay wala na ito maging ang bakas ng dugo. Ang nabutas na damit sa kanyang likod na lang ang ebidensiyang nasugatan siya.

Parang masamang panaginip lang ang mga nangyari. At si Sunshine, hindi siya talagang patay, at hindi rin namang lubusang buhay. Buhay siya kapag hawak ko siya, at multo kapag hindi. Parang sasabog ang utak ko. Kaya nga mas pinili kong 'wag munang hingin ang paliwanag ni Mang Pedro. Gusto ko munang magpahinga sa pag-iisip.

"Hindi ako galit," sabi ko.

"Hindi, pero ang sama mo makatingin?" inirapan niya ako.

"Nag-alala lang kasi ako. Bakit mo ba ginawa 'yon?"

"Para iligtas ka. Natakot akong mawala ka."

"Mas gusto mong ako ang mawalan?"

"Tsk. Tumigil ka nga. Parehas lang naman nating gustong protektahan ang isa't isa, 'di ba?" natahimik na lang ako. "Sorry, kung natakot kita." Napayuko siya at pinagmasdan ko lang siya.

"Lumapit ka nga," utos ko sa kanya.

Nang lumapit siya sa tabi ko, namayani ang katahimikan at pinagmasdan lang namin ang tahimik na kalangitan – hinahanda ang aming mga sarili sa mga malalaman. Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko – pagpapakawala sa natitirang kaba sa dibdib ko. Ilang minutong tahimik lang kami, ninanamnam ang buhay. Naagaw ang pansin namin nang marinig namin ang ingay ng natutuyong halaman ng sunflower, at nagkatinginan na lamang kami.

"Ipangako mong hindi mo gagawin ang ginawa ni Lucio kahit anong mangyari – huwag mo nang ulitin ang ginawa mo sa nakaraan," nasabi niya.

Hindi ako nakaimik. Tinutukoy ba niya ang posibilidad na baka hindi na siya tuluyang mabuhay? Sinasabi niya ba sa 'kin na 'wag akong magpakamatay tulat ng ginawa ni Lucio – o ginawa ko sa nakaraan?

"Hindi," nabigkas ko. Natigilan ako at pinagmasdan ko lang siya. Sa totoo lang, kagabi, hindi ko alam kung paano ako nakatulog. Sobra ang pag-iisip ko. Naisip ko, paano kung hindi na siya magising? Makakaya ko ba? At pumasok sa isip ko no'n ang ginawang pagpapakamatay ni Lucio. At naintindihan ko kung bakit niya ginawa 'yon – dahil napakasakit. At hindi nga talaga natin mahuhusgahan ang mga tulad ni Elizabeth na kayang gumawa ng labag sa batas at labag sa utos ng Diyos para sa kanyang minamahal.

"Lukas, mangako ka."

Tumango ako. "Nangangako ako... nangangako akong mabubuhay ka." Iyon ang naipangako ko. Dahil hindi na ako makakapayag pa na magkahiwalay pa kaming dalawa. Hindi ko sasayangin ang ikalawang pagkakataong ibinigay sa 'min ng tadhana. Ngumiti ako at hinaplos ang kanyang mukha. Habang pinagmamasdan ko siya ngayon, naramdaman kong hindi lang ilang araw ko pa lang siyang nakikilala, kundi habambuhay na. "Oras-oras kong ipagdarasal 'yon."

Saglit siyang natahimik. "Pinakikinggan ba talaga ng Diyos ang mga dasal natin?" natanong niya.

"Oo naman," sagot ko.

Hinarap niya ang langit. "Naaalala ko, si papa, sa tuwing lasing siya, umiiyak siya. Sinasabi niyang, 'bakit Mo kinuha ang asawa ko? 'Di ba, sabi ko sa 'Yo, 'di ko kayang mabuhay nang wala siya?' Alam kong ang Diyos ang kinakausap niya..." pumatak ang luha sa mga mata ni Sunshine. "At nang dukutin ako ni Elizabeth, nagdarasal ako no'n habang itinatali ni Elizabeth ang kamay ko, na sana pakawalan niya ako. Sabi ko pa, Diyos ko, 'wag mo akong hayaang mapahamak. Si papa ang naiisip ko no'n. Kapag nawala ako paano siya? Sabi ni papa, ako na lang ang nagpapasaya sa kanya, at ako ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa siya sa buhay. Habang sinasakal ako ni Elizabeth, dasal pa rin ako nang dasal, 'Diyos ko, tulungan mo ako. 'Wag mo akong hayaang mamatay. Sana manaig kay Elizabeth ang pagkakaibigan namin, 'yon ang mga dasal ko – hindi Niya ako pinakinggan. Nangyari sa 'kin 'to. At si papa, wala na siya..."

Natigilan ako, at sa mga ulap na itinatangay ng hangin ang tingin ko. Maging ako, nagkaroon ng duda no'n kung pinakikinggan nga ba ng Diyos ang mga dasal ng tao. Lagi kong panalangin no'n ang kaligtasan ng pamilya namin. Na kahit hirap kami sa buhay, basta 'wag kaming magkakasakit at lagi kaming ligtas. Gabi-gabi, bago matulog, 'yon ang dasal ko lagi – pero namatay sina mama at papa.

Hinarap ko si Sunshine nang maalala ko ang sinabi sa 'kin nina mama at papa nang magpakita sila sa 'kin bago nila lisanin ang mundo. "Lahat may dahilan. Sa una, masasaktan tayo at 'di natin maiintindihan, pero darating ang tamang panahon na mauunawain natin 'yon at matatanggap. At isang araw, makikita na lang natin ang ating sarili na masaya na, at may ngiti sa pagbangon sa umaga..." 'yon ang eksaktong sinabi ni papa sa 'kin na sinang-ayunan ni mama. "Sunshine, sa mga masasakit na nangyari sa ating dalawa, ito na ang tamang panahon na 'yon para maunawaan natin ang lahat, at matanggap. Namatay ang magulang ko, at nakilala ko si lolo, na ipinadala ako rito, at dito kita nakilala. Dahil sa ginawa sa 'yo ni Elizabeth kaya ka narito, at nagtagpo tayo. Muli tayong pinagtagpo ng tadhana. Naging tulay ang madilim na mga pinagdaanan natin. Alam kong masaya ngayon sina mama at papa, alam kong pinagmamasdan nila ako. At masaya silang nagkita tayo. Ang mama at papa mo, alam kong magkasama sila. Nakangiting pinagmamasdan ka, at masaya sila na magkasama tayo."

"Talaga? Masaya sila ngayon... tulad ko?" may luha pa rin sa mga mata niya, pero may ngiti nang gumuguhit sa kanyang maninipis na labi.

"Sigurado 'yon. Dahil ang magulang, kung masaya ang anak, doble ang saya nila," nakangiting sagot ko. At isang mahigpit na yakap ang sinukli ni Sunshine sa sinabi ko, na tuluyang nagpagaan ng pakiramdam ko. At handa na ang utak ko sa mga malalaman pang kababalaghan sa bahay na 'to, at sa talagang misyon ko – ang paliwanag sa mga nangyayaring ito.

***

"ANO PO BA ang nangyari sa lugar na 'to, sa parteng 'to ng baryo Madulom?" unang tanong ko kay Mang Pedro nang magpasya kami ni Sunshine na alamin na ang mga bagay na gumugulo sa aming isipan.

"Halos animnapung taon na ang nakararaan, tahimik ang lugar na 'to. Masaya ang pamilya ng lolo mo na naninirahan sa bahay na 'to. Hanggang isang gabi, nagsisigaw ang lolo mo na noon ay pitong taong gulang pa lamang gaya ko, may nagpakitang multo sa kanyan na labis niyang ikinatakot. Hindi tulad ng mga madalas niyang makita, ang multong iyon at gusto siyang saktan," pagsisimula ng kuwento ni Mang Pedro.

"May third eye rin po si lolo?"

Tumango si Mang Pedro. "Katulad mo siya. Maaring sa kanya mo namana ang kakayahan mong 'yan."

Naisip kong tama siya, dahil normal sina papa at mama. "Sinadya po ba ng lolo ko na ipadala ako sa lugar na ito?"

"Oo. Para iligtas ang lugar na ito sa sumpa ng itim na multo – ang masamang espiritong pumatay sa mga tagarito sampung taon na ang nakararaan, ang mga multong nagpupunta sa bahay na ito."

"Alam ng lolo ko na puwede akong mapahamak pero pinapunta niya pa rin ako rito?"

"Hindi niya gustong mapahamak ka. Maraming pinapuntang tao rito ang lolo mo, mga espiritista. Para subukang hanapin ang liwanag at lutasin ang misteryo rito at maputol ang sumpa, ngunit walang nagtagumpay. Hindi nila nakita ang liwanag. Wala sa kanila ang sinag."

"Ako ang liwanag?" tanong ni Sunshine.

"At ako ang sinag?"

Tumango si Mang Pedro. "Halos dalawang taon na ang nakararaan, pinuntahan ako ni Jose, ang lolo mo, Lukas, dahil pumasok sa panaginip niya ang kanyang ina na si Tiya Cecilia. Sinabi raw ni Tiya Cecilia na narito na ang liwanag na posibleng sumira sa sumpa sa lugar na ito at nang makatawid na sa kabilang buhay ang mga nakulong na kaluluwa. Noon siya nag-umpisang magpadala ng mga tao sa lugar na ito."

"Paanong naisip ni lolo na posibleng ako ang sinag?"

"Binalikan niya ako makalipas ang halos isang taon nang walang nagtagumpay sa mga binayaran niyang espiritista na iligtas ang lugar na ito. Sinabi niyang, sinabi ni Tiya Cecilia sa kanya na sa pamilya ninyo rin magmumula ang sinag – pamilya ninyo ang pinagmulan ng sumpa, pamilya ninyo rin ang magwawakas nito. Natakot siyang posible ngang ikaw na apo niya ang sinag, ayaw niyang mapahamak ka, kaya naghanap siya ng iba, ngunit bigo siya. Maging siya, sinubukan niyang hanapin ang liwanag, pero hindi niya nakita. Tanging ikaw lang ang buhay na nakakakita sa kanya, Lukas." Tiningnan ni Mang Pedro si Sunshine.

"Sa ibang apo niya, ang mga pinsan ko, wala bang katulad ko?"

Umiling si Mang Pedro. "Tanging ikaw lang."

"Paano niyang nalaman?"

"Dahil hindi siya tumigil na maging ama sa iyong ama. Nasubaybayan niya ang pagkakaroon nito ng pamilya. Ang pagsilang mo, ang paglaki mo. Matalik ko siyang kaibigan, magkababata kami, kilalang-kilala ko siya. Paninindigan niya ang sinabi niya, mahirap para sa kanyang magpakumbaba. Kaya naman nahiya siyang nagkamali siya. Nagkamali siyang babalik ang iyong ama sa poder niya dahil hindi ito magiging masaya sa buhay – pero naging masaya ang pamilya ninyo kahit naghihirap. Sa tuwing naririto siya, laman ng kuwento niya ang pamilya mo, lalo ka na. Kaya nga alam ko ang pangalan mo, at parang nakilala na rin kita. Bata ka pa lang, alam na niyang may kakayahan ka tulad niya na makakita ng mga multo. Nakita niya ang pag-iwas mo sa mga multo, na siyang dahilan kaya ayaw ka sana niyang ipadala rito..."

Napalunok ako. May tila bumara sa lalamunan ko. May naramdaman akong kirot sa puso ko nang marinig ko ang sinabi ni Mang Pedro. Kung gano'n, hindi pala gano'n katigas ang puso ni lolo. Hindi nawala ang pagmamahal ni lolo kay papa. Maging ako maaring minahal niya bilang kanyang apo nang hindi namin nalalaman.

"Pero bakit niya pa rin ako pinadala rito?"

"Lumalakas ang sumpa at nanganganib makalabas na ang mga multo sa lugar na ito at magpagala-gala. Na maaring pagmulan ng kaguluhan. At ang Tiya Cecilia, humihina na. At nanganganib na ang buhay ng liwanag. At mawawalan na ng pag-asang pabuwag ang sumpa."

"Puwede n'yo po bang ipaliwanag ang tungkol sa sumpa, ang tungkol sa multong 'yon, ang pinagmulan ng lahat ng ito?"

"Iyon nga ang gusto kong gawin. Pero tanong ka nang tanong."

Napalunok ako. Nagkatinginan kami ni Sunshine at parang gusto niya pa akong pagtawanan. May point naman ni Mang Pedro, kaya hayun, tumahimik na lang ako at naghintay sa kanyang kuwento.