Richard Moore
Pagkaminamalas ka nga naman, o. Nakakuha nga ako ng trabaho, may sa demonyo naman 'yong boss ko. Saksakan ng suplada, kung makapag-sungit akala mo may gagawin ako sa kanyang masama. Araw-araw yatang dinadatnan ang babaeng 'yon, eh. Hindi ko naisip na magkakaganito ang dating mahinhin, tahimik at mabait na syota ko noong high school—si Elena Kaden.
Unang kita ko pa lang kay Elena, nagulat talaga ako. Wala naman kasing nakapagsabi sa aking siya pala ang may-ari ng gusaling pinag-aapply-an ko. Résumé at ilang kaukulang papeles lang ang dinala ko at maski 'yong iba kong kasamahang aplikante, clueless din sa pagkakakilanlan ng CEO.
Kabaligtaran ng meron si Elena noon ang Elena na kaharap ko kanina. Nakakatakot siya sa unang tingin pero nasanay din ako. Ha! Ako yata ang matapang na si Richard Moore. Wala akong kinatatakutan!
Dumaan muna ako sa agency dahil napansin kong nakabukas ang mga ilaw sa loob. Iyon pala, andoon si Rachel at naglilinis ng mga kalat na iniwan ko kagabi.
"Papa, ano ba 'tong ginagawa mo sa buhay mo? Ang daming lata ng beer dito sa mesa, o! Nagkanda-laglag na 'yong mga files ng previous cases mo mula sa shelf! Tapos puro alikabok at ang dumi-dumi na ng sahig natin! Sino na lang ang maglilinis kapag wala ako? Napakatamad mo talaga!" sermon ni Rachel pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto.
Ganyan na ganyan ang mama niya noong nabubuhay pa ito. Parang armalite na 'di matigil sa kakakuda.
"Sinabi ko bang maglinis ka? Gabing-gabi nandito ka. Ba't 'di mo atupagin 'yong mga projects at assignments mo? Ako na nga diyan!" Sinubukan kong agawin ang hawak niyang walis ngunit ayaw niyang bitawan.
"Huwag na, patapos na rin ako," sabi niya. "Nga pala 'Pa, kamusta 'yong job interview? Na-hire ka ba?" usisa niya.
"Oo," maikli kong sagot.
Nagtitili naman siya. "Oh? Congrats, Papa! Hay, salamat! Makaka-graduate na tayo sa canned goods! Makakakain na rin tayo ng masarap! Miss ko nang magluto ng adobo at nilaga!"
Kanina galit na galit sa akin tapos bigla akong titilian. Bakit ba ang hirap intindihin ng mga babae? Lalo na 'yang si Miss Tapia (Elena).
Miss Tapia ba kamo? Hanggang ngayon kasi, nakapusod pa rin ang buhok niya tas nakasalamin pa, eh uso naman na 'yong nilalagay sa mata. Ano na ngang tawag doon? Contact lens? Tama, 'yon nga.
"Tsk. Manang-mana ka talaga sa nanay mo."
"Weh?" pabirong tanong ni Rachel. Naunahan ako sa pagsagot nang mag-ring ang telepono sa desk.
Sino bang loko-loko 'to? Matagal ko nang sarado ang Moore Detective Agency! Hindi ko lang inaalis ang telepono sakaling magka-diperensya ang cellphone ko at may emergency.
"Sagutin mo, 'Pa! Baka importante 'yan!" pangungumbinsi ni Rachel kaya wala na akong nagawa kundi pickup-in ang tawag.
"This is Moore Detective Agency, we're already closed—"
"Oh, if that's the case then why did you put this number on your resume?"
Sino pa ba? Eh 'di 'yong demonyitang bersyon ni Miss Tapia.
"Ba't ka napatawag?" Napakamot ako sa pisngi.
"I forgot to remind you that I have a meeting by tomorrow and I want you to come with me. Magkita na lang tayo sa lobby ng Bernardo Hotel ng alas-otso para sabay na tayong pumasok sa conference room. Don't get late or you know what will happen." Nagpapaalala ba 'to o nambabanta?
Pumalatak ako. "Alam ko. Ako pa talaga ang sabihan mo niyan? Wala sa bokabularyo ko ang salitang late," pagmamayabang ko. Totoo naman, eh.
"Talaga lang, ha?" Paghamon niya. "Patunayan mo. Huwag mo akong daanin sa salita, matandang naka-mustache."
Nagpantig ang tainga ko sa pang-aasar ni Manang. "Hmp! Hindi mo na ako kailangang paalahanan pa, MATANDANG DALAGA!"
"How dare you—" May sasabihin ka pa, ha? Padabog kong binaba ang telepono. Yumaman lang at umasenso sa buhay, akala mo na kung sino!
"PAPA!" Isa pa 'tong si Rachel! "Don't tell me boss mo 'yong tumatawag!"
"Eh, ano naman kung siya?"
Naningkit ang mga mata niya. "Hindi ba dapat ginagalang ang mga amo? Ba't kung kausapin mo si Miss Kaden parang tambay lang sa kanto?"
"At paano mo naman nalaman ang tungkol sa matandang menopause na 'yon?"
"Sinearch ko sa Google during my computer laboratory class," dahilan ni Rachel. "At ang dami kong nalaman tungkol sa kanya. Nakapagtapos siya ng business course sa Amerika and then nag-aral din siya ng designing. At biruin mo, sabi sa article, graduate siya ng Vilton High School twenty years ago! 'Pa, magka-batch kayo!"
Pakialam ko sa Elena na 'yan. Binabaan ko na nga ang pride ko para makapag-sorry sa mga kagaguhan ko dati, pero sarado pa rin ang puso niya na patawarin ako. Hindi ba 'yan naturuan ng magulang niyang mag-move-on? Matagal nang issue 'yon.
"O tapos?"
"Anong status niyo noong high school? Never ko siyang narinig sa 'yo. Siguro ex mo siya 'no? Kasi kung friend lang, sana nababanggit mo sa 'kin. Lahat yata ng close friends mo, kilala ko base sa mga kuwento mo, maliban kay Miss Kaden."
"Wala ka na do'n," balewala kong tugon.
Muntik na akong atakihin sa puso nang hampasin niya ang mesa gamit ang walis tambo. "Sasabihin mo o gigibain ko 'tong office table mo?"
"O-oo na! D-Dati kaming magkarelasyon. Una ko siyang naging syota. Kaso nagkaproblema sa pamilya niya kaya naghiwalay din kami. Ano? Masaya ka na?" pagsisinungaling ko.
Ayokong sirain ang imahe ko sa anak ko kaya hindi ko pinagtapat ang totoo sa likod ng paghihiwalay namin ni Elena. At saka ayoko nang balikan ang masakit naming nakaraan—mali, masalimuot pala.
"Sayang. Ang ganda niya pa naman. Bagay kayo."
Tsk tsk. Nakakita lang ng magandang kasing edad ko, pinapares na sa 'kin.
Teka, sinabi ko bang maganda? Pwe! Matanda 'yon. Matanda!
"Tigilan mo nga akong bata ka! Bilisan mong maglinis at kumain na tayo sa taas!" sabi ko nang ako'y makaiwas na sa walang kakwenta-kwentang usapin gaya ng past namin ni Elena.
"Tao po." Isang pamilyar na boses ang umagaw ng aming atensyon kasunod ng pag-doorbell nito mula sa labas. Hindi na nito hinintay na pagbuksan ko siya at kusang niluwa ng pinto ang hindi inaasahang bisita.
"Booker, pare. Napadaan ka?" nakangiting sabi ko sa kumpare kong si Booker Kudo.
Isa siyang sikat na mystery writer. Nagkakilala kami sampung taon ang nakakaraan sa kauna-unahan niyang book tour kung saan may pinatay na mag-asawang panatiko ni Booker. Iyon ang isa sa pinakamalalaking kasong nahawakan ko.
Kasama niya ang maganda niyang asawa na si Vivian na
kaibigan ni Elena sa Vilton. Hindi ko akalaing hanggang ngayon ay best friends pa rin sila at si Elena pala ang business partner niya sa Kaden-Kudo.
Teka, ba't 'di ko naisip 'yon?
"Eh, pare nangangamusta lang. Saka iwan muna namin ulit sa inyo 'tong pogi kong bunso," sabi ni Booker at napayuko ako nang hilain ng maliit na kutong lupa niyang anak ang dulo ng polo ko.
"Hi, Uncle Richard!" Nakangiting bati ni Conan, ang pangalawang anak nina Booker at Vivian. Iyong isa, si Jimmy Kudo na kababata ni Rachel. Kasalukuyang nakatira sa Amerika at doon nag-aaral.
Palihim kong pinanlisikan ng mata si Conan. Kada-ikatlong araw ay hinahatid nila ang batang 'to rito at inaabutan ako ng pera para sa gastusin niya. Naka-base si Booker sa New York kasama si Jimmy at si Vivian ay laging abala sa trabaho kaya hindi nila matutukan nang maayos si Conan.
Ayos lang sana kung mabait ang anak nila - sobrang likot ng kamay at kung anu-anong kinukutingting.
"Can you take care of my little cutie for one month? Bukas na ang alis ni Booker pa-US at sobrang busy ako gayong ako muna ang papalit sa trono ng CEO while she's going to
Tokyo for the big event a few weeks from now. Hindi ko maasikaso nang mabuti si Conan so I have no choice but to leave him in your custody. Please!" pakiusap ni Vivian at ginamitan pa ako ng baby talk mang bigkasin niya ang salitang please.
Ang cute ni Vivian. Batang-bata pa rin ang hitsura niya at bagay sa kanya ang hairstyle niyang may kulot sa dulo. Kung 'di lang ako na-stuck kay Elena noon, punatulan ko 'to. Pero siyempre iba na ngayon. Baka balatan ako ng buhay ni Booker kapag ginawa ko 'yon. HAHAHAHAHA!
Hindi 'tulad ng ibang babae diyan. Maldita na, ang baduy pa mag-ayos!
Hindi naman sa pinatatamaan ko si Elena pero parang gano'n na nga.
"Walang problema basta ikaw." Dinakma ko ang mga kamay niya. Napatingin sa akin si Booker na kulang na lang ay patayin ako on the spot. Bumitaw ako at napahimas sa ulo. "Biro lang, pare! Hehehehe..."
"Thank you so much, meitantei-san! So, here's Conan's expenses and extra payment for treating our child like your own son!"
Inabutan ako ni Vivian ng tseke na nagkakahalaga ng one hundred twenty thousand pesos good for one month. Teka, ano?
Isang daan at dalawampung libong piso? Eh lintik, sana binigay niya sa 'kin nang maaga! Eh 'di sana hindi na ako nagpakapagod na mag-apply sa maldita kong ex!
Kalahati kasi niyon ay sa personal naming gastusin sa araw-araw ni Rachel. Iyong another half para kay Conan. Para sa katulad niyang Potato Chips at Chuckee lang ay masaya na, sobra-sobra na 'yong sixty thousand.
"Salamat sa inyo. Kumain na ba kayo? Yayain ko sana kayong kumain sa labas. Pasensya na, hindi yata nakapagluto ang anak ko, eh," sabi ko.
"Hindi na, pare. Kung maaari lang sana kitang maka-kuwentuhan. Kaso male-late na ako sa flight. Si Vivian, marami pang aasikasuhin sa trabaho," katwiran naman nitong si Booker.
"By the way, congratulations for you new job! Nabalitaan ko sa kaibigan kong na-hire ka as secretary ng CEO—"
"Na si Elena Kaden." Napasinghap si Vivian nang banggitin ko ang pangalan ni Elena.
"A-Alam mo nang..."
"Kanina ko lang nalaman. Ba't 'di niyo naman sinabing siya pala 'yong kasosyo ni Vivian sa kumpanya? Pakiramdam ko sinet-up niyo akong dalawa para pagtagpuin kami ng babaeng iyon."
"I'm sorry, Richard. As Elena's friend for twenty years, nasaksihan ko kung paano huamntong sa masakit na break-up ang relasyon niyo. Since the day she left the campus, she never tried to be with other man except for you. She won't lie to me. Kahit pinadala siya ng mga magulang niya sa Amerika, monitored ko ang relationship status niya. Lagi ko siyang tinatanong about sa mga lalaking nakikilala niya roon. At sa dami ng lumalapit sa kanya para manligaw, walang nakapasa sa taste niya. I guess ikaw pa rin ang hinahanap-hanap niya. Tanda ko pa nga noong kayo pa, nabanggit niya sa 'kin kung gaano ka ka-espesyal. Wala na raw mas hihigit pa kaysa sa 'yo," pahayag ni Vivian.
"Plano talaga naming i-set kayo for a blind date someday. Bro, you've been single for seven years, Elena is waiting for you to approach her. If you're gonna look at her, aakalain mong sarado ang puso niya. We're not that close but I know that she's still loves you," sabi ni Booker.
"Bakit niyo ba ginagawa ito? Bakit niyo pinipilit na magkabalikan kami ni Elena? Kung noon nga, hindi niya ako pinakinggan. Ngayon pa kaya? Hinihingan ko siya ng second chance pero ayaw niya 'kong pagbigyan."
"You can compare Elena to a China-made product. Mukhang matibay pero sa loob, marupok. Look, now is your chance to make up to her, Richard. Sayang ang pinagsamahan niyo. Mahirap kalimutan ang nakaraan pero 'di nangangahulugang wala kayong karapatang maging masaya. Try and try. Sooner or later, bibigay din 'yan."
Sumangayon naman si Vivian. "Booker is right. Also, Rachel needs a mother. You need someone will love you. Elena needs a man to be with. Hindi gusto ng namatay mong asawa na nalulungkot ka. Kailangan niyo ang isa't isa. Please. Do this not just for you and Rachel but also for my best friend."
"Hindi ko maipapangako pero susubukan ko."
Umalis din sila sakay ang kotse ni Vivian. Wala akong kamalay-malay na ako na lang pala ang naiwan dito. Pinatay ko ang ilaw ng agency saka ko ni-lock ang pinto at umakyat sa ikatlong palapag.
"Uncle, ano pong ulam?" salubong ni Conan pagpasok ko.
"Ba't ako ang tinatanong mo? Galing ako sa opisina ng kaibigan niyang mama mo. Si Rachel ang magluluto ng hapunan natin," sagot ko kay Conan at ako'y naupo muna sa salas.
"Si Tita Elena po ba ang tinutukoy niyo? Iyong girlfriend niyo po?"
"At saang lupalop ng impyerno mo naman nasagap ang tsismis na 'yan?"
"Wala po. Narinig ko po kayong nag-uusap nina Mommy at Daddy, eh. Hehehe—"
Walang sabi-sabing binukulan ko ang ulo ng batang 'to.
"Aww!" angil niya.
"Hindi tamang nakikinig ka sa usapan ng mga matatanda, naintindihan mo?!"
"Papa, hindi dinala nina Tito Booker at Tita Vivian si Conan dito para saktan mo lang. Ang laki-laki ng binabayad nila sa atin tapos gaganyanin mo lang 'yong bata?" At sinermunan ako ni Rachel.
"Buti pa si Tita Elena, eh. Mabait!" bulong ni Conan. Sinadya niyang lakasan nang kaunti para marinig ko.
"Eh 'di do'n ka sa matandang dalagang 'yon!"
"Hmp!" Ako at si Conan.
"Para kang bata, Papa!" opinyon ni Rachel. "Halika na nga, Conan! Kumain tayo sa restaurant! Iwan natin 'yang salbahe mong uncle!"
"Yehey!"
"Bahala nga kayo!" sigaw ko. Naglakad ako sa kusina, binuksan ang ref at kumuha ng isang lata ng beer.
Muli kong naalala ang mga sinabi ng mag-asawa ilang minuto ang nakakaraan. Nagmahal ako ng iba gawa ng sobrang pangungulila ko kay Elena. Natuon ang atensyon at pagmamahal ko sa asawa ko na dapat ay sa kanya napunta kung sana nakinig lang siya sa paliwanag ko.
"Hanggang kailan ka magmamatigas, Elena?" Bulong ko sa hangin saka ko nilunod ang sarili sa alak.
***
"Aaaaaah!" Napamulat ako sa iyak ni Conan. Nalaglag yata ako sa kama at nadaganan ko siya na natutulog sa baba ng aking higaan.
Wala kasi kaming extrang kama kaya sa sahig ko siya pinatulog. May kutson naman kaya hindi siya lalamigin.
Inalo-alo ko si Conan at hinaplos ang parte na natamaan ko. "Pasensya na, bata. Masakit pa ba?"
"Sakit pa, Uncle!" sagot ni Conan. Pinagpatuloy ko ang paghilot hangga't sa mawala ang sakit.
Maaga pa't 'di pa gaanong maaraw. Bumalik ako sa kama at nahiga ulit. Mayamaya lang ay gigising na muli ako. Nag-set ako ng alarm sa cellphone ko ng seven-thirty ng umaga. May isa't kalahating oras pa ako para matulog.
"Uncle, gising na! Tanghali na! Uncle! Uncle!" Rinig kong tawag ni Conan na sinamahan niya pa ng hampas gamit ang unan ko.
"A-anong oras na ba?" tanong ko at pagsilip ko sa bintana, ang taas na ng sikat ng araw.
"Ten na po!" sagot ng batang 'to. Nabaling ang kanyang atensyon sa cellphone niya nang mag-ring ito. "Excuse me po!" Paalam niya.
Alas-diyes pa lang. Hay, akala ko paggising ko, tanghalian na. Ano kayang pagkain sa mesa? Nagugutom na 'ko.
"Hello? Oh, Hailey, ikaw pala! Absent si Teacher Melanie kaya wala tayong klase... Ha? Eight ka na nagising? Buti na lang pala wala si Teacher kasi kung nagkataon baka late ka nang nakapasok sa school."
Napahinto ako bago pa ako makalayo. Parang may mali.
"I forgot to remind you that I have a meeting by tomorrow and I want you to come with me. Magkita na lang tayo sa lobby ng Bernardo Hotel ng alas-otso para sabay na tayong pumasok sa conference room. Don't get late or you know what will happen."
Naku po, ginoo! Unang araw ko pala ngayon sa trabaho at kabilin-bilinan ni Elena na huwag daw akong mahuhuli dahil may meeting siya ng alas-otso! Lagot! Lagot Lagot!
Nag-alarm ako, eh. Bakit hindi tumunog? 'Di kaya... Na-set ko ang alarm ng gabi sa halip na umaga!
"Eeehhh?! Naloko na!"