Tahimik kong pinagmamasdan ang bawat taong dumadaan sa harapan ko na unti unting tumatakip sa lugar na kinaroroonan ko. Ano bang meron?
Sinubukan kong makihalubilo sa kanila at bigla na lamang nagkagulo na naging dahilan kung bakit nawalan ako ng balanse at natumba. Lumakas ang hiyawan at nagsimulang magtulakan ang mga tao kaya naman naipit ako at hindi agad nakatayo.
Handa na akong sigawan sila nang biglang mahawi ang daan at ang kaninang masikip na lugar ay naging maluwag at maliwanag. Huwag mong sabihing namatay ako dahil tinapakan nila ako ng ilang beses? Nasa langit na ba ako?
"Hindi mo naman kailangan makipagsiksikan para makita ako."
Nagpanting ang tainga ko at tiningnan ang isang lalaking may malawak na ngisi habang nakalahad ang kanyang kamay sa aking harapan. Ang kaninang tilian ay naging bulong bulungan.
Hindi ko siya pinansin at pinulot ang ilang gamit na naihulog ko at nilagpasan ko siya. Humakot naman ako ng mga negatibong reaksyon mula sa kanyang mga tagahanga. Humahanga sila sa lalaking 'yon?
"Teka! Nagmamagandang loob na nga ako. Nagkusa na akong lumapit sa'yo kasi nakikita ko kung paano ka nahihirap--"
"Unang una, hindi kita inaabangan. Pangalawa, wala akong pake sa'yo at ang huli, ayoko sa katulad mo."
Alam kong dahil sa sinabi ko ay aawayin ako ng mga tagahanga niya at dapat umuulan na ngayon ng kahit anong mga bagay na puwede nilang ibato pero alam ko ding hindi niya hahayaang mangyari ang bagay na 'yon kaya nagpatuloy ako sa paglalakad papunta sa unang klase ko ngayong araw at sa kasamaang palad kaklase ko siya at ang barkada niya.
Bumuntong hininga muna ako bago umupo sa pinakadulong upuan malapit sa bintana. May kalahating oras pang natitira bago magsimula ang klase kaya naman nagdesisyon akong matulog na lang muna.
Naalimpungatan ako dahil sa ingay na naririnig ko kaya naman idinilat ko na ang aking mga mata at unti unti kong iniangat ang aking ulo at halos manlaki ang mata ko dahil ilang inches lang ang layo ng mukha ng lalaking 'yon sa mukha ko. Nakaharap ang upuan niya sa akin at nakapalibot ang kanyang mga braso para hindi ako makatakas.
Gusto ko sanang lumabas pero nakabantay ang tatlo niyang kaibigan sa pinto sa likod.
"Ano bang problema mo? Lumayo ka nga!"
"Bakit ba galit ka na naman sa akin? Kahapon mo pa akong hindi pinapansin."
"Matagal na kitang hindi pinapansin. Walang bago dun kaya lumayo ka na sa akin!"
Hindi pa rin siya natitinag kaya itinulak ko siya pero masyado siyang malakas kaya wala akong magawa. Naririnig ko na naman ang bulungan sa paligid ko at nakaabang na din ang mga titig nilang parang pinapatay na ako. Hindi ko naman ito ginusto! Bakit sa akin sila nagagalit? Bakit hindi dito sa lalaking ito?
Dumating na ang professor namin kaya naman umayos na ng upo ang lahat maliban sa kanya. Tinitigan ko siya ng masama pero tinitigan niya lang ako pabalik.
"Umayos ka nga, Zulrich. May professor na tayo."
"Hindi ako haharap sa kanya hanggang hindi ka pumapayag na makipagdate sa akin."
"Tigilan mo nga ako. Hindi ako makikipagdate sa'yo."
Pinagtitinginan na kaming lahat dahil hindi makapagsimula ang klase at diretso din ang titig sa amin ng professor namin kaya naman inis na inis akong pumayag sa gusto niya at halos mapunit ang pisngi niya dahil sa kanyang mga ngiti.
"I told you, she will say yes."
Naguguluhan ako sa nangyayari at tiningnan ko silang lahat pero mukhang ako lang ang hindi siya kilala? Lumapit siya sa puwesto namin at matamis na ngumiti sa akin.
"I hope to see you this Friday with my son, Ms. Larieza."