webnovel

Durugin ng Tuluyan ang Organisasyong ito

Éditeur: LiberReverieGroup

"Magaling ang ginawa mo," puri ni Mubai. "Pero umaasa ako na sa hinaharap, iiwanan mo na ang mahihirap na gawain sa akin."

Hindi niya gustong harapin nito ang mundo ng mag-isa. Gusto niyang lutasin ang lahat ng problema para dito.

Tumingin sa kanya si Xinghe at sinabi, "Hindi ako ang tipikal na babaeng kailangan mong sagipin. Pero, nauunawaan ko na ngayon na may limitasyon ang mga bagay na magagawa ko. Maaari mo akong tulungang gawin ang mga bagay na hindi ko kayang gawin at ganoon din ako sa iyo. Gusto kong maging magkapantay tayo, na walang mas hindi importante sa ating dalawa."

Kunin na lamang si Barron bilang halimbawa, kung hindi dahil kay Mubai, patay na sila.

Ngumiti si Mubai nang sabihin ito ni Xinghe. Kinuha niya ang mga kamay nito at sinabi, "Xinghe, natutuwa ako na makitang ayos ka lang."

Pakiramdam niya ay nananaginip siya na pisikal itong nasa kanyang tabi. Ang mga mata ni Xinghe ay bahagyang kumikislap; ang totoo, masaya siya na ayos lang din ito. Diborsiyado na sila at may hindi malinaw na kinabukasan, pero hindi niya gustong may masamang mangyari dito. Salamat na lamang at buhay silang pareho.

"Si 'Philip' na nabanggit mo kanina ay ang General?" Biglang tanong ni Xinghe.

Tumango si Mubai. "May malaki siyang impluwensiya sa bansang ito; kakailanganin natin ang kanyang tulong kung papabagsakin natin ang IV Syndicate."

"Alam ni Charlie ang lokasyon ng isa sa mga kuta nila; maaari tayong magsimula mula doon," suhestiyon ni Xinghe.

"Sang-ayon ako. Nakakalap na namin ang impormasyon mula sa kanya kanina. Hayaan mo na ang iba pa sa akin, matapos nating mahanap ang kuta, ay oras naman para sa iyo na magpasiklab."

"Sige, kailangan nating maresolbahan ito sa lalong madaling panahon."

Kapag mas tumagal pa ang bagay na ito, mas magiging malubha ang mga bagay sa City T. Magkakaroon ng sapat na panahon si Feng Saohuang para alisin sila sa eksena. Kaya naman, kailangan na nilang makita ang ebidensiya ng mga kriminal na gawain nito sa lalong madaling panahon at magmadaling umuwi.

Ganoon din ang iniisip ni Mubai. Kaya naman, matapos nilang makauwi, nagsimula na silang magplano. Sumama sa kanila ang grupo ni Sam sa sala matapos nilang gamutin ang kanilang mga sugat at magpalit ng damit. Nagpapagaling pa si Charlie, pero nagpumilit ito na sumali sa kanila.

"Bakit ninyo hinahanap ang IV Syndicate?" Tanong ni Charlie. Kanina ay wala siyang pakialam pero ngayon kilala na nila ang isa't isa. Ngayon, hindi na niya mapigilang hindi mag-usisa. Ang grupo ni Sam ay nagtataka na din tungkol dito.

Sinabi ni Sam, "Halos walang gustong kumalaban sa IV Syndicate; hindi magandang ideya na kalabanin sila."

Mahinang sumagot si Xinghe, "Kailangan naming gawin ito."

"Bakit? May ginawang kasalanan sa inyo ng organisasyon?" Tanong ni Ali.

Sumagot si Xinghe, "Oo, kahit na hindi direkta."

"Sa tingin ko ay dapat pabayaan na lamang ninyo ito!" Seryosong paalala sa kanila ni Sam, "Ang IV Syndicate ay hindi isang bagay na lalapitan ninyo ng basta-basta. Ang lahat ng kanilang kaaway ay nakitang patay sa mga misteryosong pagkakataon, kaya naman kung ang kasalanang ito ay hindi ganoon kaseryoso, hindi na dapat pang harapin ang panganib na ito."

"Gaya ng sinabi ko, kailangan naming gawin ito. Hindi lamang iyon, kailangan naming durugin ang buong organisasyon!" Buong tiwalang sagot ni Xinghe, na ikinagulat ng lahat ng naroroon.

"Dudurugin ninyo ng tuluyan ang IV Syndicate?" Hiyaw ni Ali, "Xinghe, nababaliw ka na ba?"

Ang wasakin ang IV Syndicate ay mas mahirap kaysa akyatin ang langit. Kung hindi, hindi sila makakaligtas ng matagal.

Sa pagkakataong ito ay si Mubai na ang sumagot, "Wala na kayong pakialam kung mawasak namin sila o hindi, hanggang nakikipagtulungan kayo sa amin ay higit sa sapat na."

"Tama iyon, makipagtulungan kayo sa amin. Kung magagawa nating mawasak sila, hindi ko na titingnan ang katotohanan na pinasok ninyo ang piitan ng militar," makapangyarihang sinabi ni Philip.

May pag-aalalang sumagot si Charlie, "General, kahit na may suporta pa ng militar, maaaring hindi pa ninyo sila mawasak. Ang totoo, natatakot ako na pati kayo ay mapuntirya sa likuran. Nakasalamuha ko na ang mga taong ganito dati at may pagkapamilyar na ako sa kanilang sitwasyon. Sila ay isang nakakatakot na organisasyon."