Halos madaling araw na nang tuluyan nilang mababa ang bundok. Pare-pareho pa silang natigilan nang makita ang taong-bayan na matiyagang nag-aabang sa paanan ng bundok, bawat isa ay may dala-dalang sulo bilang liwanag nila sa kadiliman.
"Nakababa na sila!" Masayang anunsyo ng unang lalaki na nakakita sa kanila.
"Tandang Polon, mabuti naman at nakaligtas kayo," wika ni Aling Lorna, kasama nito si Arnulfo. Mabilis na lumapit si arnulfo sa kanila at agarang inalalayan si Simon na noo'y pabagsak na dahil sa sobrang pagod.
"Milo, ayos ka lang ba?" Tanong ni Aling Lorna, tumango naman si Milo at marahang inayos ang pagkakapasan kay Maya sa kaniyang likod. Kasama ang taong bayan ay tinahak na nila ang daan pabalik sa bahay ni Aling Lorna. Sa kanilang pagdating ay maingat na inilapag ni Milo si Maya sa higaan nito bago tinungo ang kanilang kwarto. Kasalukuyan nang nakahiga roon si Simon nang pumasok siya at pabagsak siyang napahiga sa higaan bago tuluyang nakatulog.
Kinaumagahan ay halos tanghali na sila nang magising. Nakangiti si Aling Lorna nang bumungad sa kanila, tila ba sabik ito na hinatak sila palabas ng bahay sa harap ng tindahan niya. Gulat na gulat ang grupo ni Milo nang makita ang mga taong may mga bitbit na kung anu-ano. Abot-tainga ang mga ngiti sa mga labi nila at kaniya-kaniya silang nagpabatid ng kanilang pasasalamat.
"Hindi na po kayo dapat nag-abala. Ginawa lang po namin ang dapat. Kahit sino naman siguro ay gagawin ang ginawa namin kung saka-sakaling sila ang nasa aming lugar." Tila nahihiyang wika pa ni Simon habang napapakmot ng ulo. Hindi malaman ng binata kung tatanggapin ba niya ang mga bigay nito o kung paano niya iyong tatanggapin lahat.
Bukod sa mga prutas, gulay at bigas, may iilang tao rin ang nagdala ng sariwang isda, mga karne at kung anu-ano pang maaring makain.
"Napakarami po ito, hindi rin namin madadala ito sa aming pag-alis,' wika ni Milo habang sinisipat ang mga iyon. Napatingin naman agad si Milo kay Tandang Polon na noo'y tahimik lang na umiinom ng kape sa tabi. Napangiti si Milo at siniko si Simon, agad naman nakuha ng binata ang ibig ipahiwatig sa kaniya ni Milo.
"Maraming salamat po sa inyo, malaking tulong po ang mga ito para sa aming paglalakbay." Sambit ni Milo.
"Kami ang dapat magpasalamat sa inyo. Sa wakas ay malaya na kami, hindi na kmi matatakot lumabas tuwing gabi. Mapapanatag na rin ang mga kababaihan naming nagbubuntis at hindi na nila kailangan pang mangamba para sa kaligtasan nila at ng kanilang mga supling," saad naman ng isang matandang babae habang inaabot ang isang balot na may pinatuyong isda at mga karne.
Matapos ang kaganapang iyon ay nagulat pa si Tnadang Polon ng ilapag ni Milo sa harapan niya ang limang basket na punong-puno ng mga pagkain.
"Tandang Polon, sa inyo na po ito, hindi namin madadala ang lahat ng ito dahil mabubulok lang din ang iba riyan. Kukuha lang po kami ng mga kailangan namin at isa pa hindi naman kami magugutoman dahil napakasagana ng ating kalikasan." Saad na wika ni Simon.
Saglit na natigilan ang matanda at halos ilang segundo pa ang lumipas bago ito nakakibo.
"Hindi ko ito tatanggihan noy, malaking tulong ito para sa isang matandang tulad ko." wika pa nito na ikinatawa ni Simon. Batid nilang sinabi lang iyon ni Tandang Polon upang kahit papaano ay maging magaan ang desisyong kanilang ginawa.
Kinahapunan, ay naglibot muna sina Maya, Milo at Simon sa bayan upang kahit papaano ay makapagliwaliw muna sila bago tuluyang lisanin ang bayan ng Isidro. Pagsapit ng madaling araw kinabukasan ay nagpaalam na sila sa pamilya ni Aling Lorna. Matapos ang emosyonal na pagpapaalam sa mga ito ay tinahak na nga nila ang daan patungo sa susunod na bayan.
Dahil sa mga padala sa kanila ng mga taong bayan sa Isidro ay hindi na sila nahirapan pang maghanap ng kakainin sa dalawang araw ng kanilang paglalakbay. Mahaba ang nilakbay nila bago marating ang isang bayan na kapansin-pansin ang panunuho ng lupa.
Hindi tulad ng Isidro na may kayabungan ang mga pananim sa bayang kanilang narating naman ay halos wala kang makikitang mga pananim.
Tuyo din ang mga lupang sinasaka ng mga tao na tila ba isang buong taon nang hindi dinadalaw ng ulan. Mabibilang mo lang din ang mga bahay na nakatayo roon at tila mailap din ang mga tao sa mga dayo dahil nasa loob lang ito ng kani-kanilang bahay habang nakamasid sa kanila
"Bakit ganito rito? Wala man lang buhay na puno, kawangis nito ang baryo ng mga kubot sa gubat ah. Hindi kaya may mga aswang din na namumugad dito?" Tanong ni Milo habang iniikot ang mga mata sa paligid.
"Wala akong nararamdamang presensy mg aswang sa lugar na ito. Mukhang kahit mga aswang ay hindi nanaisin na manatili sa ganitong lugar.
Naglakad-lakad pa sila hanggang marating nila ang lugar kung saan mas maraming nakatayong bahay at may panaka-nakang mga puno na silang nakikita.
"Magandang araw ho, magtatanong lang po sana kami,malapit na po ba rito ang bayan ng Miranda?" Tanong ni Maya sa unang mtaong nakasalubong nila.
Umismid nang bahagya ang matandang napagtanungan ng dalaga at masamang tumitig sa kanilang grupo.
"Sino ba kayo? Hindi kami tumatanggap ng dayo rito. Sa iba kayo magtanong, umalis na kayo." Singhal na sigaw pa nito habang iwinawasiwas ang kamay na tila ba itinataboy sila.
Agad na napaatras si Maya at naningkit ang kaniyang mga mata dahil sa inis. Iyon kasi ang unang beses na may nagtaboy sa kanila na para silang may sakit na nakakahawa. Mabilis namang inawat ni Simon ang kapatid nang makita nitong papatol na ito sa matanda.
"Bakit mo ba ako pinigilan? Parang nagtatanong lang naman ako ah. Masama ba ang ginawa ko para bastusin niya ako nang ganoon? Hindi ako pinalaking bastos ng ating mga magulang pero kung ganoong klase lang ang babastos sa akin, aba ibang usapan na 'yon." Gigil na wika ni Maya. Nagpupumilit pa itong makawala sa pagkakahawak ni Simon mgunit hindi iyon pinahintulutan ng binata.
"Hayaan mo na, huwag mo nang patulan. May kakaiba sa bayan na ito. Doon na lamang tayo magtanong sa mga bahay na una nating nadaanan." Suhestiyon ni Simon.
Bumalik nga sila sa unang nadaanan nila at tinungo ang isang bahay na bukas ang bakuran.
"Ipinagtabuyan rin ba kayo?" Napapitlag pa sila nang biglang may magsalita sa kanilang isang lalaki. Matipuno ang pangangatawan nito, may suot-suot itong salakot at may dalang asarol sa kanang kamay nito.
"Tagarito ho ba kayo? Magtatanong lang po sana kami kung malalit na ho ba rito ang bayan ng Miranda." Tanong ni Milo.
Nagtanggal naman ng salakot ang lalaki at nakita nila ang pagkagulat sa mukha nito.
"Miranda ba kamo? Ang lupang kinatatayuan mo ay siyang lupa ng bayang hinahanap niyo." Sagot nito na lubhang ikinagulat ng magkapatid.
"Miranda na po ito?" Gulat na tanong ni Simon. Inilibot niya ang paningin at hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang nakikita. Malayo ito sa lugar na minsan na din nilang napuntahan noong kabataan pa niya. Sa pagkakatanda niya, isang masaganang bayan ang Miranda. Higit itong mas masagana sa bayan ng Isidro.
"Ano po ang nangyari, bakit nagkaganito ang bayan niyo?" Muling tanong ni Simon at napailing naman ang lalaki. Iminuwestra nito sa kanila ang pintuan ng bahay nito.
"Pasok muna kayo sa bahay ko, mainit rito sa labas, doon na tayo mag-usap." Alok ng lalaki na agad din naman nilang sinang-ayunan. Nagpakilala ang lalaki sa pangalang Pedring. Tubong Miranda at isa sa mga nakasaksi ng biglaang pagkalugmok ng kanilang bayan sa kasalukuyan nitong sitwasyon.
"Sagana at mayaman sa likas na yaman ang bayan namin noon. Nagkakaintindihan ang mga tao at nagbibigayan. Subalit nagbago ang lahat ng ito noong may isang matandang hukluban ang minsang mapadaan sa bayan namin. Siguro mga limang taon na rin ang nakalilipas simula noon. Nasa bukid ako at ang iba ko pang kasamahang magsasaka. Pinatuloy iyon ng kababayan namin at taos pusong pinakain at pinainom. Ngunit may ibang pakay pala ang matandang iyon. " Panimulang salaysay ni Pedring. Ayon pa sa lalaki, isang linggong nanatili sa bayan nila ang matanda. Wala itong ibang ginawa kun'di ang umikot na buong bayan na animo'y may hinahanap. Isang araw, aksidenteng nakita ni Pedring ang pinagagagawa nito at gulat na gulat siya sa kaniyang nasisilaya. .
Ang matandang hukluban ay nagbubungkal sa lupa na tila ba may hinahanap. Humahagikgik ito habang tumutulo ang laway na agad na pinapahid gamit ng braso nito.
"Takot na takot ako nang mga sandaling iyon. Lalo pa nang makita kong mayro'ng hinugot ang matanda sa ilalim ng binungkal nitong lupa. Isang maliit na animo'y kawangis ng tao ang nahugot niya sa lupa. Matulis ang tainga at may kulay asul na mga mata. Nagpupumiglas ang maliit na nilalang na iyon at walang pagdadalawang isip iyon na isinubo ng matanda at kinain ng buo." Dagdag na salaysay ni Pedring.
Bakas sa mukha nito ang pagkatakot sa nilalang na hindi niya mawari kung ano. Ayon pa kay Pedring, sa loob ng isang linggong pananatili ng matanda sa lugar nila ay halos araw-araw silang nakakakita ng mga pagbungkal sa lupa. Sinubukan naman niyang magsabi sa mga kasamahan nila ngunit hindi ito naniwala sa kaniya. Hanggang sa isang araw bigla na lamang silang nagising na wala na ang matanda at ang bayan nila ay unti-unti nang nawawalan ng buhay. Natuyo ang mga ilog na malapi sa kanila. Namatay ang mga puno, maging ang mga damo ay hindi na rin tumutubo.
"Kumakain ng mga lamang-lupa? Anong klaseng nilalang iyon?" Gulat na tanong ni Milo.
"Walang katawagan sa mga nilalang na may ganoong kakayahan. Ang sabi noon ni Ina sa amin, mga kampon iyon ng dilim na direktang nagsisilbi sa dem*nyo. Pangunahing pagkain nila ang mga lamang-lupa dahil sa mataas na enerhiyang nakukuha nila mula rito. Hindi nakapagtatakang namat*y ang lupa ng Miranda dahil naubos na ang mga lamang-lupa na siyang nagpapanafili ng balanse at kaayusan nito." Paliwanag ni Simon at napailing naman si Maya.
"Wala ba tayong magagawa?" Tanong ni Milo.
"Mayroon ngunit napakaraming kailangang isaalang-alang. Kakailanganin din natin ng mga alay na hayop para sa gagawing ritwal." Tugon ni Simon at humugot ng malalim na hininga bago tumitig kay Pedring.
"Manong Pedring, kung kakailanganin namin ng tulong ng mga natitirang kalalakihan sa lugar na ito, matutulungan niyo ba kami?" Seryosong tanong ni Simon at saglit na natahimik si Pedring na tila may malalim na iniisip.
"Anong klaseng tulong?"
"Mangaso ng magiging alay para sa ritwal. Mga babaylan kami at may kakayahan kaming buhayin ang lupang ito subalit nangangailangan ito ng karampatang alay. Makakaya niyo ba?" Tanong ulit ni Simon.
Namilog naman ang mata ni Pedring sa sinabi ng binata. Sabik na napahawak ito sa kamay ni Simon.
"Sigurado ka? Maibabalik niyo sa ayos ang bayan namin? Kung iyon ang magiging reslyta ay handa kaming mangaso kahit ilang ang kailangan niyo." Sabik na wika ni Pedring, tila ba nabuhayan ito ng loob at muling nanumbalik ang pag-asa sa mga mata nito.