webnovel

Sabihin Mo sa Amin Kung Nasaan si Xia Xinghe

Éditeur: LiberReverieGroup

Gayunpaman, ang tono nito ay mas lumamig. "Xi Munan, magsabi ka ng totoo sa amin, nasaan si Xia Xinghe?"

Ang tanong na ito, ay naitanong na sa kanya ng maraming beses. Dati ay sinasabi ni Munan na hindi niya alam, ngunit matapos ang paulit-ulit na pagtatanong, tumanggi na itong sumagot. Alam ni Lin Yun na hindi ito makikipagtulungan, kaya hindi na ito nagalit. Imbes ay mapagpasensiya nitong tinanong na, "Ikaw at si Xia Xinghe ay parehong may kinalaman sa pagnanakaw at kumikita mula sa ilegal na armas militar, tama ba ako?"

Nanatiling tahimik si Munan. Nagbigay lamang ito ng isang singhal bilang sagot.

Ang propesyunal na ngiti ay nakapaskil pa din sa mukha ni Lin Yun. "Sinadya mong tulungan si Xia Xinghe na makatakas sa bansang ito dahil natatakot ka na ilalaglag ka niya, hindi ba't tama ito?"

"..."

"Xi Munan, hanggang handa kang aminin ang mga kasalanan mo, sigurado akong magiging mabait sa iyo ang husgado. Gayunpaman, kapag nanatili ka pa ding tumanggi na makipagtulungan ay mas malaki ang iyong magiging kaso. Kailangan mong maintindihan, ang koneksiyon ni Xia Xinghe sa organisasyon ng mga armas ay matibay na. Ngayong tinulungan mo siyang makatakas, ang pagkakabilanggo mo ay nakumpirma na. Sa pamamagitan lamang ng pag-amin mo ay saka ka mapapatawan ng mas magaang na kaso," mabait na patuloy ni Lin Yun.

Alam niyang ang Lin Yun na ito ay may matapang na ugali, pero sa bawat oras na pumupunta ito, ay tila napakapasensiyosa nito.

Malamig siyang tinitigan ni Munan at sumagot, "Sabihin mo sa akin, ano'ng klase ang pinaplano ng Lin family mo? Ano ang gusto ninyong makuha sa aking Xi family?"

Hindi inaasahan ni Lin Yun ang tanong na ito. Nanginig ang mga mata nito. Bahagya itong ngumiti, "Hindi ko yata naiintindihan ang ibig mong sabihin. Naitalaga sa akin ang kaso mo at iyon lamang ang dahilan kung bakit ako naririto."

"Sa tingin ko ay may tinitingnan ka ng higit pa sa akin dito." Ang mga mata ni Munan ay natuon kay Saohuang, na tila ipinahihiwatig ang ugnayan nilang dalawa. "Maaari na ninyong tigilan ang pagpapanggap. Ang tanging dahilan kaya kayo nagtutulungan ay para mapabagsak ang Xi family, tama?"

Ngumiti si Saohuang. "Munan, ang akusasyong ito ay walang katuturan. Ang ilegal na organisasyong iyong sinusuportahan ay maaaring maging banta sa kaligtasan ng bansang ito; naririto lamang ako dahil inutusan ako na magpunta dito. Dahil ang buong militar ay nagbibigay ng atensiyon sa kaso mo."

"Pero mukhang kayong dalawa ay mas may interes dito," ngumisi si Munan.

"Hindi ko na mapipigilan pa kung ito ang gusto mong makita, pero sa ngayon, dapat mong maintindihan na ikaw ang may kasong kriminal." Magiliw na sabi ni Lin Yun, "Munan, naniniwala ako na hindi gagawa ng kalabisan ang Xi family ng tulad nito. Kaya naman siguradong ideya ito ni Xia Xinghe, kapag sinabi mo na sa amin ang kanyang kinaroroonan, matapos namin siyang mahuli, siya ang aako ng lahat ng responsibilidad. Bakit ba sasaluhin mo ang kasalanan ng babaeng ito, hindi naman ito nararapat, sumasang-ayon ka ba dito?"

"Hindi nga talaga nararapat na siya ang kumuha ng kasalanan para sa akin," sagot ni Munan.

Malamig siyang pinandilatan ni Saohuang. "Xi Munan, kapag ibinigay mo sa amin ang kanyang kinaroroonan, maaari ka pang magkaroon ng pagkakataong mabuhay. Kapag hindi mo ibinigay sa amin ang impormasyon, ay gugustuhin mo nang mamatay!"

Tumango si Lin Yun. "Tama siya. Basta ba mahuli namin siya, hindi mo na kailangan pang tanggapin ang lahat ng ipinapataw na kaso sa iyo. Malapit ka nang ipatawag ng korte militar; ito na lamang ang huling paraan para umamin ka at iligtas ang sarili mo."

Tapos nang makinig si Munan. Sarkastikong tumawa ito. "Umamin ako? Kapag umamin ako, mas mabilis ang kamatayan ko."

Sa wakas ay naningkit na ang mga mata ni Lin Yun. "So, gusto mong labanan ang batas hanggang huli?"

"Hindi, lumalaban ako sa inyong dalawa hanggang sa wakas," pagtatama ni Munan ng may ngiti. "Kung gusto ninyong umamin ako na ang Xi family ay kakutsaba sa nilutong kaso na ito? Imposible! Alam ko ang batas tulad ninyong dalawa, kaya huwag ninyong isipin na mailalabas ninyo ang mga salita mula sa akin."

Isa siyang major sa militar, kaya siyempre, alam niya na binibitag siya ng mga ito. Tumawa siya sa walang saysay na ginagawa nina Lin Yun at Saohuang.

Tumawa si Lin Yun. "Sa tingin mo ba ay binibitag ka namin? Kahit wala kang aminin, ang mga kaso mo ay mananatili! Ang kasalanan ni Xia Xinghe ay mapapataw din sa iyo, pumapayag ka ba na akuin ang kasalanang ito para sa kanya?"