PAGPASOK ni Jin sa loob ng bahay ay halos sabay na napatingin sa kanya sina Daniel at Rey. Napakunot siya ng noo dahil medyo matagal na nakatitig ang mga ito sa kanyang katawan.
"Oh, Jin, nandiyan ka na pala. Sabay na lang kaya kayo ni Daniel maligo," sabi ni Lea na galing sa kusina.
Halos sabay ring muling napatingin sa TV sina Daniel at Rey.
"Okay po," nakangiting tugon niya kay Lea, "tara, Daniel, ligo na tayo," sabi naman niya sa nakakabatang pinsan.
"Ayoko," matigas na sabi ni Daniel.
Napabuntong-hininga si Jin. Medyo sumama ang loob niya kay Daniel nang mga sandaling iyon. Alam niyang hindi pa rin ito komportable sa kanya.
"Bakit naman, 'nak?" tanong ni Lea.
"H'wag mo na lang pilitin, hon," sabi ni Rey.
Napakibit-balikat na lang si Lea at umupo sa sopa. Napapagitnaan ng mga ito si Daniel.
"Sige po, maliligo na ako," paalam niyang tumungo na sa banyo.
Habang naliligo siya ay biglang sumagi sa kanyang isipan ang tungkol sa kakaibang inaakto ng mag-ama. Sa totoo lang ay may kutob siyang bakla ang kanyang tito Rey pero ang hindi niya mapaniwalaan at ayaw niyang isipin ay ang posibilidad na bakla rin si Daniel.
Napapailing na lamang siya. Hindi niya maiwasang isipin na baka may binabalak sa kanya si Rey. Baka gusto nitong tikman ang pagkalalaki niya kaya makikipag-inoman sa kanya. Bigla siyang kinabahan sa posibilidad na iyon.
Pero naisip niyang kahit na ano'ng mangyari ay hindi siya papayag. Tapos na siyang gumawa ng kasalanan sa piling ni Din at ayaw na niyang may kadugo pang mahumaling din sa kanya.
Pagkatapos maligo ay doon na siya dumaan sa pintuang nasa kusina. Asiwang-asiwa pa rin siya sa mag-ama lalo na't tuwalya lamang ang nakatakip sa kanyang katawan kaya ayaw niyang dumaan sa sala.
Pagdating sa kubo ay kaagad siyang nagbihis. Sandong itim at pambasketbol na shorts ang kanyang isinuot. Hindi na siya nagsuot ng panloob dahil sa bahay lang naman sila mag-iinoman ni Rey.
Kaagad siyang pumasok sa bahay. Si Rey at Lea na lamang ang nadatnan niya. Pinatulog nang mga ito si Daniel dahil may pasok pa kinabukasan.
Umupo siya. Kasalukuyang nanonood ang mag-asawa ng isang comedy show.
"Handa ka na, Jin?" tanong ni Rey nang mapansin siya.
Napatingin din sa kanya si Lea at ngumiti kaya nginitian din niya ang kanyang tita.
"Opo, tito," tugon niya sa tiyuhin.
Napatingin si Rey sa wall clock. "Tara, Jin, bili tayo sa labas ng maiinom. Alas nuwebe na pala," sabi nitong tumayo.
Tumayo rin siya. "Sige ho, tito," sabi niya.
Napansin niyang may kakaiba na naman sa mga titig ni Rey sa kanya. Kabisado na niya ang mga ganoong klase ng titig. Para sa kanya bakla nga ito at kaya magpapainom ng alak dahil may binabalak. Sanay na siya sa paraang iyon ng mga bakla at maraming beses na siyang nabiktima dahil do'n.
Naisip ni Jin na gagawin niya ang lahat ng paraan para hindi magtagumpay ang kanyang tiyuhin. Pero naisip niya ring paano kung ipipilit nito ang kagustuhang tikman siya. Napabuntong-hininga siya sa isiping iyon.
Hindi rin talaga niya alam kung ano ang gagawin kung sakaling ganoon nga ang magiging sitwasyon. Napatanong siya sa isipan kung alam kaya ng kanyang tita Lea na bakla si Rey. Alam din kaya ng kanyang tatay Ryan.
Pero pilit pa rin niyang iwinawaksi sa isipan iyon. Hindi siya dapat manghusga kaagad na ganoon nga ang kanyang tiyuhin. Pero kahit ano ang gawin niya ay hindi talaga nagbabago ang kanyang pagtingin dito. Sa dami ba naman ng baklang nakasalamuha niya, hindi pa ba siya eksperto sa pagkilatis ng mga ito?
"Hon, h'wag masyadong marami ang inomin ni'yo ha," sabi ni Lea na tumayo na rin.
Niyakap ni Rey ang butihing asawa at hinalikan sa labi. "Oo na," malambing nitong sabi.
Ngumiti naman si Lea. "Sige... matutulog na ako. Jin, kapag hindi na kaya ng katawan mo, iwanan mo na lang ang tito mo ha. Hayaan mo na lang itong magpakalasing."
Tumawa lang si Jin sa sinabi nito.
"Siyanga pala, Jin, ito ang duplicate key ng bahay. Just in case magising kang nasa duty na kami ng tito Rey mo at nasa school na si Daniel," pahabol na sabi ni Lea.
Tinanggap naman iyon ni Jin pero inilagay muna niya sa may bintana dahil walang bulsa ang suot na shorts.
Hinatid ni Rey si Lea sa kwarto. Pagbalik nito ay bigla siyang inakbayan at naramdaman pa niyang inamoy siya nito sa may leeg. Napailing na lamang siya dahil hindi alam kung paano magreak.
Lumabas nga sila ng bahay at dumiretso sa tindahan ni mang Rodel. Abot hanggang tenga ang ngiti ng tindero nang makita siya.
"Hi, Jin..." bati nito sa kanya.
Napangiti siya, "Hello po, mang Rodel," ganting-bati niya rito.
Pansin niyang naglakbay na naman sa kanyang kabuuan ang mga mata nito. Napalunok pa ito ng laway nang matuon ang pansin nito sa nakabukol niyang harapan. Wala nga kasi siyang suot na panloob at nakabasketbol shorts pa. Pero hinayaan na lamang niya ito. Mas nanaisin pa niyang si mang Rodel ang magpantasya sa kanya h'wag lang ang mga kadugo.
"Rodel, bigyan mo nga kami ng isang kahong beer," sabi ni Rey.
Napakunot ang noo ni Jin dahil mariin ang pagkakasabi nito. Parang may galit pa yata. Naisip niyang baka napansin ng kanyang tito Rey ang kalandian ni mang Rodel sa kanya. Nagseselos siguro.
Kaagad namang tumalikod si mang Rodel para kunin ang kanilang binili.
"Magkakilala na pala kayo ni Rodel, Jin?" tanong ni Rey sa kanya.
"Opo, bumili kasi ako kanina ng sabon at shampoo rito," tugon niya.
"H'wag mong sabihin sa akin na nakatapi ka lang ng tuwalya kanina nang bumili sa kanya."
"Gano'n nga po, tito. Nakatapi lang ako ng tuwalya kanina. Masama ba?"
"Jin, bakla si Rodel, alam mo ba 'yon? Gusto mo bang pagpantasyahan ka niya, ha? Saka kapag may nagustuhan ang baklang 'yan, gagawin niya lahat makuha lang niya," iritadong tugon ni Rey. Napatingin ito sa namumukol niyang harapan. Bakat na bakat ang kanyang pagkalalaki sa loob. "Sa susunod, Jin, h'wag kang lalabas ng bahay na walang brief. Maraming bakla rito sa atin. Hindi lang si Rodel. Gusto mo bang bastusin ka ng mga bakla rito?"
Napabuntong-hininga si Jin. Kompirmado na niya ang pagseselos ni Rey. Kinabahan siyang bigla. Nababasa niya sa mga mata nitong gusto siyang ipagdamot sa ibang bakla.
"Hindi na po mauulit, tito," sabi niya at pilit na ngumiti.
"Oh, sige... mauna ka na sa bahay. Ako na ang bahala rito, Jin."
"Sigurado ka, tito? Ako na lang sana ang bubuhat ng beer."
"Oo. Sige na umuwi ka na."
"Sige po, tito. H'wag mong kalimutang bumili ng sigarilyo," sabi niya.
Sa totoo lang ay nainis na siya nang mga sandaling iyon at nawalan nang gana uminom. Seloso pala si Rey. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Lumayo nga siya kay Din para wala ng kadugo na magkagusto sa kanya pero hayun at mukhang may papalit agad sa papel ng kanyang kambal. Walang iba kundi ang kanyang tiyuhin. Parang gusto na tuloy niyang umuwi na lang.
Naglakad na nga siya pauwi ng bahay. Mabigat ang kanyang kalooban no'n. Naisip niya si Marian. Naalala niya ang telephone number na binigay nito. Kailangan niyang matawagan ang kasintahan sa lalong madaling panahon. Nangako pa naman siyang tatawag kaagad kapag dumating na siya ng Maynila.