webnovel

Chapter 2

Habang ginagawa ito ni Lolo Ador ay lumabas na ng bahay si Milo. Pinagmasdan niya ang tanawin sa labas ng bahay ni Mang Jes at napansin niyang may isang lalaking nakatayo di kalayuan doon. Hindi niya ito magawang maaninag ngunit alam niyang doon ito nakatingin sa bahay ni Mang Jes. Akmang lalapitan niya ito upang tanungin ang kailangan nito ay bigla naman itong nawala pagkurap ng kaniyang mga mata.

Sa pagkakataong iyon ay biglang nakaramdam ng takot si Milo, bigla kasing nanumbalik sa isipan niya ang mga panaginip niya noong kabataan niya. Ito 'yong mga panaginip niya tungkol sa mga nakakatakot na nilalang at kung anu-ano pang mga elemento na palaging humahabol sa kaniya.

Dali-dali siyang pumasok sa bahay at umupo kung saan naroroon ang kaniyang Lolo. Tahimik niya itong pinagmasdan habang patuloy nitong ginagamot ang asawa ni Mang Jes hanggang sa tuluyan na ngang lumubog ang araw.

"Maraming salamat po Manong Ador, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko." taos-pusong pagpapasalamat ni Mang Jes kay Lolo Ador bago sila tuluyang umalis para umuwi na. Habang nasa daan sila ay nakadikit naman si Milo sa kaniyang Lolo. Agad naman napansin ni Lolo Ador ang kakaibang inaasal ng kaniyang apo.

"Ano ba 'ng problema Milo, ba't parang takot na takot ka na naman?" tanong ng matanda. Napakamot naman si Milo sa ulo niya bago humawak sa braso ng matanda.

"Kasi po kanina, doon sa bahay ni Mang Jes, may nakita akong lalaki na nakatayo di kalayuan sa bahay tapos pagkurap ko bigla namang nawala ito. Sa tingin niyo lo, ano po kaya ang nilalang na iyon?" tanong ni Milo sa kaniyang Lo.

"Baka napadaan lang, ikaw talga, kung anu-ano naman ang iniisip mo. Ikaw lang din ang tumatakot sa sarili mo. Bilisan na natin at nagugutom na ako. Pagdating sa bahay, magluto ka na lang ng pagkaing madaling lutuin para makakain na tayo agad," utos ng matanda at tumango naman si Milo. Kahit paano ay nawala ang kaninang takot na lumulukob sa kaniyang puso.

Nang marating nila ang kanilang kubo ay agad na kumuha si Milo ng itlog sa bahay ng manok na nasa likod ng kanilang kubo. Mabilis na nagluto si Milo ng simpleng pritong itlog na sinamahan na din niya ng pinakuluang talbos ng kamote na may kamatis at pinigaan ng kalamansi.

Matapos makapagluto ay agad na din silang kumain at habang kumakain sila ay nakita ni Lolo Ador ang pagpasok ng isang nilalang sa kanilang bahay. Napakahaba ng itim nitong buhok habang ang suot nitong puting bestida ay sumasayad sa lupa na hindi mo makikita ang mga paa nito. Napakatangkad din nito para sa isang normal na tao habang napakaamo naman ng mukha nito. Nagtama ang mga mata nila at bahagyang yumukod ang nilalang sa kaniya bagoito dumiretso sa kwarto ng kaniyang apo.

Bumuntong-hininga naman si Lolo Ador saka ipinagpatuloy ang naudlot niyang pagkain.

"Pagtapos mo diyan, magpahinga ka na," wika pa niya habang naghuhugas ng ng pinagkainan si Milo.

"Opo, lo," simpleng tugon naman ni Milo. Matapos maghugas ay dumiretso na si Milo sa kaniyang kwarto. Pagkahiga niya sa higaan ay agad naman siyang nakatulog dahil sa napakakomportable ng higaan niya ngayon. Hindi na niya namalayan ang kwarto niyang binabalot ng kakaibang hiwaga at ang mga nagliliparang lambana na siyang nagpapaliwanag ng kaniyang kwarto.

Kinaumagahan ay napakagaan ng katawan ni Milo paggising niya. Masaya niyang tinungo ang labas ng kanilang kubo upang simulan na ang mga gawain niya sa araw na iyon. Araw iyon ng Byernes at iyon ang napagkasunduan nilang magkakaibigan na araw kung saan papanhik sila sa kabundukan upang mangaso ng baboy ramo.

Hindi pa man sumasapit ang alas-otso ay dumating na ang mga kaibigan niyang si Ben at Nardo na may dala-dalang tali at itak.

Agad na silang nagpaalam kay Lolo Ador na papanhik na sa bundok. Bukod sa pangangaso ay inutusan din sila ng matanda na manguha ng mga halamang gamot na makikita nila sa bundok. Sagana sa halamang gamot ang kabundukan kaya madalas silang umaakyat doon para manguha.

Nagkakatuwaan pa ang magkakaibigan habang naglalakad patungo sa paanan ng bundok. Mga isang oras din ang gugugulin nila upang marating ang paanan ng bundok kaya panay amg kulitan nila para hindi nila maramdaman ang pagod sa paglalakad.

"Milo, nabalitaan mo ba, may pinat*y na naman sa kabilang bayan. Sinabi kanina ni Manang Celia. Aba, ang aga-aga 'yon agad ang dalang balita." Pabirong wika ni Ben.

"Oo, narinig ko din iyan kay Itay kanina. Grabe daw ang nangyari doon. Parang winasak daw ang bubong ng bahay. Walang nakaligtas, pero sabi ni Itay aswang daw ang may gawa." Dagdag pa ni Nardo.

Tumaas ang mga balahibo ni Milo nang marinig ang kwento ng mga kaibigan niya. Pakiramdam niya ay bigla siyang niyakap ng malamig na hangin dahil dito.

"O, bakit namumutla ka diyan? Huwag mong sabihing natatakot ka? Ang aga-aga,walang aswang na aataki sa atin dito. Napakamatatakutin mo talaga Milo." Natatawang puna ni Ben sabay hampas sa balikat ng kaibigan.

Alanganing napangiti naman si Milo at napakamot sa ulo. Hindi rin niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang katindi ang reaksyon niya kapag nakakarining ng mga kwentong kababalaghan. Pakiramdam agad niya ay inaapoyan ang kaniyang puw*t at mabilis na nagtatayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan.

Paglipas nga ng isang oras ay narating na nila ang paanan ng bundok. Kita na agad nila ang nagtataasang mga puno at mayabong na talahib. Dahil hindi ito gaanon kadalas akyatin ng mga tao ngayon ay nagiging mayabong ang mga talahib sa paligid ng paanan ng bundok.

"Sana may mahuli tayo ngayon. O',Milo ikaw na ang bahala sa bilin ni Lolo Ador, alam mo namang wala kaming alam sa mga halamang gamot at ikaw ang bihasa roon." Wika ni Ben bago sinimulang gapasin ang mga talahib sa kanilang dadaanan. Tatlumpung minuto din ang ginugol ni Ben sa pagtatagpas ng talahib bago nila marating ang maaliwalas na parte ng bundok.

"Milo, magkita na lamang tayo dito mamaya, tandaan mo, hindi tayo puwedeng abutin ng gabi rito at huwag kang lalayo sa lugar na ito. Kapag may napansin kang kakaiba bumaba ka kaagad." Paalala ni Ben. Sa kanilamg lahat ay ito ang mas nakakaalam ng mga panganib sa gubat na iyon dahil kalimitan na iting ginagawa ni Ben. Isang mangangaso din kasi ang ama ni Ben at isa iyon sa pinakabantug na mangangaso noong ito ay buhay pa.

"Sige, dito lang naman ako at hindi ako lalayo sa bukana." Tugon ni Milo. Nagkatinginan naman si Nardo at Ben bago tuluyang nilisan ang kinaroonan ni Milo.

Nang makaalos na ang mga ito ay agad na din ginawa ni Milo ang kaniyang misyon. Sa kaniyang pag-iikot sa bundok ay pasimple namang nakasunod sa kaniya ang isang tikbalang at ang babaeng minsan nang nakita ni Lolo Ador sa kanilang kubo.

"Hindi mo ba nabigyan ng babala ang matandang albularyo?" Tanong ng tikbalang habang patuloy silamg nakasunod sa likod ni Milo.

"Hindi, nawala sa isip ko." Wika ng babae at inis na humalinghing ang tikbalang, saka padabog na nilayuan ang babae.

Napasimangot naman ang babae, ngunit wala itong nagawa kun'di ang sumunod pa rin sa mga ito. Misyon nila ang bantayan si Milo at bigyan ng babala ang matandang albularyo sa mga paparating na unos.

Masyado siyang nalibang sa pagpapaganda ng kwarto ni Milo kagabi kung kaya't nawala sa isipan niya ang bigyan ng babala ang Lolo ng binata.

"Naliya, huwag ka nang sumimangot, ganyan lang talaga iyang si Karam, pag-igihan na lamang natin ang pagbabantay sa bata." Bulong pa ng isang maliit na nilalang na nakasakay sa balikat ni Naliya. Isang diwatang hangin si Naliya habang ang kasama naman niya ay napapabilang sa angkan ng mga lambana.

Hindi na umimik ang babaeng diwata bagkus ay ipinagpatuloy na lamang nila ang pagsunod kay Milo. Abalang-abala si Milo sa ginagawa nitong paghahanap ng mga halamang gamot na maaring magamit ni Lolo Ador at hindi nito namalayang napapalayo na siya sa bukana ng bundok.

Sa kaniyang paghahanap ay narating nga niya ang isang malawak na lawa kung saan samo't-saring mga puno at halaman ang kaniyang nakikita. 

Napakahiwaga din ng lugar na iyon dahil sa mga alitaptap na umiikot sa puno ng balete na nasa gitna ng lawa. Ito ang unang beses na makita niya ang lugar na iyon. Bukod pa sa kagandahan ng lugar ay naagaw ang pansin niya ng mga halamang gamot na hindi niya madalas makita sa bukana ng bundok.

Mabilis niyang ibinaba ang kaniyang bayong, bago nag-alay ng isang dasal at nagpaalam bago siya nagsimulang manguha ng mga ito. Iyon kasi ang turo sa kaniya ni Lolo Ador, bago siya kukuha ng kahit ano sa isang lugar na bago sa paningin niya ay kailangang magpaalam muna siya at mag-alay ng dasal bilang paggalang sa mga nilalang na hindi niya nakikita.

Ang kasama namang niyang tikbalang at diwata ng hangin ay pasimpleng umupo sa isang lilim ng malaking puno na naroroon at maiging pinagmasdan si Milo.

Sa kaniyang pagdarasal ay naramdaman niya ang paghaplos ng malamig na hangin sa kaniyang pisngi. Napamulat naman siya ngunit wala siyang nakita bukod sa mga halamang nasa harapan niya. Nagkibit-balika lamang siya at muling ipinagpatuloy ang kaniyang pagdarasal. Matapos mag-alay ng dasal ay nanguha na siya ng mga halamang gamot. Binalot niya ang mga ito sa dahon ng saging upang hindi ito matuyo agad.

Dahil sa paggiging abala niya ay hindi na niya namalayang ang mabilis na pagdaan ng oras. Bigla namang napamulat si Karim nang makaramdam siya ng isang masamang presensya na umiikot sa kinaroroonan nila. Maging si Naliya ay naging alerto habang si Milo ay wala pa ring kamalay-malay sa mga pagbabago ng lugar.