webnovel

Rowan's Odyssey

May tatlong dahilan kung bakit hindi makatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Pangalawa, may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa. At pangatlo, kailangan niyang malaman kung paano siya "namatay" Sa tulong ng misteryosong lalaki na nagpakilalang si "Jack", magagawa kaya ni Rowan na makatawid sa kabilang-buhay sa tamang oras? O tuluyan na bang magiging huli ang lahat para sa kaniya?

Rosencruetz · Horreur
Pas assez d’évaluations
19 Chs

Kabanata II: Paglalakbay

Ang bawat paglalakbay ay nagsisimula sa takot.~ Jake Gyllenhaal ~

-----

Ang sabi nila, may dalawang landas na maaaring patunguhan ang isang tao kapag ito ay namatay:

Ang paraiso, o ang impyerno.

Maglalakbay 'di umano ang kaluluwa patungo sa kalangitan kung siya ay napatunayang nabuhay ng matuwid at naging mabuting tao sa lupa. Mararating niya ang inaasam ng lahat na paraiso, ang lugar kung saan wala ng pagdarahop, sakit, at kamatayan na umiiral.

Subalit hindi lahat ng namamatay ay pinapalad na makarating sa paraiso. Parating bukas ang pintuan ng impyerno para sa mga kaluluwang puno ng kasakiman, mapaghiganti, at buong buhay na namuhay sa kasalanan. Doon ay daranasin nila ang matinding pagdurusa at paulit-ulit na kamatayan, at hindi sila makasusumpong ng kapatawaran at kapahingahan kailanman.

Ngunit si Rowan?

"Narito na tayo."

Mukhang hindi pa malinaw sa ngayon kung sa paraiso ba o sa impyerno siya dadalhin ng kaniyang paglalakbay.

"Maghanda ka na. Sa lugar na ito mag-uumpisa ang paglalakbay mo, Rowan."

Isa iyong malawak na pulang karagatan na nababalutan ng makapal na pulang hamog. At habang tumatagal ang pagtitig ni Rowan sa buong karagatan ay hindi niya maiwasang hindi mapansin ang matingkad nitong kulay na akma sa tema ng lugar; ang kulay ng kamatayan. Kumukurot sa ilong ang matapang na amoy ng tubig na para kang literal na nagpakulo ng kalawang sa malansang sabaw. At sa gitna ng nasabing karagatan ay makikita ang isang malaki, magubat at mukhang mapanganib na isla na nababalutan din ng makapal na pulang hamog kung saan 'di umano'y magsisimula ang totoong paglalakbay ng binatang si Rowan kasama ang misteryosong lalaki na nagpakilala sa pangalan na Jack.

Pasimpleng nagnakaw ng tingin si Rowan sa kaniyang kasama na abala sa pagsagwan sa sinasakyan nilang bangka.

Pwede ko ba talagang pagkatiwalaan ang lalaking 'to? Ni hindi ko nga siya kilala eh, pero handa siyang tulungan ako na makatawid sa tinatawag nilang liwanag. Bakit kaya? Posible kaya na...nagkita na kami dati?

At dahil mahaba-haba pa ang oras na hihintayin nila bago makarating sa isla kaya naisip ng nagpakilalang gabay na si Jack na magpahinga muna't aliwin ang kaniyang sarili. Kinapkap niya ang kaniyang bulsa at kinuha ang isang kulay pilak na prasko na may laman na alak. Sumandal siya sa gilid ng bangka at pagkatapos ay saka niya ininom ang laman ng hawak niyang prasko.

"Haaa...ang sarap!"

Pinunasan ni Jack ang tumulong alak mula sa kaniyang bibig gamit ang laylayan ng suot niyang mahabang itim na manggas. Pumagitna sa kanila ni Rowan ang makapal na pader ng katahimikan na siyang nagbigay ng pagkakataon kay Jack para pagmasdan ng matagal ang binata.

Hanggang sa...

"Rowan...?"

Nakuha ni Jack ang atensyon ng nananahimik na binata.

"Wala ka ba talagang matandaan maski isa tungkol sa sarili mo, o sa kahit na sino? Kahit...kaunti lang?"

"Ha?"

Nanibago si Rowan sa paraan ng pagtatanong ni Jack na para bang may gusto itong ipahiwatig na hindi nito masabi ng diretso sa kaniya.

"Anong ibig mong sabihin? Bakit mo naman biglang naitanong 'yan?"

"Ah...."

Nag-alangan si Jack na sumagot at pagdaka'y inilihis nitong bigla ang paksa ng usapan.

"W—wala naman. Huwag mo na lang pansinin ang tanong ko. Hindi naman 'yon importante."

Nagkaroon ng bahagyang gusot ang noo ni Rowan at walang anu-ano'y ipinaling niya ang kaniyang tingin sa nagsalitang si Jack. Umigting pa lalo ang pagtitig niya sa bawat tampok at mga palatandaan sa mukha't pangangatawan ng kaniyang gabay hanggang sa 'di niya namalayang nakapagbitiw na pala siya ng tanong ng 'di niya sinasadya.

"Kanina ko pa iniisip ito pero...pero parang pamilyar ka sa akin. Nagkita na ba tayo dati?"

Kitang kita ni Rowan kung paano lumihis ang tingin sa kaniya ni Jack na para bang may kung ano itong iniiwasan na maungkat o 'di kaya'y masabi na kakaiba.

"H—hindi pa. Hindi pa tayo nagkita dati. Ngayon pa lang, maniwala ka."

"Talaga?"

Duda si Rowan sa naging sagot sa kaniya ni Jack. Ngunit imbis na mag-urirat ay hinayaan lang ni Rowan ang kakaibang sagot at ikinilos ni Jack sa pag-aakalang wala itong direktang kinalaman sa kaniya.

Isinilid na ni Jack ang kaniyang prasko na may laman na alak sa loob ng kaniyang bulsa at saka siya muling bumalik sa pagsagwan sa bangka.

Mayamaya pa...

"Malapit na tayo."

Itinuro ni Jack ang isang malaking isla na nasa harapan nila. Sa unang tingin ay mukha lang 'yong isang tipikal na isla na nababalutan ng pulang hamog. Ngunit ang talagang kakaiba sa islang 'yon ay ang kakayahan nito na gumalaw at maglakbay saan mang parte ng karagatan.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Jack at agad niyang binilisan ang pagsagwan. Hindi nagtagal ay nakarating din sila sa pampang kung saan ang sumalubong sa kanila ay ang manginit-nginit at mapulang buhangin ng dalampasigan. Wala namang gaanong pinagkaiba ang buhangin sa islang iyon sa tipikal na buhangin na makikita sa mga natural na tabing-dagat. Maliban lang talaga sa matingkad na pulang kulay nito at sa mga maliliit at kakaibang mga nilalang na naninirahan sa lugar na iyon.

Bumaba na sina Rowan at Jack sa bangka. Naglakad sila hanggang sa makarating sa bungad ng kagubatan. Doon ay nakita ni Rowan ang isang malaking pinto na gawa sa tinirintas na mga sanga ng naglalakihang mga puno. Balot ito ng mga lumot at mga matitinik na baging na lalo pang nagbigay ng nakapangingilabot na unang impresyon sa nasabing pinto.

"Handa ka na?" itinapat ni Jack ang hawak niyang gasera sa pintuan. "Papasok na tayong dalawa."

Itinapat ni Jack sa pinto ang liwanag mula sa gasera. Pagkatapos ay dahan-dahan na kumalas sa pagkakatirintas ang mga sanga ng puno at kusang nahawi ang mga nakabalot na baging sa pinto. Hindi naman maitago ni Rowan ang kaniyang kaba noong mga oras na iyon, lalo na't wala siyang ideya kung anu-ano ang mga bagay na maaari niyang makikita sa likod ng pintong iyon. Naglalaro sa isip niya ang samu't-saring nakakatakot na mga imahe, dahilan para bigla siyang mapapikit nang hindi niya namamalayan. Mabuti na lang at naroon ang gabay niyang si Jack. Kinalabit siya nito at sinabihan siya na imulat ang kaniyang mga mata upang makita ang tanawin na nasa harapan nila.

"Buksan mo ang mga mata mo, Rowan."

Nag-aalangan si Rowan na buksan ang mga mata niya. Pero nakumbinsi siya ni Jack kaya dahan-dahan niya itong ginawa hanggang sa tuluyan na niyang naimulat ang kaniyang mga mata. Hindi naman niya inakala na ang tanawin na bubulaga sa kaniya ay malayung malayo sa mga bagay na naiisip niya kanina. Isang tanawin na talaga namang makalaglag-panga.

A—ang ganda...

Labis ang paghanga ni Rowan sa ganda ng tanawing nasa harapan niya, lalo na sa mga higanteng puno, mga baging, at mga ugat na nagkalat sa buong lugar. Tumatagos ang malamlam na liwanag sa mga siwang ng mga dahon at sanga ng mga higanteng puno, at hindi rin mawawala sa tanawin ang mga liryo na nagsisilbing tahanan ng mga nagliliwanag na paru-paro na hitik sa lugar na iyon.

"Alam kong nagandahan ka sa lugar na ito." Wika ni Jack sa kaniya. Bitbit parin ng ginoo ang kaniyang gasera habang patungo sila sa paliko at mapunong parte ng kagubatan. "Pero may hinahabol kasi tayong oras, kaya tara na."

"O—o sige. Tara."

Ipinagpatuloy ni Rowan ang pagsunod niya kay Jack. Aminado siya na hindi madali ang pagpasok sa bahaging iyon ng kagubatan dahil sa makakapal at nagtataasang mga damo, siksikang mga punong kahoy at buhol-buhol na mga ugat at baging na nakaharang sa kanilang dinaraanan.

"Malayo pa ba tayo, Jack?" Tanong ni Rowan sa kaniyang gabay. Lagpas isang oras na kasi silang naglalakad sa gitna ng kagubatan ngunit para bang walang pinatutunguhan ang kanilang paglalakad.

"Malapit na. Medyo nagbago lang kasi ng kaunti ang lugar na ito eh. Sigurado ako na nandito lang ang lungga niya."

"Lungga? Nino?"

Hindi na sinagot pa ni Jack si Rowan. Nagpatuloy na lang sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa isang lugar kung saan makikita ang isang napakalaking kuweba.

"A��anong lugar 'to?"

Napaatras ng bahagya si Rowan nang makita niya ang nasabing kuweba. Nagkalat sa paligid nito ang napakaraming bungo at buto mula sa mga namatay na hayop. Kumukurot sa ilong ang masangsang na amoy ng paligid dahil sa inuuod na mga lamang-loob na nakasabit sa entrada ng kuweba na parang mga palamuti. Ngunit kung mayroon mang higit na nakakakilabot sa mga bagay na makikita roon, iyon ay walang iba kundi ang dami ng mga langaw na kasing laki ng hinlalaki at sandamukal na itim na ibon na nagkukumpulan sa mga piraso ng karne at pinagpipiyestahan ang mga nanginginain na mga uod.

"N—nakakadiri naman ang lugar na 'to!" daing ni Rowan habang pilit niyang tinatakpan ang kaniyang ilong para hindi siya lalong mahilo't masuka sa amoy ng lugar.

Mayamaya pa'y nagpasiya si Jack na lumapit sa bungad ng kuweba at sumigaw ng malakas.

"Hoy! Sluagh! Nand'yan ka ba?! Lumabas ka d'yan!"

Hindi nagtagal ay lumabas mula sa loob ng kuweba ang isang lalaki na sa unang tingin ay aakalain mo na isang payaso dahil sa kapal ng kolorete at pintura nito sa mukha. May suot itong kulay pulang sombrero na kakulay ng napakapula niyang mga labi na lagpas-lagpasan ang pagkakaguhit, habang agaw-pansin naman ang itim na guhit sa ilalim ng kaniyang mga mata na mamula-mula dahil sa puyat. Nakakasilaw rin ang suot niyang makulay na damit na daig pa ang palamuti sa disko at ang buhok niya na kulay pula na parang 'di sinuklay ng isang linggo.

"At anong masamang hangin naman ang nagdala sa iyo dito huh, Jack! At inabala mo pa talaga ang oras ng siyesta ko!"

Tinangka ng lalaking mukhang payaso na gusutin ang maalong itim na buhok ni Jack. Pero agad na natapik ni Jack ang kamay ng lalaki at mabilis niya itong tinutukan ng patalim sa leeg bilang pagbati.

"Subukan mo lang na hawakan ang buhok ko, may kalalagyan ka sa akin, Sluagh."

Napangiti ng hilaw ang lalaking mukhang payaso at nagwika...

"Oh! Kalma lang! Binibiro lang naman kita eh." Dahan-dahan na itinulak ng lalaking mukhang payaso na tinawag ni Jack sa pangalan na Sluagh ang patalim na itinutok ni Jack sa kaniyang leeg. "Alalahanin mo, ikaw ang may kailangan sa akin kaya dapat lang na maging mabait ka."

"P'wes, ayusin mo ang sarili mo."

Kusang pinakawalan ni Jack ang lalaking si Sluagh na parang walang nangyari. Habang naging pala-isipan naman kay Rowan kung sino ang payasong kausap ni Jack at kung ano ang relasyon nito sa kaniyang gabay.

"Sino ba s'ya, Jack?" tanong ni Rowan kay Jack nang siya'y lumapit para mag-usisa.

"Ah, s'ya ba?" at sinagot naman ni Jack ang tanong ng binata. "Sluagh ang tawag sa kaniya ng lahat. Pero 'yong totoo? Isa lang s'yang kolektor na mahilig magdamit payaso."

"Isa s'ya kamong kolektor? At ano naman ang kinokolekta niya?"

"Gusto mo ba talagang malaman?"

Nagdalawang-isip si Rowan na umoo dahil para siyang dinidismaya ni Jack na lalong mag-urirat.

"Sige na nga. Huwag na lang. 'Di bale na."

Hindi nagtagal ay napansin ng payaso ang binatang kasama ni Jack na si Rowan na kanina pa naduduwal dahil sa masangsang na amoy mula sa mga nabubulok niyang palamuti sa kuweba.

"T—teka, siya na ba ang huli mo, Jack?"

Huli?

Mabilis na pumihit ang tingin ni Rowan sa kasama niyang si Jack. Gusto niyang magtanong tungkol sa kaniyang narinig, ngunit hindi siya makasingit dahil sa sunud-sunod na palitan ng pag-uusap nina Jack at ng lalaking nagngangalang Sluagh tungkol sa ilang mga bagay na hindi naman niya gaanong maunawaan.

"Tama na nga 'yang kakatanong mo. Kailangan ko ng tulong." Diretso at walang paliguy-ligoy na saad ni Jack. "Gusto kong beripikahin mo ang pangalan niya sa aklat mo. Pakibilisan lang dahil may tutugisin pa akong buwitre pagkatapos nito."

Ngunit imbis na sumunod ay tinawanan pa ng payasong nagngangalang Sluagh ang kaniyang bisita.

"Ayos karin makautos, ano? Ni wala ka manlang pakiusap!" Nilapitan ni Sluagh si Jack upang bigyan ito ng masamang tingin. "Baka nakakalimutan mo, siyam na pu't walo na pabor na ang ginawa ko para sa iyo. Wala ka manlang bang ibibigay sa akin na kapalit para sa pinakahuling kaluluwang...ehem, alam mo na?"

"Alam kong sasabihin mo 'yan." Tinapatan ni Jack ng masamang tingin ang panlilisik ng mata sa kaniya ni Sluagh. "Ibibigay ko sa iyo ang matagal mo nang gustong makuha sa akin. Iyon ay kung gagawin mo muna ang trabaho. Ako ang kostumer, kaya dapat lang na ako muna ang masunod bago ikaw."

Lumapad ang guhit sa labi ng payaso.

"Iyan ang gusto ko sa iyo, Jack. Tulad ka parin ng dati, naninigurado sa lahat ng bagay."

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang payaso't iniladlad niya ang kaniyang kamay sa ere. Hindi nagtagal ay isang malaking grupo ng nagliliwanag na paru-paro ang dumating dala ang isang malaking aklat na ang kapal ay nasa dalawang talampakan. Kapansin-pansin na sa kabila ng pagiging malaki at makapal nito ay para lang itong bulak sa sobrang gaan. Kaya itong buhatin ng mga paru-paro na hindi manlang sila nahihirapan.

Binasa ni Sluagh ng kaniyang malagkit na laway ang kaniyang mga daliri at nagtanong.

"Pangalan ng kaluluwa?"

"Rowan." Sagot ni Jack sa kaniya.

Mabilis na binuklat ng lalaking si Sluagh ang pahina ng aklat at hinanap ang pangalan ni Rowan sa talaan na hawak niya.

"Nahanap ko na!"

Ngunit...

"Teka, teka..."

Tila ba may mali sa listahang hawak ni Sluagh noong mga oras na iyon. Naroon ang pangalan ni Rowan, ngunit ni isang detalye tungkol sa binata ay walang nakatala sa aklat.

"Mukhang may problema tayo."

Nang marinig ni Jack at Rowan na may problema ay agad silang nagpalitan ng tingin sa isa't-isa.

"Anong problema, Sluagh?" usisa ni Jack sa kausap.

At sinagot ni Sluagh si Jack. Diretso at walang paliguy-ligoy.

"Pasensya na, kaibigan. Pero ang batang kasama mo, hindi s'ya maaaring makakatawid sa kabilang-buhay."