webnovel

Ano Ang Ginawa Nila sa Iyo?

Éditeur: LiberReverieGroup

Ang terminong 'paanakan' ang lalong nagpasakit sa puso ni Mubai.

Humigpit ang hawak niya sa kamay nito at bumaba ang tono ng kanyang boses. "Hindi ka ganoon sa akin!"

Kahit na hindi sila nagkaroon ng emosyonal na ugnayan noong kasal pa sila, trinato niya ito bilang kapantay niya. Hindi miminsang minaliit niya ang tingin dito.

Kung nakita niya ito bilang 'paanakan' lamang, pumili na sana siya ng iba pang babae maliban sa kanya. Maraming kandidato ang hindi magkadaugaga na ipagbuntis ang kanyang anak.

Kung nakita niya ito bilang 'paanakan' lamang, pinalayas na sana niya ito sa sandaling naipanganak si Lin Lin!

Puno ng pagkutya sa sarili na tumawa si Xinghe. "Hindi man ganoon ang tingin mo sa akin pero iyon ang turing sa akin ng pamilya mo. Nakita mo kung paano ako tratuhin ng ina mo ngayon lamang. Gusto niyang wala ng maging kaugnayan ang bata sa akin!"

Imbes na humanap ng idadahilan para sa ina, sinabi ni Mubai ng seryoso, "Kung gusto mong bumisita kay Lin Lin sa hinaharap, lumapit ka sa akin anumang oras. Ipinapangako ko sa iyo, walang hahadlang sa iyo…"

At idinagdag pa ni Mubai, "At ikaw pa rin ang mananatiling ina ni Lin Lin."

"Totoo?" Namumuo na ang luha sa mga mata ni Xinghe.

Kumurba ang isang nakakatiyak na ngiti sa labi ni Mubai. "Alam kong walang makakapigil sa akin sa mga bagay na gusto kong gawin."

"Sige, sa iyo ako lalapit sa hinaharap. Maaari mo na akong pakawalan ngayon."

"Isang huling tanong." Hindi bumitaw si Mubai. "Ano ang eksaktong ginawa nila sa iyo?"

"Mubai…" biglang hinatak ni Tianxin ang braso ni Mubai at mahinang sinabi, "Mukhang hindi maganda ang pakiramdam ni Auntie, bumalik na tayo sa loob."

Ito na lamang ang huling pagpipilian sa parte ni Tianxin. Natatakot siya na magsalita si Xinghe.

Hindi pinansin ni Mubai si Tianxin ng tuluyan. Tinitigan niya lamang si Xinghe at inulit, "Ano ang ginawa nila?"

"Mubai, bakit mo siya tinatanong tungkol doon? Ako at si Auntie na ang magsasabi sa iyo kung interesado ka," binuksan ni Tianxin ang kanyang bibig para sabihin. Ang kanyang mga salita ay puno ng kalungkutan na tila ba minamaltrato siya ni Mubai.

Pumasok ang kalamigan sa boses ni Mubai ng sinabi nito na, "Xinghe ikaw na ang magsabi ng kwento."

"Mubai, ganoon na lamang ba kami kawalang-tiwala sa paningin mo? Wala kaming ginawa kay Xinghe. Kung mayroon talagang nangyari tulad ng sinasabi niya, sa tingin mo ay maghihintay siya hanggang ngayon para sabihin sa mundo?" Ang mga mata ni Tianxin ay namumula gawa ng luha. Hindi pa siya pumalya na makakuha ng awa sa mga lalaki gamit ang kakayahang ito.

Alas, ang lalaking nakatayo sa harapan niya ay si Xi Mubai. Isa itong rasyonal na nilalang na hindi agad madaling maniwala.

Maganda ang pakiramdam ni Xinghe habang pinanonood na namimilipit si Tianxin.

Tumingin siya kay Tianxin, kumurba ang kanyang labi sa isang ngisi at sinabi, "Wala silang ginawa sa akin…"

Nakaramdam si Tianxin ng panghihina sa kanyang mga tuhod mula sa pagkakahinga ng maluwag at pagkabigla.

Dapat ay alam na niyang hindi magsasalita si Xinghe.

Pamilyar na siya sa personalidad nito. Mas gugustuhin pa ni Xinghe na kimkimin ang lahat sa kanya, imbes na ibahagi ang kanyang mga paghihirap at ipaliwanag ang sarili sa mundo.

Isa pa, masyadong mahirap ipaliwanag ang pangyayari na nangyari noong taon na iyon.

Ito ang rason kung bakit hindi siya nagsasalita noon at hindi siya magsasalita ngayon.

"Pero madami silang ginawa sa iyo!" Biglang humarap si Xinghe kay Mubai.

Halos lumundag palabas ng lalamunan niya ang puso ni Tianxin!

Bago pa nakahingi ng paliwanag si Mubai, humalakhak ito ng walang galak. "Xinghe, nagbibiro ka ba? Ano ang magagawa ko at ni Auntie kay Mubai? Si Auntie ang ina ni Mubai at ako ang kanyang fiance, sa tingin om ay may gagawin kaming makakasakit sa kanya? Huwag ka ng gumawa ng gulo!"

Pailalim na ngumiti si Xinghe. "Wala pa akong sinasabi, bakit ba kinakabahan ka na? Kung talagang inosente ka, bakit nag-aalala ka?"

"Sino ang nagsabing nag-aalala ako?!" Galit na katwiran ni Tianxin.