webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · Général
Pas assez d’évaluations
39 Chs

KABANATA 15

KABANATA15

NAGHINTAY AKO NG sunod na sasabihin ni Migs. At alam kong gano'n din si Sunshine – nagkatinginan kami at napansin ko sa mga mata niya ang kagustuhang marinig ang kuwento. Naupo siya yakap ang mga tuhod niya na tila gustong itago kung anuman ang nararamdaman niya.

"Ano'ng trahedya?" tanong ko kay Migs.

Muling tumagay si Migs at uminom na dapat ay akin na. "Ikukuwento ko, pero sana 'wag niyo akong husgahan... Sa totoo lang, wala akong lakas ng loob na magkuwento ng mga nasa loob ko. Pero siguro, panahon na para pakawalan ko ang sarili ko, mag-move on, muling mabuhay... at mapatawad ang sarili ko..." pinasadahan niya kami ng tingin ng malungkot niyang mga mata. Muli siyang tumagay sa baso ng alak pero inagaw ko.

"Nakakalamang ka na, p're, kanina ka pa. Baka makatulog ka na at 'di na makapagkuwento niyan," pabirong sita ko sabay laguk sa alak sa shot glass.

Napangisi si Migs. "Okay," tango niya.

"Tungkol 'yon sa dalawang babae, tama?" tanong ni Jane bago ko iabot ang baso sa kanya.

Tumango si Migs at tumikhim. "Ang tingin sa 'kin ng mga tao, nasaktan, naiwan, naghahanap. Oo, 'yon ako. Pero hindi nila alam ang nararamdaman kong pagsisisi sa sarili ko sa nangyari... ang naging kasalanan ko," pagsisimula niya. Inihanda ko ang sarili ko sa mga maririnig ko. Mukhang iba ang magiging takbo ng usapan namin sa hininging pabor ni Sunshine. Pero may palagay ako na ang mga isisiwalat ni Migs ang mas dapat naming malaman. "Ako ang dapat sisihin sa pagkamatay nila. Ako ang dahilan kaya nangyari 'yon... Hindi ako naging mabuting nobyo. Tarantado ako. Manloloko..." uminom siya ng alak. May namumuong luha na sa gilid ng mga mata niya.

Tahimik lang kami ni Jane. Gusto ko nang magtanong kay Migs kung sino ang mga babaeng 'yon at kung ano ang pangalan, para malaman na kung sakaling isa si Sunshine sa mga 'yon at kung ito ang nobya niya. Pero mas pinili kong tumahimik na muna at makinig sa mga sasabihin niya, sa mga bagay na matagal na niyang itinatago sa loob niya – mga salitang dapat nang pakawalan tulad ng pahayag niya kanina.

"Hindi ako naging tapat sa girlfriend ko. Minahal niya ako ng tapat, pero natukso ako. At sa best friend niya pa." Napatayo si Sunshine sa sinabi ni Migs at hindi makapaniwalang ekspresyon ang rumehistro sa kanyang mukha. "Pero minahal ko naman talaga siya. Mahal ko siya. Naging mahina lang talaga ako... Tinapos ko kung anuman ang meron kami ng best friend niya, mas pinili ko girlfriend ko. Pero may hindi pala kami alam tungkol sa pagkatao ng kaibigan niya."

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Masamang tao ang kaibigan ng girlfriend ko. Hindi siya pumayag na gano'n na lang matapos ang lahat sa 'min. Two years na kami ng girlfriend ko, at kaya lang siya nakipagkaibigan sa girlfriend ko ay dahil sa 'kin. Hindi siya pangkaraniwang babae. Sobrang hindi. Hindi ko alam kung maniniwala kayo, pero totoo 'to." Pinasadahan kami ng tingin ni Migs. At nararamdaman kong walang hindi totoo sa sinasabi niya. "No'ng una, akala ko, kabaliwan lang ni Elizabeth, pero totoo pala – na may alam siya sa black magic."

"Si Elizabeth, si?" tanong ni Jane.

"Kaibigan ng girlfriend ko,"

"Mangkukulam siya?" muling tanong ni Jane.

"Parang gano'n," tahimik na sagot ni Migs. Muli siyang humugot ng malalim na hininga sa pagpapatuloy ng kuwento niya. "Nagalit siya nang malamang mas pinili ko ang girlfriend ko. Muntik niya pa akong mapatay gamit ang kutsilyo sa galit niya."

"Talaga? Grabeng babaeng 'yon. Obsessed siya sa 'yo," komento ni Jane.

Tumango si Migs. "Gano'ng uri siya ng babae. Kapag ginusto niya, kailangan makuha niya. Nakakatakot siya. Malayong-malayo siya sa magandang katangian ni Marinelle. At hindi ko alam kung bakit nagawa ko pang lokohin siya," naramdaman ko ang labis na pagsisisi sa tinig ni Migs.

"Marinelle?" paglilinaw ko.

"Si Marinelle, ang girlfriend ko – ang napahamak sa kagagohan ko. Hanggang ngayon, hindi pa siya natatagpuan. Magdadalawang taon na, hindi pa rin siya nahahanap..." Tuluyan nang bumagsak ang mga luhang naipon sa mga mata ni Migs.

Si Sunshine, napaatras siyang nakakuyom ang mga palad. Hindi siya makapaniwala sa kompirmasyong narinig.

Nagpunas ng luha si Migs bago muling nagpatuloy. "Hindi ko alam kung buhay pa siya o patay na. Dito sa lugar na 'to sinasabing huli silang nakita, at dito natagpuan ang bangkay ng kaibigan niya sa gitna ng kagubatan malapit sa bahay na 'to... Umaasa akong mahahanap siya at muli kaming magkikita, at hihingi ako ng kapatawaran sa kanya. At kahit hindi niya ako mapatawad, basta alam ko lang na okay siya...

"Kung talagang patay na siya gaya ng sinasabi ng iba, sana man lang kahit multo niya makita ko. Para kahit paano, alam ko kung nasaan siya, na kasama na niya ang mga magulang niya sa langit."

"Lukas," mahinang sambit ni Sunshine pero kay Migs siya nakatingin. "Gusto kong malaman ang lahat. Ang lahat tungkol sa trahedyang 'yon, maging ang mga nangyari bago ang trahedyang 'yon. Gusto kong marinig ang lahat. Gusto kong malaman ang dahilan kung pa'no ako naging ganito at bakit ko sinapit ang ganito," madiing pakiusap niya. Nanatiling nakatitig siya kay Migs pero hindi sa nanunuyong mga mata kundi sa puno ng katanungan. Nakakuyom ang mga palad niya tanda ng matinding galit na bumabalot sa kanya. Gusto kong sabihing kumalma siya, hawakan ang kamay niya at yakapin siya.

Gusto kong malaman ang lahat nang tungkol sa pangyayaring 'yon, pero parang ayaw kong marinig pa 'yon ni Sunshine – ayaw ko siyang masaktan pa sa mga malalaman niya. Kung puwede lang talagang basta na lang talikuran at kalimutan ang nakaraan. Pero wala akong magagawa dahil karapatan niya 'yon at matagal na niyang hinahanap ang alaala niya, ang nakaraan niya, ang pagkatao niya.

"Ulila na siya, si Marinelle?" tanong ko. Tumango si Migs. Si Sunshine, gumuhit na rin ang luha sa kanyang mukha. "'Yong mga kapatid niya?"

"Wala siyang kapatid," iling ni Migs. "Mag-isa siyang tinaguyod ng papa niya. Namatay ang mama niya sa isang aksidente noong bata pa siya. Nang mawala siya, hindi kinaya ni tito – namatay ang papa niya sa kakaisip, sa pag-aalala sa kanya."

"Bakit pumunta sa lugar na 'to sina Elizabeth at Marinelle? Ang alam ko, matagal nang kinatatakutan ang lugar na 'to."

"Para gumawa ng ipinagbabawal na ritwal," sagot ni Migs. "Sabi ng mama ni Elizabeth, mas magagamit daw ni Elizabeth ang black magic niya sa ganitong lugar. At araw pa 'yon ng mga patay kung saan mas malakas raw ang kapangyarihang itim."

"Paanong alam ni Elizabeth ang lugar na 'to? Paanong nadala niya si Marinelle rito? Malapit lang ba kayo sa lugar na 'to?"

"Taga-Maynila kami. At sa uri ng pagkatao ni Elizabeth, hindi imposibleng malaman niya ang ganitong lugar na pugad ng mga multo at balita pang may sumpa. Dinukot ni Elizabeth si Marinelle dahil nga hindi niya matanggap na mas pinili ko si Marinelle. Tinawagan niya ako at tinanong sa huling pagkakataon kung sino ba talaga sa kanila ang pipiliin ko? Ang sagot ko, si Marinelle. Dahil talagang mahal ko ang girlfriend ko. Nang mga oras na 'yon hawak na pala ni Elizabeth si Marinelle – narinig ko ang pagsigaw niya ng tulong. Nang tanungin ko kung nasaan sila, ang sagot ni Elizabeth, babalikan niya ako bilang si Marinelle at magsasama kaming dalawa."

"Ano'ng ibig sabihin no'n?" tanong ni Jane.

"Pumunta ako sa bahay nina Elizabeth, nagbakasakali akong nando'n sila. Nadatnan ko do'n ang mama niya, nagmakaawa itong pigilan ko si Elizabeth sa masamang balak nito... Papatayin ni Elizabeth si Marinelle."

Halos hindi ako makahinga sa huling sinabi ni Migs. Magagawa pala talaga ng tao na pumatay para sa pag-ibig? Gano'n ba makapangyarihan 'yon para mawala ang isang tao sa katinuan niya at gumawa ng masama? Si Jane, hindi niya natuloy ang pag-inom ng hawak niyang alak. Si Sunshine, naramdaman ko ang matinding galit niya.

"At magpapakamatay siya pagkatapos no'n, matapos niyang patayin si Marinelle at mabigkas ang urasyon ng ritwal ng pagpapalit ng katawan." Pagpapatuloy ni Migs. "Gamit ang black magic na alam ni Elizabeth, sasanib siya sa wala nang buhay na katawan ni Marinelle – mabubuhay siya bilang si Marinelle."

Mas tumindi ang emosyon sa loob ng bahay sa pagpapatuloy ni Migs at mas lalong hindi makapaniwala sa mga narinig ang rumehistro sa mukha namin ni Jane. Si Sunshine, naging pula ang kanyang mga mata at lumitaw ang mga ugat sa kanyang balat tanda ng mas matinding galit na nararamdaman niya. May bahagi ng utak ko na sumisigaw na yakapin ko si Sunshine at ilayo. Pero mas namayani sa utak ko ang tumahimik at pasimple ko na lang sinenyasan si Sunshine na ikalma ang sarili. Nagdadalamhating pumikit si Sunshine na mas lalong nagpadaloy sa mga luha niya. Sa pagdilat niya, wala na ang mga ugat sa kanyang katawan at normal na ang mga mata niya, pero nanatiling nakakuyom ang mga kamay niya.

"At magsasama kayong dalawa, siya bilang si Marinelle," hindi makapaniwalang konklusyon ko na paninigurado na rin sa narinig ko batay sa kuwento ni Migs. Tumango-tango si Migs. "May litrato ka ba nila?" tanong ko. Gusto kong mas makasiguro kung si Sunshine nga ang babaeng si Marinelle dahil parang ayaw kong tanggapin na gano'n kasaklap ang dinanas niya. Nasasaktan ako sa mga nangyari sa kanya.

"Picture lang ni Marinelle ang meron ako," sagot ni Migs. Kinuha niya ang pitaka niya sa likod na bulsa ng maong niyang pantalon, may kinuha siya rito at inabot sa 'kin.

Si Sunshine nga, nasabi ko sa sarili ko nang hawak ko na ang litrato. Medyo nanginig pa ang mga kamay ko. Ang multong nagugustuhan ko na, siya nga si Marinelle. Masaya siya sa picture kasama si Migs na nakayakap sa kanya. Pasimple kong nilingon si Sunshine. Nakatingin din siya sa litrato na animo'y gusto nang punitin ito. Naramdaman ko na lang na may kumuha ng litrato sa kamay ko.

"Ang ganda niya," komento ni Jane hawak ang picture.

"Um. Talagang napakaganda niya," pagmamalaki ni Migs na may luha sa mga mata nang ibalik ni Jane ang litrato sa kanya. "Gago lang talaga ako..." tawag niya sa sarili niya na palihim kong sinang-ayunan sa isip ko. "Sana naman, hindi naisakatuparan ni Elizabeth ang plano niya. Naiisip kong maaring gumagala ngayon si Marinelle pero hindi talaga siya si Marinelle. Pero kung nagawa naman 'yon ni Elizabeth, bakit hindi pa siya magpakita? Lumipas na ang taon at magdadalawang taon na sa susunod na buwan. May mga isinama na rin akong paranormal experts dito at mga ipinadala para subukang makausap ang kaluluwa ni Marinelle kung sakaling patay na siya, pero walang nagtagumpay. Ibang mga kaluluwa ang nasasagap at nakikita nila, hindi si Marinelle – kaya naiisip kong buhay pa siya. Pero nasaan siya? Ba't 'di na lang siya magpakita at magalit siya sa 'kin. Awayin niya ako. Sumbatan. Murahin. Kahit pa patayin ako. Dahil ang buhay ko ngayon para din namang kamatayan – nabubuhay ako sa dilim at pait ng mga alaalang 'yon..." tuluyan nang umiyak si Migs at napahawak siya sa ulo niya at nanginginig ang mga kamay niya.

Naramdaman ko ang labis na lungkot at nakikita ko kung gaano kadilim ang buhay ngayon ni Migs. Na parang isang kasalanan kapag naging masaya siya dahil sa mga kasalanang nagawa niya na may buhay pang napahamak. Pero sa kabilang banda ng utak ko, gusto kung sabihin sa kanyang gago siya! Na dapat niya lang maramdaman ang sakit at pagsisising dinaranas niya dahil tarantado siya at walang kuwenta!

Totoo ngang sa mundo, kahit gaano ka pa mag-ingat at maging mabuti, kung may mga gagong tulad ni Migs at may siraulo pang ma-inlove, mapapahamak at mapapahamak ka. Si Sunshine, nagmahal lang siya ng tapat, pero siya ang napahamak. Naging biktima siya ng mga taong masasama ang loob.

"Ano ang kulay ng damit no'ng Elizabeth nang matagpuan ang kanyang bangkay?" tanong ko nang mahimasmasan na si Migs.

"Parang gown na kulay green?" nangangapang sagot ni Migs. "Suot daw ni Elizabeth ang gano'n sa tuwing may gagawin itong ritwal." Tama ang hinala ko na ang multong nakaberde at si Elizabeth ay iisa. Hanggang ngayon hindi niya pa rin tinitigilan si Sunshine.

"Ano kaya ang nangyari sa kanila nang araw na 'yon?" natanong ni Jane.

"Marahil hindi raw naisip ni Elizabeth na puwedeng manghimasok ang mga kaluluwang gala sa lugar na 'to sa gagawin niyang ritwal at magka-interes ang mga ito na sumapi sa wala nang buhay na katawan ni Marinelle," tugon ni Migs. "Iyon ang isa sa posibleng dahilan sabi ng ina ni Elizabeth. Posibleng may nanghimasok sa plano niya – posibleng nagtagumpay siya o pumalpak. Walang nakakaalam."

Hindi nagtagumpay si Elizabeth. Hindi niya napasok ang katawan ni Marinelle – ni Sunshine. Narito siya sa paligid. At hanggang ngayon, ginugulo niya pa rin si Sunshine. Napatingin ako kay Sunshine. Ano nga kaya ang nangyari nang araw na 'yon? At nasaan ang katawan niya? Natanong ko sa sarili ko.