webnovel

Ang Storage Ring

Éditeur: LiberReverieGroup

"Hindi ka makakatakas!"

Napapaligiran na ng taong ito si Zhang Xuan, at inutusan siya nitong lumuhod at humingi ng tawad sa kanya. Natural lang na hindi palampasin ni Zhang Xuan ang mga ginawa niya. Agad na ginamit ni Zhang Xuan ang ilan sa mga Fighter 5-dan pinnacle 'supports' at pagkatapos niyang umikot, agad niyang sinugod si Master Mo Yang.

Dahil sa paglakas ng katawan ni Zhang Xuan, ang kilos niya ay nagmistulang hamog. Sa tuwing tatapak siya sa lupa, sumusugod siya ng 10 metro papunta sa kalaban. Kahit na wala siyang ginagamit na footwork technique, halos kasing bilis siya ng isang roc.

"Ano 'to!"

Lumingon ang tumatakas na si Master Mo Yang, at nakita niya na papalapit na sa kanya si Zhang Xuan, ang mga galaw niya ay katulad ng sa mga imortal. Halos hindi na huminga si Master Mo Yang dahil sa sobrang pagkagulat, at halos madapa na siya.

Akala niya na parang isang tupa na madaling patayin si Zhang Xuan, kaya sinubukan niyang habulin si Zhang Xuan para pagbayarin sa kahihiyang ibinigay nito sa kanya kanina. Ngunit, hindi niya inasahan na mapupunta siya sa isang mapanganib na sitwasyon.

Kung alam lang sana niyang ganito kalakas si Zhang Xuan, hindi na sana niya hinanap ito.

Kung titingnan maigi ang binata, kahit na nagsimula pa siyang magsanay sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina, hindi pa rin kapani-paniwala na ganito kabilis ang paglakas niya.

Matindi ang pagsisisi ni Master Mo Yang, hanggang sa sumagi na sa isipan niya ang magpakamatay.

Kung hindi lang sana ganun kamalas ang bibig niya para piliin niya si Zhang Xuan sa dami ng tao sa madla noong nanloloko siya ng mga tao sa treasure speculation hall, hindi sana inilantad ni Zhang Xuan ang mga ginagawa niya at makakaalis sana siya sa hall ng maayos at iginagalang ng mga tao, sa kabila ng panloloko niya sa mga ito. Kahit na nabisto pa ang panloloko niya, umalis na lang sana siya sa capital, at wala na sanang nangyari pang ganito. Kaso, ginawa pa talaga niyang maghiganti. Ngayon, bukod sa pumalpak siya sa paghihiganti niya, siya na ngayon ang hinahabol. Ano bang nangyayari…

[Totoo, na kapag hindi mo ibibigay ang lahat sa pagpapakamatay, hindi ka mamamatay. Ah, ang puso ko…]

Kahit na labing-siyam na taong gulang pa lang siya, kinultivate ni Zhang Xuan ang Heaven's Path Divine Art at ang Heaven's Path Golden Body. Pinalakas ng zhenqi ang kanyang katawan at inalis lahat ang dumi dito, pinatibay nito ang kanyang mga buto, dahilan para magmukha siyang mas bata. Sa isang tingin, mukha lang siyang labimpito o labing-walong taong gulang.

Sa edad niyang ito, ang isang karaniwang tao ay nasa Fighter 1-dan o 2-dan pa lang. Pero, nang umatake silang lahat, malinaw na kahit na pagsama-samahin pa nila ang mga lakas nila hindi nila kayang tapatan si Zhang Xuan. Kaya naman, nakapagtataka na kung hindi pa siya tatakas.

"Tigil!"

Habang nagrereklamo siya sa kanyang isipan, nakaramdam siya ng paninikip ng kanyang dibdib. Kasunod nito, narinig niya ang isang boses mula sa likod niya.

Peng!

Bago pa man siya makaikot para umatake, nakaramdam siya ng matinding sakit sa gitna ng kanyang spinal cord. Nadapa siya at sumadsad ang mukha niya sa lupa, tumilapon siya paharap, dahilan para magkaron ng malalim na hukay sa kanyang dinaanan.

"Ang mukha ko…" Halos maluha na si Master Mo Yang.

Hindi pa niya ito tinitingnan, pero malinaw na nasira ang mukha niya dahil sa nangyari.

Kacha!

Tinapakan ni Zhang Xuan ang kanyang ulo na tila wala man lang itong balak na binigyan siya ng pagkakataon na kaawaan ang kanyang sarili.

"Dapat naisip mo nang mangyayari 'to nang subukan mo 'kong patayin…"

Tinapakan ni Zhang Xuan ang ulo ni Master Mo Yang na may kalmadong ekspresyon.

Isa lamang siyang ordinaryong librarian sa kanyang dating buhay. Subalit, mula noong maging parte siya ng mundong 'to, naintindihan niya ang lohika ng paghahari ng lakas sa mundong ito.

Kung kulang ang lakas niya ngayong araw, posibleng patay na siya ngayon.

"Huwag mo 'kong patayin. Lord, kung hindi mo ako papatayin, ibibigay ko sayo ang lahat ng naipon ko sa mga nagdaang taon…"

Nang malinaw niyang makita ang kakayahan ni Zhang Xuan na durugin ang kanyang ulo, hindi makontrol ni Master Mo Yang ang kanyang panginginig.

Kung ikukumpara ang pera sa buhay, malinaw na mas mahalaga ang buhay.

"Oh? Ipakita mo pala sakin. Titingnan ko kung sapat na yun para bilhin mo ang buhay mo!"

Ang sagot ni Zhang Xuan.

"Oo, oo!"

Nang marinig niya ang mga sinabi ni Zhang Xuan, agad na tinanggal ni Master Mo Yang ang kanyang singsing at ibinigay ito kay Zhang Xuan. "Nasa loob niyan lahat. Nakikiusap ako sayo lord… tingnan mo!"

"Nasa loob? Sumimangot si Zhang Xuan.

Ano bang pwedeng magkasya sa isang singsing?

Subalit, bilang isang expert, hindi niya ito pwedeng itanong kay Master Mo Yang. Umigkas ang kanyang isipan at sumulpot ang isang libro.

"Low-tier Storage Ring. Mayroon itong tatlong metrong kwadrado na espasyo sa loob. Mga kahinaan: Hindi mahusay ang paraan sa paggawa nito…"

Idinetalye ng libro ang lahat ng tungkol sa singsing na ito.

"Isang storage ring? Di ko maisip na ang isang manlolokong tulad niya ay magkakaroon ng ganito kagandang gamit. Mukhang malaki ang kinita ko ngayon!"

Habang nagbabasa siya ng mga libro sa Compendium Pavilion ng akademya, nalaman niya ang tungkol sa tinatawag na 'mountain in a seed' na mystical treasure. Noong una, akala niya isa itong treasure na hindi niya makukuha, hindi niya inakala na hawak ito ng taong 'to!

Kahit na isa itong low-tier storage ring, magkakahalaga pa rin ito ng hindi bababa sa 500000 pirasong ginto.

Kahit ang mga elder sa akademya ay hindi magiging ganito karangya.

Hindi niya mapigilang mamangha sa isang manloloko dahil sa pagkakaroon niya ng ganitong klaseng gamit.

Ngunit, pagkatapos niyang pag-isipan ito ng mabuti, napagtanto niya ang isang bagay. Kung wala ang gamit na 'to, paano niya madadala ang perang kinita niya? Kung bibitbitin niya ang ganung karaming pera kung saan-saan, hindi magtatagal bago siya matuklasan, hulihin at patayin.

Mukhang ginamit ng taong ito ang lahat ng pera niya para lang mabili ang gamit na 'to.

Gaya ng inasahan ni Zhang Xuan, makikita ang matinding lungkot sa mukha ni Master Mo Yang habang inaabot niya ito kay Zhang Xuan.

Nang maalala niya ang mga detalye tungkol sa mga storage ring na nabasa niya sa isang libro noon, pinatakan niya ito ng sariwang dugo.

Weng!

Umigkas ang kanyang isipan, lumitaw sa kanyang paningin ang isang tatlong-metro-kwadradong espasyo. Puno ito ng ginto, na halos aabot sa isang daang libo.

Maaari ngang hindi siya ganun kagaling, pero mayroon siyang mga naipon.

"Lord, dahil tinanggap mo ang singsing, nakikiusap ako sayo na huwag mo akong patayin…" Habang tinitingnan niya ang binata, nagmamadaling nagsalita si Master Mo Yang.

"Huwag kang patayin? Hindi imposibleng gawin ko yun. Kung ibibigay mo sakin ang mga banknote na tinago mo sa katawan mo, maliit na bagay na lang yung hindi ko pagpatay sayo!" Tumingin sa kanya si Zhang Xuan ng may malaking ngiti sa kanyang mukha.

"Ikaw… Ikaw…"

Nanliit ang mga mata ni Master Mo Yang habang nakatingin siya kay Zhang Xuan na tila nakakita siya ng isang multo.

Ang isang tusong kuneho ay may tatlong hukay. Bilang isang bihasang manggagantso, may inihanda na agad siyang mga plano sakaling mahuli siya. Kaya naman, habang tumatakbo siya, palihim niyang itinago sa kanyang katawan ang mga banknote na naipon niya sa loob ng ilang taon. Ito rin ang dahilan kung bakit niya ibinigay ang kanyang storage ring kay Zhang Xuan. Ang layunin nito ay para hindi na siya kapkapan ni Zhang Xuan.

Basta't makakatakas siya ng ligtas, kahit na mawala ang kanyang storage ring at ang mga gintong nakatago dito, gamit ang mga banknote na nasa kanya, maaari siyang mabuhay ng walang inaalala bilang isang mayaman at makapagsimulang muli!

Akala niya tagong-tago ang mga ginawa niya. Hindi niya inakalang mahahalata ng binatang ito ang mga ginawa niya mula umpisa.

"Paanong… Paano niya nalaman?"

Kahit na makapangyarihan siya, imposibleng makita niya ang mga nakatago sa damit ni Master Mo Yang at makita ang mga banknote na nakatago dito.

Huala!

Dahil ayaw na niyang makipagtalo pa kay Master Mo Yang, pinunit ni Zhang Xuan ang damit niya, at gaya nga ng inaasahan niya, nakita niya ang sampung banknote sa ilalim ng napunit na damit ni Master Mo Yang. Ang bawat isa dito ay nagkakahalagang 100,000, at ang kabuuan nito ay aabot sa 1,000,000!

"Mukhang malaki ang kinita ko ngayon ah…"

Kumislap ang mga mata ni Zhang Xuan dahil sa sobrang tuwa sa dami ng nakikita niyang pera.

"Naibigay ko na sayo ang lahat ng pera ko, pakawalan mo na ako…"

Nang makita niyang alam ni Zhang Xuan pati ang nakatago niyang pera, nalumbay si Master Mo Yang, nawala ang kanyang kayabangan at halos maiyak na siya sa nangyayari.

"Hehe. Yang Mo, isang baguhang mag-aalahas. Isang manloloko mula sa Liuzhu Kingdom na nakilala bilang isang mag-aalahas, tanyag dahil sa mga panloloko niya para yumaman at para sa mga babae. Bihasa sa Voice of Allurement, na kinokontrol ang isipan ng iba gamit ng mga salita, dahilan para madali niyang makumbinsi ang mga tao…"

Nanatiling nakapatong ang paa ni Zhang Xuan sa ulo ni Master Mo Yang habang sinasabi niya ang mga impormasyong nakasulat sa library tungkol sa master na ito nang nakangiti.

"Ikaw… Paanong… Paano mo nalaman yun? Sino ka ba talaga?!"

Nanliit ang mga mata ni Master Mo Yang at nanginig ang kanyang katawan, kitang kita ang takot sa kanyang mukha.