webnovel

Ang Pagpupumilit

"Aray ko, ano ba?" singhal ni Ana kay Allan sabay hampas dito sa braso. Napabangga kasi ang kamag- aral sa likod niya.

" Hindi ako,.." sabi nito habang sapo ang brasong nahampas at itinuro ang isa pang kaeskwelang nasa likod nito. " Huwag ka makulit, bro,.." saway nito sa nasa likod na nanulak sa kanya.

Papalabas na ng gate sa paaralan ang magkakaklase. Hindi maiwasan ang harutan sa pagitan ng mga ito. Sa tuwing labasan sa klase, palaging ganito ang eksena. Nakaaligid sa likod ni Ana si Allan. Waring may lihim ding pagtingin ito sa dalaga ngunit hindi naman nagsasabi.

" Hay, Allan, sinadya mo talaga, aminin!" imik ng kaibigan niyang si Marianne na nasa gawing kanan niya.

Nagsimulang manukso na rin ang iba pa nilang kamag-aral sa dalawa. Habang halata naman ang pamumula ng mukha ni Allan. Napayuko na lamang ito sa paglalakad. Nang masapit nila ang labas ng gate, nagsimula na silang humanap ng jeep na masasakyan. Katulad ng dati, pahirapan din ang pag-aabang ng jeep. Halos mga puno ang jeep na dumadaan.

"Naku, matatagalan na naman tayo sa paghihintay nito," sabi ni Marianne. "nagugutom pa naman na ako,.."

"Kala mo ba ikaw lang,.. ako din nagugutom na 'no." sabi ni Ana.

"Lakarin na lang natin, friend,.." biro nito.

Napangiti siya sa sinabi ng kaibigan. May kalayuan din naman sa kanila ang paaralan. Mga isang oras sigurong lakarin sa isang mabilis maglakad. Pero sa katulad nilang mga mahihinang lumakad ay baka kulang ang dalawang oras bago pa nila masapit ang kani- kanilang bahay. Kaya ang paglalakad ay hindi isang opsyon. Ngayon pa na kumakalam na ang kanilang mga sikmura.

"Beep! Beep!"

Isang malakas na busina ang nagpagulat sa dalawa ng may isang taxi ang tumigil sa tapat nila. Hindi ito binigyang-pansin ng magkaibigan sapagkat hindi naman nila ito kinawayan para sumakay. Ngunit patuloy pa rin ang pagbusina nito sa kanila na ipinagtaka ng dalawa. Nagkatinginan sila sa inaasal ng tsuper nito. Naaaninaw ni Ana na tila sumesenyas sa kanya ang sakay nito kayat bagaman medyo nasisilaw sa tama ng araw sa salamin ng sasakyan ay sinipat niya ang drayber ng taxi.

Laking gulat niya ng mamukhaan niya ang lulan nito. Si Nonoy na kanilang kapit-bahay. Biglang kumabog ng matindi ang kaniyang dibdib. Agad niyang iniwas ang tingin sa gawi nito sabay siko sa kaibigan at tinitigan ito habang bahagyang umiiling.

Nagtaka ito sa ikinilos niya. Tila nais nitong magtanong ngunit inunahan na niya ito upang hindi makapagsalita. Bagaman nanginginig ang mga kamay, pinigilan niya ang braso nito saka giniya ito para umalis. Hindi naman ito maunawaan ng kaibigan kayat bagaman ay bahagya niyang hinihila ang kamay nito ay nanatili itong nakatayo.

" Bakit?" biglang tanong nito.

"Tara na, u-umalis na tayo rito,.." sagot niya.

Kasabay nito ang paglabas ng driber sa nakahintong taxi at saka tumayo sa tapat ng pintuan ng sasakyan na pinanggalingan.

"Sakay na kayo Ana, hahatid ko na kayo,.." sabi nito.

Titig na titig ito sa kanya ngunit kontrolado niya ang kanyang mata kayat ni sulyap ay hindi nito nakuha mula sa kanya. Nanatili siyang malayo ang tingin mula rito. Gusto niyang iparamdam na hindi siya interesado sa inaalok nito sa kanila. Na para bang wala siyang narinig na anupaman mula rito.

Siniko siya ng kaibigan. Nilingon niya ito. Bagaman hindi ito naimik ay nababasa niya sa mga mata nito na gusto nitong pumayag siya sa pag-aalok ng tsuper sa libreng sakay. Siguro'y iniisip nito na kakilala niya ang lalaki sapagkat binanggit nito ang pangalan niya kayat hindi ito nakakaramdam ng anumang pangamba para sa naturang lalaki.

Pero iba ang pakiramdam ni Ana. Kahit masidhi ang kanyang pagnanais na makauwi agad bungsod ng pagkagutom ay mas nanaisin pa niyang tiisin na lamang ito huwag lamang muling makaulayaw ang kanilang kapit- bahay. Baka nga mas makabubuti pang maglakad na lamang kung wala ng iba pang paraan ng pag-uwi, sa isip niya. Ngunit ang sumakay sa taxi ni Nonoy, iyon marahil ang hinding- hindi niya magagawa.

"Sige na Ana, nang makauwi na kayo,.." pamimilit ni Nonoy.

"Tara na,…" mahinang yaya sa kanya ng kaibigan.

Isang muling matigas na pag- iling habang salubong ang mga kilay at nakasimangot ang isinagot niya rito. Gusto niyang makuha ng kaibigan ang kaniyang mariing hindi pagsang-ayon sa gusto nito. Pilit niyang tinatakpan ang nararamdamang nerbiyos sa pamamagitan ng pag-aanyong matapang ngunit sa likod nito ay gayun na lamang ang kanyang takot. Muli niyang iwinaksi ang paningin ngunit nababanaag niya sa gilid ng kaniyang paningin ang lalaki. Nais niyang sumakay na muli ito sa sasakyan at umalis. Sapagkat kapag umabot sila sa puwersahang pamimilit sa pagsakay sa taxi nito, hindi siya mag-aatubiling sumigaw at humingi ng tulong. Kung hihingiin ng pagkakataon na magkaroon ng isang eksenang hindi nito magugustuhan ay buo ang kaniyang loob na gagawin niya ang naiisip. Hindi na baling magbulaan pero itatanggi niya talagang kilala niya ang lalaki.

Hindi rin nagtagal at tila nainip ang lalaki sa kanilang pagtugon sa alok nito at walang kaimik- imik na ito ay bumalik sa loob ng sasakyan saka nagpaharurot na umalis. Nang masiguro ni Ana na wala na ang lalaki ay saka lamang niya lumingon ang direksyong tinahak nito. Muli ay umaliwalas na rin ang kanyang mukhang kanina'y hindi mailarawan ang hitsura sa sobrang yamot. Tumingin siya sa kaibigan.

"Ano naman 'yun? Kala ko ba gusto mo na makauwi agad?" tanong nito. "ba't nanlalamig pati ang kamay mo kanina, ha?"

"Pasensya na, Marianne,.. a-ayoko kasing sumakay dun,.." sagot niya.

Umismid ito sa kanya habang pinanglalakihan siya ng mata na para bang gustong sabihing kailangan nito ng paliwanag mula sa kanya.

Wala siyang magawa kundi ang magsabi ng kaunting katotohanan hinggil sa lalaki. "Adik kasi iyon,.."

Tumango naman ang kaibigan niya. Tila naintindihan na nito kung bakit panay ang tanggi niya kanina sa lalaki.

"Okay. Mabuti na lang hindi kita hinilang pilit na sumakay, kung hindi, baka kung may nangyaring hindi maganda sa atin, ako pa ang sisihin mo,.."

Mabuti na nga lang, sa isip- isip ni Ana. Mabuti na lang at hindi sila pinagtangkang pwersahin sa pagsakay ni Nonoy. Maaaring nagmamagandang- loob nga lang siguro ang kanilang kapit- bahay pero hinding- hindi na nito makukuha pa ang loob niya. Simula ng magsabi ito sa kanya ng pagbabalak na manligaw ay nawalan na siya ng paggalang dito bilang isang kapit- bahay. Ni ayaw na niya itong makausap, makita, o kahit maisip man lamang. Hangga't maaari ay ayaw na niyang magtagpo ang kanilang mga landas ngunit tila ang lalaki ang gumagawa ng paraan para magkita sila. Para mapalapit sa kanya.

"Hindi ka magtatagumpay,.." pangako ni Ana sa sarili.

Naalimpungatan siya sa pagkakaingay ng mga taong nagbibitaw ng manok sa kanilang bakuran. Nasa ulunan pa niya ang librong kanina'y binabasa na nakatulugan na niya sa kanilang mahabang upuan na yari sa kawayan. Magdadalawang- oras na rin pala siyang nakaidlip. Bumangon siya. Mula sa bintana ay tanaw niya ang kanyang amang inaalis ang mga glabs sa isang puting manok na kung tawagin ng mga ito'y zamboanga white ang lahi. Muli ay napabaling siya sa maliit na mesa sa kanilang sala na natatambakan ng mga kuwadernong kinapapalooban ng kaniyang mga takdang- aralin. Bigla niyang naalala na wala na nga pala siyang ballpen na gagamitin. Kinuha niya ang kaniyang pitaka at dumukot ng barya.

Lumabas siya ng bahay upang bumili sa tindahan. Sa paglabas ng pinto ay muli niyang napansin ang amang abala na naman sa paglalagay ng glabs sa isa namang bulik na manok. Madaling pinasadahan ng kanyang mata ang mga taong nagkakatipon sa kanilang bakod. Dito'y namataan niya ang dalawang taong labis niyang kinasusuklaman na tila puwing sa kaniyang mga mata. Si Tonying at si Pandoy na halos magkatabi lamang. Bagaman ay bahagya siyang kinabahan sa presensya ng mga ito ay mas nanaig ang kanyang poot kung kayat nagpasiya siyang lumakad ng may katatagan. Dama niya ang pagsunod ng tingin ng mga ito sa kanya habang naglalakad ngunit hindi man lamang niya ito tinapunan ng pansin.

"Ate Tess, pabili nga po ng ballpen,.." sabi ni Ana sa tindera pagsapit sa tindahan.

"Sandali lang ha," sabi nito habang abalang nagloload sa cellphone ng isa pang bumibili.

Nagpaikot- ikot muna ang tingin ni Ana sa mga paninda sa estanteng salamin ng tindahan. Nang biglang may dumait sa kanyang braso na agad umagaw ng kanyang atensiyon. Napa-angat ang tingin niya dito. Si Nonoy, ang isa pang taong pinakaiiwasan niya at tinanggihan sa pag-aalok nito ng libreng sakay kanina.

"Anong binibili mo?" tanong nito sa kanya.

Hindi siya sumagot. Hanggat maaari ay ayaw niya itong pansinin at nais niyang pakitaan ito ng magaspang na ugali. Baka ito ang maging daan upang mawalan na ito ng interes sa kanya nang sa gayon ay hindi na rin siya pansinin nito.

"Malakihin ka na, Ana ah, hindi ka na namamansin ha.." tila inis na bigkas nito sa hinid niya pagsagot sa tanong nito. "ano bang pinagmamalaki mo?"

Napamulagat ito sa tinuran ng lalaki. Kitang- kita niya ang lalo pang panlalaki ng sadya ng malalaki nitong mata. Titig na titig ito sa kanya habang naninigas ang mga panga. Agad siyang tinablan ng nerbiyos sa anyo nito. Humakbang siya ng isa paatras sa lalaki. Dahan- dahang pagkibo upang hindi nito isiping intensiyonal ang kanyang pagdistansiya rito. Tila kasi walang kinatatakutan ang lalaki sa sinabi nito. Marahil ay nasa impluwensiya ito ng ipinagbabawal na gamot, naalaala niya.

"Ito na Ana, ballpen,.." sabi ng tindera.

Bahagyang mang kinakabahan ay kinuha niya ang binibili at saka niya iniabot ang bayad dito. Kapag daka'y tumalikod siya sa lalaki at agad tinungo ang daan pauwi. Kung kanina'y taas- noo siyang naglalakad patungo sa tindahan upang ipakita kay Tonying at Pandoy na siya'y hindi natatakot sa mga ito, ngayon nama'y nakayuko na siyang naglalakad dulot ng kaba sa sinabi ni Nonoy sa kanya. Para itong nanunukat o naghahamon, hindi niya ring lubusang maintindihan ang ibig nitong sabihin. Marahil ay napikon na ito sa inaasal niya mula pa kanina sa eskwela hanggang ngayon sa tindahan.

"Ahh!" biglang sabi ni Ana.

Bahagya siyang nabunggo ng kaniyang kasalubong. Sa kanyang pagkakayuko ay hindi niya masyadong naaninaw na may kasalubong pala siya.

"Sorry, Ana.." sabi nito sa kanya.

Saka lamang muli niyang iniangat ang paningin. Para lamang madismaya sa pagkakakita sa kaniyang nakabanggaang si Tonying. Nagpupuyos na naman ang poot sa kaniyang dibdib. Agad siyang dumistansya rito. Inirapan niya ito sabay nagpatuloy sa paglalakad. Batid niyang nakasunod pa ang tingin nito sa kaniya. Marahil inaasahan nitong hihingi rin siya ng dispensa sa pangyayari ngunit hindi niya ginawa. Bakit pa, hindi naman ito karapat- dapat igalang, sa loob- loob niya.

Marahil ay tapos na ang pagbibitaw ng mga manok kaya umalis na ito sa kanila. Kasunod niyang nakasalubong ang iba pang mga kaibigan ng kaniyang ama. Ang iba'y may labit na manok habang ang iba nama'y wala. Subalit parang hindi niya napansin sa grupo ng mga ito si Pandoy. Muli niyang nilingon ang mga kalalakihan sa kaniyang likuran. Tila wala nga si Pandoy, sa isip- isip niya. Sa muling pagtingin niya sa kaniyang dinaraanan ay saka niya nasumpungan ang hinahanap. Nagpahuli ito sa grupo ng mga una na niyang nakasalubong. Sumimangot siya kaagad bago pa man sila magtapat.

"Ana,.. I lab yu,.." mahinang imik nito ng magkasalubong na sila.

Nagpatuloy lang siya sa paglakad. Kinilabutan siya sa inimik nito. Tila ba nagbitiw lang ito ng isang simpleng kataga ngunit nakapagpapanting ng kaniyang pandinig. Kung sa isang taong kasing edad niya ang nagsabi nito, marahil iisipin lamang niya na ito'y may paghanga sa kanya subalit kung manggagaling ang mga katagang ito sa isang taong kasing edad ni Pandoy. ito'y parang dumadagundong na kulog na may kakambal na kidlat na gumuguhit sa kanyang utak.

Kung ito ay isang matinong tao na may dignidad at delikadesa, hindi angkop na hayaan nito ang sariling maglahad ng ganoong pagtatangi sa kanya. At bilang respeto na rin sa kaniyang ama na itinuturing na nitong kaibigan, nararapat lang marahil na ilagay nito ang sarili sa lugar. Sa papaanong paraan nagkakaroon ito ng lakas ng loob na magpakita at magsalita sa kanya ng mga bagay na hindi katanggap- tanggap sa isang normal na daloy ng lipunan?

Biglang naisip ni Ana na baka si Pandoy ay katulad ng mga taong may masidhing pagnanasa sa mga bata. Karaniwan ngang napapabalita ang mga ganitong uri ng mga tao, naalala niya. Na kung saan ay nangmomolestiya ang mga ito ng kabataang kasing edad niya. Pedopilya ang tawag sa mga ito. Subalit kadalasang mga ibang lahi ang nasasangkot dito base na rin sa mga napapanood niya sa balita. Marahil totoo nga ang kasabihang bawat gubat ay may ahas, naisip niya. Nagkataon namang ang ahas na iyon ay siya ang pinupuntirya.

"Nagkamali ka ng pinagnanasaan,.." bulong niya sa sarili.

Sa kabila ng lahat ng pag-aasta ni Ana sa tatlong taong labis niyang kinasusuklaman na siya ay hindi apektado sa mga ikinikilos ng mga ito sa kanya, alam niya sa kanyang sarili na malaki na ang nagiging pinsala ng mga ito sa pagkatao niya. Madalas na niyang matagpuan ang sariling tulala, nakatingin sa kawalan na tila ba napakalalim ng iniisip. Kung noo'y nakalalabas siya ng bahay ng walang anumang pinangangambahan, ngayo'y sa bawat pag-alis niya ng bahay ay pakiramdam niya'y may nakaambang na panganib sa kaniyang paligid. Balisa na rin siya kung gabi. May mga pagkakataong nagigising siya sa dis-oras ng gabi bungsod ng takot na baka sa kaniyang malalim na pagkakatulog ay may biglang gumambala sa kaniya. Minsan ay naitatanong niya sa kanyang sarili, talaga bang dumadaan sa ganitong estado ang mga batang nasa edad niya. Mayroon rin bang nakararanas ng tulad ng pinagdadaanan niya?