Hindi na maalala ni MIlo ang mukha ng kaniyang mga magulang. kung hindi lang dahil sa mga kuwento ni Lolo Ador, marahil ay matagal na ring naiwaglit sa isipan ni Milo ang kakarampot na alaala niya sa mga ito.
"Lumabas ka diyan Asu-an. Huwag kang duwag, hanggang kailan ka magtatago sa iyong mga kampon?" Sigaw ni Milo, mahinang pagtawa naman ang tugon nito. Ilang minuto pa ang lumipas ay lalong mas tumindi naman ang pag-angil ng mga nilalang sa kanila. Naglalawa na rin ang mga laway nito na walang patid na tumutulo sa kani-kanilang mga bibig. Naging alerto na sila dahil batid nilang papasugod na ang mga aswang sa kanila.
"Dehado tayo rito, napakarami nila, hindi natin kakayanin kung sabay-sabay silang aatake." Wika ni Simon, iniangat niya sa ere ang kaniyang balaraw bilang paghahanda sa anumang pag-atake ng mga kalaban.
"Huwag tayong panghinaan ng loob, manalig lang tayo dahil may darating na tulong." wika pa ni Milo. Nagtipon sila sa gitna at magkatalikod na hinarap ang mga kalaban nilang nagbabadyang umatake sa kanila. Bukod kasi sa mga aswang na lakat na nasa harapan nila ay nariyan din ang banta ng mga wakwak na nasa himpapawid. Umaalingawngaw pa din ang sigawan ng mga tao sa loob ng kanilang mga bahay dahil may mga aswang pa ring pilit na sinisira ang mga pangotrang nakakalat doon.
Wala nang magawa si Milo kun'di ang utusan si Karim na ipakalat ang kaniyang mga alagad upang tulungan ang taong-bayan. Sa pakakataong iyon ay nagsimula nang umatake ang mga aswang na lakat na nasa harapan nila. NAtuon ang kanilang atensyon sa pagsalag at pag-atake sa mga nilalang. Dahil mga ordinaryong aswang lang naman ang mga ito ay mabilis lamang nila itong napapatumba. Ngunit kahit gaano sila kalakas ay wala pa rin silang takas sa dami ng sumusunggab at kumakalmot sa kanila. Bukod kasi sa lupa ay may mga aswang pang lumilipad na pilit silang dinadagit.
Ilang minuto pa ay dahan-dahan na silang nakaramdam ng pagod. Nababawasan naman nila ang mga ito subalit tila walang katapusan ang mga iyon. Sa bawat isang aswang na napapat*y nila ay para bang may nadadagdag na dalawa.
"Naloko na, hindi ba sila nauubos?" Humihingal na wika ni Milo. Nararamdaman na rin kasi niya ang pangangalay ng kaniyang mga baraso at binti. Nasasagad kasi ng nangyayaring labanan ang bisa ng kaniyang gamit na mutya. Akmang itatarak niya sa isang aswang ang kaniyang tabak ay bigla naman siyang tumilapon palayo na para bang may kung anong puwersa ang tumama sa kaniyang sikmura.
Nagpagulong-gulong siya sa lupa bago siya tumama sa isang malaking bato sa gilid ng daan. Akmang tatayo siya, bigla naman siyang napasubasob sa lupa. Napasigaw si MIlo nang maramdaman ang bigat ng kung sino na nakaapak sa kaniyang ulo. Isa lang ang alam niyang maaaring umatake sa kaniya na hindi niya nakikita.
"Asu-an!!!" gigil na sigaw ni Milo habang pikut na nilalabanan ang puwersang pilit na nagngungudngod sa kaniya sa lupa.
"Kamukhang-kamukha mo ang iyong ama at nabubuhay ang galit ko sa tuwing nakikita ko ang pagmumukhang iyan." wika pa nito at naramdaman na lamang niya ang pagsipa nito sa kaniyang tiyan. Mabilis na hinawakan ni MIlo ang paa nitong nararamdaman pa rin niyang nakadikit sa kaniyang tiyan. Buong lakas siyang tumayo at walang sabi-sabing hinatak ang paa nito. Naramdaman niya ang pagbagsak nito sa lupa kaya naman napangisi siya. Ilang sandali pa ay unti-unting lumitaw sa harap niya ang kabuuan ni Asu-an.
Tumatawa ito habang dahan-dahang tumatayo mula sa lupa. Napatingala pa si Milo nang tuluyan na itong makatayo sa kaniyang harapan. Napakalaking nilalang ni Asu-an, sa tantiya ni Milo ay halos kasing tangkad nito ang dalawang taong pinagpatong-patong. Malaki ang pangangatawan nito na halos mag-umbukan na ang mga kalamnan nito sa braso, binti at dibdib. Mapusyaw na itim ang kulat ng balat nito at may sungay itong maihahalintulad mo sa isang toro. Nanlilisik rin ang mga mata nitong nakatitig kay Milo, kapansin-pansin din ang mga gintong palamuting nakasabit sa katawan ng nilalang.
"Mahinang nilalang. Kung ako sana ang pinili ni Riyana, hindi isang mahina ang aming magiging supling. Isang malaking kahibangan ang pagpili niya sa isang tao. Mahihina ang mga tao, mga sakim na nilalang." Saad pa ni Asu-an, bakas sa boses nito ang galit at labis na pagkapoot.
"Kahit kailan ay hindi naging isang sakim ang aking ama. Wala kang karapatang maliitin ang aking ama dahil isa siyang mabuting tao." Sigaw ni Milo at patakbong inatake si Asu-an. iniangat niya ang kaniyang tabak at akmang itatarak ito sa katawan ng nilalang ngunit higit itong mas mabilis sa kaniya.
Bago pa man niya maidampi sa balat ni Asu-an ang talim ng kaniyang tabak ay mabilis na siyang nahuli nito sa leeg at nasakal.
"Kung inaakala mong magpapatalo ako, nagkakamali ka. Isa akong Diyos habang isa ka lamang tao na nalahian ng mataas na uri ng nilalang. Nasa dugo m pa rin ang isang mahinang nilalang."
Nangilabot si Milo sa klase ng pagkakatitig nito sa kaniya. Humihigpit rin ang kamay nitong nakasakal sa kaniya, ramdam na ramdam niya ang pagnanais nitong kitilin ang kaniyang buhay.
"Isa kang duwag. Ikaw at ang mga kampon mo." nahihirapang wika ni Milo habang pilit na kumakawala rito. Dahan-dahan niyang nakikinita ang pagkawala ng hanging pumapasok sa kaniya dahil sa higpit ng pagkakasal nito sa kaniya.
Nakangisi naman si Asu-an habang pinagmamasdang nahihirapan si Milo sa kaniyang mga kamay. Pakiramdam niya ay sakal-sakal din niya ang taong siyang umagaw sa kaniyang kaligayahan.
Akmang tatapusin na niya ang paghihirap ni Milo ay isang sibat ang tumarak sa tagiliran niya. Marahas siyang napaatras at nabitawan si Milo. Bahagya niyang ininda ang pagkakatarak ng sibat na iyon sa tagiliran niya. Mabilis niyang binunot iyon, kasabay ng pagbulwak ng kaniyang dugo. Segundo lamang nang magsara ang sugat niya at marahas na binalingan ang taong sumibat sa kaniya.
Nakatayo sa di kalayuan si Liway na noo'y humihingal pa.
"Milo, tumayo ka!" sigaw ni Liway. Mabilis na tumayo si Milo at tumalon palayo sa nilalang. Nang magkaroon siya ng magandang distansya sa kalaban ay doon na siya napaluhod at ininda ang pagkakasakal sa kaniya ni Asu-an. Hindi pa man din siya nakakabawi ay nakita niyang inatake nito si Liway. mabilis siyang tumayo at dinaluhan si Liway upang sanggahin ang ataking iyon gamit ang kaniyang tabak.
Nagtama ang talim ng kaniyang sandata at ang matigas na animoy bakal na braso ni Asu-an.
"Ako ang kalabanin mo Asu-an." Gigil na wika ni Milo. Mabilis siyang nagbitaw ng mga salita at buong lakas na hinambalos si Asu-an ng tabak niyang hawak. Sa pagkakataong iyon ay napaatras si Asu-an at nawala pansamantala ang atensyon nito kay Liway at muling natuon kay Milo.
Nagpambuno silang dalawa, bawat pag-atake ay matagumpay na naiilagan at nasasangga ng bawat isa. Patuloy din naman ang ginagawang pakikipaglaban nina Simon at ng iba sa mga aswang na umaatake sa kanila. Tila naging isang lugar ng pangalahatang digmaan ang bayan ng talusan. Ang lupa ay nabalot ng pula at itim na likido na nagmumula sa mga aswang na kanilang napapaslang.
Nabalot ng takot at hingapis ang buong bayan. Umaalingawngaw sa buong paligid ang atungal at iyak ng mga aswang na napapaslang nila. May ibang kalalakihan na rin an naglakas ng loob na lumabas sa kani-kanilang mga tahanan at nakisali sa laban.
"Mga kasama, huwag tayong papayag na masakop ng mga aswang na ito ang tahimik nating bayan," sigaw ni Mang Isko na siyang pasimuno ng pag-aaklas ng mga tao. Sumugod ang mga ito dala-dala ang mga itak at buntot-pagi at walang pagdadalawang-isip na inatake ang mga aswang.
"Mang Isko, anong ginagawa niyo, mapapahamak kayo rito." wika ni Simon nang lapitan nito ang matanda.
Ngumiti si Mang Isko at iniangat ang buntot-pagi nitong dala.
"Kahit hindi kami kasing-lakas ninyo, responsibilidad namin ang protektahan ang aming bayan. Mas nanaisin namin ang mamatay nang pinoprotektahan ang aming bayan at ang aming pamilya."
"Ganoon ba, kung gano'n Mang Isko, mag-iingat kayo. Ipanalo natin ang laban na ito nang walang nasasawi." wala nang nagawa si Simon dahil buo na ang loob ng mga taong 'yon.
Sa tulong ng mga kalalakihan ng bayan ng Talusan ay nagagawa na nilang makipagsabayan sa mga aswang, hindi man nila maubos-ubos ang mga ito ay kahit papaano ay hindi na sila nahihirapang makipagtagisan sa dami ng mga aswang.
Dahil din sa pakikisali nina Mang Isko ay nagawa nang daluhan ni Simon at Maya si Milo para labanan si Asu-an na higit na mas malakas sa mga aswang na naroroon.
"Ayos ka lang ba Milo?" Tanong ni Maya sa binata. Tinulungan niya itong tumayo at muling hinarap si Asu-an. Halos pagod na pagod na si Milo at hindi na rin niya magamit ang lakas na ipinahiram ni Karim dahil sa labis na paggamit dito habang nakikipaglaban siya sa nilalang na ito.
Hindi lang basta-bastang nilalang si Asu-an. Siya ang Diyos na sinasamba ng mga aswang, na nasa ilalim lamang ng pamumno ni Sitan.
"Mag-iingat kayo, napakakunat ng balat niya at may kakayahan din siyang paghilomin ang kaniyang mga sugat ng mas mabilis pa sa kisap-mata." Humihingal ang saad ni Milo, naramdaman na lamang niya sa isangmalamig na kamay na animo'y humaplos sa kaniyang kaluluwa. Nawala ang mga sakit na nararamdaman niya at ang mga iniinda niyang sugat ay naghilom na din.
Napangiti si Milo nang makita ang isang engkanto ng tubig na ginagamit ang kapangyarihan nito para tulungan siya. Matapos magpasalamat ay muli na silang umatake sa kalaban. Sa pagkakataong iyon ay sabay-sabay na nilang inatake si Asu-an gamit ang kanilang mga sandata.