webnovel

First LQ

Aliyah Neslein Mercado's

MABIGAT ang loob ko nang gumising ako kinabukasan. Natulog kasi ako ng may samaan kami ng loob ni Onemig. First time na nangyari  ito sa loob ng sampung buwan na relasyon namin.

Kagabi pinuntahan ko siya sa kanila para ipaliwanag ang side ko. Na ang lahat ay isang maling akusasyon lang ni Greta. Pero hindi nya ako hinarap sa halip si tita Bless ang humarap sa akin. Sinabi ko kay tita ang lahat. Kung sino si kuya Theo at ano lang siya sa buhay ko. Hindi ko alam kung bakit iniuugnay sya sa akin ni Greta sa romantikong paraan.

Nagalit si tita Bless sa ginawa ni Greta. Para sa kanya malinaw na paninira yun sa relasyon namin ni Onemig. Na mayroon itong pansariling intensyon kaya ganon ang ginawa nito. Nakita ko rin ang disgusto ni tita Bless kay Greta. Medyo nainis din siya kay Onemig dahil hindi man lang daw ako hinayaang magpaliwanag at agad itong naniwala kay Greta.

Bago kami maghiwalay ni tita Bless kagabi ay nangako siya sa akin na pagsasabihan nya si Onemig. Kaya kahit na mabigat ang kalooban ko sa nangyari, medyo gumaan na rin kahit paano sa kaalamang may kakampi ako sa katauhan ng ina ng mahal ko.

Ngayong umaga ay nakahanda akong pumunta kila Onemig. Kagigising ko pa lang nang tumawag si tita Bless sa akin. Sinabi nya na pinaliwanag na nya kay Onemig ang side ko at pinagsabihan nya raw ito. Yun nga lang hindi nya alam kung ano ang saloobin nito dahil hindi daw ito kumikibo kahit na anong kausap ang gawin nya. Kaya napagpasyahan na lang namin na ako na ang pupunta sa kanila para makipag-usap kay Onemig.

Nagpaalam ako kay mommy na pupunta saglit kila Onemig. Hindi ko sinabi yung nangyari kagabi dahil ayoko namang idamay pa sila sa samaan ng loob naming dalawa.

" Good morning ma'am Liyah. " masayang bati ni Chuchay nang pagbuksan nya ako ng gate.

" Good morning Chay. " malungkot kong tugon.

" Ay mukhang hindi maganda ang gising ni ma'am beautiful. " puna nya.

" No, ayos lang ako Chay. Si tita Bless nasaan? "

" Nasa dining room na po nag-aalmusal. Tara na po kayo ma'am. " giniya na nya ako sa loob ng bahay kung nasaan si tita Bless.

"Good morning po tita. " bati ko kay tita saka nagmano sa kanya.

" Morning nak. Halika samahan mo akong mag-breakfast. " pagyaya ni tita sa akin.

" Tapos na ako tita. Thank you po. Si Onemig po? " tanong ko.

" Nasa room pa. Kinausap ko ulit sya kanina. "

" Ano po ang sabi nya? "

" Naku naiinis na nga ako dahil hindi kumikibo. Pinagsabihan ko at sinabi ko na ayusin nyo yang hindi nyo pagkakaunawaan . Ewan ko kung ano ang saloobin nya pagkatapos. Iniwan ko na kasi nayayamot na ako. Sa lahat ng ayaw ko pa naman eh yung nagsasalita ako tapos parang wala akong kausap. Ang mabuti pa puntahan mo na dun sa room nya.  Gising na yun ayaw lang lumabas dahil alam nyang yamot ako sa kanya.Baka nagpapabebe lang yun. Mag-usap kayo ng maayos. "

" Sige po tita ako na po ang bahala. " tumalikod na ako para umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila.

" Liyah? " nakakailang hakbang pa lang ako ng tawagin ako ni tita Bless.

" Po? "

" Huwag mong hahayaang magkasira kayo ni Onemig dahil sa Greta na yon. Hindi ko gusto ang ganoong klase ng babae para sa anak ko. Kung may iuuwing babae si Onemig dito, dapat ikaw lang. " tumango lang ako kay tita at tumuloy na sa pag-akyat sa hagdan. 

Marahan akong kumatok sa pinto ni Onemig ng marating ko ang ikalawang palapag. Narinig ko ang pagkilos nya at pagpihit ng door knob pagkaraan ng ilang sandali. Kinalma ko naman ang sarili ko at huminga ng malalim. Medyo kinakabahan kasi ako.

Gulat ang rumehistro sa mukha nya ng tumambad ako sa harapan nya. Nagkatitigan kami. Pilit kong binabasa ang emosyon na nakapaloob sa mga tingin nya pero wala akong makita.

" What are you doing here? " malamig nyang turan. Parang may tumusok sa puso ko sa paraan ng pagtatanong nya. Blanko.Malamig at walang buhay. Ngayon lang nya ako tinrato ng ganito.

" Uhm. Can we talk? " wika ko. Hindi sya kumibo. Ibinukas lang nya ng maluwag ang pinto upang makapasok ako. Umupo sya sa kama nya samantalang sa upuan naman sa study table nya ako umupo. Magkaharap kami pero malayo ang distansya. Kung magkabati lang kami nunca na pumayag ito na hindi kami magkatabi, eh napaka clingy nya kaya.

Ilang minuto na ang lumipas pero wala ni isa man sa amin ang gustong magbukas ng usapan. Tutal ako naman yung dumayo kaya ako na siguro yung dapat mag-umpisa.

" Beb hindi ba nasa rule na natin yung makinig muna bago mag-judge? So, bakit nagalit ka kaagad ng hindi mo muna inalam yung side ko? " tanong ko.

" Hindi ba nasa rule din naman natin yung walang lihiman? Bakit naglihim ka tungkol dun? " may pait sa tinig nya ng magsalita sya.

" Nasaan na yung trust dun? Di ba dapat yun ang pinaiiral muna? " tanong ko ulit.

" Wow trust!  You are asking me now about trust Liyah? Dapat pa ba akong magtiwala gayung niloloko mo na pala ako? " mataas na yung boses nya. Nagulat naman ako sa sinabi nya. Niloloko? Kailan ko sya niloko?

" Wait, wait, wait! Ako? Niloloko kita? Kailan at paano beb? Hindi pa ba sinabi sayo ni tita Bless ang lahat? " tanong ko. Grabe, ang sakit naman. Inaakusahan nya ako ng bagay na hindi ko ginawa.

" Sinabi. Pero paano kung sinabi mo lang yun sa kanya para magkaroon ka ng kakampi? Sinabi na sa akin ni Greta ang lahat ng nakikita nya sa inyo nung lalaking yon. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin yon, ha Aliyah? " hindi lang pala manloloko ang paratang nya, sinungaling din pala ako para makahanap ako ng kakampi. Hindi man nya direktang sinabi pero parang ganon na rin yon. Akala ko masakit na yung unang paratang nya, may mas masakit pa pala. Pinigil ko ang luhang nagbabadyang tumulo, hindi makakatulong kung iiyak ako sa harap nya.

" Hayun, eh di lumitaw din ang totoo na si Greta ang pinapaniwalaan mo? Beb ako to. Si Aliyah na mula pa pagkabata, kilala mo na. Gaano mo kakilala si Greta para paniwalaan mo ng ganyan? Hindi ba niloko ka nya noon? Kaya mo ba talagang paniwalaan na magagawa ko sayo yon? "

" You never told me anything about that guy. Nakikita ka ni Greta sa school araw-araw kasama ang lalaking yon. Ano ang gusto mong isipin ko? Hindi ka naman nga nagbabanggit sa akin ng tungkol sa lalaking yon, araw-araw tayong magkausap sa phone. "

" Beb kapag nag-uusap ba tayo sa phone, pinag-uusapan ba natin ang iba? "

" No! "

" Precisely! So bakit ko isisingit ang ibang tao sa usapan natin gayong sa ating dalawa pa lang kulang na ang oras?  Sana lang bago ka naniwala kay Greta, nagtanong ka muna sa akin. Ang sakit lang malaman na mas pinaniniwalaan mo sya kaysa sa akin. Inaakusahan mo pa ako na naghahanap ng kakampi. Nasaktan ka sa maling akala mo pero mas nasaktan ako sa panghuhusga mo sa akin ng walang basehan. Sana inalam mo muna sa akin kung ano ang totoo. Ilang beses ng sinira ni Greta ang mga naging relasyon mo noon, hindi mo ba naisip na baka inuulit lang nya ngayon sa akin yon? " hindi ko na makuhang huminahon, medyo malakas na yung boses ko, nasasaktan na kasi ako. Siya naman, nakatingin lang sya sa akin, hindi sya kumikibo. Hindi ko mabasa kung ano ang iniisip nya. Blangko ang ekspresyon nya. Nakakaramdam naman ako ng hindi maipaliwanag na sakit na dumaan sa puso ko sa reaksyon nya. Wala yung dating Onemig na may purong pagmamahal kapag tinitingnan ako.

Ang sakit lang kasi na kung sino pa yung mahal mo, siya rin yung nagbibigay ng sakit ng kalooban mo. Tama nga si dad, love is not always about rainbows and unicorns, lamang talaga yung sakit.

Nung hindi pa rin sya kumikibo, nagpatuloy pa rin ako.

" Theo is just a friend. Kaibigan ko sya sa Switzerland. He is actually like a family to us. Pinsan sya ni Mark, yung parang brother ko, yung kababata din natin. Kung nakakasama ko man sya, yun ay dahil sa pinsan nya si Sav at sya ang pansamantalang nagpapatakbo ng university. " nakatingin lang sya sa akin ngunit tila may yelo ang mga tingin nya. Malamig.

" Ngayong nasabi ko na sayo, bahala ka na kung maniniwala ka o hindi. Ito ang mga bagay na hindi alam ni Greta pero nagawan nya ng kwento. Isa lang ang bagay na natuklasan ko ngayon, kaya mo pala akong pagdudahan sa kabila ng pagiging tapat ko sayo. Mas pinaniwalaan mo yung taong hindi lang minsang nasubok mo ang katapatan. Sabagay, she was your first in everything kaya mahirap mapantayan. Sige salamat sa oras mo. Alis nako. " yun lang at tumayo na ako at diretsong lumabas na ng silid nya. Wala syang sinabi at hindi rin nya ako pinigilan.

Kasabay ng pagsasara ko ng pintuan ng silid nya, ay ang pagtulo ng luha ko na kanina ko pa pinipigilan. Ayoko kasing umiyak sa harap nya kahit ang sakit-sakit na.

Kung hanggang dito na lang kami, kahit masakit, tatanggapin ko. Mahirap makipag-kumpitensya dun sa taong nauna sa kanya sa lahat. Kita nyo naman, mas pinaniwalaan nya yun kaysa sa akin na girlfriend nya. Ang sakit di ba?

Pero kahit ganon ang ginawa nya, uunawain ko pa rin sya. Hindi sya perpekto pero mahal ko sya. Nung minahal ko sya, niyakap ko na rin ang mga flaws at weaknesses nya. Pinagdudahan man nya ang katapatan ko sa kanya ngayon hindi ibig sabihin non magagalit na ako at gaganti sa kanya. Ang totoong nagmamahal kayang tanggapin maging ang pinaka pangit na pagkatao ng taong pinag-uukulan ng pagmamahal.

The true meaning of love is when somebody hurts you and you try to understand their situation instead of trying to hurt them back.

Be strong Aliyah. Kung tinatapos na ni Onemig ang relasyon nyo, tanggapin mo na lang.

Yeah, I guess this is how things go. What we had was perfect.

Is it really over now?

Sorry tita Bless mukhang hindi ko maibibigay ang hiling mo.