Ilang araw na rin akong balisa, hindi ako makapagtrabaho ng maayos. Sabay-sabay pa ang mga paper works sa office. Todo kayod ako dahil kailangan ko ng pera. Naisangla kasi ang bahay at lupa dahil sa pagkakasakit ni Daddy. Tumutulong din naman si kuya Sander kaso lang, mataas ang pride nina mommy at daddy. Huwag na muna raw kaming isipin ni Kuya hanggat kaya pa namin. Pero nag-aabot pa rin si Kuya ng pera. Retired na si Daddy, iyong pensiyon niya ang pandagdag sa pambili ng mga gamot niya. Si Mommy tumigil na rin sa pagiging nurse, aalagaan daw niya kasi si Daddy, sa bahay na rin siya nagpapa-theraphy. Magkatrabaho rin kami ni Pat, sa HR department siya. Buti pa si Pat engaged na. Ako, ang tagal bago maka-move- on. Nag-ring ang phone ko, si mama, tumatawag. Dumiretso raw ako mamaya sa malaking bahay, gusto raw akong makita ni Tita Angela ang mama ni Lee.
No'ng una ayaw kong pumayag, dahil alam ko hanggang ngayon galit pa rin si Lee sa 'kin. Pero sa isang banda kahit yata isinumpa niya ako, may puwang pa rin siya sa puso ko. Ayaw kong sumuko, baka isang araw, matutunan niya naman akong mahalin.
---
Sa wakas makakauwi na rin ako. Text nang text si Mommy, tanong nang tanong kung nasaan na ako. Sabi ko malapit na, late na nga ako e. Excited na akong makita si Lee, ano na kayang hitsura niya ngayon? Lalo sigurong gumuwapo 'yon. Napahagikgik ako. Para akong tangang nag-iilusyon.
Nandito na ako sa bungad ng malaking gate nila. Pero dumiretso na rin ako papasok sa may garden, namangha ako sa pagkakaayos ng garden nila, may naka-set-up kasing long table, tapos sa gilid ay may nakalagay ring buffet table. Kumakabog ang puso ko. Nang makita agad ako ni mommy ay sinenyasan niya ako saka naman ako lumapit sa kinaroroonan nila, kasama niya si daddy na naka-wheel chair. Pagkalapit ko'y nagmano ako at humalik sa pisngi ni mommy pati rin kay daddy. Wala pa yata sila? Hindi pa sila lumalabas. Akala ko huli na ako. Nagugutom na nga ako. Nahihiya naman akong mauna. May iba ring mga guest na pumunta, mga ibang close friends siguro nina tito at tita. Pero may ibang grupo rin ng mga kalalakihan doon sa kabilang table. Pero kahit simple gathering lang ito, mga bigatin pa rin ang mga bisita nila. Kami lang yata nina Mommy at Daddy naiba rito dahil sa mga suot namin. Lumabas na rin ang pinakahihintay ko. Sina Tito Luigi at Tita Angela, pati rin si Lee. Ang guwapo niya, sobrang guwapo. Dinaig pa ang mga artista. Nagkatinginan kami pero una rin akong nagbaba ng tingin, nagba-blush na yata ako.
Lumapit sa amin ang mag-asawa at binati kami.
Ganoon din ginawa nila sa ibang mga bisita. Pumunta na rin sa kinaroronan namin si Lee, natulala ako. Parang slow motion ang pagpalapit nito sa amin.
Kanina pa pala ako sinisiko ni Mommy at bumulong siya sa akin. "Anak, laway mo, tumutulo." Nasa harapan ko na pala si Lee. Inulit ko rin ang sinabi ni Mommy na narinig at ikinatawa ng lahat.
"Laway mo! tumulo na!" Jusko may pagka-balatong na yata ako. Masyado na akong magugulatin.
"What the heck?!" nakakunot-noong sabi ni Lee.
Sa sobrang pagkapahiya'y, nag-excuse muna ako. Tulo laway naman talaga, guwapo at may hot body na talaga siya ngayon. Samantalang ako pangit pa rin. Narito ako sa kusina nila, nangialam na rin ako. Hindi na ako nahiya kumuha na ako ng pagkain, tutal may nakahapag naman sa mesa, pagkain siguro ng mga maid. Bigla akong napatayo sa gulat at naibuga ang iniinom kong tubig, bigla na lang kasing may lumitaw na guwapong bakulaw sa may tabi ko.
"Ang daming pagkain sa labas, pati pagkain ng mga maid pinakialaman mo pa."
Hindi na ako kumibo kasi mukhang galit siya. Ganiyan ba ang pagbati sa bff niya?
"Alam mo Alex, kahit kailan hindi kita mapapatawad sa mga ginawa mo, ayaw kong maging matigas sa 'yo, kaya lang, galit pa rin ako. At heto lang pakiusap ko, kapag kaharap natin ang ibang tao, gusto ko okay tayo. Naintindihan mo ba?" nayayamot na sabi niya.
Gusto kong maiyak, hindi pa rin pala siya nakakalimot. Bitter pa rin. May sapi pa rin siya ng espirito ng ampalaya.
---
Pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon kanina parang walang nangyari ah? Seryoso, magaling pa lang magpanggap si Lee. Biglang nagsalita si Tita Angela
"Alam mo ba, Alexandra? Laging ini-stalk ni Lee ang facebook account mo o baka naman tinitingnan din niya ang status mo, Alexandra?"
Nagkatawanan ang lahat sa sinabi ni Tita Angela. Nailang tuloy ako.
"Tingin pa ng tingin sa account mo, e hindi ka naman magawang i-add as a friend niyan," dagdag sabi pa ni Tita Angela. Inginuso pa nga nito ang anak at saka tatawa-tawang tumingin sa akin. Nahihiya na tuloy ako. Si Lee naman hindi maipinta ang mukha.
"Matagal na ba kayong hindi nag-uusap?" tanong pa ni Tita Angela. Ang kulit niya.
---
Hindi ako natutuwa kay Mama sa pang-aasar niya, oo nahuli niya ako na nag-stalk sa account ng babaeng ito pero 'di ibig sabihin no'n na nakalimutan ko na ang mga nagawa niya sa akin. Kaya nga ako bumalik dito para magawa ko ang plano kong pagpapahirap sa kaniya. Dahil sa kaniya nawala ang dalawang taong importante sa buhay ko. Ang mahal kong si Akira at ang magiging anak sana namin.
"Lee, anak. Matagal na ba kayong hindi
nag-uusap?" Inulit ni Mama ang tanong.
"No, Ma, alam n'yo naman busy ako lagi, but it's good to see her, after 5 years nakakamiss din pala si Alex." Bumaling ako sa kaniya. Siya nama'y kunwaring ngumiti sa akin, ngiting nakakaloko na kaming dalawa lang ang makakapansin.
Mahal ako ni Alex, kaya iyon mismo ang gagamitin ko upang pasakitan siya. Noong ipinagtapat niya sa akin na mahal niya ako, simula pa lang tumanggi na ako, dahil wala naman talaga akong nararamdaman para sa kaniya. Kapatid lang ang turing ko sa kaniya. Iyon ang totoo. Tuluyan nang nasira ang pagkakaibigan namin dahil siya na mismo ang lumalapit sa akin, naging stalker ko rin. Lahat ginagawa niya para sa akin. Inaayahan ko na lang din baka kasi isang araw magsawa rin siya sa mga ginagawa niya. Pero hindi e, minsan pa nga bigla na lang akong hinalikan sa labi, nabigla ako at nasampal ko siya. Nag-sorry ako pero bigla na lang siyang umiyak at nagmadaling umalis. Sirang-sira na ang pagkakaibigan namin, akala ko nga 'yung pangyayaring iyon ang makakapagpabalik sa kaniya sa dati, akala ko natauhan na siya kasi hindi ko naman talaga siya gusto. Ilang araw ko rin siyang hindi nakikita simula noong insidenteng iyon. Akala ko tapos na siya hindi pa pala.
"Ok, Hijo. Siguro naman magiging okay na kayo. Kalimutan na ang nakaraan para makapagsimula ulit tayo."
---
Nakauwi na kami, hinatid ko na si Daddy sa kuwarto, so far, so good, nakakabawi na rin si daddy, medyo nakakahakbang-hakbang na. Hiniga ko na si Daddy sa kama, kinumutan at hinalikan sa noo. Nginitian ako ni daddy sumenyas siya sa akin na umupo muna ako. Pinipilit niyang nagsalita. Kaso lang nauutal-utal pa rin.
"Daddy, may gusto po ba kayo?" tanong ko saka niya hinaplos ang mukha ko.
"K-ka-Kyle..." nauutal niyang sabi.
"Daddy, hindi pa po puwedeng umuwi rito si Kyle," naluluha kong sabi sa kaniya. "Miss mo na ba siya, Daddy? Miss ko na rin po siya," nanginginig ang boses na sabi ko. Niyakap ko si daddy at doon ko na naibuhos ang mga luha kong kanina pa gustong tumulo.
Tumango lang sa akin si Daddy at pilit ngumiti. Gumanti nang mahigpit na yakap sa akin si Daddy. Mas panatag ang loob ko sa tuwing kasama ko sila.