webnovel

Ang Kumukulo Niyang Dugo

Éditeur: LiberReverieGroup

Sa sandaling bumalik si Mubai sa maliit na villa, nakatanggap siya ng balita ng paggaling ni Xinghe. Sa unang pagkakataon na ibinalita ito sa kanya ng katulong, inisip niya na nananaginip siya. Matapos ang ikalawang kumpirmasyon mula sa katulong, sa wakas ay naniwala siya na talagang nagising na si Xia Xinghe!

Nagmamadali siyang tumakbo para makita siya, may natural na liksi sa kanyang mga yabag. Habang papalapit siya sa silid ni Xinghe, bumilis ang tibok ng kanyang puso. Matagal na panahon na simula ng nakaramdam siya ng nerbiyos…

Pakiramdam niya ay isa siyang bata na kakatagpuin ang kanyang itinatangi.

Itinulak niya pabukas ang pintuan ng silid at nang makita niya si Xinghe na tahimik na nakaupo sa harap ng computer, nagpakawala siya ng hininga na hindi niya naalalang pinipigilan pala niya. Mariin niya itong tinitigan, hindi pumapayag na mawalay ang kanyang mga mata habang lumalapit dito. Tila ba natatakot siya na maaari itong maglaho sa kanyang harapan kung hindi niya itututok ang buo niyang atensiyon.

Narinig ni Xinghe ang papalapit niyang mga yabag. Itinaas niya ang kanyang ulo at diretsong tumingin sa kanya. "Salamat sa lahat."

Alam ni Xinghe na kahit hindi siya magtanong ay ito ang nag-aalaga sa kanya noong wala pa siyang malay. Hindi siya magaling sa pagpapahayag ng kanyang mga emosyon pero tinatandaan niya kung ang tao ay mabuti tungo sa kanya. Naunawaan niya na tinutulungan siya nito tuwing nagkakaroon ng aberya, kaya naman nagpapasalamat siya dito. Kahit na noong nakaraang problema na kinasangkutan niya, tinulungan siya nito ng walang kondisyon at hindi humihingi ng kahit anong kapalit.

Ang dati niyang paghusga dito ay tuluyan nang naglaho. Ang totoo niyan, unti-unti na siyang napapalapit dito. Kung kailangan nito ng kahit na anong tulong sa hinaharap, ibabalik niya ang pabor.

"Xia Xinghe…" magiliw na tinawag ni Mubai ang kanyang pangalan habang nakatitig, nabibighani sa kanya.

"Yes?" Ganting-tanong sa kanya ni Xinghe.

"Xia Xinghe…" ulit nito habang isang malaking ngiti ang napinta sa mukha nito, ang mga balintataw nito ay nanginginig din, "Ikaw talaga ito."

Maingat na tumingin si Xinghe sa kanya at kinumpirma, "Oo, ako nga ito."

Biglang lumapit sa kanya si Mubai at ang maiinit nitong labi ay dumapi sa kanya ng walang babala! Nanlaki ang mga mata ni Xinghe sa pagkabigla—

Hindi niya inaasahan ang tugon na ganito mula dito. Nang mapagtanto na niya kung ano ang nangyari, sinubukan niyang umiwas ngunit ang mga kamay ni Mubai ay mahigpit ang pagkakahawak sa kanya.

Malakas at dumiin ang ang mga labi nito sa kanya at nag-aalab ito ng hindi mapigilang damdamin…

Nang may ibang ideya ang dila nito, sa wakas ay malakas na naitulak na ito ni Xinghe ng palayo. Ang mukha niya ay kakikitaan ng pinaghalu-halong pagkagulat, hindi pagkapaniwala at pagkalito.

Bahagyang humihingal si Mubai, ang tingin nito ay nag-aalab ng hindi mapigilang emosyon. Tila isang nagbabagang apoy, parang tinutunaw niya ito sa kanyang pagkakatitig.

Bayolenteng tumitibok ang kanyang puso, ang biglaang halik ay nagpapakulo ng kanyang dugo.

Kahit na may distansiya sa pagitan nila, naririnig pa ni Xinghe ang tibok ng puso nito. Nakaramdam siya ng pagkalito, bakit ito ang ninenerbiyos ngayong siya naman ang napagsamantalahan sa pagkakataong ito?

Tahimik na nagkatitigan ang dalawa ng dalawang segundo. Humilig si Mubai para sa isa pang halik pero iniiwas ni Xinghe ang kanyang mukha at imbes ay nakipagtitigan sa computer screen.

"Mabuti na nandito ka na. Tingnan mo kung nakikilala mo ang taong ito," sabi niya sa isang kalmadong boses na tila walang nangyari.