webnovel

Lost With You (Tagalog BL)

Sumabog ang sinasakyang cruise ship nina Cyan at nang lalaking pinangalanan niyang Red—nagkaamensia ito matapos makaligtas sa trahedya—na papuntang Japan. Kapwa sila nangangapa sa pagsubok ng survival sa isla. Magkatuwang sila sa paghanap ng pagkain, tubig at matutuluyan upang mabuhay habang naghihintay ng tulong. Lumipas ang mga araw, ang dating magkakilala ay napalapit sa isa't isa, kasabay nito ang pagtayo nila ng sarili nilang kastilyo sa paraisong sila ang namumuno. Bumuo ng pangako sa isa’t isa na ang isla ang tanging saksi. Dumating ang tulong na dati’y inaasam nila—pero ngayo’y kinakatakutan na nila. Bumalik din ang mga alaala ni Red, at natuklasan nilang pareho na nakatali na pala ito sa iba. Paano na ang mga pangakong binuo nila? Paano na ang pagmamahalan nila?

xueyanghoe · LGBT+
Pas assez d’évaluations
31 Chs

FOUND: CHAPTER 20

Masakit ang ulo ni Riley nang magising siya ng umagang iyun. Hindi niya matandaan ang nangyari nang nag daang gabi. Ang huling naalala niya ay kasama niya si James sa isang bar at nag iinuman sila. Hindi na din niya alam kung paano siya nakauwi. Napansin din niyang iba na ang suot niyang damit, at hindi iyon sa kaniya.

"Direk!" boses ni Lorimel mula sa labas ng kwarto niya. Agad siyang bumangon at binuksan iyun, hawak hawak niya ang ulo niyang parang binibiyak sa sobrang sakit.

"Oh, Lorimel," bungad niya dito.

Bigla itong tumawa nang makita siya sa ganoong ayos.

"Ayan kasi, kung maka inom akala mo naman wala nang bukas." Wika nito.

"Hindi ko na matandaan ang nangyari kagabi."

"Pumunta din kasi kami ni Cyan sa bar kagabi, at nakita ka namin doon, tapos bumagsak ka na, kaya hinatid ka na namin dito."

"Nakakahiya naman." Napakamot siya sa kaniyang ulo.

"Naku, wala iyon. Ikaw naman kasi, sa lahat ng sasamahan mo sa inuman, si James pa talaga sinamahan mo. Eh wala yung pake sa kasama niya."

"Kanino palang damit 'to?" biglang tanong niya. Napansin niyang masikip ang suot niyang sando na may disenyong mga flamingo.

"Sa'kin." Agad napatingin si Riley sa may ari ng boses na nagsalita. Gulat na gulat siya nang malamang si Cyan iyun. Naka-ekis ang mga kamay nito habang nakasandal sa pader.

"Marami naman akong damit sa maleta, bakit ka pa nag abala?"

"Okay na 'yan, tsaka ayaw ko ding buksan ang maleta mo, baka may mawala, ako pa ang pagsuspetsiyahan." Matabang nitong sagot.

Napalagok siya ng laway sa narinig niyang kasagutan mula kay Cyan.

Tawang tawa naman si Lorimel sa sagutan nilang dalawa. "Anyway, Direk...pasensya na kung ginising ka namin. Kasi, mayamaya, pupunta kaming lahat sa Sugba Lagoon. Gusto ka sana naming imbitahin. Promise kasama kaming lahat, hindi katulad noong island hopping na kailangan naming umalis. This time, walang mangiiwan."

"Naku, nakakahiya naman," napakamot siya ng ulo. Biglang umalis si Cyan at bumaba na ng hagdan.

"Sige na sumama ka na, kaming lahat ang aalis. Walang maiiwan dito. Sige ka, pag may costumer sa dormitel ikaw talaga ang sasagot." Pagbabanta nito. "Tsaka nabalitaan ko, iilan pa lang ang napuntahan mo dito sa Siargao. Pagkakataon mo na ring makagala!"

"Oo nga eh," napakamot siya sa batok niya.

"Yung ibang turista nga, isang araw lang naikot na ang buong isla. Ikaw na mag-iisang lingo na dito, konti pa lang!"

"Oh sige na, dahil mapilit ka...sasama na ako." Nakangising tugon niya.

***

Paglabas ni Riley ng bahay nakita niya ang van na sasakyan nila. Pagbukas niya, agad bumungad sa kaniya si Cyan at si James na magkatabing nakaupo. Agad niyang naalala ang napagusapan nila ni James kagabi.

"Pero bakit naikwento ni Lorimel na si Cyan ang ama?"

"Ah, kasi gusto din ni Cyan na lumaking may tatay si Red."

"Hindi naging sila ni Lorimel?"

"Hindi."

"Oh..."

"Pero naging kami."

"Ano? Ibig sabihin...si Cyan ang sinasabi mong boyfriend mo ngayon?"

"Oo, si Cyan ang boyfriend ko."

"Oh, Direk!" agad siyang natauhan. Hindi niya napansing kanina pa siya tinatawag ni Lorimel. "Pasok ka na!"

"A-ah, sige. Pasensya na...hangover." Pagsisinungaling niya. Tumabi siya kay Nana Sally sa likuran, at mula sa posisyon niya, kitang kita niya si Cyan at James na masayang nagkwekwentuhan.

Tahimik siya sa buong biyahe. Nakasuot siya ng earphones at malakas ang volume niyon para hindi niya marinig ang paguusap ng dalawa. Pero kahit pa ipikit niya ang kaniyang mga mata, naalala niya ang pinag usapan nila ni James ng nag daang gabi.

"Huy, Direk!"

"Direk," naramdaman niya ang kamay ni Nana Sally sa balikat niya. Agad niyang tinanggal ang suot na earphones.

"Po?"

"Tinatawag ka ni Lorimel," agad siyang tumingin kay Lorimel na nakaupo sa frontseat.

"Bakit, Lorimel?"

Tumawa ito bigla habang nakatingin sa kaniyang cellphone. "Direk, sikat ka na!"

"Anong sikat?" naguguluhan niyang tanong. Gusto niyang magmayabang dahil kahit papano'y sikat naman talaga siya bilang isang director.

"Ayan oh, James iabot mo nga kay Direk!" utos nito sa kapatid. Kinuha ni James ang cellphone at ibinigay sa kaniya. Bago niya ito matanggap, ngumisi ito sa kaniya na hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin.

Nang makuha niya ang cellphone, agad niyang pinindot ang play button at napanood na nga niya ang video.

"Ugh! Nakakahiya!" sigaw niya nang mapanood ang unang dalawang segundo ng video. Ito ang kaniyang video na sumasayaw na nakahubad sa Rum Bar.

Tinakpan ni Riley ang kaniyang mukha sa sobrang kahihiyan habang pinapanood naman ni Nana Sally ang video. Tawang tawa naman si Lorimel na nasa front seat.

"Ayan kasi, bakit ka iinom ng marami, ayan tuloy!" sigaw ni Lorimel sabay hagalpak ng tawa.

"Dude, hindi ko talaga alam na kaya mong mag strip tease sa harap ng mga estranghero!" dagdag pa ni James na tawang tawa din.

Ibinalik na ni Nana Sally ang cellphone at ipinasa kay Cyan papunta kay Lorimel. "Anak, 300k views na ang video mo, okay lang ba iyan? Hindi ba 'yan makakaapekto sa career mo?" nagaalalang wika ni Nana Sally.

Hinaplos ang puso ni Riley sa narinig mula dito. "Nakakahiya talaga," tangi niyang naiwika. Nahihiya siya kay Nana Sally na nakita siya sa ganoong ayos. Pati narin kay Lorimel at Cyan.

Tawang tawa pa rin si Lorimel sa harap habang pinapanood ng paulit-ulit ang video.

"Stop that, Lorimel. Can't you see someone is actually harassed in that video, and you're really laughing about that?" sabat ni Cyan.

Biglang tumahimik ang lahat sa van na tila may dumaang masamang hangin. Kahit siya ay hindi inaasahang marinig iyun mula kay Cyan.

"Ito naman, ang KJ!" banat ni Lorimel sabay patay sa cellphone.

"It's not being KJ, someone's right is compromise and people are obviously harassing him on the video. You better report that video instead of sharing it!"

"Okay, you're highness! Hayaan mo, Riley, irereport natin to! Locals din kasi ang nagpost, so keri lang."

Naging tahimik ang buong van matapos ang usapang iyun. Naalala nga niyang asiwa siya sa nangyayari sa kaniya kagabi, hindi niya nagugustuhan na kung sinu sino nalang ang humahawak sa kaniya, at nalulungkot siya dahil na-videohan pa ito at pinagpyestahan ngayon ng maraming tao. Hindi naman ito makakaapekto sa kaniyang career bilang isang director pero na-immortalize ng video na iyan ang nangyaring pag abuso sa kaniya.

Sa kabilang banda, natutuwa siya sa concern ni Nana Sally at siyempre...sa concern ni Cyan. Masasabi niyang blessing in disguise.