webnovel

Hemira 0

Prologue: Pahiwatig na mga Tula

* * *

Isang babaeng heneral ang naatasan

Prinsesang binihag, hanapin sa saan

Maglalakbay nang malayo, makikipaglaban

Maipon lamang, makapangyarihang mga kasamahan

*

Maalong lugar, doon magsisimula

Mga papel, makapagtuturo ng daan sa kaniya

Ngunit bantay ito ng marikit na tubig diwata

Himuking mabuti upang kaniyang makuha

*

Sunod, makikita sa papel na may dugo

Isang munti, nagiging mabangis ang anyo

Galit sa lahat, kailangang masuyo

Nang maisama sa lakbay na malayo

*

Hanapin, hanapin, isang binatang salamangkero

Hindi alam sa sarili, kaniyang makapangyarihang talento

Ituro, mahihiwagang bagay, sa kaniya ay bago

Pakiusapan na sumama sa mistikang mundo

*

Siya'y makararating sa pugad ng malalaki

Hahanapin dalawang tao, katulad niya'y munti

Siya'y makikipaglaban sa may-ari sa mabuti

Gagawa ng pabor nang puso ng nagmamay-ari sa masama'y mahuli

*

Berdeng kapaligiran, sundan, maglakbay pa

Nag-iikot na dalaga, nagtataglay ng gandang mutya

Magtutuyo sa sugat, magpapawala sa sakit na dama

Kakayahang ilipad ka, pili man lamang din kaya

* * *

Chapter 1: Labanan sa Gemuria

~Tagapagsalaysay~

"Protektahan ang palasyo!" sigaw ng babaeng mandirigma sa kaniyang mga kasamahan sabay saksak sa kalaban na nasa kaniyang harapan na dapat ay aatakihin na siya.

"Opo!" Nagpuntahan ang marami pang mandirigma sa may pinto ng palasyo gaya ng kaniyang utos.

Ang lahat ay kasalukuyang nakikipaglaban sa isa't isa. Libong mga mandirigma ng kahariang Gemuria laban sa mga MOSTRO.

Ang mostro ay ang tawag sa iba't-ibang klase ng mga halimaw at masasamang nabubuhay.

Tanging maririnig ay ang mga kalansingan at pagtatama ng mga espada at sandata sa isa't isa, sigawan ng sakit at pagsugod pati na ang atungal ng mga halimaw na kanilang mga kalaban.

Napatingin ang babaeng mandirigma sa may malaking pintuang yari sa kahoy na daan papasok sa palasyo. Nakasara iyon ngunit may mga kalaban na may buhat na malaking-malaking katawan ng puno at saka iyon ipinangsasalpok doon. Umaalingawngaw ang napakalakas na tunog na ginagawa niyon at puro malakas na pagsabog din ang tumutulong na sumira doon.

Mayroon ding mamamataang mga nabubuhay na lumilipad sa kalangitan. Ang iba'y kakampi nila na mga puting maheya na kayang-kayang lumipad na walang kahit anong sinasakyan dahil sa kanilang gamit na mahika at ang marami naman ay mga itim na maheya na kanilang kalaban.

Paikot-ikot din sa himpapawid ang mga uwak na pagkalaki-laki na aakalain nang mga taong may pakpak. Ang mga iyon ay tinatawag na KROWA na nang-aatake ng mga puting maheya.

Unti-unting dumilim ang kalangitan nang may makapal at itim na usok ang siyang humarang sa sinag ng araw.

Nakita niyang limang itim na maheya ang nakabilog at magkakahawak ang kamay hindi kalayuan ang sumasambit ng kung anu-anong mga salita upang gumawa ng itim na mahika na nagpapadilim ng langit ngunit naibalik ang atensyon niya sa palasyo nang marinig ang malakas na pag-ingit ng isang pinto.

Namilog ang kaniyang mga mata nang makitang unti-unting bumubukas na iyon.

Nasira na ang napakatibay na pangharang sa loob ng pintong iyon! Pati ang mga bantay na naroroon na gumawa ng mahikang panangga ay kakaunti na lamang ang bilang. Isa sa natira sa mga iyon ay ang pinakapinuno ng hukbo ng mga maheya at hindi na rin nito magawang pigilan ang pagdumog ng mga kalaban sa pagpasok sa palasyo.

Unti-unti na ring nauubos ang kanilang mga mandirigma at ang mga natira na lamang ay ang mga pinakamalalakas ngunit kulang na kulang naman ang kanilang bilang upang matalo ang mga kalaban.

Nakuyom niya ang kaniyang mga kamao sa nangyayari. "Paslangin ang lahat ng kalabang nakapasok sa palasyo! Wala kayong ititira kahit na isa!" malakas muli niyang sigaw sa mga kakampi at dadalo na ng tulong doon nang may pumalibot sa kaniyang mga mandirigma na suot ay itim na mga baluti. Walo ang mga itong nakapalibot sa kaniya at may hawak na mga espada at kalasag. Wala pang mga galos o sugat ang mga ito at halatang hindi siya hahayaang makatulong na protektahan ang kanilang palasyo.

"HAAAAH!" Sumugod na ang lahat ng mga ito sa kaniya nang sabay-sabay kaya naman buong lakas niyang iwinasiwas paikot ang kaniyang espada upang walang makalapit. Napaatras naman ang mga ito sa lakas ng pwersang lumabas mula roon.

Kahit na may kalasag ang mga ito na ipangpanangga nila sa kanilang mga sarili ay kayang-kaya niyang sirain iyon sa isang pukol lamang ng kaniyang espada. Ganoon siya kalakas ngunit naramdaman niya ang isang matulis na bagay ang bigla na lamang tumarak sa kaniyang tagiliran. "GAAAAAAAHHHH!" sigaw niya sa sakit nang hugutin iyon papaikot ngunit agad niyang iwinasiwas ang kaniyang espada sa direksyon niyon subalit wala siyang tinamaan. Hindi niya nagawang tamaan ang sumaksak sa kaniya. Ni hindi niya nga rin naramdaman ang paglapit niyon sa kaniya bago siya atakihin.

Napaluhod siya sa sakit at hinawakan ang kaniyang sugat. Nang tingnan niya ang kaniyang kamay ay basang-basa iyon ng sarili niyang dugo. Napangiwi pa siya dahil ramdam niya na malalim ang kaniyang tinamong saksak ngunit hindi siya pinanghinaan ng loob.

Kahit na masakit ay pinilit niyang tumayo dahil isa siyang mandirigma. Wala siyang pakialam kahit na mamatay pa siya sa labanan, maprotektahan niya lamang ang kanilang kaharian.

Doon ay unti-unting nabuo ang isang itim na usok sa kaniyang harapan at nag-anyong tao iyon. Agad niyang inihanda ang sarili sa pag-atake sa nabubuhay na iyon.

Isang lalaki ang nabuo roon at kung titingnan ay tila magkasing edad lamang silang dalawa dahil may kabataan ang itsura nito at may kakisigan din ngunit hindi siya nagpaloko sa panlabas na anyo nito. Sigurado siyang balat-kayo lamang nito iyon.

Ramdam niya ang kakaibang prisensya rito. Hindi prisensiya ng isang tao kundi sa iba. Ang lahat ng suot nito ay itim miski na rin ang kapa nito na may talukbong at may hawak din itong espada na may bahid ng dugo na nagtutulo sa lupa. Natanto niya roon na ito ang sumasaksak sa kaniya kanina.

Tumingin ito nang deretso sa kaniya at sinalubong naman niya iyon ng masamang tingin. Handa niya na itong atakihin sa isang maling galaw lamang nito ngunit nginisian lamang siya nito. Sumenyas din ito sa mga kakampi na iwanan na sila at gaya ng nais nito'y nagsi-alisan na nga ang mga kalabang mandirigma saka nakipaglaban na lamang sa mga tagaGemuria.

Dinidilaan ng lalaki ang espada nito na mayroong bahid ng kaniyang dugo. "Masarap ang iyong dugo mandirigma."

Humigpit ang hawak niya sa kaniyang espada. "Ano ang inyong pakay?! Bakit n'yo sinasalakay ang aming palasyo?!" matapang na tanong niya rito kahit na habol na niya ang kaniyang hininga dahil kanina pa siya nakikipaglaban. Nanghihina na rin siya dahil sa patuloy na pag-agos ng dugo mula sa kaniyang nasaksak na tagiliran ngunit hindi niya iyon pinahahalata rito.

"Huwag kang hangal!" sigaw nito ngunit hindi siya nagpatinag. "Bakit ko naman sasabihin na ang pakay namin dito ay ang bihagin ang inyong prinsesa?!"

Namilog ang kaniyang mga mata at natigilan naman ito nang sabihin iyon.

Agad siyang napatinging muli sa palasyo.

"Ikaw! Ano ang ginamit mong mahika sa akin upang ako'y iyong mapaamin?!" bintang nito kaya nakuha muli nito ang kaniyang atensyon at sa poot ay unti-unting nagbago ang itsura nito.

Naging mabalasik na ang mukha nito.

Ang pantay-pantay na ngipin nito'y naging matutulis na at may nagtutulong dugo at mga laman na nakasabit sa mga gilid niyon. Ang matangos na ilong nito ay nawala at napalitan na lamang ng dalawang butas. Naging kulay pula rin ang balat nito at lumaki ang mga bisig, binti pati na rin ang mismong katawan ng nabubuhay.

Isa itong halimaw na BEGUSTA!

Nahilakbot siya sa nasaksihang pagbabagong anyo nito. Hindi niya inakalang makakakita siya ng isang begusta sa buong buhay niya na kayang mag-anyong tao.

Hindi na nga mapakali ang kaniyang loob dahil sa nalaman niyang plano ng mga ito sa kanilang prinsesa ay tumindi pa lalo ang pangamba sa kaniyang dibdib dahil batid niya na mahihirapan siyang talunin kaagad ito kaya naman napahigpit lalo ang hawak niya sa kaniyang espada.

*Kailangan na ako ng prinsesa. Kailangan ko siyang maprotektahan!* Ito ang kasalukuyang pumupuno na mga salita sa kaniyang isipan ngunit unti-unti niyang kinalma ang sarili upang bigyan muna ng atensyon ang kalabang nasa harapan. Batid niyang hindi niya mapupuntahan kaagad ang prinsesa dahil siguradong hahadlangan siya nito kaya muli niyang inihanda ang sarili sa pag-atake.

Nagngangalit pa rin ang Begusta sa kaniya. "GAAAAAAAWWWRRR!" Itinapon nito ang hawak na espada saka siya'y sinugod. Napakabangis ng pag-angil nito at kinalmot siya gamit ang mas humaba at tumulis pa nitong mga kuko ngunit naiwasan niya iyon.

Hanggang…

"GAAAAAAAAAHHHH!" kaniyang sigaw nang masabuyan ng laway nito sa balikat at ramdam niya ang matinding hapdi niyon na tila asido sa kaniyang balat. Nawala ang konsentrasyon niya sa pakikipaglaban dahil doon at nang malakas nitong kinalmot ang kaniyang braso ay hindi niya iyon nagawang maiwasan. Naramdaman niya ang mahahaba nitong kuko sa loob ng kaniyang laman ngunit hindi niya hinayaang hindi kaagad siya makaganti.

Mabilis ang naging pangyayari at kaagad niyang naitarak ang espada niya sa sikmura nito. "GAAAAAAAAWWWRRR!" Hindi nito nailagan iyon dahil hindi nito inaakalang makakabawi kaagad siya.

Hinugot niya na ang espada mula rito papaikot gaya ng ginawa nito sa kaniya kanina at umagos ang kulay berdeng likido mula sa pinagsaksakan niya rito saka mabilis din na nahiwaan niya ito sa pisngi.

Mas lalong bumalasik ang itsura nito sa galit. "GAAAAAAWWWWWWRRR!" Sumugod muli ito gamit ang matutulis nitong mga kuko ngunit sinangga niya iyon ng kaniyang espada.

Napakalakas nito kaya ginamit niya ang lahat ng kaniyang natitirang lakas sa pagsangga ngunit nadadaig pa rin siya nito kaya umuurong na ang kaniyang mga paa. "GAAAAAAHHHHH!" sigaw niya sa sakit dahil napepuwersa nang lubos ang kaniyang sugat sa tagiliran at pati na sa braso.

Kakalmutin na naman siya nito gamit ang isang kamay naman nito ngunit agad niyang sinipa pataas ang isang espadang nakakalat sa kaniyang paanan saka sinalo iyon at ipinangsalag agad doon. Naka-ekis na ang kaniyang mga braso upang mapigilan ang mga kamay nito.

"Iiiigggghh!" Hirap na hirap na siya sa posisyon nilang iyon at nakalalamang ito sa kaniya dahil kaunting puwersa na lamang nito ay tuluyan na siya nitong magagapi.

Ang lapit ng mukha nila sa isa't isa kaya naman kitang-kita niya kung gaano kabalasik ang itsura nito at ang kakaiba ay pulang dugo ang tumutulo mula sa nahiwa niyang pisngi nito. Bigla itong umatungal nang malakas sa kaniyang mukha at amoy na amoy niya ang napakasangsang na hininga nito. Ngunit nang mapansin niya ang sikmura nito na nagawa niyang masaksak kanina ay namilog ang kaniyang mga mata. Unti-unting sumasara na ang sugat doon na tila kusang gumagaling.

"Ahhhhhhhhh!"

Ang malakas na tiling iyon ng isang babae ang nagpalingon sa kaniya sa direksyon niyon at ang nagpatigil din sa marami sa pakikipaglaban.

Kinuha namang tsansa iyon ng halimaw niyang kalaban na siya'y daigin pa lalo. "GAAAWWWRR!" Sinipa siya nito sa sikmura na sa lakas ay nagpatalsik sa kaniya sa malayo at sumalpok pa siya sa isang kalabang mandirigma na abalang makipaglaban sa isang tagaGemuria.

Habol niya na ang kaniyang hininga ngunit sa lakas ng determinasyon niya ay nagawa niya pa ring ibangon ang sarili.

Natilamsikan siya ng dugo bigla nang saksakin ng isang tagaGemuria ang kalabang nasalpok niya kanina na siya'y aatakihin na sana. "Heneral!" Gusto pa sana siyang tulungan nito sa pagtayo.

"Heneral Hemira!" nag-aalalang tawag din sa kaniya ng mga mandirigma sa malapit.

Dahil sa nawala ang atensyon ng mga ito sa kani-kanilang mga kalaban ay sinamantala ng mga iyon ang bukas na galaw na iyon. Pinagsasaksak ang mga ito kaya nalingon niya ang mga ito.

"Mga hangal! Huwag ninyong alisin ang inyong atensyon sa inyong mga kalaban!" galit na sigaw niya sa mga ito dahil sa pagiging pabaya sa labanan.

Tumango naman ang mandirigmang gustong tumulong sa kaniya kanina at bumalik na sa pakikipaglaban. Siya naman ay agad na hinanap ang binibining pinanggalingan ng hintatakot na tili kanina.

Nahawi ang mga naglalaban sa harapan ng palasyo at lumabas mula roon ang isang itim na kabayo na doble ang laki sa pangkaraniwang kabayo. May napakalaki itong pakpak na tila ba sa isang paniki. Matutulis ang dulo ng mga pakpak na iyon.

Isang PEREUS!

Tumatakbo iyon at binabangga ang kahit na sinong madaanan, mapakalaban man o kakampi. Ang mga yabag niyon ay napakalalakas na nagpapayanig nang kaunti sa lupa.

Napatingin siya sa dalawang taong nakasakay roon. Isang napakagandang binibining nakalugay ang buhok ang nasa unahan at siyang nagpapatakbo ng Pereus. Ang suot nito ay tanging ang maseselang parte lamang ang natatakpan ng pulang tela ngunit nang mapadako ang kaniyang tingin sa likuran ng babaeng iyon ay namilog ang kaniyang mga mata.

"PRINSESA CERES!" gimbal na gimbal niyang sigaw.

Have some idea about my story? Comment it and let me know.

BonVoyage_Tencreators' thoughts