webnovel

Chapter 67

"Ipagtanggol? Buhat nang umibig ka sa isnag tao, matagal na dapat kitang inilibing sa lupa kasama ng ina mo. Nagkamali ako sa pagpili sa iyo, binigo mo ako, binigo mo ang ating angkan. At ngayon, malalaman kong maging ang isa kong anak ay pinaslang mo. Wala kang karapatang ipagtanggol ang buhay mo dahil matagal na iyang dapat nasa piling ni kamatayan." Sigaw ng haring aswang.

Napayuko naman si Gustavo na animo'y ininda nito ang sinabi ng ama. Ilang sandali pa ay biglang natawa si Gustavo, umalingawngaw ang tawa niya sa buong bayan. Nang mag-angat siya ng mukha ay nanlilisik ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa kaniyang ama. Hindi rin mapalis ang ngisi sa mga labi ni Gustavo na lalong nagpaangat sa galit na nararamdaman ng kaniyang amang aswang.

"Simula't-sapol Gustavo, ikaw na ang itinuring kong hahalili sa akin sa oras na maisipan ko nang magpahinga, ngunit dahil sa isang babae, sa isang tao, tinalikuran mo ang sinumpaan mong pangako." Umiigting ang mga litid nito sa leeg habang galit na nagwika, hindi rin maitago ang nanlilisik nitong mga tinging ipinupukol sa kaniyang anak.

"Hindi ko kailan man ipagpapalit ang buhay na aking pilit na ipinaglalaban. Nagpapasalamat ako sa inyo ni ina sa pagbibigay ng buhay sa akin, subalit hanggang doon na lang iyon." Wika ni Gustavo at nagsimula nang magpalit ng anyo. Maging ang haring aswang ay nagpalit na rin ng anyo at nagbigay ng hudyat sa mga kasama nitong aswang na umatake.

Akmang aatakihin na ng haring aswang ang kinaroroonan ni Gustavo, tila isang kidlat naman si Maya na lumitaw sa harapan nito upang sanggahin ang unang atake nito. Magkahalong gulat at pagtataka ang namutawi sa mukha ng haring aswang nang makita ang nakangising mukha ni Maya. Gulat dahil hindi niya inaasahang isang maliit na babae lang ang makakasangga sa kaniyang atake na alam niyang kahit na ang anak niyang si Gustavo ay paniguradong iindahin iyon. Pagtataka dahil isang tao nang humarap si Maya rito, ibig sabihin ay hindi pa ito nagpapalit ng anyo at walang kaalam-alam ang haring aswang na isang Gabunang aswang si Maya.

Maging si Gustavo ay gulat na gulat sa ginawa ng dalaga, alam niyang si Maya ang makikipaglaban sa ama ngunit hindi niya inaasahang ganito kalakas ang dalaga, kahit pa hindi ito nagpapalit ng anyo.

"Ikaw ang magiging hapunan ko." Nakangising bulong ni Maya at mabilis na inihambalos sa katawan ng haring aswang ang kaniyang punyal. Bago pa man sumanggi sa balat niya ang talim ng punyal na iyon ay mabilis na itong nakatalon palayo, ngunit nahagip pa rin siya ng dulo nito at napahiyaw siya sa sobrang hapdi nito.

Naalerto naman ang hari at pinangilagan ang hawak na punyal ni Maya. 

"Hindi ko alam na naduduwag ang aking anak na harapin ako at isang babae ang lalaban sa akin ngayon." Natatawang wika ng ama ni Gustavo. Naningkit naman ang mga mata ni Maya sa narinig. Ibinalik niya ang punyal sa taguban nitong nakasukbit sa kaniyang tagiliran at hinugot sa kaniyang beywang ang latigong gawa sa buntot-pagi at inihampas iyon sa lupa.

Animo'y sa kanila na lang nakatuon noon ang lahat, hindi nila alintana sa kanilang paligid ang mga naglalabang aswang at ang mga kasamahan ni Maya. Nabalot ng kaguluhan ang buong Talusan nang gabing iyon, may iilang tikbalang na rin ang nakisali sa pamumuno ni Karim habang ang mga lambana naman at mga laman-lupa ang tumutulong sa mga sugatang mga kasama nila.

"Hindi mo ako matatakot ng isang buntot-pagi lang." Sigaw ng hari ng mga bangkilan habang tumatakbo ito pasugod kay Maya. Napangisi naman si Maya at iwinasiwas ang buntot-pagi sa ere bago ito inihampas sa papasugod na kalaban. Tumama ito sa binti ng aswang at agad na napaluhod ito.

"Hindi ka pa rin ba matatakot? Kung inaakala mong ordinaryong buntot-pagi lamang ito, nagkakamali ka. Dahil ang buntot-pagi ko ay galing pa sa reyna ng mga pagi sa karagatan at magpasa-hanggang ngayon ay nananatiling buhay ang paging pinagkuhanan ng buntot na ito." nakangising paliwanag ni Maya at nanlaki ang mga mata ng haring aswang. 

"Hindi maaari, isa lang ang taong kilala ko na nagmamay-ari ng buntot-paging iyan at nag-iisa lamang iyon. Huwag mong sabihin--"

"Tama ang iniisip mo, anak ako ng babaylang tinutukoy mo at bukod pa roon, anak din ako ng aswang na minsang kinatakutan mo." wika ni Maya at mabilis na nagpalit ng anyo. Naging kulay abo ang mga balat ng dalaga ay tumulis ang kaniyang mga tainga at pangil, maging ang itim nitong buhok ay naging kulay pilak at ang mga mata naman ng dalaga ay nag-aagaw ang kulay pula sa ginto. Napaatras ng bahagya ang haring aswang sa nasaksihan. HIndi niya lubos maisip na isang babae ang magmamana ng kalahating bertud ng puting gabunan na minsan na din niyang nakalaban noon.

Saglit lamang siyang nakaramdam ng takot rito ngunit ilang sandali pa ay napagtanto niyang napakabata pa nito para matalo siya. Marahil ay hindi pa kompleto ang pagbabagong anyo nito dahil hindi pa rin buo ang bertud na nasa katawan nito.

"Bata, hindi mo na dapat ako tinatakot dahil matagal na akong takot sa iyong ama, ngunit sayo, hindi. Pag-sinusuwerte ka nga naman, anak na ang lumapit sa akin. Sa'yo ko sisimulat ang aking paghihiganti." 

Natuwa naman si Maya nang magseryoso na ito sa kaniya. Alam niyang naging kalaban na ito ng kanilang ama kaya sinadya na niyang magpakilala upang magkaroon siya ng magandang laban. Pinaulanan siya ng kalmot ng nilalang, hindi man lang nakabawas sa bilis nito ang laki ng pangangatawan. Walang humpay siyang inataki ng kalmot at suntok ngunit lahat ng ito ay matagumpay niyang naiilagan. Kapag may pagkakataon ay hinahampas niya ito ng hawak niyang latigo. Nang magsawa na siya ay muli niya ibinalik sa kaniyang tadyang ang latigo at dali-daling tumalon upang dambahin ang nilalang.

Walang pag-aalinlangan niyang kilamot ito sa mukha at itinusok ang kaniyang matutulis na kuko sa kaliwang mata nito. Walang kahirap-hirap niyang dinukot ang namumulang mata ng ama ni Gustavo bago siya tumalon papalayo sa nilalang. Napahiyaw naman sa sakit ang ama ni Gustavo na siyang nagpatigil sa lahat ng mga kampon nito. Maging sina MIlo ay napatingin sa dalawa.

Nakatayo si Maya di kalayuan sa ama ni Gustavo habang namimilipit ito sa sakit. tinatakpan ng kamay nito ang nasaktang mata habang si Maya naman ay walang pakialam naitinapon sa lupa ang mata nitong tila gumagalaw-galaw pa. Walang anu-ano'y tinapakan niya ito hanggang sa madurog ito sa ilalim ng kaniyang paa. 

"Pasalamat ka, dahil puso mo lang ang kailangan ko. Walang silbi sa akin ang ibang parte ng katawan mo, kaya, isa-isa ko yang dudurugin. Uunahin ko na itong mata mo dahil wala din namang silbi yan sayo." Humahalakhak na wika ni Maya. Nangilabot naman si Milo nang marinig iyon at pasimple niyang binulungan si Simon.

"Ganyan ba talaga kabrutal ang kapatid mo? Nakakatakot."

"Oo, kaya ayusin mo desisyon mo. Mag-isip ka muna." tugon ni Simon bago pugutan ng ulo ang hawak nitong aswang. Akmang magsasalita pang muli si Milo ay nagulat sila nang tumalsik si Maya patungo sa kinaroroonan nila. Malakas ang pagkabagsak nito sa lupa na nagkaroon pa ng malaking tipak roon. Nang pagbaling nila sa kinaroroonan ng ama ni Gustavo at binabalot na ito ng isang madilim na awra.

Walang pagdadalawang-isip na dinaluhan ni MIlo si Maya na noo'y umuubo at nagsusuka pa ng dugo. Masama ang tama nito sa dibdib at kitang-kita niya ang paghumpak ng gitnang parte ng dibdib ng dalaga.

"Maya, kaya mo pa ba? Masama ang tama mo." Wika niya at inilapat niya ang palad sa dibdib nitong nasaktan. Napasigaw naman si Maya nang maramdaman ang sobrang sakit, saglit lamang iyon dahil unti-unti niya ring naramdaman ang mainit na enerhiyang lumalapat sa kaniyang sugat at ang bahagyang pagkawala ng matinding kirot na nararamdaman niya. Naging maayos na rin ang daloy ng kaniyang paghinga, hindi katulad kanina na halos may pumipigil na.

Bumangon si Maya at masamang tinitigan ang kaniyang kalaban. Mabilis na ding lumapit si Gustavo sa kanila at hindi makapaniwala sa kaniyang nakikita. Ito ang unang beses na nakita niyang nagkaganoon ang kaniyang amang si Gonzalo. Kakaiba rin sa paningin niya ang itim na presensyang bumabalot dito. Para bang may kung anong nakasanib dito.

Nang mapatingin si Milo sa kinatatayuan ni Gonzalo ay nanlaki ang kaniyang mga mata. Pamilyar sa kaniya ang presensyang kumakawala sa pagkatao nito. Ang itim na awrang nakapalibot dito ay nagbigay ng matinding kilabot sa kaniya dahilan para magtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan.

"Maya, hindi mo na kakayaning mag-isa ang laban kontra sa ama ni Manong. Hindi na siya ang unang kalaban mo. Higit na siyang mas malakas ngayon," wika ni Milo at napatango naman si Maya. 

"Ito na ba ang sinasabi mo sa akin noon?" tanong pa ng dalaga ng tumayo ito sa tabi niya.

"Oo, sigurado ako, nasa malapit lamang siya at naghihintay ng pagkakataon para umatake ng patago," saad ni Milo habang marahang inililibot ang paningin sa paligid. Kalat na kalat sa buong paligid ang maitim na awra nito ngunit hindi niya mawari kung saan ba ito nanggagaling o nagkukubli.