webnovel

Si Elder Mo Xiang

Éditeur: LiberReverieGroup

Sa loob ng "Enlightenment Will Tower."

"Elder Mo, umaasa ako sayo!" Tumingin si Elder Shang Chen sa matanda na nakaupo sa kanyang tabi.

Isang elder mula sa Teacher Guild, si Mo Xiang!

"Elder Shang, di mo na kailangang maging pormal. Matagal na tayong magkaibigan!"

Si Elder Mo Xiang ay nasa limampung taong gulang na at makikita sa kanyang mukha ang kanyang kulay abong balbas. "Huwag kang mag-alala, kung talagang ang gurong ito ay pinepuwersa ang mga bata na maging estudyante niya, sasabihin ko ito agad sa guild para matanggalan siya ng lisensya sa pagtuturo!"

"Hay, dahil to sa kapabayaan ko!" Umiling si Elder Shang Chen. Bakas ang pagsisisi sa kanyang mukha at nagsabing, "Nang ang gurong ito ay nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination, binigyan ko siya ng kondisyon. Kung hindi siya makakakuha ng estudyante, tatanggalin ko siya agad sa akademya… Malamang dahil na rin sa bigat ng sitwasyon, naisipan niyang gawin ang ganitong bagay… Kasalanan ko lahat 'to!"

Bumuntong-hininga siya.

"Elder Shang, huwag mong sisihin ang iyong sarili. Dahil sa iyong kabutihan ay binigyan mo siya ng isa pang pagkakataon. Subalit ang taong ito ay walang utang na loob, at sa halip, gumawa siya ng hindi maganda. Siya ay tunay na walang hiya at lapastangan!" Nagdilim ang mukha ni Elder Mo at naglabas siya ng malakas na aura. "Bilang isang guro, imbis na mag-isip siya ng paraan kung paano niya tuturuan ang mga estudyante niya, inuubos niya ang kanyang oras para gumawa ng mga kabalastugan. Nais kong makita ang taong nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na gawin yon!"

Si Elder Mo Xiang ay kilala sa kanyang pagkasuklam sa mga masasamang tao at sa masasamang gawain. Nang marinig niya ang tungkol sa gurong nampupwersa ng mga estudyante, halos sumabog na siya sa sobrang galit.

"Kung di dahil sa katapatan ni Cao Xiong laoshi sa pag-apela sa insidente, at nagawa pa niyang gamitin ang Enlightenment Will Trial para malutas ang isyu, malamang ay hindi ko pa rin alam ang mga nangyayari."

Habang nasa likod niya ang kanyang mga kamay ay napailing si Shang Chen. Ang kanyang mga mata ay nakatingin sa langit na para bang nakagawa siya ng isang napakabigat na kasalanan.

Kung nandito si Zhang Xuan, malamang ay magugulat siya. Ang kakayahan ng taong ito sa zhuangbi [1] ay higit na mas malakas kaysa sa kanya.

"Kahit na ang Enlightenment Will Trial ay nakakasira sa relasyon ng mga guro, mas mabuti nang gamitin ito para mabunot ang mga masasamang damo sa kanila. Huwag mong masyadong sisihin ang sarili mo!" Nang makita ang kanyang ekspresyon, lihim na napahanga si Elder Mo Xiang.

Kadalasan, nagkakaroon ng isang estudyante na gusto ng lahat ng mga guro sa akademya. Sa ganitong pagkakataon, sinusubukan ng lahat na palihim na ayusin ang ganitong isyu. Sa ganitong paraan, bukod sa hindi masisira ang samahan ng mga guro, mapapanatili din ang kaayusan sa institusyon. Saka lamang nila ginagamit ang paraan na ito kapag hindi na nila magawang maayos ang problema ng palihim.

Ang Enlightenment Will Trial, gaya ng sinasabi ng pangalan nito, ay isang pagsubok sa puso ng isang estudyante, dahilan para mabigyan ng pagkakataon ang isang estudyante na pumili base sa tunay na nilalaman ng kanyang kalooban. Subalit, mangangahulugan ito na ang relasyon sa pagitang ng dalawang guro ay tuluyan nang masisira, dahilan para masira ang samahan ng mga guro.

Ito ang dahilan kung bakit mula noong mabuo ang Hongtian Academy, mayroon lamang higit sa sampung aplikasyon para sa Enlightenment Will Trial. Hindi nila inasahang mararanasan din nila ang ganitong insidente.

Pagkatapos niyang magpanggap na nalulungkot siya, palihim na tumawa si Elder Shang Chen nang magawa niyang galitin si Elder Mo Xiang. Sumenyas siya gamit ang kanyang kamay at nagsalita siya, "Papasukin sila!"

Jiya!

Pagkatapos niyang magsalita, dahan-dahang nagbukas ang mga pinto at pumasok sila Zhang Xuan, Cao Xiong, Shang Bin, Shen Bi Ru at si Liu Yang.

"Cao Xiong laoshi, ikaw ba ang dumulog para sa Enlightenment Will Trial?"

Nang huminto sila sa paglalakad, agad nagtanong si Elder Shang Chen.

"Nakikiusap ako sa inyo na gawan niyo po ng paraan ang reklamo ko elder!" Ang sigaw ni Cao Xiong. "Pinilit ni Zhang Xuan ang estudyante ko, si Liu Yang, na pinili ako bilang kanyang teacher, nilabag niya ang patakaran ng patas na paligsahan sa pagitan ng mga teacher. Dumulog ako para sa isang Enlightenment Will Trial upang bigyang hustisya si Liu Yang. Kasabay nito, umaasa akong parurusahan ng akademya ang walang hiyang taong 'to!"

"Bigyang hustisya?"

Walang kaalam-alam si Liu Yang sa mga nangyayari sapagkat sinabihan lang siya na sundan ang grupo rito. Nang marinig niya ang mga sinabi ng kabilang grupo, doon niya lang naintindihan na ginagamit siya ni Cao Xiong para makaganti kay Zhang Xuan. Dahil dito, agad siyang tumingin kay Zhang Xuan, "Teacher…"

Bago pa niya matapos ang mga sasabihin niya, nakita niyang nataranta si Zhang laoshi, na kalmado pa kanina noong nasa classroom pa sila. Pagalit siyang nagsalita, "Cao laoshi, kalokohan ang sinasabi mo… Si Liu Yang ay… kusang loob na naging estudyante ko! Hin… Hindi… hindi ko siya pinilit!"

Halata ang kaba at pagkataranta sa kanyang boses, tila nabunyag na ang kanyang pagsisinungaling.

"Err?"

Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya, napakurap na lamang ang mga mata ni Liu Yang.

Pagkatapos ng dalawang lesson, humanga siya kay Zhang Xuan, iniisip niya pa na mala diyos ang kanyang teacher. Pakiramdam niya na ang pagiging estudyante ni Zhang Xuan ay resulta ng patas na kompetisyon sa pagitan ng dalawang guro at madali lang itong ipaliwanag. Paanong naging ganito ang sitwasyon?

Puno ng takot ang mga mata ni Zhang Xuan at nanginginig ang kanyang katawan, para siyang nahuli na may kasamang iba sa kama. Hindi malaman ni Liu Yang kung ano nang nangyayari sa sitwasyon… Aling ugat sa utak ni Zhang laoshi ang nagkaproblema para umasal siya ng ganito?

"Teacher…" Lumingon sa kanya si Liu Yang, pero bago pa man niya masabi ang mga pinagtatakahan niya, nakita niyang lumingon sa kanya si Zhamg laoshi at nagsalita, "Liu Yang, siguraduhin mong magpapaliwanag ka ng maayos. Pinilit ba kita o hindi?"

Habang nagsasalita siya, palihim siyang kumindat.

"Ah… Hindi, hindi!" Nagmadaling umiling si Liu Yang.

Kahit na gaano pa kahina ang kanyang utak, malinaw na may pinaplano si Zhang laoshi laban kay Cao Xiong!

Magtatagumpay ito basta makikipagtulungan siya kay Zhang Xuan.

Alam nilang pareho kung ano ang nangyayari, pero sa mata ng iba, tila tinatakot ni Zhang Xuan si Liu Yang para may sabihin siyang labag sa kanyang kalooban. Kung hindi ganun, bakit nag-aalinlangang sumagot si Liu Yang?

Gaya ng inaasahan, nang makita niya ito, sumama ang tingin ni Elder Mo.

"Ikaw siguro si Zhang Xuan! Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon. Kapag inalis mo si Liu Yang sa klase mo at hinayaan mo siyang maging estudyante muli ni Cao laoshi, hindi ko na itutuloy ang Enlightenment Will Trial!"

"Alisin sa klase ko?" Napakamot ng ulo si Zhang Xuan. "Kusang loob akong pinili ni Liu Yang na maging teacher niya. Hindi ito magiging patas para sa kanya kung itataboy ko siya…"

"Hindi patas? Kusang loob?"

Napangiwi ang labi ni Elder Mo.

[Hindi ka ba mahihiya sa mga sinasabi mo?

Isa ka lang teacher na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination. Mas magiging masaya siya na umalis sa klase mo, tapos sasabihin mong hindi yun patas…

Saan nanggaling yang kompyansa mo sa sarili mo?]

Ipagpapatuloy pa lang sana niya ang sinasabi niya nang marinig niyang sumisigaw sila Cao Xiong at Shang Bin, 'Elder Mo, hindi yun pwede!"

"Bakit?"

Ang Enlightenment Will Trial ay isang matrabahong bagay. Sa oras na magsimula ito, kinakailangan na mayroong taong maparusahan. Kung hindi, gagamitin ng lahat ang prosesong ito, maaaring hindi kayanin ng akademya ang gastos para dito!

Noong una, nais ni Elder Mo na ayusin na lang sa mapayapang paraan ang insidenteng ito. Pagkatapos niyang marinig ang mga sinabi ng dalawa, lumingon siya sa kanila.

"Elder Mo, dumulog si Cao laoshi para sa isang Enlightenment Will Trial at pumayag na ang akademya dito. Kung bigla itong ititigil sa oras na ito, hindi ba mangangahulugan ito na… minamaliit niyo ang mga patakaran ng akademya?" Ang mabilis na sinabi ni Shang Bin.

Anong kalokohan 'to!

Hindi naging madali para sa kanila na ihanda ang ganitong sitwasyon para ipitin si Zhang Xuan. Kung aayusin nila ito ng mapayapa, hindi ba ibig-sabihin lang nito na balewala ang lahat ng paghihirap nila?

Kung ganun, hindi ba mawawalan ng saysay ang pagkapahiya niya kahapon?

"Totoo yun, Elder Mo, nag-iisip din ako para sa estudyante. Sana ay masunod niya ang nilalaman ng kanyang puso at piliin niya kung sinong teacher ang mas gusto niya, kesa pilitin siyang mamili!"

Nagmadaling magsalita si Cao Xiong. Makatarungan at emosyonal ang kanyang mga salita. Kung hindi dahil sa namumulang bakat ng palad sa mukha niya na mula sa sampal ni Shang Bin kahapon, malamang ay marami siyang napahanga.

"Sige!" Nang marinig ang mga salita ng dalawa, tumango si Elder Mo at hindi na pinatigil ang proseso.

"Pinili niyo ang Enlightenment Will Trial kaya gaya ng inaasahan, ililista ko muna ang mga patakaran ng malinaw. Kapag natapos ang paglilitis, kung sinuman ang pipiliin ni Liu Yang na guro sa huli ay ang mananalo. At syempre, mapaparusahan ang matatalo. Kaya linawin muna natin ang parusa nito!"

Sa puntong ito, ang tahimik na si Elder Shang Chen ay sinuri ang paligid bago magsabing, "Ngayon, pinili ni Cao laoshi ang pinakamabigat na kaparusahan at iyon ay ang pagpapatalsik sa akademya ng matatalong partido! Zhang Xuan, tututol ka ba rito?"

Nang marinig niya na ito ang pinakamabigat na parusa, hindi makapaniwala si Zhang Xuan. Nagsalita siya ng may katapatan, "Wala namang malalim na hinanakit sa pagitan naming dalawa ni Cao laoshi, pero para patalsikin siya…'Di ba parang sumosobra na yun?"

"Err?"

Nang marinig ang kanyang mga salita, napahinto sila Elder Shang. Napalingon sila kay Zhang Xuan na parang nakatingin sa isang tanga. [Mayroon bang problema sa utak ang taong ito…? Ikaw ang mapapatalsik, 'di ba?]

"Hmph, kahit anuman ang iyong opinyon, kailangan mong tanggapin ang Enlightenment Will Trial! Huli na para tanggihan ito!"

Nang inisip niyang nagsasabi lamang ng mga walang kwentang bagay si Zhang Xuan ay napasinghal si Cao Xiong.

"Ginagawa ko talaga ito para sa iyong kabutihan… Tingin ko pa rin ay ang biglaang pagpapatalsik ay masyadong mabigat na parusa. Paano kung ganito!" Nagdalawang-isip muna si Zhang Xuan bago nagsabing, "Bakit 'di na lang natin… kalimutan ang pagpapatalsik. Tatanggalin na lang natin ang lisensya ng matatalo tapos… dagdagan natin ng isandaan pang God Slaying Flogs!"

"Tanggalan ng lisensya? Isandaang God Slaying Flogs?"

Napakurap ang lahat at napatingin sa isa't isa. Pakiramdam nilang lahat ay nababaliw na sila.

Tila ang matatalong kalaban ay mananatili pa rin sa kanyang posisyon para hindi siya mawalan ng trabaho. Pero, yung totoo, ito ay mas mabigat kaysa sa biglaang pagpapatalsik mula sa paaralan.

[Sigurado ka bang hindi ka nagkamali ng sinabi?]

------

[1] Zhuangbi -> Nagpapaka-angas (Nagpapanggap)