webnovel

HINDI NA TAYO MAAARI PANG TUMIRA DITO

Éditeur: LiberReverieGroup

"Sis, bakit hindi ka magtrabaho sa kumpanya ng senior ko paggaling mo? Maganda naman ang benefits, at sa iisang kumpanya tayo magtatrabaho," masigasig na suhestiyon ni Xia Zhi.

Buong galak niyang inaantabayanan ang kanilang kinabukasan.

Magiging magkasama sila sa trabaho at sa pinagsama nilang sweldo, magiging maayos na ang buhay nila.

Sumagot si Xinghe habang nag-eempake, "Wala akong balak magpatali sa trabaho na nagsisimula ng 9 ng umaga hanggang 5 ng hapon."

Hindi makapaniwala si Xia Zhi sa narinig at siya ay nagtanong, "Oh edi ano ang balak mong gawin ngayon?"

"Ayan, nandito na ang lahat. Umuwi na tayo," sabi ni Xinghe imbes na magpaliwanag. Binuhat na niya ang kanyang bag at lumakad na patungo sa labasan.

Dali-daling tinulungan siya ni Xia Zhi at sumakay na ng bus ang dalawa pauwi.

Pagkatapos ng ilang araw ng pagpapagaling, mas maayos na ang pakiramdam ni Xinghe.

Habang sila ay nasa bus, masayang nagsalita si Xia Zhi, "Ate, para ipagdiwang ang iyong paglabas sa ospital, bumili si tatay ng isang buong manok kaninang umaga para gumawa ng chicken stew na kakainin natin mamaya."

Napangiti si Xinghe habang inaalala ang luto ng kanyang tiyuhin.

Hindi naman siya mahilig kumain pero napaparami siya ng kain kaysa sa karaniwan kapag ang tiyuhin na niya ang nagluto.

Dahil ang luto ng tiyo niya ang nagpapaalala sa kanya ng kanilang tahanan…

Isinandal ni Xinghe ang kanyang ulo sa may bintana, ramdam niya ang lamig ng salamin; taliwas sa init na humahaplos sa kanyang puso. Kung hindi dahil sa suporta ng kanyang tiyuhin at ni Xia Zhi, impyerno para sa kanya ang mga taong lumipas.

Binigyan siya ng mga ito ng pamilya at hindi siya pinabayaan ng mga ito kahit na salat sila sa mga materyal na bagay.

Ngayong naaalala na niya ang lahat, sumumpa siya sa sarili na ibabalik niya ang kabutihan ng mga ito.

Napagdesisyunan ni Xinghe na magsimula ng kumita ng pera at marami na siyang paraan para makuha ito.

At hindi niya kailangan ang 9 to 5 na trabaho. Hindi sa minamaliit niya ang kumpanya ng senior ni Xia Zhi pero mayroon siyang plano…

Pagkatapos lampasan ang maraming istasyon, narating din ng bus ang lugar kung saan naroon ang kanilang bahay.

Bumaba na sila sa bus at dumeretso na ng uwi.

Ang bahay nila ay matatagpuan sa lugar kung saan naglipana ang mga inabandona, mga may sakit, mga mumurahing paswelduhing trabahador at iba pa…

Mga tao na ang pamumuhay sa araw-araw ay puno ng paghihirap.

Pero para sa mga taong ito, hindi kasiya-siya ang buhay bagkus ito ay walang tigil na digmaan.

Ang pamumuhay sa lugar na iyon ay nakakapanghina ng loob ng nakatira doon. Unti-unti nitong pinahihina ang loob ng tao hanggang sa tuluyan na silang sumuko sa realidad, na wala ng pag-asa, hanggang sa magwakas na ang kanilang buhay.

"Zhi, ang ating unang layunin ay humanap ng bagong malilipatang bahay, hindi na tayo maaaring tumira pa dito," biglang sabi ni Xinghe.

Nagtatakang napatingin si Xia Zhi kay Xinghe, pilit inaalam kung tama ba ang narinig. Hanggang sa siya ay sumagot, "Pero wala tayong pera…"

"Ako ang bahala doon. Kailangan nating humanap ng bagong matitirahan dahil ang lugar na ito ay hindi nababagay sa isang binatang may magandang kinabukasan na tulad mo. Masama din ito sa kalusugan ni tiyo," paliwanag ni Xinghe ng matanaw nila ang grupo ng mga tao ilang dipa ang layo mula sa kanila.

Isang masungit na boses ang kanilang narinig mula sa grupo, "Hindi ba sinabi ko na sa iyong mag-empake na? O gusto mo na kami pa ang mag-empake para sa iyo?"

Mababakas ang pag-aalala sa mukha ni Xia Zhi habang nagsasabi, "Ano ang nangyayari, bakit ang daming tao sa harap ng bahay natin?"

Tumakbo papalapit si Xinghe at nakipagpambuno sa mga tao. Nakita niya ang tiyuhin na kinukumpronta ng may-ari ng bahay.

Hindi naman talagang kumprontasyon iyong matatawag dahil si Chengwu, dahil sa mahinahon niyang ugali, ay nakatayo lamang habang sinisigawan siya ng landlord. Nang tumigil panandalian ang landlord, mahina siyang sumagot, "Bakit mo kami pinaaalis agad-agad? Hindi naman kami nahuhuli sa bayad ng renta."

"Ikaw matanda ka, itikom mo iyang bibig mo at huwag mo akong akusahan ng kung anu-ano na hindi ko naman ginawa, sinabi ko na ngang ibabalik ko ang pera mo pag-alis ninyo! Kailangang lisanin ninyo ang bahay ko ngayon!" Itinulak ng landlord si Chengwu at sinimulang itapon palabas ang kanilang mga gamit.

"Pakiusap itigil mo na iyan!" Pilit hinarang ni Chengwu ang landlord upang mapigilan ito pero itinulak nito ang matanda ng malakas. Nawalan ng balanse si Chengwu hanggang sa nabunggo nito ang kanto ng mesa, dahilan upang matumba ang mesa at matapon ang chicken stew sa sahig.