webnovel

FLOWER OF LOVE

WARNING: This novel contains some matured and erotic scenes not suitable for teen readers. Isang college student na walang muwang sa tooong mundo, kuntento sa kung anong merun siya at hindi naghahanap ng mga bagay na wala siya. Iyon si Flora Amor Salvador bago makita si Dixal Amorillo, ang nagpakilalang engineer at naging boyfriend pagkatapos siyang mahalikan. Subalit biglang gumulo ang tahimik niyang mundo at dahil sa psychological trauma na naranasan ay nagkaron siya ng amnesia. After seven years ay di niya alam kung paano paniniwalaan ang isang Dixal Amorillo na nagpakilalang asawa niya at pilit siyang pinapaikot sa mga palad nito dahilan upang mainis siya sa lalaki. Subalit paano kung totoo ngang ito ang kanyang asawa at ama ng kanyang genius na si Devon? Paano kung ito pala ang isa sa mga dahilan kung bakit siya nagkaruon ng amnesia, magagawa pa ba niya itong tanggapin, kung kelan malapit na itong ikasal sa pangalawang asawa?

Dearly_Beloved_9088 · Urbain
Pas assez d’évaluations
129 Chs

THE WEDDING INVITATION

"Asan na ang pinagdikit-dikit mong mga papel?" bungad agad sa kanya ni Veron pagkapasok pa lang niya sa opisina nito.

Napansin niya agad ang mga mata nitong hindi yata nakatulog sa buong magdamag sa 'di malamang dahilan.

"Andito ma'am," pasimple niyang sagot saka ipinakita ang bitbit niyang waste bin.

Namimilog na naman ang mga mata nitong agad hinablot sa kanya ang waste bin at kusang binitbit papunta sa mesa nito't itinaob agad sa ibabaw niyon ang laman ng basurahan.

Napapangiti siya habang naiisip ang nangyari kagabi.

Nakikita pa niya ang itsura ng mukha nina Dixal at Lemuel habang nasa opisina ni Dixal at tinutulungan siyang pagdikit-dikitin ang mga papel na 'yon, halos 'di na maibukas ng mga ito ang mga mata sa antok.

Mabuti na lang at natapos nila 'yon bago maghatinggabi.

Nang makita ni Veron ang hinahanap ay salubong ang mga kilay na lumapit ito sa kanya bitbit ang limang pirasong papel kung saan nakalagay ang secret letter para sa ama nito.

"Bakit ito napasama sa mga ini-shredder mo?" mangiyak-ngiyak na usisa sa kanya.

Patay-malisya siyang umiling.

"Bakit, mahalagang dokumento ba 'yan?" tanong niya at akmang kukunin ang mga papel mula rito nang bigla itong tumalikod, nagpunta sa mesa nito bitbit ang hinahanap pagkuwa'y muling bumaling sa kanya.

"Get out! Get out!" sigaw nito sabay turo sa pinto.

Kibit-balikat lang siyang sumunod at lumabas nga ng opisina nito saka hinanap ang assistant finance director.

'What you reap is what you sow!' hiyaw ng kanyang isip.

Marahil ay 'di nito sinasadyang mailagay ang folder na 'yon sa ibabaw ng mesang 'yon at sandaling nakalimutan na do'n pala nito nailagay, pinatungan ng mga gamit ni Derek saka siya pinagbalakang ipahiya sa lalaki.

Ngunit sa pagiging burara nito, nalaman nila ni Dixal na ito pala at ang ama ang isang malaking anay sa kompanya.

Pero kailangan pa niyang mangalap ng mas matibay na ebidensyang ang dalawa nga ang nagnakaw ng ilang milyong halaga ng pera na pagmamay-ari ng FOL BUILDERS INC. at patunayang nakikipagsabwatan nga ang ama nito sa kabilang kompanya para pabagsakin si Dixal.

Ilang minuto na siyang naghahanap kay Derek sa loob ng department ngunit wala ito duon kaya lumabas na lang siya at nagtungo kay Elaine sa malapit lang na research department.

Nakangiti pa siyang pumasok sa loob ng research department para sana gulatin ang kaibigan subalit siya ang nagulat nang pagkakita nito sa kanya'y 'di man lang siya pinansin, ni hindi siya sinulyapan gayong alam niyang nakita siya nito, dere-diretso lang itong lumabas ng department kasama ang tatlo nitong mga ka-officemate.

Ano'ng nangyari bakit gano'n ang naging asal nito sa kanya, as if hindi siya nito kilala? Nagalit ba ito nang iwan niya sa canteen noong isang araw na magkabanggaan sila ni Veron?

Pero kaibigan niya ito, bakit naman ito magagalit nang dahil lang do'n?

Minabuti niyang lumabas agad sa research department at bumalik na lang sa finance department. Marami na siyang problema para idagdag pa ang tungkol sa ginawa ni Elaine sa kanya ngayon.

Hahayaan na lang muna niya ang kaibigan baka nga nagalit ito sa kanya dahil iniwan niya sa canteen.

Pagbalik niya sa finance department, naratnan niyang naninigaw si Veron sa mga tauhan nito.

"Hey, you! Saan ka nanggaling? 'Di ba sabi ko sayo kahapon pa i-encode mo 'yong mga nasa folder?" singhal nito sa kanya.

Patay-malisya siyang dumiretso sa opisina nito, kunwari wala siyang narinig.

"Damn you, you bitch! Hoy narinig mo ba ako?!" sigaw na uli.

Pero hindi niya pa rin ito pinansin hanggang makapasok siya sa loob ng opisina, doon niya nakita ang isang boquet ng mga rosas at may kalakip na invitation card.

Curious siyang lumapit sa mesa nito at tiningnan ang invitation card.

Wedding invitation ng kasal nina Dixal at Shelda? Sino ang nagpagawa niyon? Si Shelda ba?

Isang mapaklang tawa ang narinig niyang pinakawalan ni Veron nang makita siyang nakatitig sa invitation card.

"Ano, 'di ka makapaniwalang pati ikaw ay pinaglalaruan ni Dixal? Just look at the invitation, three days from now ay ikakasal na siya kay Shelda. Lahat ng pagpapantasya mo sa kanya matutuldukan na rin," wika nito na may kahalong panunuya.

Sa halip na sumagot ay lumabas siya ng opisina at humingi sa naruon nang si Derek ng isang computer saka pinakiusapang ilagay sa loob ng opisina ni Veron para may magamit siya. Tumalima naman ang lalaki kasama ang tatlo pang empleyado.

Habang inaayos ang kanyang computer na gagamitin sa ibabaw ng mesang nilinis kahapon ay panakaw ang sulyap niya kay Veron na tahimik nang nakaharap sa computer nito ngunit kapansin-pansin ang pagpupunas ng tissue sa ilong.

Nakaramdam siya ng awa rito. Marahil nga seguro'y mahal talaga nito si Dixal at hinihintay lang nitong bigyan ng kunting pagtingin man lang ng lalaki. Pero sa halip ay para pang isinampal sa pagmumukha nito ang wedding invitation na 'yon.

"Hello, bestfriend!"

Napalingon ang lahat ng mga nasa loob sa masayang bati ng pumasok.

Kahit siya'y napaharap na rin dito.

At totoong nagulat siya sa nakita. Si Shelda nakaabrasete kay Dixal?!

Nagtama agad ang kanilang paningin ng lalaki ngunit una itong yumuko.

Naguguluhan siyang napatitig sa asawa. Bakit pumayag itong sumama kay Shelda?

Ang tamis ng ngiting tila nakadikit na sa mga labi ni Shelda nang umagang 'yon habang papalapit sa napatayong si Veron.

"What are you doing here?" Malamig ang boses nito sa babae.

"Nagustuhan mo ba ang invitation namin ni Dixal? This is just for old times sake dahil itinuturing pa rin kitang matalik na kaibigan hanggang ngayon kahit patuloy ka pa ring lumalandi sa fiancè ko kahit alam mo nang ikakasal kami," maarteng sambit ni Shelda habang nakapulupot ang mga kamay sa lalaking 'di magawang magsalita at 'di makatingin sa kanya nang deretso.

Nalilito siya sa nangyayari. Sa bibig mismo ni Dixal nanggaling na 'di ito pakakasal kay Veron, pero bakit ngayon ay namimigay pa ito ng wedding invitation?

Ngunit nakapagtatakang hindi man lang siya nasasaktan habang nakahawak ang babae sa braso ng kanyang asawa na dapat sanay nanggigigil na siya sa galit ngayon pero wala. Panatag ang kanyang puso.

Mas lalo siyang nalilito sa naging manhid na ata niyang puso.

Lumapit si Veron kay Shelda at nanunuya nitong binulungan ang huli.

"'Wag kang pakakasegurong mananalo ka nga sa laro. Marami pang mangyayari sa tatlong araw na 'yan bago ang kasal niyo. Who knows maagaw ko pa siya sa'yo," usal nito saka tumawa nang malakas ngunit halata pa rin ang pagkatalo sa tawang 'yon.

Halakhak din ang iginanti ni Shelda.

"You're just a loser, Veron. Mahal ako ni Dixal. Ayaw mo lang amining hindi ka niya magagawang mahalin kahit kelan," anang babae saka uli tumawa nang patuya at inaya si Dixal na umalis na.

"Don't forget to attend our wedding bestfriend," tila nananadya nitong paalala bago tuluyang lumabas ng opisina.

Sa galit ay inihagis ni Veron ang bouquet sa pinto ng opisina at pinatgtatapon ang mga folder at kung anong mahawakan sa ibabaw ng mesa nito saka galit na galit na umupo sa swivel chair pagkatapos. Maya-maya sila naman ang binalingan.

"Get out of here! All of you!" sigaw nito sa kanila.

Unang lumabas ang isang empleyado sa takot na mapagbuntunan ng galit ng amo, hanggang magsunuran na ang iba pa at kahit siya'y napilitan na ring lumabas ng opisina.

Pagkalabas lang sa pinto, mga tumitilapon nang kagamitan ang tanging maririnig sa labas.

"Kawawa naman si Ma'am Veron. Pinaasa lang ni sir Dixal," narinig niyang wika ng isang babae sa kanyang likuran.

"Ano'ng pinaasa? Siya 'ka mo ang umasa kahit alam naman niyang may ibang mahal si big boss," salungat naman ang sinabi ng isa pang babae.

"Pero ang alam ko, ayaw magpakasal ni chairman kay Shelda. May narinig nga akong usap-usapan sa labas na nakita nila si sir na may kasamang ibang babae kahapon. Take note, nakaakbay si sir sa babae at ang coat ni sir, nasa babae," sabad naman ng isang bakla.

"Ows, talaga? Saan daw nila nakita?" halos magkuros na tanong ng karamihan, nawala na sa dalagang nagwawala sa opisina nito ang atensyon ng mga empleyado kundi sa babae nang kasama ni Dixal kahapon.

Namumula ang pisnging tumalikod siya sa lahat, kunwa'y umupo sa isang bakanteng silya sa labas ng opisina ni Veron pero dinig na dinig pa rin niya ang usapan ng mga kasama.

"Hindi nila nakita ang itsura ng babae pero maganda daw ang katawan tsaka tamang tangkad lang din daw, mga 5'2," kwento ng bakla.

"Pero maganda ba daw?" usisa ng isa pa.

"Aba natural 'yon. Hindi naman seguro pipili si chairman ng pangit at ipapalit kay ma'am Shelda eh mala-anghel ang ganda ni Ma'am Shelda," pasupladang sabad ng isang babae.

Mataman lang siyang nakikinig sa usapan ng mga 'to habang pinakikinggan rin ang pagwawala ni Veron sa loob ng opisina.

"Pero may nabalitaan akong nakita na raw ni big boss ang asawa niya."

Duon na siya napatingin sa nag-uumpukang mga empleyado na mas matinda pa sa mga tsismosa sa kalye kung magtsismisan.

"Talaga? 'Di ba matagal na silang makahiwalay ni sir? Baka naman tsismis lang 'yon. Mas maniniwala pa ako sa nakita nila kahapon. Ayun, talagang totoo 'yon kaso nga lang eh 'di nakita ang mukha ng babae kasi nakasumbrero siya."

"Hala, baka 'di pa matuloy ang kasal nila sa darating na araw. Andami namang nag-aagawan sa isang lalaki lang eh and'yan naman ang kakambal ni chairman, 'yong executive director, kamukha 'yon ni sir," sabad ng babaeng unang nagsalita kanina.

Agad siyang napatingin sa nagsalitang babae. Dumating na pala ang kakambal ni Dixal? Himala, hindi ata siya ginugulo ngayon na dati ay para niyang stalker 'yon, lagi siyang kinukulit.

Naalala niyang huli niya itong nakita bago umalis ay may pasa ito sa mukha. Gano'n din ang kanyang asawa noon, seguro nagsuntukan ang dalawa at ang una ang dehado sa dami ng pasa nito sa mukha. Gano'n ba talaga ang magkapatid na 'yon, laging nag-aaway?

Biglang bumukas ang pinto ng opisina ni Veron kasabay ng pagtahimik ng mga empleyado.

"Hey you! Linisin mo ang opisina ko!" utos nito sa kanyang napaawang ang labi sa pagkadismaya saka sinilip ang tila binagyong silid.