webnovel

Special Chapter - A Letter for My Scalar

Makalipas ang limang taon...

"Papa... Papa.. gising na, Papa!"

Nakaramdam ako ng pagyugyog sa akin. Dalawang mumunting kamay ang nakalapat sa aking dibdib at kasabay nito ang pagyugyog nito sa akin.

"Papa! Diba sabi mo aalis po tayo? Gising ka na po!" ani ng munting tinig sa akin.

Nagmulat ako ng mga mata at nasilaw ako sa sinag ng araw na naggagaling sa labas. Bumaling ako sa aking kanan at nakitang alas sais pasado na ng umaga. Pupungas pungas kong tinignan ang batang ngayon ay nakabusangot at nakahalukipkip na nakatingin sa akin.

"Good morning, Arvee." Nakangiti kong bati dito ngunit nanulis lamang lalo ang nguso niya.

"Hmmp! Hindi po good ang morning ko! Sabi mo aalis tayo, 'di ba po? Tayo ka na, Papa! Tanghali na po!" ungot nito. Napangiti ako.

"Haha. Pasesya na, anak. Pagod lang si Papa," paliwanag ko saka bumangon at nag inat. "Sige na anak. Punta ka na kay Mama. Maliligo lang ako, okay?" sabi ko dito. Tumango naman siya at lumabas ng kwarto.

Nagtungo ako sa bintana at hinawi ang kurtinang nagsisilbing kubli sa sikat ng araw. Bumungad sa akin ang maaliwalas na umaga at ang ang marahang paghaplos ng hangin sa umaga. Ang sarap sa pakiramdam.

Nagtungo na agad ako sa banyo at naligo. Baka kasi magalit na naman ang anak ko at magtampo, mahirap na. Ang hirap pa namang suyuin.

Matapos kong maligo ay lumabas ako ng banyo at naabutan ko ang asawa kong aligagang nag liligpit ng hinigan.

"Good morning!" bati ko dito na ikinagulat niya.

"Harvy! Bilisan mo nang magbihis at nagmumukha nang woodpecker ang anak mo sa tulis ng nguso. Naku, manang mana talaga sayo!" aniya saka ipinagpatuloy ang pagliligpit. Natawa lang ako at napapailing na kumuha ng damit at nagbihis na.

Nauna nang bumaba si Jade sa akin dahil aasikasuhin pa niya si Arvee na nagmumukha na nga daw wood pecker. Haha. Tama ba namang ihalintulad sa ibon ang anak namin?

"Papa, pan cake po please!"  ani Arvee saka pinagdikit ang mga palad at tinitigan ako gamit ang namimilog na mga mata.

"Opo. Eto na nga po," natatawang sabi ko saka siya nilagyan ng pancake sa plato. Ngiting ngiti naman niyang kinuha ang chocolate syrup saka nilagyan ang mga pancake sa kanyang plato.

"Anak, anong sabi ng dentist sayo? Bawasan daw ang sobrang matatamis diba?" saway ni Jade.

"E, Mama, konti lang naman po, e. Mga ganito lang po, o," ani Arvee saka ipinakita sa daliri niya kung gaano ka'konti'. Haha. Pasaway talaga. Napailing nalang sa kanya ang mama niya habang ako naman e napapangiti nalang.

Matapos mag almusal ay agad na umakyat si Arvee para makaligo at makapagbihis na.

"Ako nang maghuhugas ng mga pinggan. Ikaw nang magpaligo kay Arvee," pagpiprisinta ko nang aktong hahawakan na niya ang mga pinggan.

Ngumiti naman siya. "Thanks. Paniguradong ligong uwak na naman 'yon pag hindi nabantayan." Aniya saka ako binigyan ng halik sa pisngi. Nakangiting napailing nalang ako.

"Papa! Ready na po ako! Tara na po! Excited na ako!" patakbong bumaba ng hagdan si Arvee na ngayon ay nakabihis na. Simpleng t-shirt at maong na shorts ang suot niya saka knee high socks. Madalas niya kasing makita yung ganung porma sa mga anime na napapanuod niya. Di na ako magugulat kung isang araw gustuhin niyang mag-cosplay.

"Arvee! Wag kang tumakbo sa hagdan!" saway ni Jade na kasunod niya. "Kaya ayokong pinapakain ka ng mga matatamis e. Sobrang hyper!" aniya.

"Arvee, behave. Wag mong masyadong ini-stress si Mama." Saway ko sa anak ko nang yumakap siya sa binti ko. Nag-peace sign naman siya at nakangiting lumingon sa Mama niya. "Sorry pooo~" aniya saka bahagyang yumuko.

Natawa lang kami ni Jade sa kakulitan at kahyper-an ni Arvee.

Isa isa kong inilagay sa likod ng sasakyan ang mga kahong dadalhin namin sa ampunan. Matapos maipasok ang mga 'yon ay sumakay na ako ng sasakyan at ini-start ang kotse.

"Mama, madami po bang batang kasin edad ko doon sa orphanage? Mababait po ba sila? Pwede ko po ba silang kalaro? Sige na, Mama! Please, please, please!" sunod sunod na tanong ni Arvee na nasa passenger's seat. Tiningnan ko siya sa rear mirror at napangiti ako. Kelan ba ako hindi napangiti ng isang Arvee?

"Madaming bata doon, oo, at marami ring kasing edad mo. Uhm, mababait naman sila pero syempre hindi laha kaya kailangan mong magbehave at maging good girl para makalaro mo sila, okay?" paalala ni Jade kay Arvee na sunod sunod naman ang pagtango.

Hinawakan ko ang kamay ni Jade na nakapatong sa kandungan niya at marahang pinisil ito at hinalikan.  Nginitian ko lang siya, na sinagot din niya ng isang ngiti.

Nang makapag-park kami sa garahe ng orphanage ay atat na nagtanggal ng seatbelt si Arvee at bumaba. Ni hindi na niya na antay ang Mama niyang pagbuksan siya ng pinto. First time niya kasing makapunta dito.

"Arvee!" saway ni Jade pero binalewala lang ito ni Arvee at patakbong lumapit sa pintuan ng ampunan.

Hinila ko siya palapit sa akin ay niyakap. "Pagbigyan mo na. Excited lang siya dahil first time," sabi ko at hinalikan siya sa noo.

"Hays! Kayo talagang mag-ama! Alam na alam kung paano pasasakitin ang ulo ko!" nangingiting sabi niya.

Isang beses sa isang buwan kung dumalaw kami dito. May mga dala kaming laruan, school supplies at mga pagkain para sa mga batang kinukupkop ng ampunan. Galing ang mga 'yon sa mga donasyong nakakalap namin mula sa mga kaibigan at kakilala naming sumusuporta din sa orphanage na ito.

May mga tumulong sa aking maglabas at magbuhat ng mga kahon at dinala ito sa loob. Nakakasalubong ko ang mga batang dati ko na ring inalagaan at nakilala. Lahat sila may excitement sa mukha at hindi mawala ang ngiti sa mga labi.

"Kuya! Ma-miss ka po namin! Kayo po ni Ate Jade!" ani Kat-kat na isa sa mga bat dito sa ampunan.

Napangiti naman ako at sinalubong sila ng yakap nang patakbong lumapit sila sa akin. "Na-miss ko din kayo!"

"Hi, kids! Behave ba kayo dito? Hindi ba kayo pasaway?" ani Jade at isa isa din siyang sinalubong ng yakap at halik ng mga bata.

"Salamat at patuloy niyo pa ring sinusuportahan ang ampunang ito, Harvy, Jade." Nag angat ako ng tingin at sinalubong ako ng nagsisilbing tigapamahala ng ampunang ito. Niyakap niya ako at si Jade na may ngiti sa labi.

"Alam niyo naman pong napamahal na sa amin ang ampunang ito. Ganun na rin ang mga bata dito," ani Jade.

"Mama! Papa!" napalingon kaming tatlo nang marinig matinis na tinig ni Arvee. Patakbo siyang lumapit at hinihingal na yumakap sa amin.

"Arvee, magpakilala ka na sa kanila." Himok ni Jade kay Arvee na nakangiting tumango naman. Huminga muna siya ng malalim bago nagsalita't nagpakilala. "Hi! Ako po si Arvee F. Castro, 3 years old na po ako," aniya saka ipinakita sa daliri ang number 3, "Anak po ako ng Mama at Papa ko," dagdag niya saka itinuro kaming dalawa ni Jade, "Ikinagagalak kop o kayong makilala!" pagtatapos niya saka yumuko.

"Napaka-bibong bata." Natutuwang sabi ng tagapamahala ng orphanage. Napangiti lang ako.

"Hi, Arvee! Ang cute mo naman!"

"Hi, Arvee! Tara laro tayo!"

"Oo nga! Tara!"

Pinagmamasdan ko ang anak ko at nakikita ko ang tuwang hindi maikakaila sa mukha niya habang tinitignan ang mga batang nasa paligid niya. Nakangiting lumingon siya sa amin ni Jade na tila ba humihingi ng permiso. Tinignan ko si Jade at nginitian, ngumiti din siya at muling bumaling kay Arvee, saka tumango. Tumango din ako at lalong napangiti nang mapatili siya sa tuwa nang payagan namin siya.

"Mamaya, knock out agad 'yan,"ani Jade habang pinagmamasdan ang pagtakbo ni Arvee kasama ang mga bata.

Natawa ako. "Hayaan mong mag enjoy. Kaya nga natin siya isinama, 'di ba?" ngiti ko.

***

"Ang tagal na rin, 'no? Dito rin tayo muling nagkatagpo noon. Dito sa mismong upuan 'to." napangiti ako nang muling magbalik sa akin ang alaalang 'yon. Tama siya. Dito rin sa ampunang ito—sa upuan ito. Sa ilalim ng lilim ng punong manggang saksi kung gaano ako nalungkot at nangulila sa kanya... kahit na ilang taon na siyang namayapa.

Iniharap niya sa akin ang kanyang mukha at tinitigan ako. Nakasadal siya sa balikat ko habang nakaakbay naman ang braso ko sa balikat niya. "Dito rin ang lugar kung saan mo unang binuksan at binasa ang sulat niya," aniya saka ngumiti ng mapait.

Bahagyang umangat ang labi ko at napatingin ako sa kalangitan. "Tama ka. 'Yon ang unang beses na mabasa ko ang huling mensahe niya para sa akin."

***

Ilang araw, linggo, buwan hanggang sa hindi ko namalayang mag iisang taon na naman ang lumipas. Hanggang noong mga panahong 'yon ay hirap parin akong kalimutan siya. Masakit parin sa akin ang sa tuwing maaalala ko ang tawa't ngiti niya, ang makulit niyang ugali at ang parang batang kilos niya—hindi ko mapigilang malungkot at maiyak.

Oo. Alam kong OA pakinggan pero mahirap. Mahirap kalimutan ang isang tulad niya. Mahirap kalimutan at ibaon sa alaala ang mga bagay na kaugnay niya. Mahirap tanggapin na wala na siya... na iniwan na niya kami. Kaya naman naghanap ako ng diversion. Nagvolunteer ako sa isang orphanage at doon ibinuhos ang oras at atensyon ko. Para naman kahit papaano—kahit unti unti—matanggap kong wala na siya.

Sa mga panahong iginugol ko sa orphanage na 'to, sa bawat batang nakakasama't nakakasalamuha ko, sa bawat ngiting nakapaskil sa kanilang mga labi, lahat 'yon nagpapaalala sa akin sa masayahing mukha niya.

Natigilan ako noon, napaupo't napa isip.

Bakit hanggang ngayon, lahat ng bagay sa paligid ko iniuugnay ko pa rin sa kanya? Gustong kong tanggaping wala na siya pero sa tuwing susubukan ko, lalo ko lang siyang naiisip.

 

"H-Hi!" nag angat ako ng tingin sa umagaw ng atensyon ko. Pamilyar siya sa akin pero hindi ko maalala ang pangalan niya. "Uhm, ako si Jade. Tanda mo pa 'yung classmate mo nung college?" alangang sabi niya. Doon lang ako nalinawan.

"O-Oo. Natatandaan kita," sagot ko.

"P-Pwede bang maki-upo?" tanong niya saka itinuro ang bakanteng pwesto sa tabi ko. Tumango ako bilang sagot. Namayani ang katahimikan sa paligid namin. Nagpapakiramdaman sa isa't isa. Hanggang sa magsalita siya.

"K-Kamusta ka na?" simula niya. "N-Nabalitaan ko 'y-yung nangyari..." she trailed off.

Napabuntong hininga lang ako. "Eto. Hirap pa ring tanggapin ang lahat."

Natahimik siya. Siguro nawalan din siya ng sasabihin tulad ko. Pero nagulat ako nang maramdaman ko ang nanginginig niyang kamay na marahang tumatapik sa balikat ko. "'Wag kang mag-aalala. Makakayanan mo 'yan," aniya. "Sabi nila, lahat ng katapusan ay nagsisilbi ding simula. Lahat ng tao mawawala. Pero hindi ibig sabihin noon titigil ka na rin. Nagkataon lang na nauna siya. Sa tingin mo ba natutuwa siyang makitang miserable at malungkot ka ngayon? Hindi 'di ba?"

Sa mga sinabi niyang 'yon, para akong nagising sa katotohanan. Tama siya. Bakit kailangan kong ikulong ang sarili ko sa kalungkutan? Biglang nanumbalik  sa akin 'yung mga salitang binitawan niya bago siya tuluyang mawala,

"Gusto kong sumaya ka. Gusto ko kahit kahit mawala ako sa tabi mo... gusto kong ngumiti ka parin..."

"Kaya mo yan, Harvs. Kayanin mo para sakin..."

 

Napangiti ako. Kinapa ko ang bulsa ng pantalon ko at doon ay inilabas ko ang sulat na pinakakaingat ingatan ko hanggang ngayon. Nakapaloob ito sa isang envelope na nakapangalan sa akin. To my Scalar.

 

Dear Harvy aka Scalar,

          Hi! Sana habang binabasa mo ito ay nasa mabuti kang kalagayan. Sana may dala ka ring twalya at bale para may pansahod ka ng luha mo. De joke lang, pinapatawa lang kita.

Napangiti ako sa mga unang talatang nakasulat. Hindi talaga mawala sa kanya ang pagiging patawa niya.

          Alam kong sa mga panahong ito, malungkot ka pa rin sa pagkawala ko. Eto lang ang masasabi ko, THANK YOU and SORRY.

Thank you kasi ganoon mo ako pinahahalagahan sa buhay mo. Thank you kasi hanggang ngayon hindi mo pa rin ako kinakalimutan. Pinapahalagahan mo pa rin ang mga alaalang magkasama tayo. Salamat.

At sorry, dahil kapalit ng mga alaalang 'yon, alam kong nahihirapan ka. Alam kong umiiyak ka kapag walang nakatingin o kapag mag isa ka. Please Harvy, tama na. Oo nawala nga ako sa tabi mo. nawala ako sa piling niyo pero hindi ibig sabihin noon iniwan ko na talaga kayo. Nandito lang ako sa tabi niyo, nakamasid at pinagmamasdan kayo—lalo ka na. Kaya ayokong makikitang nalulungkot at umiiyak ka dahil sa akin. Ayokong umiiyak ka kasi iniisip mong iniwan kita. Hindi, Harvy. Hinding hindi kita iiwan. Lagi kitang babantayan... aalalayan at iingatan. Lagi kong hihilingin sa Diyos ang kaligtasan mo—ninyong lahat. Kasi mahal ko kayo—kasi mahal kita.

Harvy, please, sa tuwing malulungkot sina Mama at Papa, paki sabi sa kanila na hindi ako matutuwa 'pag nakikita ko silang malungkot. Sa kapatid kong bata pa at wala pang gaanong alam sa mga kaganapan sa paligid niya, please guide him to be a new light to my family. Ayokong dahil sa pagkawala ko, maging malungkot din ang paligid niya. Gusto kong maalala niyang minsan, may Ate siyang nagmahal at patuloy na nagmamahal sa kanya.

Pasensya na kung ang dami kong request ah. Wala kasi akong ibang mapagbibilinan sa kanila. Am I being a burden to you? Sorry. All I can say is sorry.

 

Sa patuloy na pagbabasa ko, hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Masakit na masarap sa pakiramdam. Masakit kasi alam kong kailangan kong tanggaping wala na siya, at masarap kasi alam kong tutulungan niya ako.

 

Masarap sa pakiramdam na maalalang bahagi ako ng mga pangarap na binuo mo. Na sa bawat desisyong ginagawa mo, laging kasama ang pangalan ko pero, kung 'yon din ang magiging dahilan ng kalungkutan mo, kalimutan mo na ang mga 'yon. Subukan mong gumawa ng bagong mga pangarap. Subukan mong muling buksan ang puso mo para sa iba. Subukan mong magmahal ulit. 'Coz you deserve someone who'll make you happy. You deserve to be happy.

Maraming bagay ang maaaring magpaalala sayo sa'kin, alam ko. Pero sana sa tuwing maaalala mo ang mga 'yon, gusto kong mapapangiti ka. Ayokong makikita kang malungkot sa tuwing makikita't maririnig mo ang mga paborito ko—ang ice cream, ang paborito kong bulaklak, ang paborito kong lugar, at ang Vector at Scalar quantities—gusto kong maalala mo sila bilang masasayang alaala ko. Na minsan, sa isang once upon a time, may Arvee at Harvy'ng nagtagpo't nagmahalan. May Vector at Scalar na endearment sa isa't isa na nagpauso ng pick up-an.

Kahit manlang sa alaala, maging happily tayo, kahit walang ever after.

Open your heart to someone else, Scalar. I've been your guide as you change yourself. And I'll stay as your guide 'til you find someone who'll mend your heart. 'Til you learn to love again. And 'til you decide to settle down with that someone, and make a family of your own.

 

Mula sa sobreng pinaglalagyan ng liham ni Arvee, nahulog doon ang isang kwintas na may pendant na five leaf clover. May kulay green na gem tone ito sa gitna habang ang buong clover naman ay silver.

Kalakip ng sulat na'to ang isang munting regalo sa magiging anak niyo. Sana ay babae para maisuot niya ito. Advance gift ko para sa kanya, kahit manlang dito malaman niyang may magbabantay at susubaybay sa paglaki niya. I want to his/her guardian angel—everyone's angel. And the five leaf clover means a lucky one, right? Kasi bibihira ang mga ganito. This'll serve as his/her lucky charm... from a guardian angel.

I'll miss you, each and evereyone of you. Please take care always. I'll always be by your side.

 

Love,

Ridgh Arvee aka Vector

 

***

 

"Salamat, Jade," ito ang unang namutawi sa labi ko matapos ang aking pananahimik. "Salamat sa pagtitiis at pagtitiyaga sa akin," sabi ko saka hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. "Thanks for helping me fix myself again." Naramdaman kong niyakap niya rin ako pabalik.

Naging malaki ang parte niya sa buhay ko sa nakalipas na mga taon. Siya ang naging tigasalo ko sa mga pagkakataong pakiramdam ko bibigay na ako.

Nang ayain ko siyang magpakasal, kahit na alam kong iniisip niyang ginagamit ko lang siya para makalimot, noong mga panahong 'yon, pakiramdam ko, kaya ko na. Alam kong handa na ako para papasukin siya sa puso ko. At sa tuwing naaalala ko si Arvee, wala na 'yung sakit. Tama siya. Kaya ko nga.

"Bakit pumayag kang isunod sa pangalan ni Arvee ang pangalan ng anak natin? Di ba dapat—"

"Dapat ayoko kasi ex mo siya, ganun?" putol niya sa sasabihin ko. Tumango ako. "Iba kasi si Arvee," aniya. "Iba in a way na maganda. Kilala ko siya at alam kong mabuti siyang tao at nakita ko kung paanong mabuo ang storya niyong dalawa." Narinig ko ang mahina niyang tawa. "Ang totoo nga niyan, hinahangaan ko siya. Alam mo 'yung ang sarap sarap niyang kasama? Parang walang boring na oras pag siya ang kasama't kausap mo? kinikilig nga ako nung nagpi-pick up-an kayo e. Basta, kakaiba talaga siya. At kung ako ang tatanungin, gusto ko ring isunod ang pangalan ng magiging anak ko sa kanya." aniya na ikinangiti ko.

Kaya pala.

"Alam mo ba, malaki din ang pasasalamat ko sa kanya." muli niyang iniangat ang kanyang mukha at tumitig sa akin. "Noong college years natin, graduating na tayo noon. Lumapit siya sa akin at kinausap ako. She asked me to promise her one thing," aniya na ikinakunot ng noo ko.

"Anong sabi niya?"

"Sabi niya, kung magkakataon daw na magkakahiwalay kayong dalawa, gusto daw niya ako ang sumalo sayo. Alam mo 'yun? parang sine-set na niya ang lahat para kung sakaling mawawala siya bigla, may mga plano na siyang naihanda para sayo," then she look into my eyes and smiled. "Mahal na mahal ka talaga niya, Harvy. And I'm thankful kasi of all the people around you, sa akin ka niya inihabilin. Ako 'yung napili niya kahit na hindi ko rin alam kung bakit."

Napangiti ako nang marinig ko 'yon. Tumingin ako sa kalangitan at ang payapang asul na langit ang aking nakita. Para sa akin, sa likod ng mga ulap na 'yon, nandoon si Arvee. Nakatanaw at nagbabantay sa amin.

"Mama, Papa, magnet ba kayo?" napalingon kaming dalawa sa anak naming nasa harap namin at nakangiti ng nakakaloko.

"Bakit?" sabay naming tanong ni Jade.

"Kasi like a North and South pole, you're attracted to each other! Ayieeeh!" tawa niya saka umupo sa gitna namin. Natawa kaming dalawa at hinalikan siya sa magkabilang pisngi.

Kita mo, Arvee? Kahit wala ka dito, meron na atang papalit sa pwesto mo. Carbon copy mo ata 'to.

Kung nasaan ka man ngayon, Vector... Sana masaya ka rin. Kasi ako, masaya na ako, tulad ng gusto mo.

Thank you, Arvee. You'll always be my Vector... my direction in life.

 

-      End

DL's Note: So guys! Sana kahit late na 'to kesa sa ipinangako kong bakasyon e nagustuhan niyo parin. Napapaisip kasi talaga ako kung anong gagawin ko kay Harvy. Ang una kong naisip e, yung mismong sulat lang talaga ni Arvee ang ilalagay sa special chap. na'to kaso, kawawa naman si Harvy no'n di ba? Kasi magpapakalungkot na naman siya nun matapos mabasa ang sulat ni Arvee. And so I think of another way to end this, at ito na nga 'yon.

Salamat po sa lahat ng sumuporta at nagbasa ng one shot story nila. Sa lahat ng umiyak at napaiyak, thank you! Pangit mang pakinggan pero natutuwa ako. Lols. Ewan ko ba kung bakit. So guys, sana po basahin niyo rin ang iba ko pang kwento, though on hold karamihan pero please support parin! Nobela na ito pero may iiwan lang po ako sa inyong mga kataga.

"There's an end for everything. You don't need to avoid it, you just need to create a good ending. 'Coz every ending is a new beginning from other's ending."