NAABUTAN NIYA ANG kanyang ama na naglilinis ng kanilang bahay. Halatang nagulat ito nang makita siya. "Anak, 'di ba may klase ka?"
Pagkatapos nilang mag-usap ng ina ni Zach ay hindi na siya pumasok sa iba niyang klase. Nawalan siya ng gana kaya umuwi na lang siya sa kanila.
"Mommy naglilinis ng bahay si Lolo kasi uuwi na si Lola dito." masayang wika ni Trisha nang makita siya.
Muntik na niyang makalimutan na lalabas na mula sa hospital ang kanyang ina sa susunod na araw. Malaki ang pasasalamat niya sa mga kapit-bahay nila dahil nagsalit-salitan ang mga ito na magbantay sa hospital upang makapasok silang magkapatid sa eskwelahan.
"Dapat good girl ka para kapag umuwi na si Lola ay hindi sumakit ang ulo niya. Maliwanag?"
"Yes 'My. Tutulungan ko si Lolo na maglinis." Niligpit nito ang nakakalat na laruan. Pagkatapos kumuha ito ng walis at dustpan.
"Anak, nagugutom ka ba? Gusto mong ipagluto kita?"
Hindi niya sinagot ang tanong nito. Mataman niyang pinagmasdan ang ama. Tumanda ito ngunit matikas pa rin ang pangangatawan nito. Kahit galit siya sa ama ay aaminin niyang na-miss niya ito. "Pa, bakit mo kami iniwan?" wala sa loob na tanong niya.
Marahil nagulat ito sa tanong niya. Halatang hindi nito inaasahan na kakausapin niya ito kaya hindi ito nakapagsalita.
"Alam mo ba kung gaano kahirap na wala ka? Ikaw lang ang nakakaalam sa pinagdaanan ko pero wala ka noong panahong kailangan kita. Hindi ko naman masabi kay Mama ang nanagyari dahil natatakot ako na baka lalong kamuhian ka niya. Tiniis ko ang lahat ng hirap 'Pa." hindi niya mapigilan ang pag-iyak.
"Patawarin mo ako anak. Nahihiya ako sa'yo dahil ikaw ang nagbayad sa mga kasalanan ko. Tinalikuran ko kayo dahil hindi ko matanggap na ang pag-aasam ko na umunlad sa madaling paraan ay magiging dahilan ng pagbagsak ko at pagkasira ng pamilya natin. Wala akong mukhang maiharap sa inyo, lalo na sa'yo dahil nadamay ka sa pagkakamaling nagawa ko. Naging duwag ako anak. Patawad."
"Bakit ganoon? Okay ka na pero ako hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin? Wala naman akong masamang ginawa. Nagmahal lang naman ako, kasalanan bang maituturing iyon?"
Pinahid ng kanyang ama ang naglandas na luha sa kanyang mukha. "Hindi kailanman naging kasalanan ang magmahal. Ang makasalanan ay iyong mga taong humuhusga at humahadlang sa pag-iibigan ng dalawang taong nagmamahalan."
Niyakap siya ng ama kaya lalo tuloy siyang humagulhol nang iyak. Ngayon niya lang ulit naramdaman na buo ang pagkatao niya dahil dito.
"Alam kong muli kayong nagkaroon nang ugnayan ni Zach. Ayaw niyang ipaalam sa'yo na araw-araw siyang dumadalaw sa hospital at tinataon niyang wala ka doon. Nararamdaman kong may hindi kayo pagkakaunawaang dalawa pero sana maging maging okay na."
Bakit kailangan pa nitong pumunta sa hospital? Bakit gusto nitong mapalapit sa pamilya niya gayong may nobya ito?
"Sa susunod na dumalaw siya ay ipagtabuyan niyo po. Hindi na siya dapat lumalapit sa pamilya natin dahil baka may masama na namang gawin ang ina niya sa pamilya natin."
"Bakit anak, muli ka ba niyang kinausap?" nag-aalalang tanong nito.
Marahan siyang tumango bilang tugon.
"MOM, KAILAN KA PA dumating sa Pilipinas?" walang ka-emo-emosyong tanon niya sa ina.
"Are you not happy that I'm here? Dapat sinalubong mo ako ng yakap hindi ng tanong." Kunwari ay nagtatampo ito.
"Mom I'm asking you so please answer me." Hindi siya natutuwa na makita ito dahil kukulitin siya nitong bumalik sa Amerika upang mag-aral ng medesina.
"Yesterday, nagpahinga muna ako bago kita dinalaw dito." pagsisinuwaling nito.
"You're lying. Matagal ka nang dumating dito sa Pilipinas."
Umarko ang kilay nito. "Nagsumbong ba sa'yo si Chloe?"
Nagulat siya sa tanong nito. Hindi pa sila nag-uusap ng dalaga at hindi ito ang nagsabi sa kanya na nasa Pilipinas ang kanyang ina. Ang isa pa niyang ipagtataka ay bakit naaalala pa nito si Chloe. Sa pagkakatanda niya hindi pa nagkita ang dalawa sa personal. Pero mas nagulat siya sa sunod na sinabi ng kanyang ina.
"Ang tigas talaga ng ulo ng babaing iyon. Akala ko nagkaintindihan na kami."
"Hindi si Chloe ang nagsabi sa'kin na matagal ka nang dumating dito. Tumawag si Lovelein kaya ko nalaman." Biglang nawalan ng kulay ang mukha ng kanyang ina. Nagmistula itong papel sa sobrang putla. "Nagkita kayo ni Chloe? Hindi ko siya ipinakilala ng personal sa'yo noon kaya paano mo siya nakilala?" sinadya niyang huwag ipakilala ang dalaga sa kanyang ina dahil iba ang ugali nito.
"Ha? Wala akong sinabing nagkita kami." Pagkakaila nito.
"Hindi mo sasabihin na nagsumbong sa'kin si Chloe kung hindi kayo nagkita o nagkausap. Anong ginawa mo sa kanya?" nagpipigil sa galit na tanong niya sa kanyang ina.
May kinalaman kaya ito sa napapanaginipan ng dalaga? Nagtanong kasi siya sa ina ni Chloe kung madalas bang nanaginip ng masama ang dalaga. Ang sabi ng ginang ay simula noong third year high school ang dalaga ngunit natigil iyon nang dumating si Trisha. At napansin ng ginang na nanaginip ulit ng masama ang dalaga nitong mga nakalipas na buwan.
"Wala akong ginagawang masama sa kanya."
"Mom, kung hindi ka magsasabi ng totoo kakalimutan ko na ina kita." Banta niya dito.
"Gagawin mo iyon sa sarili mong ina para lang sa isang babae?" galit na tanong nito.
"Hindi siya basta-bastang babae lang. Mahal ko si Chloe. Kakalabanin ko lahat nang mananakit sa kanya kahit sarili ko pang ina." Matapang niyang sagot.
"You're crazy! Hindi kayo bagay. Ano bang ginawa ng babae na iyon bakit hibang na hibang ka sa kanya? Pati ako kinakalaban mo."
"She's my everything."
"But I'm your mother! Wala ka sa mundong ito kung hindi dahil sa'kin."
"No Mom, you're wrong. Ikaw nga ang nagluwal sa'kin pero hindi ko naramdaman ang pagiging ina mo. Tinalikuran mo kami ni Dad dahil sa career mo. Ilang beses akong nakiusap sa'yo na huwag kang umalis pero hindi ka nagpapigil. Ilang beses kang nangako na babablik ka pero hindi mo ginawa. Wala ka sa tabi ko noong panahong may sakit ako. Lahat ng classmate ko may nanay maliban sa'kin."
"Lumaki akong takot humarap at magsalita sa maraming tao. Pakiramdam ko kasi walang taong tatanggap at magmamahal sa'kin dahil tinalikuran ako ng sarili kong ina. Kaya natuto akong gumawa ng sarili kong mundo. Ngunit nagbago ang lahat ng iyon nang dumating sa buhay ko si Chloe. Tinanggap niya ang buong pagkatao ko taliwas sa inaasahan ko. She made me feel that I'm special. She made me feel that I deserved to be loved."
"Baka nakakalimutan mo ang ginawa niya sa'yo noon? Sinaktan ka niya Zach. Hindi ka niya totoong minahal. Kaya ka sumama sa Amerika upang kalimutan siya, 'di ba?"
Nagsalubong ang kanyang kilay dahil sa pagtataka. "Wala akong sinabi sa'yo tungkol sa bagay na 'yon." Natigilan ang kanyang ina. At maging siya ay natigilan din dahil unti-unti niyang napagtatanto ang totoong nangyari. "May kinalaman ka ba sa nangyari noon?"
P.S.
Salamat po sa ❤️ para sa Someone Like You.
Sana hindi pa po nakakabasa ng iba kong istorya, basahin niyo na po. Salamat.